Chapter 29 - Final Decision
HINDI INAASAHAN ni Marlon ang pagdating ng isang bisita.
"Tita Minda!" Nanlaki ang mga mata ni Imelda nang buksan niya ang gate at bumungad sa kanya ang tiyahin ng ina ni Gab.
"Nandiyan ba si Gab? Gusto ko lang sana siyang bisitahin," sabi ng matandang babae sa kanyang nakasanayan nang malambing na tinig.
"Opo, nandito siya. Pumasok po kayo. Sumunod kayo sa akin."
Tumuloy si Tita Minda at naglakad kasunod ni Imelda.
"Ma'am Shane, nandito po si Tita Minda, lola ni Gab."
"Magandang umaga..." bati ng matandang babae kay Shane.
"Magandang umaga rin po. Maupo po kayo," magalang na sagot niya. "Ano pong maipaglilingkod ko sa inyo?"
"Ako si Minda. Tiyahin ako ni Shiela, ang ina ni Gab. Ako ang nagpalaki kay Shiela mula noong mamatay ang mga magulang niya. Ako ang tumayong ama at ina sa kanya. Nami-miss ko ang apo kong si Gab. Noong nandun pa siya kina Rob at Pau, madalas nila akong dalawin. Maaari bang payagan ninyo akong dumalaw sa bata kahit paminsan-minsan?"
"Hon, may bisita ba tayo?" tanong ni Marlon na kabababa lang mula sa kuwarto nila sa ikalawang palapag ng bahay.
"Andito ang lola ni Gab, hon. Dinadalaw niya ang bata."
Saglit na tiningnan ni Marlon ang matandang babae. Kung hindi siya nagkakamali, ito si Erminda Rivera, ang tiya ni Shiela. "Magandang umaga po. Ano pong pangalan n'yo?" Inabot niya ang kamay sa matanda.
"Minda... Erminda Rivera. Tiyahin ako ni Shiela na ina ni Gab." Nakipagkamay ito kay Marlon.
"Gusto niya sanang dalawin si Gab," sabi ni Shiela.
Napatango si Marlon. "Sige po, walang problema. Bukas po ang bahay namin para sa'yo anumang oras," sabi niya kasabay ang isang ngiti.
"Maraming salamat sa inyo."
"Imelda, tawagin mo si Gab. Karing, maglabas ka ng maiinom para kay Tita Minda." Si Shane.
Agad na nagtungo sa kuwarto si Imelda. Pagbaba nito ay kasama na si Gab na hindi maipaliwanang ang saya nang makita ang lola.
"Lola Minda!" Sinugod niya ang matanda at niyakap nang mahigpit.
"Apo, kumusta ka na?" Mahigpit na yakap din ang ibinigay ni Tita Minda sa paslit.
"Are you staying here?" inosenteng tanong ni Gab.
"Hindi," umiiling na sagot ng matanda. "Dinalaw lang kita kasi miss na miss na kita. Eto, may pasalubong ako sa'yo." Kinuha nito sa bag ang isang pirasong tsokolate.
"Wow, chocolate!" Namilog ang mga mata ni Gab. "Salamat, Lola Minda."
Nakatingin lang sa maglola sina Marlon at Shane. Si Imelda ay ganoon din.
"Uminom po muna kayo nitong juice," sabi ni Karing na dala ang isang baso ng orange juice.
"Salamat. Ilagay mo na lang muna riyan," sagot ni Tita Minda.
"Sige po, may aasikasuhin lang muna ako sa itaas," paalam ni Marlon at umakyat na ito papunta sa kuwarto.
"Tita Minda, bakit ngayon lang po kayo pumunta rito?" tanong ni Shane.
"Umuwi kasi ako ng probinsiya. Kababalik ko lang kahapon," sagot ni Tita Minda. "Nang tawagan ko si Rob, at saka ko lang nalaman ang mga nangyari. Ipinagbubuntis pa lang ng pamangkin ko si Gab, akala ko talaga ay si Rob ang ama niya dahil iyon din ang sabi sa akin ni Shiela, ang ina ni Gab. Kaya nagulat ako sa biglang pagbabago ng lahat."
"Lola, dito ka na lang tumira," naglalambing na sabi ni Gab.
Ginulo ng matanda ang buhok ng paslit. "Hindi puwede. Walang magbabantay ng bahay sa Malabon. Dadalawin na lang kita rito nang madalas."
"Promise?"
"Promise, apo..."
***
"ANYTIME THIS week ay ilalabas na ang desisyon ng court of appeals, Rob. We've done our part. Let's just hope that the court favors with us," prankang sabi ni Atty. Cervando.
"Atty., sa tingin mo ba ay makakatulong ang sulat na gawa ni Shiela na nagsasabing sa akin niya ibinibigay ang kustodiya kay Gab?" tanong ni Rob.
"Sana makatulong. Pero alam mo naman na hindi ari-arian ang bata. Iba ang batas tungkol sa mga ari-ariang naiwan ng isang namayapa. Iba rin pagdating sa mga tao. Kung ina ang namatay at andiyan pa ang ama, siyempre sa ama dapat mapunta ang bata. Aware ka naman doon, 'di ba?"
Tumango si Rob. Alam naman niya amg sinasabi ng batas. Para saan pa at naging law student siya. Hindi lang talaga niya matanggap na pagkatapos ng halos limang taon ay mababalewala lang ang lahat ng pag-aaruga nila ni Pau kay Gab.
***
"NAKAUSAP KO si Eric kanina. Lalabas na raw 'yung court decision sa appeal ni Rob," seryosong sabi ni Marlon kay Shane habang nakahiga na sila sa kama. "I'm wishing na pumabor sa atin ang korte."
