Chapter 18 - DSWD
MABUTI NA lang at mabilis na naalalayan ni Pau si Shane kaya hindi naman naging delikado ang pagbagsak nito.
"Ang init niya," nag-aalalang sabi ni Pau. Ramdam niya ang hindi normal na temperatura ng guro. "Ang taas ng lagnat niya." Hindi niya malaman kung ano ang gagawin sa walang malay na guro.
"Dalhin natin siya sa clinic."
Walang inaksayang oras si Pau. Agad nitong binuhat si Shane at inilabas ng opisina ng principal.
"Dito, sumunod ka sa akin," pagbibigay direksyon ng principal. "Diyos ko, anong nangyari sa'yo, Shane?"
Nang makarating sa school clinic ay agad itong inasikaso ng school nurse. Pinaamoy nito si Shane ng ammonia kaya naman ilang saglit lang ay bumalik na ang malay nito.
"I'm so sorry," paghingi nito ng paumanhin. "Naputol ang meeting dahil sa akin."
"No, you have nothing to be sorry about. Magpahinga ka na muna rito. Tinawagan na ng nurse si Dr. Martin para pumunta rito at tingnan ka. Para maresetahan ka na rin. You're pregnant kaya dapat maingat sa nireresetang gamot sa'yo," paalala ng principal.
"Uuwi na rin muna ako. Kung may pag-uusapan pa tayo sa ibang araw, ipatawag n'yo na lang po ulit ako or si Rob," sabi ni Pau sa principal.
"Okay, maraming salamat sa pagpunta n'yo rito, Mr. Albano at sa pagbuhat mo kay Shane papunta rito sa clinic," nakangiting nitong sagot. "Pasensya na kung medyo nagkaroon ng aberya."
"Wala pong problema. Basta anytime na ipatawag n'yo kami, asahan n'yong darating ako o si Rob." Pagkasabi noon ay lumabas na siya ng clinic. Ang nanay ni John ay hindi na niya nakita. Siguro'y umuwi na nang magkagulo kanina sa principal's office nang mawalan ng malay si Shane. Hindi na dumaan si Pau sa classroom ni Gab. Hindi na niya rin pinuntahan si Imelda sa waiting area ng mga yaya. Kailangan na niyang magmadali para makapasok pa rin sa trabaho kahit half day man lang.
Pagdating ni Pau sa opisina ay tinawagan niya si Rob.
"Anong nangyari?" tanong ni Rob nang sagutin ang tawag ni Pau.
"Ayun, wala rin namang napagkasunduan. Nawalan kasi ng malay si teacher Shane. Ang taas ng lagnat. Kawawa nga eh, buntis pa naman." Totoo sa loob niya ang awang nadarama para sa guro ni Gab. "Ang putla niya kanina, parang wala na siyang dugo. Ako pa nga ang nagbuhat para dalhin siya sa clinic."
"Kinaya mo?"
"Oo naman. Bakla lang ako, hindi inutil. Kahit sa'yo mangyari 'yon, baka makaya rin kitang buhatin," giit niya kay Rob.
Narinig ni Pau ang mahinang paghalakhak ni Rob sa kabilang linya.
"Anong nakakatawa?" tanong niya.
"Wala. Natutuwa lang ako sa'yo. Kasi, alam kong kahit ano pa ang mangyayari, hindi mo ako pababayaan."
"Naman! Korek na korek! Isang malaking tsek ng pink na ballpen."
"Nagkausap nga pala kami kanina ni Atty. Jean Cervando. Siya 'yung humahawak ng adoption case ni Gab," pagbabalita ni Rob. "May pupuntang DSWD sa bahay. Magche-check sila kung may kapasidad akong ampunin si Gab."
"So, 'pag wala kang kapasidad mag-ampon anong gagawin nila? Kukunin nila si Gab? At kanino naman nila ibibigay 'yung bata? Ipapaampon din? Nakakaloka sila. Andami nilang proseso na wala namang katuturan." Kahit kailan ay napakadali talagang uminit ng ulo ni Pau basta tungkol sa posibleng pagkawala ni Gab sa poder nila ang usapan.
"Hindi naman siguro aabot sa ganoon. Mula sanggol pa si Gab, tayo na ang nag-aalaga sa kanya. Gusto lang nating mas mapabuti ang bata kaya natin aampunin," argumento pa ni Rob.
"Parang mas mabuti yata na wala ako sa bahay kapag dumating ang mga taga-DSWD. Baka dahil din sa akin, hindi ka pa maging eligible para mag-ampon."
"Bakit naman?"
"Kasi, magka-live in tayo. Baka isipin nila, anong kaimoralan ang matututunan ni Gab sa atin kung tayo ang kasama niya sa araw-araw na ginawa ng Diyos."
"Hindi naman siguro."
"Alam mo naman ang ibang mga tao kung mag-iisip, lahat sila nagbabanal-banalan. Mga walang bahid dungis," litanya pa ni Pau.
"Makikita naman siguro ng mga taga-DSWD na napalaki natin nang maayos ang bata. Naalagaan natin, napakain nang tama, nabibigyan ng magandang edukasyon. Wala namang kinikilalang kasarian ang pagiging magulang, basta may kakayahan kang magmahal." Parang hinaplos ang puso ni Pau sa sinabing iyon ni Rob. Kahit kailan ay hindi siya nagduda sa kakayahan nito na maging isang mabuting ama.
"Kelan daw pupunta 'yung mga taga-DSWD?"
