Kabanata 7
Nakakatamad ang maghapong iyon para kay Veron. Bakasyon na kasi kaya nasa mansyon lang siya, tinatamad naman siyang lumabas at pumunta sa mga kaibigan niya rito sa isla.
Bumaba siya sa salas, manonood na lang siya ng paborito niyang palabas sa TV tuwing hapon.
Nagtuloy siya sa kanyang pinakamamahal na upuang cleopatra. Gawa ito sa Narra, at may mga nakaukit na bulaklak sa sandalan nito. Kahit gawa sa matibay na kahoy ay hindi naman ito masakit sa likod, dahil nalalatagan ng malambot na foam ang upuan. Pakiramdam niya ay isa siyang prinsesa tuwing uupo siya roon. Pinasadya talaga itong ipagawa ng kuya niya, sa katunayan ay tatlo nga iyon dahil tig-iisa silang magkakapatid.
Nasa gitna ang isang maliit na lamesita, nakapatong sa ibabaw ang isang decorative bowl na hugis kabibe. Imbes na perlas ay anim na golf ball ang laman niyon. Ito ang ibinabato niya kay Noah tuwing nag-aaway sila. Huwag lang tatamaan ang malalaking banga na naka-display sa magkabilang gilid ng hagdanan pati ang mga nakasabit na painting sa dingding ng sala, dahil tiyak na uusok ang ilong pati ang tainga ng Kuya Lucas nila.
Dinampot niya ang remote control na nasa ibabaw ng lamesita at saka binuksan ang sixty five inches na flat screen TV.
Bumungad ang larawan ng isang babae sa malapad na screen ng TV, pagkatapos ay biglang nag-play ang isang video na ipinapakita ang babae habang kasama ang mga bata sa isang foundation.
Napahawak siya sa kanyang dibdib. Hindi siya pwedeng magkamali. Kahawig ito ng babaeng nasagip ng kuya niya noong nakaraang gabi.
Posible kayang magkamukha lang sila?
Malakas na yapag ng tsinelas sa marmol na sahig ang narinig niya mula sa hagdanan. Nilingon niya iyon, sa kuya pala niya nanggagaling ang tunog habang pababa ito. Bagong ligo ito at nakapambahay lang, nakasabit sa kanang balikat ang kulay asul na tuwalya.
"Kuya! Lapit ka rito, tingnan mo itong nasa balita. Kamukha niya 'yong babaeng nasagip n'yo."
Lumapit ang kuya niya nang marinig nito ang kanyang sinabi.
"Ano bang balita ang sinasabi mo riyan?" Umupo ito sa tabi niya at itinuon ang paningin sa TV. Commercial na ang ipinapakita kaya biglang nalukot ang mukha nito.
"Hay naku! Ang bagal mo kasing lumapit, Kuya. 'Yan tuloy, tapos na 'yong balita." Nakasimangot siya nang lumingon dito.
Ngumiti ito nang malapad habang nakatitig sa kanya. "Ano ba kasi iyong sinasabi mo kanina?"
"Sabi ko po, 'yong babae sa balita kahawig nang nasagip n'yo kagabi." Umangat ang isang kilay ng kanyang kuya kaya nakaramdam siya ng inis dahil halatang hindi ito naniniwala sa sinasabi n'ya.
"Baka naman magkahawig lang sila...marami namang gan'on sa mundo eh." Napailing ito at mahinang tumawa.
Baliw rin talaga itong si Kuya, ano kayang nakakatawa r'on sa sinabi ko?
"Tsk! Parang siya talaga iyong nasa picture. Pareho sila ng ilong, pati mata at hugis ng mukha. Pero ang sabi sa balita...nakaburol daw 'yong babae."
"Baka nga kasi kamukha lang niya, ang kulit mo! Nakaburol na pala eh...'yong nasagip namin nandiyan pa sa kuwarto at hindi pa rin nagkakamalay," sagot ni Lucas.
"Lucas, Veron. Halina kayo at nakahanda na ang hapunan," sabi ni Manang Nelia.
Napahawak siya sa kanyang dibdib dahil pakiramdam niya ay tumalon ang kanyang puso. Halos sabay silang lumingon sa matanda na nasa likuran, hindi nila namalayan ang paglapit nito.
