Prologue
SA ISANG bar napadpad si Shiela. Ang daming customers, both male and female. Umorder si Shiela ng dalawang redhorse kahit alam niyang sa isang bote pa lang ay malalasing na siya. Sa isip niya, dalawa agad para siguradong lunod ang problema.
Malapit na niyang maubos ang isang boteng redhorse nang may lalaking lumapit sa kanya.
"Alone?" tanong nito.
"Yeah, and lonely..."
"Ohhh! Would you mind if I share table with you?"
"Okay lang," sagot ni Shiela na namumungay na ang mga mata. Tipsy na ang dalaga. Hindi nga siya nagkamali ng akalang isang bote pa lang tatamaan na siya. Ang lakas talagang sumipa ng pulang kabayo!
"By the way, I'm Marlon." Inilahad nito ang palad kay Shiela.
"Shiela..." Nakipag-shake hands ang dalaga kay Marlon.
Kung anu-ano lang naman ang napag-usapan nila ni Marlon habang inuubos ng dalaga ang laman ng pangalawang bote ng redhorse. Maging si Marlon ay redhorse din ang tinutungga, pero 'di na malinaw kay Shiela kung nakakailang bote na ito bago pa lumapit sa kanya.
Iba na ang tama niya, nararamdaman 'yun ni Shiela. Dalawa na ang tingin niya kay Marlon. Pero bakit sa tingin niya'y parang kahawig nito si Rob? Lasing na nga yata talaga siya.
"Are you still okay?" tanong ni Marlon.
"Medyo hindi na. Lasing na ako."
"Would you go with me? Some other place. Do'n na lang natin ituloy ang pag-inom."
Nginitian ni Shiela ng matamis si Marlon na ang tingin nito'y kamukha talaga ni Rob. "Sure!"
"Let's go then." Kinawayan ni Marlon ang isang waiter at inabutan ng pera. "Bayad namin. Ikaw na'ng bahala riyan."
Inalalayan ni Marlon ang lasing na dalaga sa paglalakad papalabas ng bar hanggang makasakay ito sa kotse niya. "Hmm... rich kid," bulong ng utak ni Shiela.
Hindi na alam ni Shiela kung saan sila nagpunta. Ang huling natatandaan niya ay nasa isang silid sila at hinahalikan na siya ni Marlon. Hindi na rin niya alam ang mga sumunod na pangyayari. Nagising na lang siya kinaumagahan na hubo't-hubad sa silid ng isang hotel. Mag-isa. At nananakit ang pribadong bahagi ng kanyang katawan.
Agad siyang bumangon. May nakita siyang mantsa ng dugo sa bedsheet.
Dinampot ni Shiela ang telepono. Sumagot ang nasa reception. "Hello!"
"Nasaan 'yung kasama ko?"
"Saang room kayo, ma'am?"
Nakita ni Shiela ang room number sa keychain na nasa tabi ng telepono. "801," sagot niya.
"Ah, lumabas na siya, ma'am. But don't worry, he already settled the bill."
Gusto sanang itanong ni Shiela kung alam ba ng kausap niya ang buong pangalan ni Marlon at kung saan ito nagtatrabaho, pero 'di ba dapat alam niya 'yon kasi siya ang kasama nitong nag-check in dito sa hotel?
"Sige, thanks..." Iyon na lang ang nasabi ng dalaga. Hindi na rin niya nakita si Marlon mula noon.
Akala ni Shiela ay malilimutan na niya ang nangyari. Hanggang isang umagang bigla na lang siyang nagdududuwal at biglang nangasim ang sikmura niya. Naabutan siya ni Tita Minda sa gano'ng eksena.
"Buntis ka ba?" diretsahang tanong ni Tita Minda kay Shiela.
Nanlaki ang mga mata ng dalaga. Napailing siya. "Hindi ko po alam. Bigla lang sumama ang sikmura ko at nagdududuwal na ako."
"Malakas ang kutob ko na buntis ka. Sino ang ama? Iyon bang naghatid sa'yo dati?" matiim na tanong ng tiyahin.
"K-kung buntis nga po ako, opo siya ang ama," pagsisinungaling ni Shiela. "S-sorry po, tita."
"Ano nga ulit ang pangalan ng lalaking iyon?" Hindi nawawala ang seryosong anyo nito.
"Rob po. Robert Fernandez."
"Makabubuti kung pupuntahan mo siya at kakausapin tungkol diyan sa kalagayan mo. Kailangan niyang malaman na may responsibilidad siya sa'yo."
"Ah, tita... wala na po kami. We're not in good terms sa ngayon. Saka na lang po siguro 'pag medyo okay na kami, " nadagdagan ang pagsisinungaling ni Shiela.
Nalaglag ang balikat ni Tita Minda. "Ikaw ang bahala. Pero isipin mo rin ang kapakanan ng bata. Kung magagawa n'yong magkabalikan para sa bata, mas maganda sana," seryosong sabi ng tiyahin ni Shiela.
Tumango-tango ang dalaga. "Malabo po sa ngayon, tita. Ang alam ko may girlfriend na siya ngayon," madaling nakasanayan ni Shiela ang pagsisinungaling. "Magpapa-check up po ako mamaya para ma-confirm kung buntis ba talaga ako."
