Chapter 9 - Ampon
"SI GAB!!!" Nataranta bigla si Imelda. "Sandali lang, Sir Marlon!"
"Sasama na ako!"
Magkasunod na pinanhik ng dalawa ang ikalawang palapag ng bahay patungo sa silid ni Gab.
Agad na binuksan ni Imelda ang pinto ng kuwarto at tumambad sa kanila ni Marlon si Gab na nakaupo sa sahig at nagkalat sa tabi nito ang natapong isang baso ng juice.
"Anong nangyari sa'yo?" bakas sa tinig ni Imelda ang concern sa kanyang alaga.
"Nadulas ako, yaya. Natapon tuloy 'yung juice," humihikbing sabi ni Gab.
Tinulungan ni Marlon na tumayo si Gab. "Nasaktan ka ba?"
Umiling-iling si Gab.
"Eh, ba't ang lakas mong makasigaw? Natakot ako, ah. Akala ko kung ano na ang nangyari sa'yo," sabi ni Imelda.
"Nagulat siyempre ang bata kaya siya sumigaw," paliwanag ni Marlon. "Mabuti na lang hindi siya nasaktan."
Tumunog ang cellphone ni Marlon. Tumatawag si Shane.
"Sandali lang," pagpapaalam ni Marlon kay Imelda at nagmamadali itong lumabas ng silid para sagutin ang tawag ni Shane.
"Hello, hon?" Narinig ni Marlon ang boses ng asawa. "What time ka uuwi mamaya?"
Sumagot si Marlon. "Alas-singko ako aalis sa office. Why?"
"Magpapasama sana ako sa OB-Gyne. Schedule ng check-up ko, 'di ba?"
Natampal ni Marlon ang sariling noo. "Oo nga pala. Sige, susunduin na lang kita riyan sa school. Aalis ako nang maaga dito sa office."
"Wala ka bang tatapusing importanteng trabaho? Puwede namang after office na lang."
"No. Una ka sa lahat. Top priority kita, alam mo 'yan kaya willing akong kanselahin ang lahat ng gagawin ko dahil importante sa akin na masamahan kita sa check-up mo."
Napangiti si Shane. Kung nakita lang sana ni Marlon kung gaano kalapad ang ngiti niya ngayon dahil sa importansiyang ipinakita nito sa kanya.
"Basta hintayin mo ako riyan. Darating agad ako," paniniguro ni Marlon.
"Okay, sige. Ingat ka sa pagmamaneho," paalala naman ni Shane sa asawa.
"I will," sagot ni Marlon. "Bye!"
Noon naman ay papalabas na ng silid sina Imelda at Gab. Nakapagpalit na ng damit at shorts ang bata.
Minsan pa ay hindi napigilan ni Marlon ang mamangha sa batang ang itsura ay katulad na katulad ng itsura niya noong siya ay nasa ganoon ring edad.
"I need to go. May pupuntahan pa kami ng misis ko."
Hindi alam ni Imelda kung siya ba ang kinakausap ni Marlon dahil kay Gab naman ito nakatingin. Pero sumagot pa rin siya. "Sige po. Mag-iingat po kayo, Sir."
Lumakad na si Marlon patungong gate kasunod si Imelda.
"Bye! bye! Sir Marlon!" sigaw ni Gab.
Nginitian ni Marlon ang bata at kinawayan bago ito tuluyang lumabas ng gate.
Isinara ni Imelda ang gate pagkatapos ay pumasok na sila ni Gab sa loob ng bahay.
PABALIK na ng opisina si Rob. Nai-file na niya ang petisyon na korte para tuluyang maging legal ang pagkupkop niya kay Gab. Kapag nagbaba na ng desisyon ang korte, wala nang sino mang puwedeng kumuha kay Gab sa kanya, sa kanilang dalawa ni Pau. Siya na ang kikilalaning legal na ama ng bata. Magagamit na rin ni Gab ang kanyang apelyido.
Gabriel Fernandez.
Napangiti si Rob sa naisip niyang iyon. Sana nga dumating ang panahon na maging legal na niyang anak si Gab.
Tumunog ang cellphone ni Rob. Tumatawag si Paulo.
"Hello..."
"O, asan ka? Anong balita?" tanong ni Pau. Bakas sa tinig nito ang excitement.
"Pabalik na ako sa office. Nai-file ko na ang petition."
"Haay, salamat." Tila nabunutan ng nakabarang tinik sa lalamunan si Pau. "Sana wala nang maging problema. At sana magdesisyon kaagad ang korte para sigurado na tayong wala nang makakakuhang kahit sino kay Gab."
"Sana nga. Iyon din naman ang gusto ko. Ang dumating ang araw na si Gab ay magiging legal na anak ko at gagamitin niya ang aking apelyido."
"Mas excited pa yata ako kaysa sa'yo," kinikilig na sabi ni Pau. "O, paano? What time ka uuwi mamaya?"
"Gabi na siguro. Papasok pa ako sa school mamaya, eh."
"Ah, sige. Ingat ka."