"Nakakagulat ka naman po, Manang Nelia," turan niya. Matagal na nila itong kasambahay at halos ito na rin ang tumayong ina sa kanilang tatlong magkakapatid mula ng mamatay ang mga magulang.
Narinig niyang bahagya itong tumawa, "Ikaw talagang bata ka. Ano ba kasi ang pinag-uusapan niyong dalawa at hindi n'yo napansin ang paglapit ko?" Nakangiti pa rin ito habang nakatingin sa kanya. Bakas na ang mga kulubot nito sa noo ngunit taglay pa rin ng matanda ang maamong mukha.
"Sabi po kasi nitong si Veron, kamukha raw ng babaeng nasagip namin kagabi iyong babaeng nasa balita kanina sa TV."
"Yay! bahala ka nga, Kuya. Kung ayaw mong maniwala sa sinasabi ko, 'di 'wag!" Napakamot na lang siya sa sariling ulo dahil pakiramdam niya ay nangati iyon. Itinaas niya ang kilay at inirapan ang kanyang Kuya Lucas.
Tumayo naman ito at saka humakbang paalis ng living room, naglakad ito patungo sa kusina. Agad niyang pinatay ang TV at nagmamadaling sumunod dito. Nakangisi pa rin ito nang lumingon sa kanya, kaya lalong humaba ang nguso niya.
"Naku! marami naman talagang magkakamukha, Veron. Huwag mo na lang isipin iyon. Umupo ka na riyan para makapaghapunan na," sabi ni Manang Nelia. Hinatak nito ang isang upuan sa tabi ng kuya niya at doon siya pinaupo. "Kumain ka na lang para sa kaarawan mo'y mataba ka na," dagdag pa nito habang ipinagsasandok siya ng pagkain.
Talagang maswerte silang magkakapatid dahil nandito itong si Manang, talagang napakabait nito sa kanila. Hindi na ito nakapag-asawa dahil ito na halos ang katulong ng Kuya Lucas niya sa pag-aalaga sa kanila ni Noah. Masyado pa kasi silang bata noong namatay ang mama at papa nila dahil sa aksidente sa dagat. Lumubog ang sinasakyang yate ng mga ito matapos abutan ng bagyo sa gitna ng laot. Galing ang mga ito sa Manila at pauwi sa isla nang mangyari ang aksidente.
"Manang Nelia, ang dami naman po nang inilagay n'yong pagkain. Hindi ko ito kayang ubusin." Para siyang sasabak sa giyera nito. Punong-puno ng kanin, adobong native na manok, at pati pakbet ay nilagyan din ni Manang.
Biglang humalakhak ang kuya niya. "Tama lang iyan para tumaba ka naman. Isang ihip lang ng hangin sa iyo tiyak liliparin ka na."
"Si Kuya talaga! Nakakainis ka na. Hindi naman ako payat eh!" Alam naman niyang malaking bulas siya kahit maglalabing-walong taong gulang pa lang siya.
"Anong tawag mo riyan sa katawan mo?" Nakangiting tanong nito sa kanya habang nagsasandok ito ng pagkain. Alaskador talaga! Pero alam niyang ito lang ang paraan ng kuya niya para maglambing sa kanya.
"Tingting! Iyan ang tawag d'yan sa katawan ni Ate Veron." Nilingon niya ang bunsong kapatid na si Noah.
Marahan itong naglakad patungo sa dining table, mabigat ang mga hakbang nito. Nakapamulsa pa ang dalawang kamay sa bulsa ng suot na short. Halos hindi na niya makita ang mga mata nito dahil sa pagkakangiti. Ang buhok ay mukhang hindi man lang nadaanan ng suklay buong maghapon. Mukhang nagbabad na naman ito sa computer at maghapong naglaro ng dota. Ito talaga ang number one na bully sa kanya. Ang batang version ng kuya niya.
Inirapan niya ito,"Nagsalita ang hindi tingting!"
Tinawanan lang siya nito.
"Tama na iyang asaran n'yo at kayo'y nasa harap ng pagkain."
"Kumain na rin po kayo. Sumabay na po kayo sa amin," sabi ni Lucas.
