Chapter 24 - Custody
"ANONG SABI ng abogado mo? Aapela ba kayo?" Si Pau ang lubhang natetensyon dahil sa desisyon ng korte.
Hindi sumagot si Rob.
"Ano ba? Kausapin mo naman ako," giit ni Pau. "Hindi puwedeng habang buhay tayong magdededmahan."
"Anong gusto mong sabihin ko? Iyong gusto mong marinig? O kung ano ang posibleng mangyari?"
"Makukuha sa atin ni Marlon si Gab?" nahihintakutang tanong ni Pau.
"May magagawa ba tayo kapag korte na ang nagdesisyon?"
"Wala ka bang gagawing paraan? Pababayaan mo na lang makuha si Gab?"
"Kung makapagsalita ka naman parang nakatunganga lang ako rito. Akala mo ikaw lang ang nagmamahal kay Gab. Ikaw lang ang tama. Ikaw lang ang magaling." Buhos na buhos ang sama ng loob ni Rob kay Pau.
"Daddy Rob, nag-aaway po ba kayo ni Daddy Pau?" Hindi nila namalayan na nakalabas na ng silid ang bata at nakita ang kanilang pagbabangayan. Nasa likod nito si Imelda.
"You go back to your room," utos dito ni Rob.
"Gab, halika ka. Balik na tayo sa room mo," yaya ni Imelda sa alaga.
Pero hindi sumunod ang bata. "Bakit kayo nag-aaway?"
"I said go back to your room." Pinipigil ni Rob na huwag lakasan ang kanyang boses.
"Daddy..."
"To your room now!" Tinaasan na niya ang boses na ikinagulat ni Gab.
"Huwag mo namang sigawan ang bata!" Si Pau ang mas nainis na ginawa ni Rob. "Ang init-init ng ulo mo. Pati bata dinadamay mo!" Hinawakan niya si Gab. "Halika na. Let's go to your room and sleep." Hinila na niya si Gab para hindi na ito makapagtanong pa.
Sumunod si Imelda sa dalawa.
"Why is Daddy Rob mad at me?"
"Pagod lang ang Daddy Rob mo. Tomorrow, hindi na siya galit. Kaya matulog ka na para paggising mo bukas, okay na ulit ang Daddy Rob mo," paliwanag ni Pau sa paslit.
Pinahiga ni Pau si Gab at kinumutan. "Imelda, patulugin mo na siya."
"Sige, boss."
Paglabas ni Pau ng silid ay wala na roon si Rob. Pumasok siya sa kuwarto nila at nakita niya roon si Rob na nakahiga na at nakapikit. Nagkukunwaring tulog. Imposible namang nakatulog kaagad ito.
Hindi na lang kinausap ni Pau si Rob. Baka mas lalo lang silang mag-away kung hindi hihinto ang kanilang diskusyon.
***
SI MARLON ay hindi pa rin kinakausap ni Shane. Ilang araw na silang ganoon. Nag-e-effort naman siyang amuin ang asawa pero patuloy pa rin ito sa pagmamatigas at sa hindi pagpansin sa kanya. Ang kaibahan nga lang, hindi na siya sa salas natutulog ngayon. Hindi na siya ipinagtatabuyan papalabas ng kuwarto kaya malaya siyang matulog sa kama katabi nito. Katulad ngayon. Nakahiga na silang mag-asawa. Magkatabi pero si Shane ay nakatalikod sa kanya.
Mas malala pala iyong magkasama nga kayo sa iisang silid pero parang hindi nag-e-exist ang isa't-isa. Walang katapusang dedmahan. Para ano pa at naging mag-asawa sila kung ganito rin pala ang sitwasyon nila? Para ano pa at magkasama sila kung isinusuka na siya ng asawa niya?
Pinakiramdaman ni Marlon ang asawa. Alam niyang gising pa ito. "Ganito na lang ba tayo palagi? Hindi mo na ba talaga ako mapapatawad? Ano ba ang gusto mo? Ang lumayas ako sa bahay na ito? Gusto mo bang maghiwalay na tayo?" Puno ng hinanakit ang tinig niya.
Walang sagot mula kay Shane.
"Shane, kausapin mo ako. Sabihin mo kahit ano. Gawin mo kahit ano. Huwag iyong ganito na parang hangin lang ako sa bahay na ito. Sa buhay mo. Mahal kita, Shane. Ako pa rin ito, iyong dating Marlon na nakilala mo. Nakagawa lang ako ng kasalanan sa'yo pero hindi ako nagbago. Don't I deserve a second chance?"
Wala pa ring sagot. Maya-maya ay nakarinig siya ng mahihinang pagsinok at impit na pag-iyak.
Sinubukang yakapin ni Marlon ang kabiyak. Hindi nagpakita ng pagtanggi si Shane. Nakatulog sila nang nakayakap si Marlon sa asawa.
***
SA HEARING para sa petisyong isinampa ni Marlon ay ipinag-utos ng korte na sumailalim sa DNA test sina Marlon at Gab para patunayan ang filiation ni Marlon sa bata. Ayaw man ng kampo ni Rob ay wala na silang nagawa kung hindi sundin ang ipinag-uutos ng korte.
