Chapter 6 - Father and Son Bonding

HINDI makapaniwala si Marlon.

Ang batang hindi mawala-wala sa isipan niya ay naririto lang pala at kasama araw-araw ng kanyang asawa!

"Masyado kang maaga. Wala pa 'yung pagkaing in-order mo," pabirong sabi ni Shane sa asawa.

"Paparating na 'yun. Huwag kang mainip," nakangiting sagot ni Marlon pero ang mata nito'y nanatiling malikot. Sa gilid ng mga mata niya ay hindi nawawala ang imahe ni Gab.

"Children, sasabay siyang kumain sa ating lahat ngayong tanghali. Okay ba sa inyo 'yun?"

Nagpalakpakan ang mga bata. Ang iba ay sumigaw pa tanda ng pagsang-ayon.

Ilang sandali lang ay dumating naman ang pagkaing in-order ni Marlon. Sapat iyon para sa buong klase ni Shane.

"Grabe, I never thought na para sa isang buong klase ang ipapa-deliver mong pagkain," namamanghang bulalas ni Shane. Napakagalante talaga ng asawa niya.

"Para mas masaya, 'di ba? Everybody happy!"

"Yehey!!!" sigawan ang mga bata.

"Sige, ihahanda ko na ang pagkain at sabay-sabay na tayong manananghalian. Children, tawagin n'yo na ang mga yaya n'yo."

Kanya-kanyang takbuhan ang mga bata papalabas ng classroom para sunduin sa waiting area ang mga yaya nila. Si Shane naman ay abalang inilatag sa isang mesa ang mga pagkaing pina-deliver ni Marlon.

Naunang nakabalik sa classroom si Gab kasama si Yaya Imelda.

Sinalubong ni Marlon si Gab.

"Have we met before?" inosenteng tanong ng paslit kay Marlon.

"Yes! Remember sa mall?"

"Magkakilala na kayo?" tanong ni Shane sa asawa.

"Oo, nakasalubong ko sila dati sa mall. Gumulong 'yung bola niya papunta sa akin so, ibinalik ko lang sa kanya."

"Ahh..." Tumango-tango si Shane.

Si Imelda ay nakikinig lang sa mga nag-uusap.

"Yes, I remember. You told me that I look like you when you were younger," walang malisyang sabi ni Gab.

"Ah, yeah!" sagot ni Marlon sabay tingin kay Shane.

"Hon, may resemblance nga kayo ni Gab," pagkukumpirma ni Shane.

"Napansin ko rin iyon nang una ko siyang makita. Anyway, this is not the right time to talk about it. Nandito tayo para magsalo-salo sa isang masarap na pananghalian!"

"Kain na tayo, mga bata!" malugod na anyaya ni Shane.

Nagkanya-kanya nang kuha ng pagkain ang mga bata pati ang mga yaya.

Ang ganda nilang pagmasdan habang maganang pinagsasaluhan ang masasarap na pagkain. Asikasong-asikaso ni Shane si Marlon. Ipinagbalat pa nito ng hipon ang asawa.

Lumapit si Gab sa kanyang guro. "Teacher Shane, can I ask for some shrimp? 'Yung wala na ring balat."

Napangiti si Shane. "Sure, eto ipagbabalat kita."

"Ako na," agaw ni Marlon sa hipon na hawak ni Shane. "Let me do it for this cute little boy."

Ipinagbalat ni Marlon ng tatlong pirasong hipon si Gab at inilagay niya sa isang paper plate at pagkatapos ay iniabot sa paslit.

"Thank you, Sir Marlon."

"You're welcome!"

Bumalik na si Gab sa puwesto niya katabi si Yaya Imelda.

"Ang bait niya, ano?" sabi ni Gab.

"Sino?" painosenteng tanong ni Imelda.

"Si Sir Marlon. He unshelled three shrimps for me."

"Ahh... Kain ka na. Kokonti pa lang nakakain mo."

Agad namang sumunod ang paslit. Magana itong kumain. Paminsan-minsan ay sumusulyap ito kina Shane at Marlon. Ngumingiti naman sina Shane at Marlon sa bata kapag natitiyempuhan nilang nakatanaw ito sa kanilang mag-asawa.

