Chapter 22 - Banta
"HELLO, ATTORNEY?"
"Rob, napatawag ka. Gabi na, ah. May problema ba?"
"Nakatanggap ako ng subpoena, Atty. May nag-file ng petition for custody para kay Gab," pagbabalita niya sa abogado.
"Sino? Kilala mo?"
"Marlon Sandoval. Asawa ng teacher ni Gab. Naikuwento ko na siya sa'yo noong nag-file ako ng petition for adoption."
"Yeah, natatandaan ko," kalmadong sagot ng abogado. "Dumaan ka sa opisina ko bukas. Dalhin mo iyang subpoena at pag-usapan natin 'yan."
"Salamat, Atty."
Pagkatapos kausapin ang abogado ay sinubukan namang tawagan ni Rob si Tita Minda pero hindi pa rin niya makontak ito. Kahapon ay ilang beses niya ring sinubukang kontakin ang matanda para ipaalam ang mga nangyayari subalit hindi rin niya ito nakontak. Hindi naman siya makapunta sa bahay nito sa Malabon dahil sobrang busy pa niya.
***
"Anong gagawin natin ngayon?" tanong ni Pau na gulat na gulat nang malaman ang tungkol sa subpoena kaninang pagdating nito galing opisina.
"Ewan ko, naguguluhan ako," tulirong sagot ni Rob. Bilang isang law student at nagtatrabaho pa sa Regional Trial Court, parang alam na niya kung ano ang kahihinatnan ng subpoenang ito.
"Ba't hindi mo alam? Law student ka, dapat alam mo 'yan. Makukuha na ba sa atin ni Marlon si Gab?"
"Sana hindi." Pinalalakas ni Rob ang loob niya. "Pero malakas ang laban niya." Parang bomba iyon sa pandinig ni Pau.
"Hindi puwede, Rob. Mula baby pa si Gab nasa atin na siya. Tayo ang nag-alaga at nagpalaki sa kanya. Ikaw ang pinagkatiwalaan ni Shiela para mag-alaga at tumayong ama ni Gab. Hindi puwedeng basta na lang siya kukunin sa'yo ng kung sino lang," natitilihang sabi ni Pau. Ang isipin pa lang na mawawala sa kanila si Gab ay hindi na niya matanggap. Paano pa kung totohanan na?
"Hindi lang basta kung sino si Marlon. Kahit wala tayong kongkretong katibayan, malakas ang kutob natin na siya nga ang tunay na ama ni Gab. Alam mo 'yan."
"Hindi puwede!" sigaw ni Pau. Hindi niya puwedeng kunin sa atin si Gab! Hindi puwede, Rob. Gumawa ka ng paraan. Sa atin dapat si Gab." Hindi na napigilan ni Pau ang pagpatak ng kanyang luha.
"Huwag ka ngang iyakin. Hindi naman makakatulong ang pag-iyak mo. Mag-uusap kami ni Atty. Cervando bukas. Titingnan niya kung ano ang tsansa natin sa petisyong isinampa ni Marlon." Sinubukan niyang palakasin ang loob ni Pau. Alam niyang hindi ito hihinto sa kaiiyak kahit buong magdamag pa ang lumipas kung hindi niya ito mabibigyan ang assurance na malaki ang tsansang manatili sa pangangalaga nila si Gab.
"Pabayaan mo akong umiyak. Kung makapagsalita ka, parang tuta lang ang mawawala sa'yo. Ikaw nga ang mas dapat maapektuhan kasi ikaw ang tumatayong ama ni Gab. Pero parang balewala lang sa'yo ang nangyayari." Hindi napigilan ni Pau na sumbatan si Rob.
"Balewala? Balewala sa akin ang nangyayari?" balik tanong ni Rob. "Kaya pala dis-oras ng gabi ay kinalampag ko pa si attorney, kasi wala akong pakialam kay Gab. Kasi balewala lang sa akin kung makuha man siya ni Marlon. Ganoon ba ang pagkakaintindi mo sa akin? Ganoon ba ang pagkakakilala mo sa akin?" Masamang-masama ang loob niya. Ang taong inaasahan niyang kakampi sa kanya, ay susumbatan pa siya.