"Sana matapos na ang labanan n'yo ni Rob sa korte," sagot ni Shane. "Wala namang pupuntahan ito, eh. Nagugulo lang ang utak ni Gab. Alam n'yo ba kung ano ang pwedeng maging epekto nito sa isip niya?"
"Hindi naman namin intensyon na magtanim ng confusion sa utak ni Gab. Pero bilang ama niya, gusto ko naman siyempre na ipaglaban ang karapatan ko sa kanya," katwiran ni Marlon. "Matagal ko siyang hindi nakasama. Gusto kong bumawi sa mga panahong nawala sa aming mag-ama." Bumuntonghininga siya. "Salamat nga pala sa pagtanggap mo sa anak ko. Mas lumalakas ang loob ko dahil alam kong sinusuportahan mo ako. Hindi ko kakayanin itong mag-isa." Niyakap ni Marlon ang buntis na asawa. "Ang laki na ng tummy mo. Malapit na kasing lumabas si baby. Magiging kuya na si Gab."
"Oo nga, ilang weeks na lang lalabas na si baby. Sana paglabas niya, tapos na ang mga problema para we can be a happy family."
"Sayang nga, ayaw mong magpa-ultrasound para malaman natin ang gender ng baby. Mas gusto mong surprise."
"Few weeks na lang naman. Mas exciting maghintay sa pagdating ng baby dahil 'di pa natin alam kung lalaki siya o babae."
"Basta, kahit ano pa ang gender niya okay lang. Ang importante, healthy siya," pahayag ni Marlon at saka hinalikan sa buhok ang asawa.
***
HINDI HANDA si Rob sa balitang dala ni Atty. Cervando nang tawagan siya nito sa trabaho.
"Rob, the court affirmed the decision of the lower court. Marlon still has full custody over Gab."
Pakiramdam ni Rob ay lumobo ang kanyang ulo at biglang huminto sa pag-ikot ang mundo. Ito na ang sandaling ayaw niyang dumating pero alam niyang darating at hindi niya maiiwasan.
"Ipapadala ko riyan ang kopya ng desisyon," sabi ng abogada.
"Sige, atorni."
"Puwede pa tayong dumiretso sa supreme court..."
"Huwag na, atorni. Ganoon pa rin naman ang magiging resulta. Kay Marlon pa rin mapupunta si Gab. Alam naman natin na ganoon ang mangyayari. Aasa lang tayo sa wala."
"Ikaw ang bahala. So, final na ang desisyon mo na sumang-ayon na lang sa desisyon ng court of appeals?"
"Oo. Siguro ito na ang tamang pagkakataon para tanggapin namin na hindi talaga para sa amin si Gab," malungkot niyang sabi.
"I respect your decision, Rob."
***
"ROB! Ganoon na lang iyon?" malakas ang boses na tanong ni Pau. Hindi niya maintindihan na tatanggapin na lang ni Rob ang desisyon ng court of appeals.
"Puwede ba, Pau intindihin mo naman ang sinasabi ko. Kahit saan pa tayo umapela, anak ni Marlon si Gab. Kailan man ay hindi ibibigay ng korte si Gab sa ibang tao kung mayroon pa naman itong magulang. Maliban na lang kung mapapatunayan natin na unfit si Marlon para maging magulang sa anak niya."
"Eh, 'di humanap tayo ng ebidensiya na unfit siya."
"Alam mong wala tayong makikitang ebidensiya. Kahit galit tayo kay Marlon, hindi natin puwedeng itanggi na matino siyang tao. Kaya niyang bigyan ng magandang buhay si Gab," deklara ni Rob. "Tanggapin na natin, Pau na hindi para sa atin si Gab. Pinahiram lang siya sa atin. At kailangan na nating isoli. Huwag lang sarili natin ang isipin natin, Pau. Mas isipin natin ang kapakanan ni Gab."
Napasabunot si Pau sa sariling buhok. Sa kanilang dalawa, si Rob lang ang puwedeng makipaglaban kay Marlon sa korte. Siya hindi.
Ano ba siya? Oo, siya ang nakapulot kay Gab sa labas ng pinto. Eh, ba't niya inangkin ang bata? Dapat ipinagbigay alam niya sa mga awtoridad.
Dapat nga siguro ipinagbigay alam nila agad sa awtoridad. Tapos, sinabi niyang aampunin na lang niya ang bata. Kung noon pa nila inampon si Gab, wala na sanang habol ang Marlon na iyon.
"Galit ka ba sa naging desisyon ko?" halos bulong na tanong ni Rob.
"Hindi," umiiling na sagot ni Pau. Dapat ba niyang sisihin si Rob sa naging desisyon nito? Hindi ba dapat ay suportahan niya ito? Lalo na ngayon. Kailangan ni Rob ng karamay.
"Wala ba akong kuwentang ama kay Gab? Nag-fail ba ako as a father to him?" nanginginig ang boses na tanong niya. Halatang naiiyak na siya.
"Hindi, Rob. Ginawa mo ang lahat. Nagawa mo na ang lahat para kay Gab. Blood doesn't always make the man a daddy. Being a daddy comes from the heart and not from that skinny stick between the man's legs," paliwanag ni Pau. "Higit pa sa pagmamahal ng tunay na ama ang ibinigay mo kay Gab. Any crazy, stupid man can make a baby, but it takes a responsible man like you to raise a child."
Hindi na napigilan ni Rob ang pag-agos ng kanyang luha. Umiiyak siyang yumakap kay Pau. Sa mga sandaling katulad nito, si Pau lang ang puwedeng dumamay kay Rob. Siya lang ang makauunawa sa totoong nararamdaman nito, dahil pareho lang sila ng pinagdaanan. Pareho lang silang nagbigay ng todong pagmamahal kay Gab.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top