Natapos ang pananghalian at dumating ang oras para umuwi na ang mga bata. Nauna nang nagpaalam si Marlon. Ang mga bata naman ay isa-isa nang sumakay sa service van na maghahatid sa kanila sa kani-kaniyang mga tahanan. Magulo ang mga bata habang bumibiyahe. Nagkukulitan at nag-aasaran sila sa loob ng sasakyan. Sanay na ang kanilang mga yaya sa ganitong eksena kaya pinababayaan na lang nilang magkatuwaan ang kanilang mga alaga.

Ilang sandali pa at bumaba na ng van sina Gab at Imelda. Maingat na ipinasok ni Imelda ang mga gamit ng bata pagkatapos ay siniguro rin niyang naka-lock ang kanilang gate.

Pagpasok nila sa loob ng bahay, isang kotse ang huminto sa tapat ng gate nila. Saglit lang na tumigil ang kotse, tila kinakabisado lang ang lugar at lokasyon ng bahay. Nang makuntento ay agad na pinaharurot ng driver nito ng kotse at nilisan ang lugar na iyon.

Habang bumibiyahe ay ibang klaseng kaligayahan ang nadarama ng lalaking nagmamaneho ng kotse.

Si Marlon.

Masayang-masaya si Marlon na alam na niya ngayon kung saan nakatira ang batang nagpapagulo sa kanyang isipan. Alam na niya kung saan ito hahanapin o pupuntahan.

Pero bakit nga ba niya ito ginagawa?

Hindi rin niya alam. Ang tanging alam niya ay hindi na nawala sa isipan niya ang batang si Gab magmula nang makilala niya ito sa mall.

Ang batang kamukhang-kamukha niya noong kanyang kabataan.

Bakit nga ba kuhang-kuha ng batang iyon ang itsura niya? May tali bang nagkokonekta sa kanilang dalawa?

Kung meron, ano iyon?

Hindi pa niya alam sa ngayon pero isa ang tiyak, desidido siyang tuklasin ano man iyon.

DADDY!!!

Sinalubong ni Gab ang pagpasok ni Rob sa loob ng bahay. Kasunod nito si Pau na dinaanan niya sa trabaho para sabay na silang umuwi. Ganoon ang set-up nilang dalawa kapag walang pasok sa law school si Rob. Bihira lang naman na walang pasok sa law school si Rob. Tiyempo lang kasing may biglaang lakad ang professor niya kaya postponed ang klase nila ngayong gabi. Pabor din naman kay Rob dahil hindi pa niya tapos basahin lahat ng in-assign na kaso na dapat nilang aralin. Kung nagkataon, baka nangamote siya sa recitation.

"Kumain ka na ba?" tanong ni Rob kay Gab.

"Not yet. I am waiting for you and Daddy Pau. Para sabay-sabay tayong mag-dinner. Just like what we did this lunch time in school."

"Bakit, ano bang ginawa n'yo sa school?"

"Teacher Shane's husband visited her in school and he ate lunch with us. He ordered food for all of us."

"Really? Ang bait pala ng asawa ng teacher mo."

"Yes! And Daddy Pau knows him."

Napaisip si Rob. "Your Daddy Pau knows him?"

Naintriga na rin si Pau. "Sino iyon?"

"Yes. He is the guy in the mall," sagot ni Gab kay Pau. "Remember when you bought me a ball in the mall? 'Di ba gumulong 'yung bola and a man gave it back to me?"

"Oo..." sagot ni Pau.

"That man is Sir Marlon, Teacher Shane's husband."

"Wow! Small world," sabi ni Rob.

"So, kaya gusto mong sabay-sabay din tayong kumain ngayong gabi?" si Pau.

"Yes!" tila nanggigigil na sagot ni Gab.

Biglang sumali sa usapan si Imelda. "Alam mo, Boss Pau sabi ni Sir Marlon kahawig daw niya si Gab noong bata pa siya. Napansin nga rin ni Teacher Shane na may hawig kay Gab ang asawa niya, eh."

Nagkatinginan sina Rob at Pau. Tila iisa ang itinatakbo ng mga isip nila.


Maraming salamat po sa pagsuporta ninyo sa kuwento nina Rob,  Paulo at Gab.

Happy reading!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top