"Anytime this week. Hindi nga lang alam kung anong araw," sagot ni Rob. "Hindi naman kailangang nasa bahay tayo pagdating nila, pero mas maganda kung naroon tayo para may sasagot sakaling may itanong sila."
"Ibig mong sabihin a-absent na naman ako para abangan ang pagdating nila?"
Narinig niya ang mahinang pagtawa ni Rob. "Natural!"
"Bakit ako? Ikaw ang dapat nasa bahay dahil ikaw naman ang nag-file ng petition for adoption. Kung meron silang gustong kausapin, ikaw 'yon."
"Ikaw na lang. Please..." Kapag ganitong nagmamakaawa na si Rob ay parang yelong natutunaw na si Pau.
"May magagawa pa ba ako?"
"Wala... Sana lang maging maayos na ang lahat pagkatapos ng DSWD house visit na 'yan." Puno ng pag-asa ang tinig ni Rob at ramdam ito ni Pau.
"Sana..."
HINDI INAASAHAN nina Rob at Pau na ang pinag-uusapan nilang DSWD kahapon ay maagang darating kinabukasan. Nagbibihis ang dalawa para pumasok sa trabaho nang tumunog ang doorbell. Kaaalis lang nina Gab at Imelda kaya si Pau ang nagmamadaling bumaba para tingnan kung sino ang dumating.
"Good morning po," nakangiti ang babaeng bumati kay Pau pagkabukas niya ng pinto. "Ako po si Mayla, taga-DSWD kami nitong kasama ko, si Leni."
Nakita ni Pau na ngumiti rin ang babaeng Leni ang pangalan. "Good morning din po sa inyo. Ano pong maipaglilingkod ko?" tanong niya bagama't may ideya na siya kung bakit naroon ang mga taga-DSWD.
"Nandito po kami para sa house visit kay Mr. Robert Fernandez, kaugnay po sa petisyon niya para mag-adopt ng bata."
"Tuloy po kayo. Mabuti po at naabutan n'yo kami. Papaalis na po sana kami papuntang trabaho." May diin ang pagkakasabi ni Pau ng salitang trabaho para i-emphasize na may kakayahan silang buhayin nang maayos ang isang bata.
"Pasensya na po kung naabala namin kayo. Huwag po kayong mag-alala, sandali lang naman ito," sabi ni Mayla habang naglalakad papasok sa bahay nina Pau at Rob.
"Okay lang po 'yun. Actually, na-inform naman po kami na may pupunta nga pong taga-DSWD dito any time within this week." Pagkapasok sa loob ng bahay ay pinaupo niya ang mga bisita. "Feel at home po. Teka lang at maghahanda ako ng maiinom." Lumakad na siya papuntang kusina.
Eksatong papababa naman si Rob at nagulat pa ito sa mga bisita. "Magandang umaga po sa inyo."
Ngumiti si Mayla. "Magandang umaga rin, sir. Taga-DSWD po kami."
"Ah, ako po si Robert Fernandez." Inabot niya ang kanang kamay kay Mayla, pagkatapos ay kay Leni naman. "Nice meeting you. May mga tanong po ba kayo na kailangan kong sagutin?"
"Opo, sir. Mga basic questions lang. Ilang taon na po kayo at ano po ang pinagkakaabalahan n'yo?"
"I'm 28 years old at nagtatrabaho bilang Court Interpreter III sa Pasig RTC. Law student din ako at nasa third year na," matapat na sagot ni Rob.
"Kanino po itong bahay?" tanong muli ni Mayla.
"Sa akin nakapangalan ito. Hindi pa fully paid pero wala namang problema dahil nababayaran ko naman ang monthly amortization on time. Pati 'yung kotse sa labas, akin din."
"Si Gabriel Rivera po, gaano katagal na siya sa inyo?"
"Mula noong sanggol pa siya, kami na ang nag-aalaga sa kanya. Tapos nang mamatay ang mother niya, nagbilin ito na ako ang mag-alaga sa anak niya. Gumawa siya ng sulat stating her intention to give the child's custody to me."
"May kopya pa ba kayo ng sulat na iyon?"
"Yeah, oo meron. I can give you a copy maybe tomorrow, idadaan ko na lang sa office n'yo. Hindi ko pa kasi napa-photocopy."
"Inom muna kayo ng juice, mga madam. Nag-prepare rin ako ng sandwich." Bumalik na si Pau mula sa kusina at ipinatong ang dalang pagkain sa center table.
Kumuha ng juice ang dalawang babae at uminom. Tapos ay muling nagtanong si Mayla, "Hindi po ba kayo nahihirapang alagaan ang bata?"
Si Pau ang naunang sumagot, "Hindi naman. Napakabait na bata ni Gab. Kahit noong baby pa siya, never kaming nagkaroon ng problema sa kanya." Wala sa isip niyang ikuwento ang pagkakakidnap kay Gab noong sanggol pa ito. Baka maging dahilan pa iyon para hindi ma-approve ang petisyon para ampunin ni Rob si Gab.
"Magkaano-ano po kayong dalawa?"
Nagkatinginan sina Pau at Rob. Eto na! Eto na ang pamatay na tanong.
"We're partners," diretsang sagot ni Rob. Wala siyang balak itago sa mga bisita ang relasyon nila ni Pau.
Nakita nilang nagkatinginan din sina Mayla at Leni. Patay na. Mukhang tapos na ang pangarap nilang gawing legal ang pag-ampon kay Gab!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top