CASE 02: Call from the Other Side

CASE 02:
Call from the Other Side

23:47, Manila Clock Tower

"AR-ARE THEY... your relatives?" inosenteng tanong ni Yana. Patuloy pa rin silang tatlo sa pagsiyasat ng bangkay sa kisame. Walang halong takot, mas nangibabaw ang pagkamangha.

Iyon ay dahil bihira lang sila makakita ng umalohokan. Madalas ang mga may pakpak na nilalang na iyon ay abala sa paghahatid ng iba't ibang klase ng mensahe mula sa mga anito sa bawat sulok ng bansa. Iyon ang pangunahin nilang tungkulin.

"No," maikling sagot ni Simm bago magpaliwanag. "I mean, parehas kaming may pakpak pero iba kami ng pinanggalingan." Si Simm ay may dugo rin ng anito, sa angkan niyang nagmula sa lahi ni Guidala, isa sa tatlong mensahero ni Kaptan, ang pinuno ng mga anito ng Kabisayaan.

Pero bihira niya gamitin ang kaniyang pakpak sa misyon. Bukod sa hindi pa siya sanay, mahirap din ito itago sa mga timawa tuwing may field work. Timawa ang tawag nila sa mga normal na tao. "Ang balita ko, kapag naatasan kang maging umalohokan, pakpak ang isa sa pinagkakaloob sa kanila para mabilis na makapaglipat-lipat ng lugar. Saka, ilan lang sila sa pinpapayagang makalakbay sa mataas na susón ng kalangitan."

Tinutukoy niya ang paniniwala na may pitong susón o layer ang langit.

"But how did he ended up there?" pagtataka ni Yana.

"That's why we're here," tipid na sagot ni Kit. "We investigate." Tumingin siya sa baba at isa-isang dinampot ang mga piraso ng kawayang sa tingin niya'y isang buo na hawak ng umalohokan bago ito mapaslang. Kilala ang mga umalohokan sa pagdadala ng balita at tradisyon na nito na iukit ang mensahe sa piraso ng kahoy.

Sinubukan niyang basahin ang baybayin. "Apolaki, pagbabalik..." Nahirapan din siya dahil sa ilang mantsa ng asul na dugo. "Mukhang kay Apolaki ang umalohokan na ito." Ang ilan kasi sa mga nilalang na iyon ay tapat sa anitong kanilang pinagsisilbihan. "Sa tingin ko ay babala ang nakasulat dito. Mabuti pa, dalhin sa headquarters para masiyasat." Inabot niya ang mga kawayan kay Simm. "Puwede ka na bumalik. Get rest. Sabi mo nga, nakakapagod ang misyon niyo kanina. We'll try to investigate here pero susunod kami ni Yana."

"Are you sure?" paninigurado ni Simm. "I can stay here if you want."

May narinig silang ingay at kaluskos sa ibabang palapag ng gusali.

"Gising na 'yata si Manong. Wait for us sa sasakyan mo. May gagawin lang ako," bilin ni Kit.

"Sige, bilisan niyo ha." Inilagay ni Simm ang mga kahoy sa maliit na supot. Umakyat siya sa bukas na bintana, inunat ang balikat at lumabas ang hindi pa gaanong kalapad na itim na mga pakpak, namana niya sa kaniyang anito. Tumalon ito. Rinig lamang ng dalawang Maharlika ang pagaspas at simoy ng hangin.

"Show off," komento ni Yana habang nakapameywang. "So, what's gonna be?"

"They'll talk. We'll listen." Lumakad si Kit sa madilim na sulok. Isinara na niya ang palad at namatay ang kanina pang nakaningas na liwanag.

Minabuti na ni Yana na tumabi sa kabilang sulok para sa gagawin ng kaniyang kadiwa.

Lumuhod si Kit, kinuha ang maliit na punyal na nakadikit sa kanang binti sa ilalim ng kaniyang pantalon. Hinubad niya ang kaluban. Tumama ang liwanag ng buwan sa makintab na blade ng hawak niyang sandata. Itinaas niya ang kaliwang kamay, kita pa ang ilang peklat sa palad, tanda ng ilang beses na niyang isinasagawa ang ganitong ritwal.

