Chapter 11 - Larawan

"GAB, BILISAN mo!"

"Lalakad na po ba tayo, daddy Rob?" tanong ng paslit habang papalabas ng banyo. Halata sa mukha nito ang di-matawarang excitement habang hirap na hirap sa pagsi-zipper ng kanyang pantalon.

"Oo, kanina pa tumatawag ang lola Minda mo tinatanong kung anong oras daw tayo pupunta," mahabang sagot ni Rob. Yumuko ito para tulungan si Gab na i-zipper ang pantalon.

"Eh, asan na si daddy Pau?

"Andun na sa kotse. Kaya halika na, puntahan na natin ang daddy Pau mo. Baka mainip 'yun pagalitan pa tayo." Lumakad na ang dalawa patungo sa kinaroroonan ni Pau.

"Sayang. Sana, yaya Imelda is here so she can go with us."

"Eh, 'di ba umuuwi siya sa bahay nila 'pag weekends? Kasi may anak din siya na kailangan niyang alagaan."

"Hi, daddy Pau!" Kumaway pa si Gab nang makita si Pau.

"O, sakay na kayo," sabi ni Pau. Ang tagal n'yo, ha. Nilumot na ako rito."

Pumuwesto na si Rob sa driver's seat. Sa kabilang upuan naman si Pau. Si Gab ay sa gitna nila pumuwesto.

"Ang laki-laki ng likuran ng kotse, dito tayo nagsisiksikan," natatawang sabi ni Rob.

"Siyempre! Magmumukha kang family driver kung sa likuran kami uupo," katwiran ni Pau.

"Eh, ano naman? At least sa likod makakahiga pa si Gab 'pag inantok sa biyahe."

"I'm not going to sleep," sabad ni Gab sa usapan. I want to sit here in front."

"O, nagsalita na ang hari. Kokontra ka pa ba?" tanong ni Pau kay Rob.

"Siyempre, hindi na. You're the boss, Gab!"

Pinatakbo na ni Rob ng kotse. Pupunta sila ngayon kay tita Minda sa Malabon. Matagal na ring nagpaparamdam ang matanda na kung pwede naman silang dumalaw. Nami-miss na raw nito si Gab. Sabagay, medyo matagal na rin naman mula nung huling makita ni tita Minda ang apo sa pamangkin nitong si Shiela.

Habang daan ay nagkukulitan sina Pau at Gab habang abala naman sa pagmamaneho si Rob. Masaya silang tatlo. Minsan ay nakikisali sa kulitan si Rob pero madalas naman ang paalala dito ni Pau na asikasuhin ang pagmamaneho at laging tumingin sa daan. Sa huli ay nagkasya na lang si Rob sa pakikinig sa masasayang halakhakan ng dalawang mahal niya sa buhay.

Bandang ala-una ng hapon nang dumating ang tatlo sa tinitirhan ni tita Minda. Masayang sinalubong ng matanda ang kanyang mga bisita.

"O, na-traffic ba kayo? Kanina ko pa kayo hinihintay. Kumain na ba kayo? Pumasok na kayo at nang makapaghanda ako ng makakain." Niyakap ng matanda si Gab. Pinupog nito ng halik ang paslit. "Ang laki-laki mo na. At ang guwapo mong bata. Manang-mana ka sa daddy mo!" tuwang-tuwang sabi ni tita Minda.

"Sino pong daddy?" maagap na tanong ni Gab. Nagkatinginan sina Rob at Pau.

"Siyempre ang daddy Rob mo. Tingnan mo o, magkamukhang-magkamukha kayo." Ewan kung binobola lang ng matanda ang apo o sadyang ang imahe ni Rob ang nakikita nito kay Gab.

"Eh, paano naman ako?" kunwa'y nagtatampong tanong ni Pau. "Ang lagay kayo lang ang magkamukha? Naitsapuwera na ako." Bahagyang humikbi pa si Pau habang nakatingin kay Gab.

"Huwag ka nang malungkot, daddy Pau, kahit 'di kita kamukha mahal na mahal naman kita. I love you very, very, very much!"

"Talaga? You love me?"

"Yes!" bibong sagot ni Gab. "Just like how much I love daddy Rob, lola Minda, and yaya Imelda."

"Yehey!" Tila batang pumalakpak si Pau. Ngingiti-ngiti lang naman si Rob habang pinanonood ang pag-uusap ng dalawa.

