CASE 04: Tales from the Crypt

CASE 04:
Tales from the Crypt


02:41, Klab Maharlika - Manila Chapter

TAMA NGA SI SIMM. It was big deal.

Hindi naman talaga madalas makipag-usap ang mga anito sa mga tao, ngunit sa kanilang mga Maginoo ay kahit papaano, sumasagot sila sa mga panawagan.

'Yun pa nga ang isa sa tungkulin ng mga katalonan, mga babaylan sa Katagalugan. Dahil sa kanilang kakayahan, sila ang inatasang makipagsangguni sa mga espiritu ng kapaligiran sakaling may sakunang naganap o malalang sakit ang mga miyembro ng isang balangay.

Noon 'yon. Ngayon, bihira na ang pagsasangguni. Madalas ay kapag nagkakaroon na ng hidwaan sa pagitan ng mga maligno, ng mga anito, at ng normal na mundo ng mga tao.

Kaya't mas pinalawig ang pakikipagusap sa mga ito. Ang mga Maginoo ay mas kayang kumonekta sa anitong kanilang pinanggalingan, halimbawa ay si Simm sa kaniyang ninunong si Guidala.

Ngunit ang mga anitong may mas mataas na tungkulin tulad nina Apolaki na siyang kasalukuyang bantay ng araw o kaya'y si Mayari na bantay ng buwan, bihira nang magpakita sa kalupaan. Madalas ay naghahatid lamang ng mensahe sa pamamagitan ng kanilang opisyal na mensahero, ang mga umalohokan.

Naalala ni Kit ang imahe ng bangkay ng natagpuan nilang umalohokan sa clock tower? Sino ang umatake dito? Ano ang kaniyang layunin? May kinalaman ba ang kasong ito ngayon sa kanilang kinakaharap?

Pagkatapos magpaalam ay lakad-takbo siyang tumungo sa gawing kanan ng tenement, sa unang palapag kung nasaan ang nagsisilbing clinic ng kanilang kanlungan, ang panambalan.

Kasunuran niya sina Simm at Yana na kapwa nagtataka rin sa mga nangyari.

Pagbukas nila ng pinto'y bumungad ang malaking kwarto kung saan may 'di bababa sa dalawampung Maharlika ang mga nakaupo at nakahiga sa mga kama habang ginagamot ng ilan pa nilang kasamahang may pagsasanay sa panggagamot.

Pinaghalong modernong medisina at mga tradisyunal na halamang gamot ang gamit nila kaya't naghalo-halo ang matapang na amoy sa maaliwalas na lugar.

Nilinga-linga ni Kit ang paligid habang binabaybay ang panambalan. Wala naman siyang napansing may malalim na sugat o malalang kondisyon.

Naagaw ang kaniyang pansin ng isang matangkad na babae sa gawing kaliwa, fitted ang suot na berdeng damit, malago ang mahabang buhok, malamlam ang mga mata dahil sa puyat. May kausap itong lalaking nakasalamin na nakasuot ng varsity jacket.

Nakita siya nang dalawa, naging seryoso ang tingin ng mga ito na may halong pag-aalala.

"You're finally here," sabi ng babae na may kasunod na buntonghininga, tila kanina pa sila hinihintay.

"Ano'ng nangyari, Mhey?" tanong ni Kit.

"Excuse me," sabi ng lalaking nakasalamin. "I'll catch up with the others," pagpapaalam nito kay Mhey bago umalis at tumungo sa puwesto nina Simm at Yana na nangangamusta sa iba pa nilang kasamahan.

Ilang segundo bago sumagot ang babae. "Well, as you can see. Nagkainitan ang mga kasamahan natin. May bagong sandatang naimbento ang mga Mananandata, na-test nila sa field. Ayun! Boom!," pagmumustra nito gamit ang mga kamay, tinutukoy ang butas sa pader ng kanilang kanlungan.

May sigla ngunit walang halong biro ang paliwanag ni Mhey.

Napalunok ng laway si Kit. Hindi niya alam kung hihingi ba siya ng tawad ngayon dahil wala siya sa Klab nang mangyari ang lahat. Siya na mismo ang nagpangaral sa sarili niya. Ibinulong niya na kung ginagampanan niya lamang ang tungkulin bilang Punong Maharlika ay hindi ito mangyayari.

Napansin siguro ni Mhey ang pagtahimik ni Kit. Ramdam nitong sinisisi niya rin ang sarili kaya hindi na niya ito ginatungan pa. Tinapik niya ang balikat ni Kit bago umalis palabas ng panambalan. "Meet me sa President's Hall in a bit." Dumapo ang tingin niyo sa suot ni Kit na itim na jacket. "And please wear your badge whenever you're inside the Klab."