Huminga siya nang malalim at sinimulang humiwa ng mababaw lamang na sugat sa kaliwang palad. Hinayaan niyang tumulo ang mapulang dugo sa maalikabok na sahig. Pagkatapos ay nagsambit na siya ng ingkantasyon, walang boses, ingay lang ng kaniyang palalim na palalim na paghinga.

Kinabahan bigla si Yana nang magsimulang magpakita sa kanila ang ilang espiritung kasama pala nila kanina pa sa silid na iyon. Hindi pa kasi siya ganoon kabihasa sa paggamit ng kaniyang ikatlong paningin.

Nakaputi ang mga espiritu, malalamlam ang mga liwanag. Nakatayo lamang sila, nagmamasid.

Nakapikit si Kit, nagko-concentrate. Dinahan-dahan niya ang paghinga. Nagsimula ang mga bulungan sa paligid.

Walang maintindihan si Yana kahit isang salita. Ang turo sa kaniya ni Kit, 'iyon ay dahil hindi naman siya ang direktang kausap ng multo. Maririnig niya lamang ito kung nasa iisa silang plane of existence. At iyon ang ginagawa ni Kit sa kaniyang ritwal, hindi literal na makipag-usap kung hindi ay panandaliang makapasok sa kabilang dimensyong 'di abot ng karaniwang tao.

Makalipas ang ilang minuto ay nagmulat nang muli si Kit, pinunasan nang dalang panyo ang duguang palad at ang punyal bago muling itago sa ibaba ng kaniyang binti.

Kusang nilamon ng dilim ang aparisyon ng 'di bababa sa limang multo na nagpakita sa kanila.

Tumayo na si Kit at muling hinarap si Yana. 'Di tulad kanina ay hindi na nito magawang ngumiti.

"Bakit? Ano'ng sabe?" curious na tanong ni Yana na may halong pag-aalala.

Nang mahalata ni Kit ang pangamba ng kasama niya'y pinilit na rin niyang ngumiti bago nagpaliwanag. "May pinagtataguan raw ang umalohokan. Hindi rin nila naaninagan nang maayos ang umatake. Malaking nilalang na kulay ng anino. Ang tanging narinig nila ay paghihiganti, isinumpa. Something like that. Pero ang 'di raw nila malilimutan, malakas ang puwersa ng nilalang. May kakaiba itong kapangyarihan. Isang malaking bugso lang daw ng hangin ang ginamit ng kalaban sa umalohokan."

Naintindihan na ngayon ni Yana kung bakit naging seryoso ang tono ni Kit. Hindi niya ma-imagine kung paanong malakas na puwersa lang ng hangin ang nakapagpahiwalay sa katawan ng mensahero, tuklap ang balat, at ngayo'y pirming nakadikit na sa kisame.

"'Yon lang ba ang sinabi nila?" dagdag na tanong ni Yana.

Hindi kaagad nakasagot si Kit. Malayo ang kaniyang isip. Dahil sa sinabi ng mga multo, hindi niya maiwasang bumalik ang alala niya kasama ang kaniyang yumaong ama. Isa sa nabanggit nito bago mamatay ay ang papel ni Kit sa paparating na unos.

Hindi man siya mahilig maniwala sa mga propesiya pero simula nang namana niya ang isa sa pinakamakapangyarihang agimat, palagi na lamang mabigat ang kaniyang pakiramdam kapag tila umaayon ang mga kaganapan sa sinasabi nga nilang kapalaran.

Napahawak si Kit sa suot na kwintas. Manipis na pisi ang tali nito at ang palawit ay isang balahibo, malambot ngunit singtibay ng bakal. Ito raw ay nagmula pa sa pinakaunang anito, si Galang Kaluluwa, ang kaibigan ni Bathala noong panahong hindi pa ganoon karami ang anito sa tahanan nila sa Kaluwalhatian. Ang sinuman daw na bantay ng agimat ay may mabigat na tungkulin sa paparating na unos.

May mga signos bago dumating sa puntong iyon. Isa na ay ang muling pagbabalik ng isinumpang anito ng hangin. Base sa nabasa niya kanina sa kawayan ng umalohokan, hindi siya sigurado pero malakas ang kutob niyang ang tinutukoy nitong paparating ay ang anitong may malaki ring papel sa hinaharap.

