how to say goodnight
LUMABAS SIYA sa nasusunog na Ospital at nagtungo sa parking lot, tulak-tulak ang tanke ng oxygen na isinakay niya sa wheelchair. Hindi niya pinakinggan ang mga sumisigaw na nurse na nagpapakabayani pa rin, imbes na sulitin ang natitirang oras kapiling ang mahal sa buhay.
Nitong nakaraang linggo, walang ibang laman ang balita kundi ang pagtama ng isang dambuhalang bulalakaw sa mundo. Specific date: September 30. Exactly tweleve midnight.
Binasag niya ang bintana ng pinakamalapit na sasakyan at kinutingting hanggang sa umandar. Tinapik niya ang tangke sa passenger seat. "Perfect."
Pinaharurot niya iyon sa kalsadang puno ng nagkalat na debris, abandonadong sasakyan, naninigas na katawan. At isang Lung cancer patient na may taning ang buhay.
Napangiti siya habang iniisip kung sino ang unang susunduin.
ILANG BESES siyang bumusina bago lumabas ng bahay ang kababata niyang si Josie. Kuntudo porma ito. Makapal na make up at puno ng alahas ang braso at leeg. Gusto siguro nitong mamatay ng nakaporma pa rin. "Violet?"
"Tara." Inginuso niya ang back seat.
"Sa'n tayo pupunta?"
"Alam mo ba ang address ni Shana?"
Tumango ito. "Saan mo nakuha 'tong sasakyan mo? Sosyal ka 'te, naka-mercedez!"
"Sa parking lot ng Ospital."
PARANG MAY fiesta sa apartment nila Shana dahil sa dami ng pagkain. "Violet?" May pasak pa na cake ang bibig nito.
"Sumama ka sa 'min."
"Saan?"
Pinagmasdan niya lang ito. "Basta."
"M-magbabalot lang ako ng baon—"
"'Wag na," ani Josie. "Dumaan kaming Seven Eleven."
"ICE CREAM?! Ito lang ang baon natin? Tunaw na ice cream?"
Sabay nilang pinagtawanan si Shana.
Kinalabit siya ni Josie. "Saan nga pala tayo pupunta?"
"Naalala niyo 'yong puno ng Banaba sa burol?"
"Kung saan tayo unang nagkita-kita?"
Tumango siya.
High school sila noon at magkakaiba ng section. Mga pare-parehong nag-skip sa klase at nagtago sa burol, sa likod lang ng school nila.
Isang binu-bully, isang nangbu-bully, at isang puyat na gusto lang matulog. Hindi niya inakalang aabot sa katapusan ng mundo ang friendship nilang tatlo.
"Iyon lang? Do'n lang tayo pupunta? Iniwan ko 'yong mukbang ko para lang umakyat ng burol—"
"Gusto kong magkakasama tayo. Last na 'to." Dumaan ang nakabibinging katahimikan sa pagitan nilang tatlo.
"Daanan natin mama mo?" ani Shana. Nginitian niya ito. Pare-pareho silang napasigaw nang may nadaanan silang malaking humps at tumigil ang sasakyan. "Ano 'yon?"
Bumaba si Josie para alamin iyon. Sumigaw ito at tumingin sa kaniya. "Malaking bag... may kamay."
"Ano?!" Sumuka si Shana sa backseat.
"GUSTO KONG mamatay na maganda." Napalingon sila kay Josie sa drivers seat. Nagprisinta itong magmaneho nang mapansin ang pamumutla niya.
"Last month, nalaman ko may kalaguyo 'yong mister ko. Hindi nalalayo sa edad ng panganay namin." Natawa ito." Kasalanan ko daw bakit naghanap siya ng mas bata sa 'kin."
"Manyakis 'yong asawa mo. Dapat isinumbong mo sa mga pulis." ani Shana.
" Nasa'n na siya?"
" Kasama siguro no'ng babae niya." Pinahid nito ang pisngi nito." Kinalimutan ko ang sarili ko para maging mabuting maybahay. Para sa pangarap niyang pamilya. Tapos, gano'n lang pala ako kadaling palitan."
"Kumusta 'yong mga anak niyo?"
"Kinuha ng mga in-laws ko. Hindi ko raw sila kayang buhayin." Inabutan ito ni Shana ng tissue na nahalungkat nito sa bag nito.
"Ako rin, may sasabihin." Napatingin siya sa katabi. "Buntis ako. Ayaw panagutan ng ama." Ngumiti ito. "Ano ba 'tong napasok nating tatlo!"
Sabay-sabay silang natawa. At lumuha.
"Hindi ko man maipakita sa anak ko kung gaano kaganda ang mundo, gusto ko na, kahit matikman lang niya 'yong mga paboritong pagkain ng mama niya." Masuyong hinaplos nito ang tiyan.
TUMIGIL SILA sa nadaanang Bus Station para kumuha ng maiinom at makakain, ngunit sinalubong sila ng nagkakagulong mga tao. Nag-uunahang makasakay. Walang pakialam kung bata man, o matanda ang balyahin, makasakay lang. Ang iba ay sa bintana na umaakyat.
"Violet?" Anang boses sa gitna ng kaguluhan. Mabilis na lumapit ito sa kanya at niyakap siya ng mahigpit. "Pupuntahan sana kita sa Ospital."
Pinunasan niya ang magkabilang pisngi nito. "Magpahinga na tayo, Ma."
Dumating si Shana at Josie, akay-akay ang dalawang bata. Ipinakilala nito sa kanilang mag-ina ang mga anak nito. Naglayas daw ang mga ito para hanapin ang nanay nila.
PAUBOS NA ang oxygen. Madilim na rin ang paligid nang makarating sila sa tuktok. Madilim, ngunit napakaliwanag ng langit.
Naglatag ang mama niya ng kumot. Naghanda sila ng munting salu-salo sa gitna ng maliit na bonfire.
"Ma, hindi na ba tayo gigising bukas?" anang bunso ni Josie.
Lahat sila ay napatingin dito. Masuyong hinaplos ni Josie ang pisngi nito. "Isipin mo na lang na matutulog ka ng mahabang-mahaba."
Sumilay ang ngiti nito." E di... goodnight?"
"Goodnight."
Pinanuod nila ang pagsabog ng higanteng bulalakaw sa maliliit na parte. Tila bulaklak na namukadkad sa dilim.
Paanong ang napakagandang tanawin na ito ang magwawakas ng lahat?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top