Tumango lang si Kit. Pinilit niyang pabagalin ang pagtibok ng kaniyang puso na kanina pa pala kinakabahan. Kinuha niya sa bulsa ang nakatagong tsapa na gawa sa ginto, ang badge bilang lider ng Klab Maharlika. Ikinabit niya iyon sa kaliwang dibdib.

Tuwing field work lang naman nila ito puwedeng hubarin ngunit sadyang hindi pa siya sanay sa antas na nakaatang sa kaniya ngayon kaya madalas niya ring nakakalimutan isuot.

Sa dulo ng silid ay namataan niya si Tandang Felicia. Isa itong kokok, mukhang matandang babae na maliit lamang ang postura, pahaba at patulis ang hugis ng ulong natatabunan ng manipis na puting buhok, malapad ang makapal na labi, at nakasuot ng lumang bahag. Madalas na tumatawa ang mga kauri niyang nilalang.

Maliban ngayon, ramdam niya ang kaseryosohan nito.

Bago pa ipanganak si Kit ay si Tandang Felicia na ang nagsasanay sa mga katalonan at manggagamot ng kanilang chapter. Matalik din itong kaibigan nang kaniyang yumaong ama.

"Puno, andito na kayo!" Naagaw ang atensyon niya ng pagbati ng isang batang babaeng katabi ni Tandang Felicia. Naka-tirintas ang buhok nito sa kaliwa at kanan. Maayos ang pananamit at may clip sa buhok na bulaklak ang disenyo—si Lily, ang kadiwa ni Simm.  Isa ito sa butihing estudyante ni Tandang Felicia sapagkat may kakayahan itong manggamot sa pamamagitan ng tubig.

Ikinaway lang ni Kit ang kamay. Agad na umalis sa puwesto si Lily at nagtatakbo lagpas sa kaniya papunta sa puwesto nina Simm. Sabik na siguro itong makita ulit ang kadiwa.

Naiwan siya at si Tandang Felicia na nagmamasid sa isa pang Maharlika na walang malay.

Ibinaling ng matanda ang seryosong tingin sa kaniya bago tumalikod at naglakad nang dahan-dahan patungo sa malaking pinto ng isa pang silid. Tumigil ito nang marating ang pintuan.

Nilingon muna ni Kit ang mga kasamahan na sa tingin niya'y mga abala naman sa pangangamusta. Pagkatapos ay sinundan niya ang matanda para siya mismo ang magbukas ng mabigat na pinto na gawa sa kahoy at may kalumaan na, maging ang disenyo nito.

Hinayaan niyang makapasok muna si Tandang Felicia bago siya sumunod at ipininid nang maigi ang pinto. Kusang nawala ang ingay ng panambalan at bumungad ang katahimikan ng silid.

Tumambad sa kanila ang iba't ibang klase ng sandata at armas. May gawa sa kahoy, sa plastic, at metal. May iba't ibang area para sa pagpapanday, paghuhulma, at pagtitimpla ng tamang kasangkapan para sa mga sandatang ginagamit ng mga Maharlika sa kanilang pagsasanay. Pagtitimpla sapagkat karamihan ng mga ito'y may halong asin, inasnang asero ang tawag nila, sapagkat nagpapatibay ito sa bakal at epektibo panlaban sa mga masasamang maligno.

Kaya't nagtataka si Kit kung bakit siya dito dinala ni Tandang Felicia kahit pa mapanganib ang mga bagay dito para sa tulad nitong isang kokok.

Nagpatuloy sa pag-iikot sa malaking silid ng mga Panday ang matanda. Nang makakita nang lamesa ay tumalon ito ng ubod nang taas kumpara sa isang metro niyang tangkad, at hinarap ang nagugulumihanang si Kit. Magkapantay na sila ngayon ng tingin.

"Kitoy," malumanay nitong tawag kay Kit.

Pagkarinig niya noon ay 'di na napigilan ni Kit ang maluha. 'Yun din ang tawag sa kaniya ng ama niyang si Apo Ambo.

Agad niyang niyakap ang matanda.

"Tahan na," hagod nito sa kaniyang likuran.

Umalis siya sa pagkakayapos at agad na pinunasan ang tumulong luha. Nahiya siya na baka makita siya ng mga kasamahang umiiyak.

