Chapter 5 - Second Meeting

"DADDY..." Binuksan ni Gab ang pinto ng kuwarto nina Rob at Pau at tuluy-tuloy itong pumasok. Sumampa ito sa kamang hinihigaan ni Rob.

"O, bakit 'di ka pa natutulog? Gabi na. May pasok ka pa sa school bukas."

"Where's daddy Pau?"

"In the bathroom..."

"Ahhh..."

"Why?" Tiningnan ni Rob ang bata.

Umiling lang si Gab pero bigla pa itong nagsalita. "Daddy Rob, bakit dalawa kayong daddy ko?" inosenteng tanong ng paslit.

Hindi agad nakasagot si Rob. Hindi niya inaasahang nagtatanong ng ganoon ang batang itinuturing niyang tunay na anak.

"Bakit mo naman naitanong 'yan?"

"Kasi, lesson namin sa school kanina about family. My classmate told me that I should only have one daddy. That if I have two, then the other one is not my real daddy."

Hindi na naman nakasagot si Rob. Hindi niya talaga inaasahan ang mga tanong ngayon ni Gab. Matalino ang bata. Hindi ito ang tipo na tatanggap na lang ng paliwanag. Siguradong babato ito ng mga tanong upang makakuha pa ng mas malinaw na sagot.

"Daddy?"

"Gabi na. Matulog ka na. May pasok ka pa bukas. At saka na lang natin pag-usapan ang tungkol diyan."

Napakamot sa ulo si Gab.

"Huwag nang makulit. It's late. You need to sleep already."

"Okay... Goodnight, dad." Humalik ang bata sa pisngi ni Rob.

Noon naman lumabas ng banyo si Paulo. Naaktuhan niya ang paghalik ni Gab kay Rob. "And where's my kiss?" agad nitong tanong sa paslit.

"Daddy Pau, are you my real dad?"

Napanganga si Paulo. Natitilihang napatingin ito kay Rob na tila humihingi ng saklolo.

"I said it's already late. Sleeping time, Gab." Siniguro ni Rob na may awtoridad ang kanyang boses, sapat para mapasunod si Gab.

"Kiss me na, para makatulog ka na," mabilis na sabi ni Pau. Nilapitan ni Pau ang bata at niyakap sabay halik sa pisngi nito. Salamat na lang ang sinalo siya ni Rob. Ano't biglang nagtanong ng ganoon si Gab?

"Go back to your room now. Baka hinahanap ka na ni yaya Imelda."

"Goodnight, daddy Rob. Goodnight, daddy Pau." Pagkatapos sabihin iyon ay mabilis na itong tumakbo papalabas ng kuwarto. Nakahinga nang maluwag sina Rob at Paulo.

"Anong nangyari dun?" tanong ni Paulo.

"Topic nila sa school kanina about family. Sabi raw ng classmate niya, dapat isa lang ang daddy niya. Kung dalawa raw, hindi tunay na daddy 'yung isa."

"Aba, at intrimitida naman pala ang kaklase niya. Mapuntahan nga bukas sa school 'yan."

"Huwag na. Hayaan mo na. High blood ka naman agad." Lumabas ang natural na pagkapasensyoso ni Rob.

"Eh, dahil sa kanya nagkaka-ideya si Gab sa mga bagay na hindi pa niya dapat malaman."

"Eh, kelan nga ba dapat malaman ni Gab? Hindi ba dapat 'pag nagtanong na siya ay sagutin na natin at ipaliwanag sa kanya ang lahat?"

"Huwag!"

"Bakit?"

"Napakabata pa niya. Hindi pa niya maiintindihan. Baka maguluhan lang siya. May tamang panahon para diyan."

"Lola Nidora ikaw ba 'yan?" pang-aasar ni Rob kay Pau na ang tinutukoy ay ang pamosong karakter ng komedyanteng si Wally Bayola sa seryeng kinababaliwan ng marami sa Eat Bulaga sa oras ng pananghalian.

"Tse! Ang sinasabi ko lang, hindi pa ngayon ang panahon para sabihin kay Gab ang lahat. Saka na lang 'pag handa na siya mentally. Kapag sapat na ang kanyang pang-unawa at maiintindihan na niya maging ang mga kumplikadong bagay."

"Amen... Wala na akong sinabi," natatawang sagot ni Rob.

"Matulog na tayo. Inaantok na ako," himok ni Pau. Naghikab pa ito tanda ng pagkaantok.

"Yeah, inaantok na nga rin ako. Tomorrow is another day. Sana maging okay ang bukas."

"Sana nga..."

KINABUKASAN ay nakapasok na sa trabaho sina Rob at Pau nang magising si Gab. As usual, silang dalawa na naman ni yaya Imelda ang naiwan sa bahay.

"Gab, kumain ka na. Eto na ang breakfast mo."

"Yaya..."

"O, bakit?"

"Bakit dalawa ang daddy ko?"