Pumasok na sila sa loob ng bahay.

"Teka, maupo muna kayo diyan at maghahanda ako ng makakain." At pumunta na sa kusina ang matanda. Naiwan sa salas ang tatlo.

Napansin ni Gab ang mga photo album na nagkalat sa ibabaw ng mesita sa salas. Kinuha nito ang isa at agad na binuklat. Tumambad sa kanya ang iba't-ibang larawan ng kanyang namayapang ina.

"Look, daddy Rob. Here's mommy Shiela." Itinuro ng paslit ang ina sa larawang kasama nito ang mga kaopisina.

"Yes, that's your mom. Very good!" masayang sabi ni Rob.

"Daddy Rob, you're also here!" biglang sambit ni Gab.

"Where?" Sinilip ni Pau ang litrato.

"Here..." Itinuro ni Gab ang isang lalaking nasa bandang likuran.

"Akala ko hindi mo ako makikilala diyan, eh," sabi ni Rob. "Matagal na 'yan."

"But you haven't changed. Ganyan pa rin ang itsura mo. Mas marami lang muscles ngayon."

"Kain na kayo. Naihanda ko na ang mesa." Hindi namalayan ng tatlo ang paglabas ni tita Minda galing sa kusina. "Sumunod na kayo sa akin."

Kalderetang baka, pritong tilapia at kanin ang nasa mesa. Natakam bigla si Gab. Paborito nito ang pritong tilapia. Magana nilang pinagsaluhan ang inihandang pagkain ni tita Minda. Matiyaga namang ipinaghimay ni Pau ng isda si Gab para hindi ito matinik. Naparami ang kain nilang tatlo. Masarap naman kasi talagang magluto si tita Minda. Idagdag pang gutom na rin talaga sila. Bakas naman sa mukha ng matanda ang kasiyahan habang pinanonood niyang kumain ang kanyang mga bisita.

Nang matapos kumain muli silang bumalik sa sala.

"Lola, can i have some of mommy Shiela's pictures?" tanong ni Gab habang hawak ang isang photo album.

"Oo naman. Alin ba diyan ang gusto mo? Kunin mo lang diyan," sagot ng matandang babae.

"This one, this one, and another one. These three pictures, lola."

"Sige, sa'yo na ang mga larawang 'yan. Para lagi mong nakikita ang mommy mo."

Excited na inalis ni Gab sa photo album ang tatlong litratong kanyang napili. Tapos ay iniabot iyon kay Pau. "Daddy Pau, can you please keep these pictures for me?"

"Sure," sagot ni Pau. Kinuha nito ang mga litrato at isinilid sa bulsa ng suot nitong polo.

"Kumusta kayo rito, tita Minda? Baka po gusto n'yong doon na lang tumira sa amin para may kasama ka. At para lagi n'yo ring makita ang makulit na batang ito." Itinuro ng mga labi ni Rob si Gab.

"Huwag na. Tama na 'yung dinadalaw n'yo ako rito paminsan-minsan. Na-miss ko lang talaga si Gab kaya ako na ang nagpumilit na pumunta kayo rito ngayon," nakangiting sabi ng matanda.

"Pero tita Minda, anytime po na gusto n'yong tumira sa amin welcome po kayo roon," sabad ni Pau sa usapan. "Hindi naman po kayo iba sa amin. At kayo lang ang nag-iisang lola ni Gab."

"Maraming salamat sa inyo. Kung buhay pa sana si Shiela, mas lalo sigurong masaya si Gab dahil kumpleto ang pamilya niya. Si Shiela, si Rob at si Gab."

Ngumiti lang si Rob. Buo pa rin ang paniniwala ni tita Minda na siya ang ama ni Gab at ayaw niyang baguhin ang paniniwala nito. Si Pau naman ay hindi na lang nagsalita. Aware naman siya sa buong kuwento ng buhay ni Gab.

Marami pang napagkuwentuhan sina Rob, Pau at tita Minda. Si Gab naman ay naging abala sa panonood ng tv at maya-maya lang ay nakatulog na ito. Alas-sais na ng gabi nang magpaalam ang tatlo sa matandang babae. Nangako si tita Minda na isang araw ay siya naman ang bibisita sa tahanan nina Rob at Pau.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top