"Tandang Felicia, pasensiya na ho." Tila sisipunin 'ata siya't pasinghot-singhot habang nagsasalita.

"Hindi ka sa akin dapat humingi ng pasensiya. Hihihi." Lumabas na ang natural na pagtawa ng kokok. Ibig sabihin nito kay Kit ay wala naman itong sama ng loob sa kaniya sa nangyari. "Agad namang natugunan ng mga katalonan ang mga kasamahan mo."

"Nakikita ko nga po. Salamat ho talaga."

"Walang anuman, Kitoy. Ngunit hindi pa tapos ang ating suliranin."

"Nabanggit nga ho sa akin ni Hiyas." Agad na ikinuwento ni Kit ang natuklasan nila sa clock tower, ang pagpaslang sa umalohokan, at ang tila kawalan ng komunikasyon sa mga bathala.

Napabaling ang tingin ng matanda sa pintuan. "Sinubukan ko rin kanina ngunit wala sa kanila ang tumugon," tukoy nito sa pagsangguni sa mga anito sa tuwing may problema sa kalupaan na maaring may kinalaman ang mga puwersang hindi nila kontrolado. "Alam kong ako'y matanda na... "

"Oo nga po," pakling tugon ni Kit sabay ngiti.

Napakunot ang noo ni Tandang Felicia na tila masungit na teacher kaya napatikhim bigla si Kit kahit sinusubukan niyang pagaanin ang loob.

"... hindi naman ito ang unang beses na nangyari ito," pagpapatuloy ng kokok. "Matagal na rin namang hinayaan tayo ng mga anito. Ang utos ni Bathala, pangalagaan ang kaniyang nilikha't nasasakupan. Ngunit matagal na siyang wala. At ang mga naiwan, katulad ng mga kasamahan mo, hindi na rin nagkakasundo."

Nagulat si Kit sa rebelasyon ng matanda. "Ho? Nagaaway-away na ang mga anito?"

"Matagal nang may hidwaan ang mga iyan." Tumingala si Tandang Felicia para pagmasdan ang mababang chandelier ng silid. May disenyo ito ng araw at buwan, umiikot na parang orasan, isa sa mga disenyo ng Panday sa Klab, nagsisilbing ilaw ng gawaan nila at tagapaghudyat na rin ng oras.

Itinuloy ng matanda ang kuwento. "Kung naaalala mo ang salaysay kung paano nabulag ang dilag ng buwan na si Mayari? 'Di ga'y natalo ni Apolaki sa duelo kaya't siya ang namahala sa araw at nagmana ng tungkulin ni Bathala upang pamunuan ang mga anito."

Tumango-tango si Kit. Alamat lamang iyon para sa ilan pero sa kanila, 'yun ang tunay na nangyari kung bakit hindi nagsasama ang araw at buwan sa langit.

"Ngunit ang kutob ko'y mas sinauna pa ito sa labanan ng dalawang bathaluman."

"Ano po ang inyong gustong sabihin?"

"Malaking anino, malakas na puwersa ng hangin... Isang anito lang ang pumapasok sa isip ko. Ang isinumpa."

Bumilis ang tibok ng puso ni Kit. Kung ganoon ay tama nga ang hinala niya. Ito ang naikukwento sa kaniya ng kaniyang amang si Apo Ambo, na muling maghahasik ng lagim ang anito ng kalibutan, ang nagmana ng kapangyarihan ng hangin na isinumpa ni Kaptan, ngalan ni Bathala sa mga Kabisayaan.

Gumilid si Tandang Felicia upang ipakita kay Kit ang malaking ukit sa pader na kahoy ng silid. Naroon ang dibuho ni Bathala kasama ang apat pa na anito na may kaniya-kaniyang kapangyarihan. Ito ang pinagmulan ng araw, buwan, at mga bituin sa langit.

Inalala ni Kit ang kuwento ng magkakapatid na bathaluman. Sina Liadlaw, Libulan, Lisuga, at Likalibutan, mga inapo ni Lihangin. Noon pa man ay may namamana nang kapangyarihan ang mga may lahing anito. Nang pumanaw si Lihangin at maipasa ang kapangyarihan nito kay Likalibutan, naghamon ito sa Kaluwalhatian, ang lugar na tirahan nina Kaptan, kasama ang mga kapatid na sina Liadlaw at Lisuga.

