Chapter 30 - Mishap

"HON, panalo tayo! Sa atin pa rin si Gab." Hindi mailarawan ang saya sa mukha ni Marlon habang ibinabalita kay Shane ang desisyon ng court of appeals.

"Sana matapos na dito ang lahat ng gulo. Nakakapagod din ang mag-isip kung anong legal battle naman ang kasunod ng bawat desisyon ng korte. Nakakasakit ng ulo." pahayag ni Shane. "Sa bandang huli naman, si Gab pa rin ang mahihirapan. Hindi naman ikaw, o si Rob, o si Paulo ang magsa-suffer talaga. Si Gab. Siya iyong mas apektado sa inyong lahat. Naaawa na ako sa bata."

"Hon, alam mong ipaglalaban ko ang karapatan ko sa anak ko kahit saan pa kami makarating. Hindi talaga maiiwasang maapektuhan si Gab dito. Pero, I'll make sure na nandito ako lagi para protektahan pa rin siya. Kapag natapos na ang lahat ng gusot, babawi ako sa anak ko."

"Nagpapaalala lang naman ako."

"Sila lang naman iyong apela nang apela. Hindi nila matanggap na talo na sila."

"Paano ngayon? Dadalhin na ba ni Rob sa supreme court ang kaso?" tanong ni Shane.

"Hindi ko alam. Sana tumigil na sila. Sana tanggapin na nilang wala naman talaga silang karapatan kay Gab."

"Can't you just allow them to visit Gab anytime they want? Para everybody happy," suhestiyon ni Shane. "Noong graduation ni Gab, alam kong ayaw mong pumunta sila rito. Hindi ka man lang nga nakipag-usap kay Paulo. I know you don't want them around."

"Dahil hindi ako lubusang matatanggap ni Gab kung lagi niyang makikita ang mga pekeng daddy niya," argumento ni Marlon. "Hon, gusto kong mabawi ang nawalang panahon ko sa aking anak. Paano ko magagawa iyon kung laging nakabuntot si Rob at Paulo?"

"But seeing them around will make your son happy. Ayaw mo bang maging totoong masaya si Gab?"

"I can make him happy in my own way. After all, ako ang totoong tatay niya." Sa malas ay mukhang walang balak magpatalo si Marlon. Buo sa loob niya ang desisyong tuluyang mawala sa sistema ni Gab sina Pau at Rob.
***
"TITA MINDA..."

"Hello, Rob! Napatawag ka?"

"Gusto ko lang pong ipaalam sa inyo na bumaba na po ang desisyon ng Court of Appeals," simulang sabi ni Rob sa malungkot na tinig. "Pinanigan po ng korte ang desisyon ng lower court kaya kay Marlon pa rin ang full custody kay Gab. Hindi na po ako aapela pa dahil alam ko naman na kahit saan pa kami makarating, si Marlon pa rin ang papanigan ng korte dahil siya ang totoong ama. Mabigat man sa loob ko, kailangan ko nang tanggapin na wala na sa amin si Gab."

"Kahit ba visiting rights wala?"

"Hindi na po kami humingi. Kung magmamagandang loob si Marlon, bakit hindi. Pero tingin ko, hindi niya gagawin na bigyan kami ng visiting rights. Kayo po ang dapat na magkaroon noon dahil apo n'yo si Gab."

"Nakausap ko na siya noong minsang dinalaw ko si Gab. Sinabi naman niya na puwede akong dumalaw doon anytime."

"Mabuti po kung ganoon." Kahit paano ay nakahinga nang maluwag si Rob. "Tita Minda, kahit wala na po sa amin si Gab, sana po dalawin n'yo pa rin kami rito paminsan-minsan. At kung may problema po kayo na puwede kaming tumulong, huwag po kayong mahihiyang magsabi."

"Maraming salamat, Rob. Napakabuti mo talaga. Maging noong buhay pa si Shiela, lagi ka nang handang tumulong sa amin."
***
"DADDY MARLON, can I visit Daddy Rob and Daddy Pau? I am terribly missing them." Nagulat si Marlon sa sinabi ni Gab. Akala niya ay unti-unti nang nalilimutan nito ang mga ama-amahan.

"No," direktang sagot niya pagkatapos ay matiim na tiningnan ang anak. "We're all busy. We cannot bring you to their house."

"Yaya Imelda will come with me. She knows our house." Hindi nakaligtas sa pandinig ni Marlon ang sinabi ng bata. Our house. Hindi pa nga talaga nawawala sa isipan nito ang dating buhay kasama sina Rob at Pau.

"Kapag sinabi kong hindi puwede, hindi puwede. Huwag kang makulit." Pinandilatan na niya si Gab.

Akala niya ay matatakot ang anak pero hindi. At mas ikinagulat pa niya ang sunod na ginawa nito.

"I'll still go! You're bad!" Bigla itong tumakbo papalabas ng pinto at dire-diretsong lumabas ng gate.

Napahabol si Marlon sa anak. "Gabriel, come back here!"

Sinundan ni Imelda ang mag-ama.

"What's happening?" Napalabas ng silid si Shane.

