b a w a t m i n u t o
LUMAKI AKONG hindi man lang nakilala ang tatay ko, kaya ang kababata kong si Kyle ang naging depinisyon ko ng isang lalaki. Mapagpasensiya, malambing. Laging nakangiti. At lahat ng kalokohan ko, ina-ayunan niya.
Masyado siyang mabait, kaya madalas siyang ma-bully n'ong high school kami. Pero hindi iyon naging kabawasan sa paghanga ko sa kanya, at mas lalo lang siyang kuminang sa paningin ko sa kabila ng mga pasa at galos niya sa katawan.
Pinag-aralan kong maging malakas sa mga bagay na mahina siya. Nais kong maging sandalan niya kapag nahaharap siya sa problema. Ngunit wala sa inaral ko ang nagbigay ng palatandaan na hindi na lamang pala kaibigan ang turing ko sa kanya.
"KAMI NA NI Bryan." Malapad ang ngiting balita niya sa kalagitnaan ng pag-aayos namin ng mga gamit ko sa makipot at maalinsangang kwarto ng Boarding house.
"Wala ka bang sasabihin?"
Kumurap ako ng ilang ulit, bago pilit na ngumiti. "Congrats! Hin-hindi ko alam na uunahan mo pa pala ako." Pinilit kong lunukin lahat ng tanong na sumisigaw sa isip ko.
"Sinabi ko na kina Mama, na alam mo na, na gano'n ako."
"Anong reaksyon nila?"
"Tanggap nila ako, Rose. Pero sa 'yo ko pa lang sinabi na kami na ni Bryan. Huwag mo munang sasabihin sa kanila, baka kasi atakihin sa puso si Papa."
Eh, ako? Pa'no ako?
Habang pinapanuod ko siyang nagkukuwento tungkol sa masayang love life niya, pakiramdam ko, hindi na 'ko kasali sa mundo niya. Ako ang best friend niya, pero hindi niya sinabi sa akin.
Paano ako magtatapat, kung hindi pala babae ang tipo niya?
"PWEDE SUMABAY?" anang nakangiting si Bryan. Magkaklase kami sa isang subject sa Education, habang si Kyle naman ay kumukuha ng HRM. Pinilit kong tumango, kahit gusto ko nang burahin ang mukha niya. Nakakatawa, hindi ko akalain na magkakaroon ako ng karibal na lalaki.
Minsan, umiiwas akong sumama sa mga lakad nila, para hindi makita ni Kyle ang maasim na pagmumukha ko, kapag lumalapad ang ngiti niya para kay Bryan. Nagpapalusot ako na may practice sa taekwando; project sa isang subject na hindi kaklase ang boyfriend niya; o, kunwari'y inaatake ako ng dysmenorrhea ko.
Sa tuwing nagpapalusot ako na may masakit sa 'kin, hindi na niya ako hinahatid sa boarding house. Kahit sa sakayan man lang ng jeep. Kakaway lang siya, saka tatalikod.
Hindi na ba ako importante sa kanya? Kasi may po-protekta nang iba. Bagong ka-kuwentuhan. Bagong magpapasaya. Iyong klase na, hinding-hindi niya hihingin sa akin.
Gusto ko siyang unawain, pero hindi ko pa rin matanggap na may nagbago na sa relasyon namin bilang magkaibigan. Na kahit magkaibigan na lang, kasi iyon lang naman ang meron kami.
O, meron pa ba?
"OKAY KA LANG, Rose? Napapansin kasi ni Bryan na hindi ka na sumasabay sa 'min." Masuyong dinama ni Kyle ang noo ko.
Lumayo ako nang bahagya at umayos ng upo sa kama. "Maraming lang ginagawa sa school. Next time, sasabay ako sa inyo. " Inabala ni Kyle ang sarili sa pagliligpit ng ilang gamit at damit ko na nagkalat sa sahig.
"Pwede mo ba 'kong pagandahin?" Lumapit siya sa full length mirror at sinukat sa katawan ang mini-dress na nadampot niya sa sahig. "Gusto kong i-try mag-suot ng bestida," aniyang puno ng antisipasyon ang mata. "Bagay ba?"
Hindi angkop ang masayang aura niya sa pangit na estado ng kwarto ko. At wala ako sa kondisyon para makipaglokohan.
"Sinabi ba 'yan ng boyfriend mo? Bakit kailangan mo pang mag-suot ng bestida? Para ano? Para ma-satisfy siya?"
"May problema ba?"
"Wala. Walang problema."
"Naiinggit ka ba kasi may boyfriend ako, at ikaw wala?"
"Anong sabi mo?"
"Hindi mo naiitindihan, kasi pinanganak kang babae." Ibinato niya ang damit at dali-daling lumabas ng kwarto.
Dalawang linggo kaming hindi nagpansinan, dahil sa pagiging gahaman ko. Hindi ko man lang inisip na hindi na siya 'yong dating Kyle na kilala ko.
Ikinulong ko ang sarili sa ideya na, ako lang ang kailangan niya, pero ako pa mismo ang unang humusga sa kanya.
PUMASOK AKO NANG maaga sa unang subject ko. Sinubukan kong bumalik sa dati, na wala na si Kyle. Ayokong pagmulan ulit ng dahilan ng ikagagalit niya.
"Oy, napano mukha mo?" anang kaklase namin sa bagong dating na si Bryan. Maga ang mata at basag ang bibig.
"Wala 'to. Nahulog lang sa hagdan." Umupo ito sa silya sa pinakalikod na bahagi ng classroom.
"Nakakatakot naman, ilang kamay ba'ng meron ang hagdan na 'yon?" Nagtawanan silang lahat.
Bago makalabas si Bryan ay nilapitan ko siya. "Sinong may gawa niyan?"
"'Yong kaibigan mong bakla! Ano bang kinakain n'on? Ang payat, pero kung manuntok, daig pa ang boxer!"
"Nasa'n siya?"
NAABUTAN KO si Kyle na nagkukulong sa apartment niya. Nakabenda ang kanang braso niya, at may galos sa kaliwang pisngi. Mabuti na lang at hindi malala ang sinapit niya. Umupo ako sa sahig sa tabi ng kama niya at hinawakan ang kamay niya.
"Rose?" Agad na pumalahaw siya ng iyak nang makita ako. Mabilis na pinunasan ko ang pisngi niya. "Wala na kami, Rose."
"Pwede mong sabihin sa akin ang nangyari."
"Sorry kung, ikaw ang sumalo ng galit ko. Nagselos kasi ako sa kaibigan ni Bryan. Inisip ko na kung magdadamit din ba 'ko ng pangbabae, tatanggapin na rin ba niya ako bilang babae? Maiintindihan ba niya na kahit ganito 'yong pisikal na hitsura ko, babae ako sa loob-loob ko?"
Muli kong pinunasan ang basang pisngi niya. "Wala ka namang dapat na patunayan sa kahit kanino, t'saka, hindi naman 'yon ang rason kung bakit iniiwasan kita." Yumuko ako ng bahagya. "May gusto ako sa 'yo."
"Ka-kailan? N'ong hindi ko pa sinasabi sa 'yo?"
Nahihiyang tumango ako.
"Bakla ako, Rose."
"Alam ko. Wala namang nagbago kahit lumantad ka na. Mahal kita kasi, ikaw si Kyle. Hindi sa kung ano ka. Hindi mo 'ko kailangang suklian." Pinilit kong ngumiti. "Mawawala din 'to. Pramis. Basta 'wag mo lang sana akong iwasan. Best friend tayo, 'di 'ba?"
Mahigpit na niyakap niya ako. "Best friend."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top