Nag-init ang ulo ni Kaptan at pinuksa sila. Sa katawan nina Liadlaw at Libulan nagmula ang araw at buwan. Kay Likalibutan naman ang kalupaan. At sa bunso nilang kapatid, si Lisuga, na sabi sa mga kuwento'y hinahanap lamang ang mga kapatid, ay napagbuntunan ng galit ni Kaptan. Sa katawan niya nagmula ang mga bituin sa langit.

Sa mga ito rin nagmula ang mga mahihiwagang metal na epektibong nakakapusa ng mga maligno, ang adlawang ginto, bulanang tanso, at sugang pilak kung saan gawa ang karamihan ng mga sandata nila katulad ng punyal ni Kit na gawa sa bulanang tanso at ang espada ni Simm na mula naman sa sugang pilak. Tanging mga Maharlikang tulad nila ang nakakagamit nang husto sa mga mahiwagang metal na ito.

Iyon ang dahilan kung bakit ang kuwentong ito ang nakaukit sa silid-gawaan ng mga Panday. Sapagkat sa mga anitong ito nagmula ang ilan sa pinakamakapangyarihan ngunit mailap hanapin na metal mayroon sila.

At ang tungkulin sa pagbabantay ng araw, buwan, at bituin ay naipasa sa mga bagong henerasyon ng anito, kina Apolaki, Mayari, at Tala.

Ngunit ang hindi naisulat sa mga kasaysayan ay ang muling pagkabuhay. Ang mga anito, at maging ilang Maginoo na tulad nila, kapag namamatay ay may pagkakataong muling mabuhay. Maaring sa parehas na katawan, pero madalas ay wala ang kanilang ala-ala.

Ang paniniwala nila, si Likalibutan, nawala niya ang kapangyarihan ng kalupaan ngunit nanatili ang sa hangin kaya't nang muli itong mabuhay bilang ibon, siya ang pinagmulan ng away ng kalangitan at katubigan, ni Kaptan at Magawayen.

Siya rin ang tumuka sa kawayang pinagmulan ng mga unang mortal sa mundo, sina Malakas at Maganda.

Maaring wala pa itong ala-ala noon ngunit hindi rin nila sigurado kung ano ang plano nito.

Matagal na nanahimik ang anito ng hangin na isinumpa na kailanman ay hindi na makakapasok muli sa tahanan ng mga anito sa Kaluwalhatian.

Ngunit alam nilang darating ang panahon, manunumbalik ang ala-ala at lakas nito.

Iyon ang pinangangambahan ng bawat Maharlika.

Napabulong si Kit. Bakit ngayon pa kung kailan wala na siyang mahihingian ng payo, kung kailan nilisan na sila ng kaniyang ama.

Ayon sa kasabihan ng mga matatanda, una sa mga paghihigantihan nito ay ang mga anitong malapit kay Bathala. At ang pinakamalapit dito ay ang pumanaw na anitong si Galang Kaluluwa, isa sa tatlong pinakaunang anito sa mundo, kasama si Bathala mismo at ang tusong si Ulilang Kaluluwa na may anyong serpyente. Si Ulilang Kaluluwa ang kumitil sa buhay ng masayahing anito na si Galang Kaluluwa. Hindi ito matanggap ni Bathala kaya't siya mismo ang kumitil ng buhay sa serpyente.

Pagkatapos noon, saka umusbong ang ilan pang anito upang makasama ni Bathala, mamahala sa mga nalikha at nasasakupan.

Hindi na muling mabubuhay pa si Galang Kaluluwa sapagka't ang mutya nito, ang bagay na naglalaman ng kaibuturan nito na kinakailangan sa muling pagbuhay, nag-anyong puting balahibo na may katamtamang laki. Ito ngayon ang nagsisilbing pendant sa suot na kwintas ni Kit, ang minana niyang agimat kay Apo Ambo.

Kaya ganoon na lamang ang kaba niya nang mapagtahi-tahi ang mga kuwento. Bukas makalawa, hindi siya magtataka kung siya na ang susunod na biktima ng kalaban.

Ngunit ngayo'y marami pa ring palaisipan kung bakit inatake ang isang umalohokan.

Kung mismong umalohokan na ang napahamak kahit sila'y may proteksiyon na sa mga anito, paano pa kaya silang mga hamak na Maginoo?

Napansin siguro ni Tandang Felicia ang malalalim niyang pag-iisip. "Kailangan mo nang pahinga," payo nito sa kaniya.

Napabuntunghininga si Kit. "Opo. Pero kailangan ko munang kausapin si Mhey." Hindi niya masabi rito na kailangan nila ng plano, at si Mhey ang isa sa kaniyang pinagkakatiwalaan sa Klab.

