Chapter 15 - Anak
"THANK YOU, Doktora." Inilahad ni Shane ang kanyang palad na agad namang inabot ng doktora. Ganun din ang ginawa ni Marlon.
"Basta ingatan n'yo ang pagbubuntis mo, Shane. Huwag mong kalimutan 'yung mga bilin ko. Hindi ka dapat ma-stress lalo na sa first quarter ng pregnancy mo. Delikado ang pagbubuntis mo kaya ibayong ingat ang dapat mong gawin, siyempre nandiyan naman ang husband mo to support you. Punta ka lang kaagad dito kung may problema or tawagan mo lang ako anytime," mahabang bilin ng doktora.
"Thanks, Doc! Susundin ko lahat ng bilin mo," sagot ni Shane.
"And I will always be here to remind my wife kung ano ang mga dapat at hindi niya dapat gawin," dugtong na sagot naman ni Marlon.
"Aalis na kami, Doc." Si Shane.
Tumango ang doktora.
"O, HUWAG mong kalilimutan ang mga bilin ng OB-Gyne mo," malambing na sabi ni Marlon habang naglalakad na sila patungo sa kotse.
"Oo, siyempre. Don't worry, I'll do everything para mailabas ko si baby nang walang problema. Mag-iingat akong mabuti. Ang tagal nating hinintay na magka-baby, hon. Heto na! Maghihintay na lang tayo ng ilang buwan hanggang sa lumabas na siya," excited na sabi ni Shane.
"Mag-file ka kaya muna ng vacation leave. Narinig mo naman ang sabi ni doktora. Bawal kang ma-stress. Eh, puro batang makukulit pa naman ang mga estudyante mo. Baka manganak ka nang wala sa oras dahil sa kakulitan nila." Halata ang concern sa mukha ni Marlon kasabay ang excitement sa pagbubuntis ng asawa niya.
"Hindi na, hon. Mababait naman ang mga estudyante ko. Kapag sinabi ko sa kanilang keep quiet, agad silang tumatahimik. Hindi ko iniisip na magiging problema sila sa pagbubuntis ko. At saka, hon ayoko namang magmukmok lang sa bahay. Maiinip lang ako roon. Mas okay nang magtrabaho ako hanggang sa dumating 'yung time na puwede na akong mag-maternity leave," paliwanag niya sa asawa.
"Well, if that's what you like then approve sa akin. But the moment na i-advise ng doktor that you need to rest, you'll have no choice but to abide. Okay ba 'yun?"
"Okay, hon." Binigyan niya ng isang matamis na ngiti si Marlon.
***
DALAWANG LINGGO ang lumipas ngunit walang Marlon na kumontak kay Rob, maging kay Paulo. Si Gab ay pumapasok pa rin sa eskuwela araw-araw at mukhang wala namang problema. Nakalimutan na ba ng lalaki ang paghahabol sa diumano'y karapatan nito sa bata? Ang totoo, hindi naman hinihintay nina Rob at Pau ang pagtawag ni Marlon. Mas maganda nga kung hindi na ito magpaparamdam sa kanila habang buhay. Mas mapapanatag ang kalooban nilang dalawa kung hindi na sila guguluhin pa ni Marlon.
Si Marlon ay pansamantalang naging abala sa pag-aalaga sa buntis niyang asawa kaya nawala na rin sa isip niya ang paghahabol sa batang sigurado siyang anak niya. Nanumbalik lang sa isip niya si Gab nang minsang umuwi siya at maabutan niya si Shane na nagche-check ng papel ng mga estudyante nito.
"Hon, dapat hindi mo na dinala dito sa bahay 'yan," sita niya sa asawa. "Puwede mo namang gawin 'yan sa school."
"Kailangan ko na kasing mag-compute ng grades ng mga bata. Para mai-release ko na ang top ten."
"Kinder lang naman sila..."
"Hon, obligasyon ko ito bilang guro nila. At saka, wala namang pasok bukas. Huwag kang mag-alala, hindi naman mabigat na trabaho ito. Para lang naman akong nagbabasa," paniniguro niya sa asawa.
Bumuntong-hininga na lamang si Marlon. "Ano pa nga ba ang magagawa ko?" Hinubad niya ang suot para makapagpalit ng pambahay na damit.