"Ma'am, si Gab po tumakbo papalabas. Pupunta raw siya sa bahay ng mga daddy niya," sabi ni Karing.

"Ha?" natatarantang sabi ni Shane. "Halika, sundan natin sila."

Si Gab ay tuluy-tuloy lang sa pagtakbo. Nakarating na ito sa kalye kung saan medyo marami na ang dumadaan na mga sasakyan.

"Gabriel, bumalik ka rito!" Mas binilisan pa ni Marlon ang pagtakbo. Konti na lang at maaabutan na niya ang paslit.

Napahinto si Gab sa pagtakbo. Lilipat siya sa kabilang bahagi ng kalsada pero nakita niya ang sunod-sunod na pagdaan ng mga sasakyan. Nilingon niya ang amang humahabol sa kanya. Malapit na ito. Maabutan siya nito! Hindi puwede. Kailangang makatawid na siya sa kabilang bahagi ng kalye.

"Gabriel, huwag kang tatawid!"

Hayan na ang Daddy Marlon niya!

Pikit-matang tumawid sa kalye si Gab. Hindi na niya inalintana ang paparating na jeep na matulin ang pagtakbo.

"Gabriel, huwag!" Tinalon ni Marlon ang anak sapat para mahawakan niya ito sa balikat at maitulak pabalik sa gilid ng kalsada.

Napasubsob si Gab sa semento dahil sa lakas ng pagkakatulak ni Marlon. Dumugo ang noo nito at nawalan ng malay. Si Marlon naman ang naging sentro ng paparating na sasakyan!

Bago pa nakaiwas si Marlon ay nahagip na siya ng jeep. Tumilapon siya sa kalsada at ilang ulit na nagpagulong-gulong.

Natakot ang driver ng jeep. Mas lalo pa nitong binilisan ang pagharurot ng sasakyan para takasan ang kanyang naaksidente.

"Boss!!!" Napasigaw si Imelda. Agad nitong dinaluhan si Marlon. "Tulong! Tulungan n'yo kami!" Hindi siya magkandaugaga kung sino ang uunahing tulungan, si Marlon ba o si Gab.

Hilakbot na hilakbot si Shane sa tagpong dinatnan. Walang malay na nakahandusay sa kalye sina Marlon at Gab. Parehong duguan!

"Taxi!" Pinara ni Shane ang unang taksing dumaan. May pasahero ang taksi pero huminto pa rin ito at ibinaba ng driver ang bintana.

"Ma'am, sakay na raw kayo sabi ng pasahero ko. Bababa na lang daw siya." Pagkasabi noon ay iginilid ng driver ang sasakyan. Bumaba ang lalaking pasahero, maging ang driver.

Agad na binuhat ng lalaking pasahero si Gab at isinakay sa taksi. Si Marlon naman ay pinagtulungang buhatin ni Imelda at ng driver. Tumulong na rin sa pagbuhat kay Marlon ang lalaking pasahero.

"Karing, bumalik ka na sa bahay. Tawagan mo ang mga magulang ni Marlon," bilin ni Shane sa kasambahay. "Imelda, sumama ka sa ospital."

"Opo, ma'am." Agad na sumakay sa taksi si Imelda sa tabi ng driver.

Bago isara ang pinto ng taksi ay nagawa pa ni Shane na magpasalamat sa lalaking pasahero na tumulong sa kanila. Pagkatapos ay agad nang pinaharurot ng driver ang sasakayan patungo sa pinakamalapit na ospital.

"Manong, pakibilisan lang. Maraming dugo na ang nawawala sa asawa at anak ko." Pinipilit ni Shane na pakalmahin ang sarili niya pero ang naghalo-halong kaba, tensyon, at takot sa nangyaring aksidente ay mas lalong naging dahilan para mag-panic siya. Lalo na't heto at katabi niya ang duguang sina Marlon at Gab.

"Ma'am, kumalma lang kayo," paalala ni Imelda sa amo.

Nagulat si Imelda at ang driver nang biglang sumigaw si Shane.

"Aaahhhh!!!"

"Ma'am, napaano kayo?" Nilingon ni Imelda ang amo at nakita niyang tila namimilipit ito sa sakit na nararamdaman.

"Imelda, manganganak na yata ako!"

"Ma'am!" Nataranta si Imelda. Binalingan nito ang driver. "Manong, saang ospital ba tayo pupunta? Malapit na ba tayo? Manganganak na ang amo ko!"

"Hindi ko na kaya! Lalabas na ang baby!!!"

"Ma'am, pigilin n'yo muna. Malapit na tayo sa ospital," sabi ng driver na halatang pinipilit lang maging kalmado.

"Ang sakit, Imelda!!!"

"Ma'am Shane!"

"Nandito na po tayo." Inihinto ng driver ang sasakyan sa labas ng emergency room ng ospital. Pagkatapos ay bumaba siya at tumakbo sa loob ng ER para humingi ng tulong.

Bumaba kaagad sa taksi si Imelda at inalalayang makalabas ng sasakyan si Shane.

