Kabanata 9
Maagang nagising si Lucas ng araw na iyon. Balak niyang maglibot sa buong hacienda, para tiyaking nasa ayos lahat ng mga kailangan ng mga trabahador. Iyon ang nakagawian niya. Tuwing katapusan ng buwan ay naglilibot talaga siya sa buong hacienda kasama ang kanyang tauhang si Boyet.
Bago siya umalis ay pumasok muna siya sa kuwarto niya para tingnan kung ayos lang ang dalagang nasagip niya.
Napangiti siya nang makita si Veron na kasalukuyang natutulog sa tabi ng babae. Nakanganga pa ito habang mahimbing na natutulog at yakap ang isang unan.
"Tss! Pambihira talaga itong batang ito, dito na naman natulog," bulong niya.
Biglang kumabog ang puso niya nang mapadako ang mga mata sa mukha ng babae. Hindi niya napansin na gising na pala ito at ngayon ay nakatitig na sa kanya. Hindi niya maipaliwanag ang nadarama dahil lamang sa mga titig nito, parang biglang tumambol nang malakas ang puso niya. Ang lakas nang epekto sa kanya ng mga mata nitong malamlam kung tumingin. Ngayon lamang siya nakaramdam nang ganoon. Maging sa kasintahan niyang si Marga ay hindi niya naranasan ang ganoong pakiramdam.
Sa taglay niyang kagwapuhan ay nasanay na siya sa mga titig ng babae, pero kakaiba ang isang ito. Bago sa kanya ang pakiramdam na iyon.
Bigla siyang natauhan nang makita niyang unti-unting gumuhit ang isang ngiti sa mapupula nitong mga labi. Hindi niya alam kung ilang minuto na ba silang nakatitig sa isa't isa.
"Ahem, H-hi. Ma-mabuti at nagising ka na," bati niya sa dalaga. Gusto niyang murahin ang sarili dahil nauutal siya sa harap nito. Pero natutuwa naman siya dahil sa wakas ay nagising na rin ito.
"Hello," sagot nito. "Ikaw ba si Lucas?"
"A-ako nga." Shit! Umayos ka, Lucas. Hindi ka naman dating ganyan, ah.
"Maraming salamat sa'yo, sa pagtulong mo sa akin," sabi nito. "Naikuwento na sa akin ni Veron na ikaw ang sumagip sa akin sa gitna ng laot."
Sasagot sana siya sa sinabi ng dalaga nang biglang bumukas ang pinto at pumasok si Alfie na may bitbit na umuusok pang kape. Talagang at home na ito sa pamamahay niya. Nanlaki pa ang mga mata nito nang mabungaran silang dalawa.
"Oh. It's good to see you awake. Sa wakas ay nagising na pala ang pasyente ko,"natutuwang sabi ni Alfie. Lumapit ito sa lamesita at inilapag doon ang tasa na may lamang kape. "Good morning, 'tol, ang aga ng gising, ah," bati nito sa kanya. Habang ang babae naman ay nagmamasid lang sa kanilang dalawa.
"Good morning din," sagot niya sa kaibigan.
Lumapit si Alfie gilid ng kama at nakangiti habang nakatunghay sa babaeng nakahiga.
"Kumusta na ang pakiramdam mo, Miss Ganda?" turan ni Alfie. Napailing siya sa ginamit nitong pantawag sa bisita niya. Mabuti na lang at kilala niya ito.
Napangiti naman ang babae. Pansin niya ang pagiging positibo sa hitsura nito.
"Mabuti na ang pakiramdam ko. Maraming salamat sa tulong n'yo," wika ng dalaga.
Dahil sa ingay ay nagising si Veron. Pupungas-pungas ito nang bumangon sa higaan saka tumingin sa buong paligid. Pinasadahan din nito ng tingin ang ayos nilang dalawa ni Alfie. Bago tuluyang lumingon sa katabi nitong nakahiga sa kama.
"Waah! Good morning, Ate Hailey... Bakit hindi mo ako ginising? Pinag-almusal ka na ba nitong dalawang ito?"tanong ng kanyang kapatid. Tinaasan pa siya ng kilay nito.
Natawa ang dalaga dahil sa tinuran ni Veron. Nakita niyang umiling-iling ito bilang sagot sa tanong ng kapatid niya.
Ngunit umagaw sa kanyang interes ang pangalang itinawag ni Veron sa dalaga. Kaya naman napalingon siya kay Alfie, bakas din sa hitsura ng kaibigan na nagulat din ito dahil sa narinig.