Muntik nang tumambling si Imelda. Ano ang isasagot niya? Oo nga't alam niya ang istorya ng batang ito pero tama bang sa kanya manggaling ang pagpapaliwanag? Hindi ba dapat sina Rob at Pau ang magsabi sa bata ng kung ano man ang totoo?

"Ah kasi, ganito 'yan. Mas magandang kung sa mga daddy mo ikaw magtanong."

"I already asked them but they didn't answer my question."

"Eh, kasi bata ka pa. Hindi mo pa maiintindihan."

"Ang alin? Alin ang hindi ko maiintindihan, yaya?"

Nalintikan na! Wala nang katapusan ang tanungan portion nito. "Ah basta, ang mabuti pa'y kumain ka na muna. Kailangan mo nang maghanda kasi papasok ka pa sa school. Baka ma-late ka, magagalit ang teacher."

"Yaya naman eh, you're not answering my question."

"Sumagot ako, ah. Sabi ko, dun ka magtanong sa mga daddy mo. Yaya lang ako dito. Ang trabaho ko lang ay bantayan at alagaan ka. Iyong mga ibang bagay, sa mga daddy mo na itanong. Okay?"

"Okay," matamlay na sagot ni Gab. "Sige po, yaya kakain na ako."

"Pagkatapos mong kumain paliliguan na kita. Tapos, pupunta na tayo sa school mo."

Hindi naman na-late si Gab sa kanyang klase. Maaga pa nga siya ng five minutes nang dumating siya sa classroom. Naroon na si teacher Shane na naghahanda ng lesson para sa araw na iyon.

"Good morning, class!" pag-uumpisa ni Shane ng klase.

"Good morning, Teacher Shane!" sabay-sabay na sagot ng mga bata na tumayo pa para lang sumagot sa pagbati ng kanilang guro.

"Take your seats," paalala ni Shane sa kanyang mga estudyante. "Yesterday, we talked about family. My family, your family, our families. So today, we will be talking about the good things that your family has done to you. Kasi 'di ba sabi ko kahapon, ano man ang mangyari, ang pamilya natin ang laging nariyan para suportahan tayo. It means that your family will never leave you especially during hard times. Can anyone of you share something good that his or her family has done?"

Nagtaas ng kamay si Gab.

"Yes, Gab."

"My dads love me so much. They see to it that all my needs are provided. They send me to school. They take care of me and when they are not around, I have my yaya Imelda to look after my needs."

"Very good, Gab! You must be very lucky to have such loving dads."

"Yes, teacher..."

Nag-ring ang celfone ni Shane. "Class, sandali lang ha? Sasagutin ko lang itong tumatawag."

Lumabas sandali si Shane sa classroom. "Hello? Hon, napatawag ka?"

"Na-miss kasi kita, kaya I decided na pumunta diyan to have lunch with you."

"Pero alam mo naman na kasabay kong kumakain ang mga bata."

"Oo nga, e 'di sabay-sabay tayong lahat! Ang saya nu'n, 'di ba? Party-party tayo," natatawang sagot ni Marlon.

"Sige, magpapa-deliver na lang ako ng food."

"Huwag na. Naka-order na ako," maagap na sabi ni Marlon. "Ide-deliver 'yun diyan by twelve noon. Sakto sa lunch time n'yo."

"Boy scout, ha?" biro ni Shane sa asawa.

"Ako pa?" natatawang sabi ni Marlon. "Kaya all you have to do is proceed with your lessons and just wait for me. Okay?"

"Okay, ikaw talaga! Puno ka ng sorpresa."

"I love you, hon..." bakas sa tinig ni Marlon ang sinseridad.

"I love you, too. Ingat ka sa b'yahe papunta rito. Ang bilis mo pa namang magmaneho."

"Don't you worry. Lagi naman akong nag-iingat."

"Okay, sige. See you... Bye!"

"Bye!"

Bumalik si Shane sa klase niya at itinuloy ang pagtuturo. Ilan pang mga estudyante ang tinawag niya para sagutin ang tanong na nauna na niyang ipinasagot kay Gab kanina. Bawat isa sa mga sumagot ay may kani-kaniyang kuwento ng kabutihang naranasan nila sa kani-kanilang pamilya. Lumipas ang oras nang hindi nila namamalayan. Hanggang biglang isang boses ang narinig nila mula sa pintuan.

"Good afternoon! Can I join the class?"

Nakangiti si Shane pagkakita sa dumating na asawa. On time talaga ang asawa niya. "Tuloy ka. Halika, ipakikilala kita sa mga estudyante ko."

Pumasok sa loob ng classroom si Marlon.

"Class, I would like you all to meet my husband. His name is Marlon Sandoval."

"Good afternoon, Mr. Sandoval!" sabay-sabay na pagbati ng mga bata.

Nginitian ni Marlon ang mga bata, pero ang mata niya'y napako sa isang cute na batang lalaking ang itsura'y pamilyar na pamilyar sa kanya. Ito rin 'yung batang nakilala niya sa mall. Ang batang hindi mawala-wala sa kanyang isipan.

Si Gab!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top