"Rob, I'm sorry. Nabigla lang ako..." biglang bawi ni Pau.
"Kahit nasa trabaho ako, si Gab ang iniisip ko. Sa bawat ginagawa ko, kasama ka at si Gab sa mga plano. Para kanino ba ang lahat ng pagsisikap ko, para sa akin lang ba?" Kung makakapaso lang ang tingin ay kanina pa sana nasunog si Pau sa init ng tingin ni Rob. "Kung makapagsalita ka, parang ikaw lang ang nag-aalala sa bata. Akala mo, ikaw lang ang tama. Akala mo, ikaw lang ang marunong magmahal."
"I'm sorry, Rob. Pasensya ka na sa akin..."
"Buwisit!" Lumabas ng silid si Rob at tuluy-tuloy na bumaba.
Humabol si Pau. "Rob, saan ka pupunta?"
"Sa impiyerno! At hindi ka puwedeng sumama!" Bago tuluyang lumabas ng bahay ay ibinalibag nito ang pinto na nag-iwan ng isang malakas na kalabog.
Nakita ni Pau si Imelda na biglang lumabas ng kuwarto. Napatingin sa kanya ang yaya.
"Wala iyon. Tulog na ba si Gab?" tanong ni Pau.
"Kanina pa natutulog, boss," sagot nito.
"Sige, matulog ka na rin."
Napakamot na lang sa ulo si Imelda at pumasok na ulit ito sa silid ni Gab.
***
HINDI ALAM ni Rob kung saan siya pupunta. Basta pinatakbo na lang niya ang kotse nang walang tiyak na patutunguhan. Kung saan siya mapadpad sa kamamaneho niya, bahala na. Kailangan lang na makaalis siya ng bahay at makapagpalipas ng sama ng loob. Kahit saan.
Namataan niya ang isang bar na katabi ng isang motel. Naghanap siya ng mapaparadahan at nang makakita ay nag-park siya roon. Pumasok siya sa loob ng bar at umorder ng apat na boteng beer.
Nang ihatid ng waiter ang beer na in-order niya ay agad niya itong inumpisahang tunggain. Siguro naman, kahit paano ay makakalimutan niya ang problema kapag naubos niya ang apat na bote.
Sa isang bahagi ng bar ay matiim na pinagmamasdan ng isang lalaki si Rob. Kanina pa siya rito at medyo tipsy na rin. Ngunit malinaw niyang nakilala si Rob sa pagpasok pa lang nito sa bar kanina. Hindi siya maaaring magkamali kahit sa litrato pa lang niya ito dati nakikita. Bahagya na siyang nagtaka kung ano ang ginagawa ni Rob sa lugar na ito. Katulad niya, alam niyang may malaki rin itong problema na gustong lunurin sa pamamagitan ng inuming nakalalasing.
Tumayo ang lalaki at naglakad patungo kay Rob.
Si Rob ay nasa pangalawang bote na ng beer.
"Dinadapuan ka rin pala ng problema," sabi ng lalaki kay Rob.
Nag-angat ng mukha si Rob at tiningnan niya ang nagsalita. "Sino ka?"
"Hindi mo ba nakikilala ang boses ko? parang nakakalokong tanong nito. "Madalas tayong mag-usap sa telepono tungkol sa anak ko."
Isa lang ang pangalang pumasok sa isip ni Rob. "Marlon? Ikaw si Marlon? Anong ginagawa mo rito?"
Ngumisi si Marlon. "Bawal ba na pumunta ako rito?"
Hindi umumik si Rob. Tinungga nito ang laman ng hawak na bote.
"Sabihin nating nagse-celebrate ako. Ipinagdiriwang ko ang nalalapit na pagtira ng anak ko sa bahay namin." Ngumisi ulit si Marlon na parang nakakalalaki.
