Kabanata 8

Nagising si Veron mula sa mahimbing na pagtulog nang maramdaman niya ang isang kamay na humahaplos sa ulo niya. Dahan-dahan niyang iminulat ang kanyang mga mata at laking gulat niya nang makita ang babae. Gising na ito at ngayon ay nakangiti ito sa kanya. Nakalimutan niyang nakatulog na naman pala siya sa tabi nito.
Ngumiti siya sa babae at marahang bumangon.

"Si-sino ka? Nasaan ako?" tanong ng babae sa kanya. Uupo sana ito ngunit pinigilan niya ito sa nais gawin.

"Huwag ka po munang masyadong gumalaw. Baka po dumugo ang mga sugat mo," nag-aalalang sabi niya.

"Sino ka?" muling tanong nito. Habang inililibot nito ang paningin sa buong paligid ng kwarto.

"Veronica po ang pangalan ko. Tawagin mo na lang akong Veron," nakangiting sagot niya sa babae.

Pinagmasdan ng babae ang kamay nitong may nakakabit na dextrose, bago ito muling tumingin sa kanya na nakakunot ang noo.

"Nasaan ako? bakit ako nandito?" muling tanong nito.

"Si Kuya po ang nagdala sa'yo rito sa bahay. Natagpuan ka ng kuya ko na palutang-lutang daw sa gitna ng laot. Kaya iyon, inuwi ka niya rito sa bahay namin," sagot niya. "Ano po pala ang pangalan n'yo," tanong niya sa babae.

Ngumiti sa kanya ang babae bago ito sumagot sa tanong niya. "H-hailey ang pangalan ko,"sagot nito.

"Wow. Ang ganda po ng pangalan mo. Bagay po sa 'yo!"

Napangiti ito dahil sa sinabi niya.

"Maraming salamat. Ikaw rin naman, bagay sa 'yo ang pangalan mong Veron," balik papuri nito sa kanya.

"Wait lang po Ate Hailey, gigisingin ko si Kuya tiyak na matutuwa iyon ngayong gising ka na." Akma siyang tatayo nang pigilin siya nito.

"Huwag mo na siyang gisingin. Nakakahiya naman baka mahimbing na ang tulog ng kuya mo," sabi nito.

"Pero okay na ba ang pakiramdam mo? Wala po bang masakit sa katawan mo? Pwede ko ring gisingin si Kuya Alfie. Siya ang doctor na gumamot sa 'yo," turan niya. Nag-aalala kasi siya para dito.

Bahagya itong tumawa, "Huwag mo akong alalahanin. Mabuti na ang pakiramdam ko. Maraming salamat sa 'yo at sa mga kuya mo," nahihiyang sabi nito.

"Sus, maliit na bagay Ate Hailey!" natutuwang sabi niya. Hindi maalis ang mga mata niya sa mukha nito. Gandang-ganda kasi siya rito kahit halata pa ang mga pasa sa mukha nito.

"Baka naman matunaw na ako niyan," pagbibiro sa kanya ni Hailey. Nagtawanan silang dalawa.

"Ang ganda n'yo po, eh. Sa wakas nagkaroon na rin ako ng ate. Pwede ba kitang tawaging Ate Hailey?" tanong niya.

"Oo naman. Kanina mo pa nga ako tinatawag na ate, eh," sagot nito.

"Ai, Oo nga pala!" Natawa siya. "Hindi ka ba nagugutom Ate Hailey? Ikukuha kita ng pagkain."

"Ang totoo niyan gutom na gutom na nga ako, eh," nahihiyang sabi nito sa kanya.

"Sige. Kukuha po ako nang makakain," sabi niya saka siya lumabas ng kuwarto para ikuha ito ng pagkain.

                                 💠💠💠

Naiwan si Hailey sa loob ng silid na iyon kaya malaya niyang pinagala ang mga mata  sa loob ng kuwarto. Black and white ang kulay nito, malaki ang ispasyo, malinis, at nasa tamang ayos ang lahat ng mga kagamitan. May ilang paintings din na nakasabit sa dingding na lalong nagbigay ng buhay sa buong paligid.

Napansin niya ang maliit na sala hindi kalayuan sa kinahihigaan niyang kama. Napakunot ang noo niya habang nakatitig sa black and white na kulay ng sofa.