"Kakain ka na ba? Ipaghahain na kita."
"Huwag na, hon. Kumain na ako sa labas. May miting kasi ako kanina sa isang kliyente. Kaya tutulungan na lang kitang mag-check niyan para matapos na kaagad." Isinuot niya ang isang puting sando.
Huminto si Shane sa ginagawa at nilingon ang asawang ngayon ay nagsusuot ng shorts. "Sigurado ka?"
"Oo naman. Ayoko namang matulog na mag-isa habang ikaw ay andiyan at may ginagawa pa. Hatiin mo 'yan, ibigay mo sa akin ang kalahati." Lumapit siya sa asawa, kinuha ang isang monoblock at umupo sa tabi nito.
"Eto ang key to correction," iniabot sa kanya ni Shane ang isang pirasong papel na naglalaman ng mga tamang sagot. "At eto naman ang mga tsetsekan mong papel."
Inabot ni Marlon ang mga papel at humanda nang mag-umpisa sa pagtsetsek nang mabasa niya ang pangalan sa papel na hawak niya.
Gabriel Rivera
Si Gab!
Ang anak niya...
Saglit na tinapunan niya ng tingin ang asawa na abala pa rin sa ginagawa nito.
"Shit! Nawala sa isip ko. Tatawagan ko nga pala si Rob para makuha ko sa kanila si Gab. Anak ko ang batang iyon kaya dapat lang na ako ang magpalaki sa kanya!" bulong niya sa sarili. Mabuti na lang at abala si Shane kaya hindi nito napansin na parang bigla siyang naging aburido. Isang plano ang agad nabuo sa isip niya. Tatawagan niya si Rob bukas na bukas din!
***
"HELLO? ROB? Si Marlon ito."
"Napatawag ka?" kalmadong tanong ni Rob. Bumangon siya mula sa pagkakahiga sa kama
"Akala mo siguro nakalimutan ko na 'yung pinag-usapan natin."
"About what?" Kunwari ay wala siyang alam sa sinasabi ng kausap.
"Stop playing games, Rob. You damn well know what I'm talking about."
"And who do you think is playing games here, ako ba? O ikaw?"
"Alam mo kung ano ang pakay ko. I want my son to be with me."
"He is my son!" matigas na pahayag ni Rob.
"Then prove it! Anong ikinatatakot mo kung sigurado kang anak mo si Gab?" Naghahamon ang tono ni Marlon.
"Come on, Mr. Sandoval. It is not for me to prove my paternity over Gab. The burden of proof is on you. But don't expect us to cooperate. Hindi ko alam kung anong talangka ang pumasok sa utak mo para isiping anak mo ang anak ko. No one in his right mind would do what you just did!" Nanggagalaiti na si Rob.
Noon pumasok sa kuwarto si Pau. "Tapos na akong magluto---" Hindi niya natapos ang sasabihin nang makitang may kausap sa cellphone si Rob.
"You're sick, Mr. Sandoval. No one can just come to us and claim paternity to Gab. Not even you." Dinig na dinig ni Pau ang sinabi ni Rob. Si Marlon. Tumawag na ulit si Marlon at nag-uumpisa na naman itong manggulo.
Sumenyas si Pau kay Rob na ibigay sa kanya ang telepono. "Pakausap. Gusto kong makausap ang gagong 'yan."
Umiling si Rob at sinenyasan si Pau na tumahimik. Maya-maya pa ay pinindot na ni Rob ang end call at ibinulsa ang telepono.
"Anong sabi?" Si Pau.
"He is asking for a DNA test."
"Wow, ha? Sino siya para mag-demand ng ganyan?"
"Kung hindi raw tayo papayag, magsasampa siya ng petition sa korte para iutos ng korte na ipa-DNA natin si Gab."
"Pumayag ka ba?" nag-aalalang tanong ni Pau.
"Hindi. I don't think papayag ang korte sa ganoong klaseng petisyon. Gawin na niya ang gusto niyang gawin pero hinding-hindi niya makukuha ng basta-basta ang mga kapritso niya. Sa korte na lang tayo magkita-kita."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top