Halos hindi maipaliwanag ang kaligayahan ni Marlon nang lumabas ang resulta ng DNA test. Pinatunayan nito na siya nga ang tunay na ama ni Gab.
"Paano na tayo ngayon, Atty.?" tanong ni Rob sa abogado.
"I need to be honest with you, Rob." umpisang pahayag ni Atty. Cervando. "Napakalaki ng tsansang pumabor kay Marlon ang desisyon ng korte. We can only hope for the best. Pero alam kong alam mo kung ano ang sinasabi ng batas sa mga ganitong sitwasyon."
***
MARAMING TAO ang dumalo sa pagbaba ng hatol sa petition for custody na isinampa ni Marlon. Naroon din sina Rob at Pau kasama si Gab at ang yaya nitong si Imelda. Kasama ni Marlon ang asawang si Shane at ang abogadong si Atty. Eric Alcazar. Kasama rin ni Rob ang abogado niyang si Atty. Jean Cervando. Puno ng tensyon sa korte. Pero si Pau yata ang pinakatensyonado sa lahat. Kung anu-anong senaryo na ang naglalaro sa utak niya. Paano kung pumanig kay Marlon ang korte? Ngayon na ba ang huling araw na makakasama nila si Gab? Uuwi ba sila ngayon na hindi na kasama ang batang mahal na mahal niya?
Nang pumasok sa loob ng korte ang judge at ibinigay ang hudyat ng pagbabasa ng hatol ay halos pigil ni Pau ang paghinga.
Tumayo ang clerk of court para basahin ang hatol. Umpisa ay inilahad nito ang facts of the case hanggang sa dumating na ito sa parte ng hatol ng korte sa petition.
...this honorable court grants the petition of Marlon Sandoval to full custody to minor Gabriel Rivera, Mr. Sandoval being the biological father of the child as supported by the result of the DNA test conducted between the petitioner Marlon Sandoval and the child Gabriel Rivera. This court enunciates Republic Act 8552 Section (i) which states that the State shall ensure that every child remains under the care and custody of his parents and is provided with love, care, understanding and security for the full and harmonious development of his personality. Only when such efforts proved insufficient and no appropriate placement or adoption within the child's extended family is available shall adoption by an unrelated person be considered. So ordered.
Binalot ng pinaghalong hilakbot at lungkot ang mukha ni Pau. Kitang-kita niya na halos mapalundag sa tuwa si Marlon pagkatapos basahin ang hatol ng korte. Lumapit kina Rob at Pau si Marlon kasama ang abogado nito para kunin na si Gab.
"We need to get the child from you now," sabi ni Atty. Alcazar kay Atty. Cervando.
Bumaling si Atty. Cervando sa kanyang kliyente. "Rob, aapela tayo but for now kailangan nating sundin ang desisyon ng korte."
Binuhat ni Rob si Gab at ibinigay kay Marlon.
"Why?" nagtatakang tanong ng bata.
"From now on, you will live in Sir Marlon's house. He is your real father." Pilit pinauunawa ni Rob kay Gab ang sitwasyon.
"No, he is the husband of Teacher Shane. He is not my father. You are my father. You are my daddy, not Sir Marlon," giit ng paslit. Sa kanyang murang kaiisipan ay nakatatak ang alam niyang katotohanan na si Rob ang kanyang ama.
"I am your true daddy. You have to go with me. Aalagaan kita, give you love and all your needs." Niyakap ni Marlon ang anak.
Nagpilit kumawala si Gab. "No! Put me down. Ayoko sa'yo!" Napilitan si Marlon na ibaba ang bata.
"Aalis na kami," paalam ni Marlon. Hinigpitan niya ang hawak kay Gab at nag-umpisang maglakad.
"Daddy Rob! Daddy Pau! Ayoko sumama sa kanya. Dito lang ako. Huwag n'yo akong ibigay sa kanya. I don't want to leave you. Daddy Rob! Daddy Pau!" Walang tigil sa pagpalahaw si Gab. Nagpupumiglas ito mula sa pagkakahawak ni Marlon kaya minabuti na nitong buhatin na lang ang anak.
Walang magawa sina Rob at Pau kundi pagmasdan ang unti-unting paglayo sa kanila ng batang halos limang taon ding naging bahagi ng kanilang buhay.
Hindi napigilan ni Pau ang pagbuhos ng kanyang luha. Sobrang mahal niya si Gab. Kung meron man sigurong tao sa mundo na sobra-sobra ang pagmamahal kay Gab, siya iyon. Wala siyang hinangad kundi mabigyan ito ng magandang bukas. Puro ikabubuti lang ni Gab ang iniisip niya. Kahit minsan, hindi sumagi sa isip niyang mawawalay sa kanya ang batang minahal niya nang higit pa sa sarili niyang buhay.
Hanggang sa makalabas ng korte sina Marlon, Shane, Atty. Alcazar at Gab ay umaalingawngaw pa rin sa pandinig ni Pau ang pag-iyak ni Gab.
Si Rob ay nagpakita ng katatagan. Si Imelda ay tahimik na lumuluha. Si Pau ay halos malunod na sa dami ng luhang umagos sa kanyang mga mata.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top