HINDI NAGKAMALI ng hinala si Tita Minda. Buntis nga si Shiela. Pero dahil mahal na mahal niya ang pamangkin, binigay niya rito ang lahat ng suporta at pang-unawa. Bago pa lumaki ang tiyan ni Shiela ay nagresign na ito sa trabaho. Nanatili na lang siya sa bahay pero kumikita pa rin siya sa pamamagitan ng kanyang online business kung saan nagbebenta siya ng kanyang homemade cookies and pastries. Awa ng Diyos, nalagpasan ni Shiela ang mga buwan ng kanyang pagbubuntis sa tulong na rin ni Tita Minda. Hanggang sa dumating ang araw ng kanyang panganganak via caesarian section.
Tuwang-tuwa si Shiela sa pagdating ng munting anghel sa kanyang buhay na binigyan niya ng pangalang Gabriel. Bunga man ng isang pagkakamali, buong puso niyang tinanggap si baby Gab. Maging si Tita Minda ay lubos ang excitement sa bagong miyembro ng kanilang pamilya. Sa birth certificate ng bata ay Robert Fernandez ang nakatalang ama nito. Pero Gabriel Rivera ang nakalagay na pangalan ng bata dahil walang pirma ni Rob sa dokumento. May mga pagkakataong kinukulit pa rin niya si Shiela na makipagbalikan kay Rob para sa kapakanan ng bata. Paniwalang-paniwala talaga si Tita Minda na si Rob ang ama ni baby Gab. Sabagay, botong-boto kasi si Tita Minda kay Rob. Nababaitan siya rito at ramdam niyang magiging responsable itong padre de pamilya. Patuloy lang naman si Shiela sa pagsasabing may sarili na silang buhay ni Rob at ayaw na niya itong gambalain pa. Bagay na naunawaan naman ni Tita Minda. Iginalang ng matanda ang gusto ng kanyang pamangkin.
Ilang araw lang pagkapanganak ni Shiela nang makatanggap siya ng tawag mula sa OB Gyne niya. Pinapapunta siya nito sa ospital dahil umano sa isang importanteng bagay. Nagtataka man ay pumunta pa rin si Shiela at tila gumuho ang mundo sa kanya nang sabihin ng doktor na may colon cancer siya. Diumano, nakakita ng abnormal tissues ang mga doktor nung inoperahan siya para manganak kaya nagsagawa sila ng lab test para rito at na-confirm nga ang hinala ng mga doktor na may malubha siyang sakit.
Halos tulala si Shiela nang makauwi. Ayaw mag-sink in sa utak niya ang sinabi ng doktor. Tanginang cancer ito! Bigla-bigla na lang nandyan na. Wala man lang siyang naramdamang kakaiba sa katawan niya pero nilalamon na pala ng cancer ang kanyang bituka!
Maging si Tita Minda ay hindi makapaniwala nang sabihin ni Shiela dito ang masamang balita. Umiiyak na niyakap nito ang pamangkin.
"Magpapagamot ka. Lalabanan natin ang cancer mo. Malalagpasan mo 'yan, may awa ang Diyos."
"Stage four na, tita. Hindi na ako gagaling. Tinaningan na ako ng doktor."
"Hindi. Magtiwala ka sa Diyos. Gagaling ka," habag na habag si Tita Minda kay Shiela.
"Tita, ibibigay ko na lang kay Rob ang anak ko. Siya na lang ang magpapalaki kay Gabriel.
"Ayaw mo bang ako ang mag-alaga sa kanya? Tayong dalawa..."
"Tita, ang laki na ng sakripisyo mo sa akin. Ayoko nang dagdagan pa. Si Rob, aalagaan niya ang anak ko. Alam kong hindi niya pababayaan ang anak ko."
Wala nang nagawa si Tita Minda sa kagustuhan ni Shiela. At isang madaling-araw nga ay umalis ng bahay si Shiela dala si baby Gab para ibigay kay Rob. Dinala niya ang bata sa address na natatandaan niyang nasa company ID ni Rob nung magkasama pa sila sa trabaho. Pero bago 'yun ay siniguro muna ni Shiela na doon pa rin nakatira si Rob. Nang makumpirma niya ay saka niya isinagawa ang balak. Inilagay niya ang bata sa isang kahon at iniwan ito sa labas ng pintuan ng bahay na tinitirhan ni Rob. Nagtago sa di kalayuan si Shiela at inabangan kung sino ang kukuha sa batang nasa kahon. Halos madurog ang puso niya nang marinig niya ang malakas na pag-iyak ni baby Gab hanggang sa makatulog na ito sa kaiiyak. Tulog na si baby Gab nang makita niya ang isang lalaki na tila kagigising lang ang nagbukas ng pinto, kumuha sa kahon at nagmamadaling pumasok pabalik sa loob ng bahay. Baka ito 'yung sinabi ni Rob na kinakasama nito. Napangiti ng mapait si Shiela dahil mawawala na sa kanya si baby Gab. Pero alam niya, nasa mabuting kamay na ang kanyang anak. Tiwala siyang mapapalaki nang mabuti si baby Gab ng kanyang "tatay".
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top