"Hailey ang pangalan mo?" magkasabay na tanong nilang dalawa ni Alfie.
"Ba-bakit? May problema ba sa pangalan ko?" nagtatakang tanong ng babae.
Nagkatinginan silang muli ni Alfie.
"Wala naman. Kapangalan mo kasi iyong babaeng nasa balita kahapon. Kaya nagtataka talaga ako dahil magkamukha rin kayong dalawa," sagot niya.
"Oo nga! Naalala ko na, Hailey rin ang pangalan noong babae sa balita kahapon. At kamukhang-kamukha mo nga siya, Ate Hailey," pagsang-ayon ni Veron sa sinabi niya. "Pero sandali lang, kuya? Paano mong nalaman iyong sa news, eh kagabi lang ayaw mo namang maniwala sa sinabi ko sa'yo?" tanong nito sa kanya.
"Wait lang...ano ba iyong news na pinag-uusapan n'yo? Naguguluhan kasi ako eh. 'Di ko ma-gets," nalilitong tanong ni Hailey. Palipat-lipat sa kanilang tatlo ang tingin nito.
"Ano kasi, saglit lang ha...may kukunin lang ako," paalam niya. Lumabas siya ng silid at nagtungo sa kanyang opisina para kuhanin ang diyaryo na dala ni Alfie noong nagdaang gabi.
💠💠💠
Naiwan silang tatlo sa loob, habang ang lalaking gumamot sa kanya ay tuloy lang sa paghigop ng kape. Mayamaya pa'y muling bumukas ang pinto at iniluwa si Lucas, bitbit nito ang diyaryo.
"Ito, tingnan mo 'to." Sabay abot ni Lucas sa diyaryong hawak.
Kinuha niya ito at mariing pinasadahan ng tingin ang nasa pahayagan. Biglang bumulwak ang galit sa kaniyang dibdib noong nabasa niya ang nasa headline. Tumulo ang masaganang luha sa kanyang mga mata. Walang hiya ka talaga, Miranda! Alam kong ikaw ang may pakana ng lahat ng ito. Nanginginig ang mga kamay niya habang nilalamukos ang diyaryong hawak.
"Bakit? Ikaw ba iyang nasa balita?" rinig niyang tanong ni Lucas. Nang lingunin niya ito ay nakita niya ang nakakunot nitong noo. Hindi niya alam kung nag-aalala ba ito sa kanya o talagang nagtataka lang.
Naramdaman niya ang marahang paghaplos ni Veron sa kanyang balikat. Bahagyang kumalma ang pakiramdam niya dahil doon, pero patuloy pa rin siya sa tahimik na pag-iyak.
"Ate Hailey, kung ano man ang iyong pinagdadaanan sa ngayon nandito lang kami sa tabi mo," masuyong sabi ni Veron.
"Tama ang kapatid ko, Hailey, bukas ang bahay na ito. Nakahanda kaming tumulong sa'yo," sabi naman ni Lucas. Bakas ang pakikisimpatya sa boses nito. Dahil sa sinabi ng dalawa ay bahagyang umayos ang kanyang pakiramdam.
"Kumalma ka muna, Miss Beautiful. Tama na iyang pag-iyak. Narinig mo naman iyong sinabi nitong dabarkads ko? Naku, safe na safe ka rito. At huwag kang mag-alala dahil mababait sila," kwelang sabi ni Alfie.
"Nakahanda akong makinig kung ano man 'yang problema mo, gaano man kabigat 'yan nandito lang ako, nandito lang kami... Makikinig ako kapag handa ka nang pag-usapan 'yan," seryosong sabi ni Lucas.
"Ma-maraming sa-salamat," tanging nasabi niya. Hindi pa siya handang sabihin sa mga ito ang totoo niyang kalagayan.
Nagagalit siya kay Miranda. Alam niyang ito ang may kagagawan sa lahat nang kalbaryong pinagdadaanan niya sa ngayon. Pakiramdam niya ay isa na siyang talunan. Pinatay na siya nang tuluyan ng babaeng 'yon. Lahat kinuha na sa kanya. Paano pa siyang babangon ngayon? Gayong ang alam ng lahat ay patay na siya. Labis-labis na sakit at galit para kay Miranda ang sumibol sa kanyang dibdib.
Ngayong alam na ni Hailey ang ginawa ni Miranda, ano kaya magiging hakbang niya para labanan ito? Paano niya muling itataas ang sarili gayong patay na siya sa kaalaman ng lahat?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top