"Gago ka, ah!" Iyong biglang tayo ni Rob ay kasabay na umigkas ang kanyang kamao na sumapol sa mukha ni Marlon na nawalan ng panimbang at humagis sa kalapit na mesa bago tuluyang natumba sa sahig.
Nagkagulo ang mga kostumer sa loob ng bar. Nilapitan ni Rob si Marlon upang muling suntukin ngunit maagap siyang sinipa nito. Tumilapon si Rob. Ngunit bago pa muling magkasakitan ang dalawa ay umawat na ang bouncer at security guard ng bar. Pinaghiwalay ng mga ito sina Rob at Marlon.
"Tarantado ka! Hindi mo makukuha ang anak ko!" sigaw ni Rob.
"Hindi pa tayo tapos! Sa susunod na magkita tayo, iuuwi ko na ang anak ko!" sagot naman ni Marlon. Ang mga kostumer ng bar ay walang naiintindihan sa pinag-aawayan ng dalawa.
***
MADALING ARAW NA nang makauwi si Rob. Hindi naman sila ipinapulis ng bar owner dahil sa gulong ginawa nila ni Marlon sa bar pero binayaran nila lahat ng nabasag na kagamitan doon. Si Marlon ay pumutok ang labi dahil sa suntok niya. Nauna na itong umuwi pagkabigay ng share nito sa babayaran nilang damage sa bar. Saglit na pinaghintay ng bouncer sa club si Rob. Nang masigurong nakaalis na si Marlon ay saka lang pinayagan ng bouncer ng bar na makaalis na rin siya. Siniguro ng bouncer na hindi na sila magpapang-abot muli ni Marlon sa labas ng bar.
Mahimbing ang tulog ni Pau pagpasok ni Rob sa silid. Nagpalit lang siya ng damit at pagkatapos ay patalikod na humiga sa kama katabi ni Pau. Dala ng matinding antok, pagod at ininom na beer ay agad siyang nakatulog. Nang magising siya ay wala na sa tabi niya si Pau. Pagtingin niya sa wall clock ay agad siyang napabalikwas. Alas-otso na ng umaga. Late na siya sa trabaho!
Agad siyang nag-text sa opisina para ipaalam na hindi siya makakapasok. Pupunta na lang siya sa opisina ni Atty. Cervando para mapag-usapan nila ang tungkol sa subpoena."
Mabilis na kumilos si Rob. Agad siyang naligo, nagbihis at bumiyahe papunta sa opisina ng abogada. Hindi naman siya na-traffic kaya narating niya kaagad ang pakay.
"Maupo ka, Rob." Maaliwalas ang mukha ng abogada. "Dala mo ba ang kopya ng subpoena?"
Umupo si Rob sa silyang nasa harap ng mesa ni Atty. Cervando. Inilabas niya ang subpoena at iniabot sa abogada.
Binasa ng abogada ang subpoena at masusing pinag-aralan. Pagkatapos ay seryoso itong nagsalita. "Rob, I am thinking that Mr. Fernandez has also filed a petition to oppose adoption. Isang malaking posibilidad iyon. Kapag hindi pumabor sa atin ang desisyon ng korte sa lunes, malamang dahil iyon sa petisyong isinampa ni Marlon. I'll check on this today. Dapat magpadala sa akin ang korte ng copy ng petition. Nagtataka ako kung bakit wala pa," sabi ng abogada.
"Paano kung hindi pumabor sa atin ang desisyon ng korte? Ibig bang sabihin na makukuha ni Marlon ang custody kay Gabriel?" kinakabahang tanong ni Rob. Kung pagbabasehan ang napag-aralan niya sa law school, alam na rin niya ang posibleng sagot sa kanyang tanong.
Diretsong sinagot ni Atty. Jean Cervando si Rob. "If the court finds merit to the petition, Marlon will definitely have custody to Gabriel because he is the father and he has all the parental rights to his child, custody included."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top