"Mabuti kang bata, tatandaan mo 'yan," sabi nito sa kaniya. "Pasaway, oo. Matigas ang ulo, lalo na. Pero, Kitoy, 'wag mong kakalimutan ang bilin ng iyong ama. Pagmamahal ang itinatanim, hindi galit. Hindi ka makasarili, katangiang maganda ngunit maari ring magpahamak sa iyo. Mag-ingat ka lagi."

Mas lalong hindi nakapagsalita si Kit sa huling pangaral sa kaniya. Kilala niya ang matanda, bihira ito magbiro lalo na sa panahon ngayon.

Tumalikod siya at hinintay na makatalon muna si Tandang Felicia papunta sa kaniyang balikat. May kabigatan ngunit hindi na niya ito ininda.

Bumalik na sila sa panambalan at maingat na ibinalik ang matandang kokok sa dati niyang puwesto katabi ng walang malay na Maharlika.

Napalingon sa kanila ang kanilang mga kasamahan. Alam na ng mga ito na nakinig muli si Kit sa "Mga Kuwento ni Lola Felicia", biro nilang tawag sapagkat nasanay na sila gabi-gabi sa paglalahad nito ng mga sinaunang kasaysayan, lalo na doon sa mga hindi nakasulat sa kanilang silid-aklatan.

Ganoon talaga ang matanda, kinakailangan pang lumipat sa tahimik na lugar at may visualization pa para sa kaniyang drama. Ngunit sa ngayon, walang halong biro ang napag-usapan nila.

"Hayo ka na. Puntahan mo na siya," pagpapaubaya ng matanda kay Kit para makausap na ang naghihintay sa kaniyang si Mhey. "Kami na dito nina Lily ang bahala sa pag-aalaga ng mga kasamahan mo. Bukas na bukas, malalakas na uli ito't makikita mong nag-aaway na uli diyaan sa labas."

Napatawa si Kit na agad napalitan nang pandidiri sa ginawa ni Tandang Felicia.

Dumura ba naman ito sa palad at ipinahid ang laway sa namamagang braso ng walang malay na Maharlikang natutulog sa kanilang harapan. Kulay madilim na luntian pa nga ang laway nito dahil sa ngangà.

Hindi naman na siya nagreklamo dahil mabisang lunas ang ipinahid ni Tandang Felicia.

"Salamat ho. Magandang gabi," paalam ni Kit.

"Umaga na, Kitoy."

Ngumiti nalang siya sabay balik sa mga kasamahan niya. Naabutan niyang nagkukwentuhan sina Lily, Simm, Yana, at ang lalaking nakasalamin na kadiwa ni Mhey na si Ian.

"Was it really that serious?" tanong ni Yana sa kaniya na may halong pangamba. Natagalan siguro ang mga ito sa pag-uusap nila ni Tandang Felicia.

"Yep," maikli niyang sagot. Daling dumapo ang kalungkutan sa apat na Maharlikang kaharap niya.

Nilakasan ni Kit ang loob. Kailangan niyang umaktong matapang na lider sa mga ito. "Simm," tawag niya sa kaibigan. "Magsama kayo ni Yana sa mga Pantas. Ipasuri niyo ang kawayan at mga nakuhang litrato ng crime scene."

"Masusunod, Puno," tugon ni Simm.

"Lily," tawag niya sa batang babae. "Salamat sa pag-aalaga sa mga kasamahan natin at pangunguna sa mga katalonan."

"Walang anuman, Puno. Mabuti't palaging nandiyan si Tandang Felicia," sagot nito habang nakangiti.

"Ian." Tumingin sa kaniya ang lalaking nakasalamin. "Alam kong ikaw ang nagpa-awat sa kaguluhan. Salamat." Tumango lamang ito bilang tugon.

Si Ian ay mula sa lahi ni Idiyanale, ang anito ng kawang-gawa ng mga Katagalugan. Likas ang kakayahan nito pagdating sa pakikipag-usap at kasunduan. Kaya't madalas na ito ang sinasangguni kapag may malilit na 'di pagkakaintindihan sa kanilang chapter.

"I'll talk with Mhey," paalam ni Kit sabay labas ng panambalan.

Sinundan lamang ni Yana ng tingin ang kaniyang kadiwa bago samahan si Simm sa mga Pantas.

Mabigat ang yapak ni Kit sa bawat hakbang patungo sa President's Hall. Alam niyang nalalapit na ang nakatakdang mangyari. Dalangin niyang sana'y handa sila sa paparating.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top