Nang magsawa siya sa katitingin sa buong kuwarto, ay muli niyang sinariwa ang dahilan kung bakit siya napadpad sa lugar na ito. Nagtagis ang kanyang mga bagang nang maalala niya ang mga ginawa ni Miranda. Isinusumpa niya sa oras na ito na  muling babalikan ang mag-inang iyon at babawiin niya kung ano ang dapat ay sa kanya.

Talagang may awa pa rin ang Diyos dahil binigyan siya ng pangalawang buhay. Hindi niya alam sa ngayon kung paano siya magsisimulang muli. Ngunit tinitiyak niya sa kanyang sarili na muli siyang babangon. Pagbabayarin niya si Miranda sa lahat nang atrasong ginawa nito sa kanyang pamilya.

"Wala ka naman talagang atraso sa akin hija, pero ang magaling mong ina... Malaki ang atraso sa akin. At ngayong wala na s'ya, ikaw naman ang isusunod ko!"

Muli niyang naalala ang sinabi nito sa kanya. Dagli siyang napaisip kung ano ba ang ibig sabihin noon. Parang may bumubulong kasi sa kanyang isip na may kinalaman ito sa pagkamatay ng kanyang ina seven years ago. Malaki ang posibilidad na kayang-kaya iyong gawin ni Miranda, base na mismo sa ginawa nito sa kanya. Posible ngang pinagplanuhan talaga nito ang lahat kung paano papasukin ang buhay nilang mag-ama.

Naputol ang iniisip niya nang dumating si Veron. Dala nito ang isang tray na puno ng pagkain. Agad siyang nakaramdam ng gutom nang makita ito. Tumunog ang sikmura niya, hindi na niya alam kung ilang araw na ba siyang hindi kumakain.

Inilapag nito ang tray ng pagkain sa lamesitang nasa tabi ng kama.

"Ang dami naman niyan," komento niya. Nang makita niya ang dala nito na sa kanyang paningin ay sinigang ang ulam. Umuusok pa ang sabaw kaya lalo siyang nakaramdam ng gutom.

"Alam ko kasing gutom ka, Ate Hailey. Pinainit ko pa ito kaya ako natagalan. Susubuan na lang kita,"  anito.

"Naku. Nakakahiya naman sa 'yo." Ngumiti siya rito. "Ako na lang." Akma sana siyang tatayo para lumapit doon sa lamesita pero biglang kumirot ang kanyang tagiliran kaya napangiwi siya at kinapa ang sugat na may benda.

"Sabi ko na sa 'yo, Ate Hailey, hindi mo pa po kaya," turan ni Veron. Saka siya muling inalalayan nito para makaupo nang maayos. "Huwag kang mahiya sa akin, Ate Hailey, hayaan mong subuan na lang kita."

Napangiti na lang siya kay Veron at saka tumango bilang pagsang-ayon sa dalaga.

Sinubuan nga siya nito. Sa labis na gutom ay naubos niya ang pagkaing dala ni Veron. Pati ang dala nitong prutas ay nilantakan din niya.

"Ang takaw mo pala, Ate Hailey. Nasimot mo, eh."

"Gutom lang talaga ako, hindi ko na nga matandaan kung kailan ang huling kain ko," natatawang sagot niya.

Natutuwa siya kay Veron dahil ramdam niyang mabait ito sa kanya kahit ngayon lang niya ito nakilala.

"Biro lang naman iyon, Ate Hailey, alam ko namang nagutom ka talaga. Halos dalawang araw ka ring walang malay tao." 

"Maraming salamat ha, napakabait mo namang bata." Biglang humaba ang nguso nito dahil sa kanyang sinabi dahilan para lumapad ang pagkakangiti niya. "Bakit?"

"Pareho kasi kayong dalawa ni Kuya Lucas. Madalas akong sabihang bata. Dalaga na kaya ako!" Para itong batang nagmamaktol sa tabi niya.

"Oo na, sige na. Dalaga ka na." Natutuwa talaga siya kay Veron. Malapit sa kanyang puso ang mga bata dahil pakiramdam niya ay nagkakaroon siya ng kapatid. Ilang oras pa lang silang nagkakilala pero palagay na ang loob niya sa dalagitang ito.

Matapos mailigpit ni Veron ang kanyang pinagkainan ay muli itong bumalik sa tabi niya. Nagkwentuhan lang sila nang kung anu-ano hanggang sa pareho na silang dinalaw ng antok.

Ngayong nagising na si Hailey, ito na kaya ang panibagong simula ng kanyang buhay? Ano ang kahihinatnan nang pananatili niya sa Isla? Alamin natin sa mga susunod na kabanata.
😊

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top