Ngayon lamang kinabahan nang matindi si Kit simula nang mamatay ang kaniyang ama ilang buwan lang ang nakalilipas. Totoo nga bang malapit na ang katapusan? Ang kaganapan ng nakasulat na kapalaran?

Huminga siya nang malalim. Hinarap niya si Yana, hindi pa ito handa sa paparating. Hindi niya pa ito nasasanay nang husto.

"'Yun lang ba, Kit?" nakaabang ang batang babae.

Gusto niya sanang sumagot nang hindi ngunit nagdalawang-isip siya.

"Ahhh..." Sinubukan niyang ngumiti. "Sabi rin nila, next time, try ko raw muna mag-alay kahit fried chicken."

Napataas na lang ng kilay ang kausap niyang si Yana. "Well, we have to report that immediately. 'Pag na-decipher na natin ang huling mensahe ng umalohokan, baka magkalinaw ang kaso na ito."

Sabay silang napatingin sa naiwang pares ng binti sa sahig. Nagsimula na itong maglabas ng mumunting gintong alikabok, tila asó ng bagang unti-unting nawawalan ng ningas. Naaagnas na ang bangkay katulad ng iba pang maligno at nilalang kapag namamatay.

"Wait, I have to scan the area." Inilabas ni Yana ang isang maliit na disposable camera at sinimulang kuhanan ng litrato ang crime scene. Hindi simple ang film na laman nito, may halong ingkantasyon ng mga engkanto upang mas manuot ang larawan. Dahil hindi lahat ng bagay ay nakikita ng normal na camera, katulad na lamang ng bangkay ng umalohokan.

Hinayaan ni Kit si Yana sa kaniyang ginagawa. Natahimik siya at bahagyang lumapit sa bintana para dumungaw.

Natatakpan na ng ulap ang buwan sa langit kaya bahagyang dumilim. Ngunit naaninagan pa rin niya ang kabuuan ng Manila City Hall. Mula sa kinalalagyan nilang Clock Tower, makikita mo ang hugis ng lumang gusali, hugis ng kabaong. Kaya 'di maikakailang kinatatakutan na ang lugar na ito dahil sa dami ng kuwentong-bayan at kababalaghan, kahit ang ilan doon ay likha na lang din ng isip ng mga tao.

Pero iba ang nasa isip niya. Nakaramdam siya ng kaunting takot, na lilipas ang araw at magaganap nga ang sinasabi nilang nakatakda. Baka bukas makalawa, nakahimlay na rin siya sa loob ng kabaong.

Ringgg.

Bahagya siyang nagulat sa biglang pag-vibrate ng dala niyang burner phone sa bulsa. Bihira lang sila gumamit ng telepono dahil madali itong ma-trace. Mahirap na rin at baka masuspetsiya ng NBI o ng sinuman ang mga ginagawa nilang kung tutuusin ay kahina-hinala naman talaga kung tatanungin ang mga karaniwang tao.

Binuksan niya ang phone at itinabi sa tainga. Napalingon siya kay Yana na katatapos lang din kumuha ng litrato.

"What is it?" tanong nito.

Agad na ibinaba ni Kit ang telepono. "Tumawag si Simm. Kailangan na nating makabalik sa headquarters."

"Bakit? Saglit pa lang tayo dito, ah."

"Sinabihan daw siya ni Lily. May emergency."

"Anong klase?"

"Kaunting gulo lang."

"Kit," seryoso ang tingin ni Yana. "Saglit ka lang lumabas, nagkakagulo na sa Klab. Teka, alam ba ni Mhey na nandito tayo?" tukoy ni Yana sa kasamahan nila sa organisasyon na panandalian nilang pinag-iwanan sa Klab Maharlika, ang tawag sa lugar kung saan nagte-train ang tulad nilang mga mandirigma.

Hindi nakasagot si Kit.

Napahampas na lang si Yana sa noo. "Sabi ko na nga ba. Then, we really have to go."

Donggg. Donggg. Donggg.

Sakto rin ang pagbatingaw ng kampana ng clock tower. Alas dose na, tulog man ang mga tao ngunit gising ang mga nilalang na hindi nila nakikita.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top