Agad na naglabas ng stretcher ang mga hospital attendant at kinuha sa loob ng taxi sina Gab at Marlon. Inalalayan ni Imelda si Shane hanggang makapasok sila sa emergency room.

Biglang naging abala ang mga doktor at nurses sa ER sa pagdating ng tatlong pasyente.

"Manong!" Tinawag ni Imelda ang driver ng taksi. Dinukot niya ang coin purse sa bulsa at kumuha ng pera. Nilapitan niya ang driver. "Magkano inabot ang metro?"

"Huwag mo nang isipin iyon. Ang mahalaga ay natulungan ko silang madala rito sa ospital. Sana lang makaligtas ang mag-ama."

"Salamat, manong. Napakabuti mo." Parang gustong umiyak ni Imelda. Sa kabila ng kaliwa't kanang balita sa radyo at telebisyon tungkol sa kasamaan ng mundo, heto at may isang taong bukas pa rin ang loob sa pagtulong sa kapwa nang hindi naghihintay ng kapalit. "Anong pangalan mo, manong?"

"Emmanuel Salvador," sagot ng driver. "Sige, aalis na muna ako. Kailangan kong umuwi para makapagpalit ng damit."

"Maraming salamat." Tinanguan lang ng driver si Imelda at lumakad na ito papalabas ng ospital.

"Sinong kasama noong dalawang naaksidente?" tanong ng isang nurse.

"Ako po," sagot ni Imelda na itinaas pa ang kanang kamay.

"Kailangan po natin ng dugo. Type B positive, para maisalin sa pasyente."

"Nasaan na iyong buntis?"

"Nasa delivery room na siya," sagot ng nurse. "Iyong dugo, kailangan namin kaagad."

"Oo, hahanap na ako." Lumabas siya sa emergency room. Kinuha niya ang celfone sa bulsa at tinawagan ang unang taong naisip niyang makakatulong sa kanya.

Si Rob.

"HELLO, IMELDA!

"Boss! Tulungan mo ako. Nandito ako sa ospital. Naaksidente si Boss Marlon at si Gab. Si Ma'am Shane naman, napaanak nang wala sa oras."

"Ano?! Kumusta si Gab? Anong nangyari?"

"Nasagasaan ng jeep, boss. Kailangan ng dugo. Hindi ko alam kung saan kukuha."

"Nasagasaan si Gab?!"

"Si boss Marlon... Kasi iniligtas niya si Gab. Pero naospital din si Gab kasi nabagok ang ulo at dumugo," paliwanag ni Imelda.

"Anong type ng dugo ang kailangan? Saang ospital 'yan?"

"Type B positive raw. Dito sa Dr. Edmundo Ruiz Medical Center, sakop pa rin ito ng Pasig."

"Oo, alam ko 'yan. Sige, papunta na kami."

Nagmamadaling pumunta sa kusina si Rob. "Pau! Halika, pupunta tayo na ospital."

"Ha? Sinong naospital?" natitilihang tanong ni Pau habang hawak pa ang sandok.

"Naaksidente si Gab at si Marlon. Kailangan nating pumunta kaagad sa ospital. Kailangan tayo ni Gab!"

Wala nang inaksayang sandali sina Rob at Pau. Mabilis nilang narating ang ospital. Agad nilang nakita si Imelda na naghihintay sa lobby.

"Imelda!"

"Boss Rob! May nahanap na bang dugo? Nakadalawang follow-up na sa akin iyong nurse. Kailangan na raw maisalin ang dugo."

"Dalhin mo ako sa nurse na sinasabi mo."

"Dito, boss." Dinala niya sina Rob at Pau sa nurse's station.

"May nahanap na po ba kayong dugo?" agad na tanong ng nurse nang mamukhaan si Imelda.

"Ako," sagot ni Rob. "Type B positive ang dugo ko. Kuhaan n'yo na ako ng dugo para maisalin sa pasyente."

"Halikayo, sir. Sumunod po kayo sa akin."

Naiwan sa nurse's station sina Pau at Imelda.

"Ano bang nangyari? Bakit sila naaksidente?"

"Boss Pau, gusto kasing dumalaw ni Gab sa inyo. Kaso hindi pumayag si boss Marlon. Kaya nagalit si Gab at nagtatakbo papalabas ng gate. Hinabol namin siya ni boss Marlon. Tumawid si Gab ng kalsada habang paparating ang jeep. Iniligtas ni boss Marlon si Gab para hindi siya masagasaan kaya si boss ang nahagip."

"Anong nangyari kay Gab?"

"Tumilapon si Gab sa semento at nabagok ang ulo. Dumugo."

Awang-awa si Pau kay Gab. "Diyos ko!"

Nagpatuloy si Imelda. "Tapos habang dinadala namin sila rito sa ospital, sumakit naman ang tiyan ni Ma'am Shane. Kaya ayun, nasa delivery room na siya. Kinakabahan nga ako dahil ang alam ko, 34 weeks pa lang ang ipinagbubuntis niya."

Napausal ng panalangin si Pau, "Diyos ko, iligtas Mo silang lahat..."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top