"Lagi naman..." sagot ni Rob kasunod ang mahinang pagtawa. "Sige na, magtrabaho ka na riyan."
"Okay..."
"Bye!"
INIHAHANDA pa lang ni Shane ang mga gamit niya nang bumungad sa pintuan ng classroom ang kanyang asawa. Napangiti si Shane. After few years of being married, hindi pa rin nagbabago ang itsura ni Marlon. Guwapong-guwapo pa rin ito. At tila binata pa rin ang tindig at pangangatawan. Kung sabagay, maalaga naman talaga sa katawan ang asawa niya. Hindi nga ba at twice a week pa rin itong pumupunta sa gym para manatiling maganda ang pangangatawan nito?
"Ang aga mo naman," nakangiting sabi ni Shane kay Marlon.
"Sakto lang. Mabuti na'ng andito na ako, para 'di ka mainip sa kahihintay sa akin." Lumapit si Marlon sa asawa at ginawaran ito ng isang mabilis na halik sa labi.
"Sandali na lang ito. Inaayos ko lang ang mga gamit ko."
"Take your time. Hindi naman tayo nagmamadali."
"Kumusta sa work mo?"
"Ayun, ayos naman. Kagagaling ko lang sa meeting with a new client." Maging si Marlon ay nagulat sa kasinungalingang tinahi niya.
"Knowing you, I know it was a successful meeting. So, may bago ka nang kliyente?" Sa tono ni Shane ay tila siguaradong-sigurado ito na nakapag-close ng deal ang asawa niya.
"Ahm, ah-huh! New client for our company." Hindi na nag-elaborate pa si Marlon. Ayaw niyang dagdagan pa ang kasinungalingan niya kay Shane.
"Mabuti naman kung ganoon." Isinara ni Shane ang bag sa pamamagitan ng zipper nito pagkatapos ay binuhat iyon at tumingin kay Marlon. "Shall we go?"
Malapad ang ngiting sumagot si Marlon, "We shall go!"
At lumakad na ang dalawa papalabas ng classroom.
"GOOD news! Positive naman ang results ng fertility tests mo, Shane. You have all the chances na magkaanak. Hindi pa lang talaga siguro natitiyempuhan pero you have nothing to worry kasi wala ka namang diperensiya," nakangiting pagbabalita ng OB-Gyne ni Shane.
"Mabuti naman kung ganoon, Doktora. Matagal na nga naming hinihintay na magka-baby. Excited na kami na magkaroon ng bata sa bahay."
"Magkakaroon din kayo. Gagawin natin ng lahat ng puwedeng gawin para magbuntis ka na," sambit ng doktora.
Si Marlon naman ay nakikinig lang sa pinag-uusapan ng dalawa. Iba na naman ang tumatakbo sa isip niya. Si Gab. Ang batang kamukha niya. Bakit nga ba nakuha ng batang iyon ng itsura niya noong bata pa siya? At bakit ang gaan-gaan ng loob niya sa batang ito?
Lukso ng dugo?
Pero paano?
O mas tamang tanong, kanino?
Inisip ni Marlon kung may posibilidad na anak niya si Gab at kung kanino niya ito posibleng naging anak. Ang akala ni Shane na faithful siya sa kanilang relasyon ay hindi totoo. May mga ilang pagkakataon na nakipag-one night stand siya sa ibang mga babae. Mga babaeng nakilala niya sa gym, sa mga out of town meetings, at sa mga bar. Sino sa kanila ang posibleng nabuntis niya sa isang gabi nilang pagniniig?
"Salamat, Doktora. Tutuloy na po kami," pagpapaalam ni Shane.
"Sige, mag-iingat kayo."
"Hon, alis na tayo..."
"H-ha!? Tila naalimpungatan si Marlon.
"Sabi ko, uuwi na tayo."
"Ahh, oo." Agad na nakabawi si Marlon. "Bye, Doc!" Nginitian ni Marlon ang OB-Gyne.
Tumango lang ang nakangiting doktor.
Habang nasa kotse at abala sa pagmamaneho si Marlon ay iniisip pa rin nito kung sino ang posibleng nabuntis niya. Hindi niya maisip kung sino. Pero kung anak nga niya si Gab at pagbabasehan ang edad nito, ang pupuwede lang niyang mabuntis at posibleng ina ni Gab ay 'yung babaeng nakilala niya sa gym isang buwan bago sila ikasal ni Shane.
At may isa pa!
Iyong babaeng nakilala niya sa bar na 'di na niya matandaan ang pangalan.
Pero imposible naman yatang maging anak niya si Gab. Hindi ba't sabi nga ni Shane ay iyong Rob Fernandez ang nakalagay na father sa birth certificate ni Gab.
Ahh, nang-aangkin ako ng 'di ko anak. Ganoon na ba ako ka-desperadong maging ama? tanong ng isip ni Marlon.
"Hon...?" Si Shane.
"Ha? Bakit?"
"Naisip ko lang. Habang naghihintay tayo na magkaroon ng anak, bakit kaya hindi tayo mag-ampon muna?
Kunot ang noong napatingin si Marlon sa asawa.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top