"Naku, mamaya na ako kakain. Sasabay na lang ako kina Lota at Sabel," sagot ni Manang Nelia. Saka ito lumapit kay Noah at nilagyan ng pagkain ang plato nito."'Yan, ubusin mo iyan. Kumain ka rin ng marami para lumaki ka."
Sabay silang tumawa ng kanyang Kuya Lucas. Wala nang nagawa ang bunso nila kung 'di ubusin ang pagkaing sinandok ni Manang Nelia.
💠💠💠
Matapos kumain ay umakyat si Veron sa kwarto ni Lucas para bantayan ang wala pa ring malay na babae. Si Noah naman ay nagtungo na rin sa sariling kuwarto upang magpahinga.
Samantalang si Lucas ay nagtungo sa kanyang opisina sa loob ng mansyon.
Dito lang siya naglalagi kapag wala siyang kailangang asikasuhin sa labas. Marami naman siyang mga tauhan sa buong isla na pagmamay-ari nila. Na siyang tumitingin sa mga trabahador sa loob ng hacienda. Pumupunta lamang ang mga ito sa mansyon upang mag-ulat sa kanya, kung minsan naman ay siya ang naglilibot sa buong hacienda.
Eighteen years old siya noong namatay ang mga magulang nila, eight years old naman ang kapatid niyang si Veron, sampung taon ang tanda niya rito. Samantalang si Noah ay magsi-seven years old lamang noon, kaya maaga siyang namulat sa responsibilidad.
Bata pa lang ay natutunan na niya ang pagpapatakbo sa kanilang mga sakahin na nasa kabilang bayan. Mayroon silang pineapple plantation, poultry, mga alagang baka, at kabayo, na matatagpuan dito sa Hacienda Monte Vista. Nagbi-breed din sila ng mga kabayo na naibibinta niya hindi lang dito sa bansa maging sa ibang bansa ay may mga buyers din siya. Mayroon silang malawak na pataniman ng mga gulay sa kabilang bayan. Sila ang nagsu-supply ng mga gulay sa lahat ng palingke sa buong bicol region.
Lahat ng nakatira sa isla ay mga manggagawa niya. Ang Isla na kung tawagin ay Isla Puting Bato, ito ay pagmamay-ari ng kanilang pamilya.
Sunod-sunod na katok sa pinto ang pumukaw sa kanyang atensyon. Tumayo siya at lumapit sa pintuan upang pagbuksan kung sino man ang kumakatok.
Nang mabuksan niya ito ay si Alfie pala.
"Akala ko mamaya ka pa babalik dito eh," sabi niya nang mapagbuksan ang kaibigan. "Halika, pasok ka."
Pumasok naman si Alfie at tuloy-tuloy ito sa couch na naroon.
"Kumusta na ang pasyente ko? Gising na ba?" Pabagsak itong umupo sa kulay itim na sofa bago lumingon kay Lucas.
"Hindi pa nga eh. Ang tagal niyang magising...baka kung ano na ang nangyari sa kanya?"
"Huwag kang mag-alala, Bro, baka mamaya o bukas ay magigising na rin iyon. Ang mahalaga ay stable naman ang lagay nito," sagot ni Alfie. "May ipapakita pala ako sa 'yo." Naghalungkat ito sa dalang bag.
"Ano naman 'yon, Bro? Baka kung anong kalokohan lang 'yan ha?"
Nakita niyang biglang sumeryoso ang mukha nito. Bihira lang niyang makita na gan'on ang kaibigan dahil talagang maloko ito."Hindi ito kalokohan, Bro. Tingnan mo iyan." lbinigay nito sa kanya ang hawak diyaryo.
Inabot niya ang diyaryo at saka pinasadahan nang tingin ang nakasulat sa headline, "Hailey Saavedra?" Lumingon siya sa kaibigan. "Kamukhang-kamukha ito ng pasyente mo," turan niya nang makita ang picture ng babae na nasa headline ng diyaryo.
"'Yan din ang napansin ko nang nakita ko iyan kaninang umaga. Para silang pinagbiyak na bunga," sabi ni Alfie.
"Posible kayang may kaugnayan diyan ang babaeng nasagip n'yo?" Nakakunot ang noo ni Alfie habang nakamasid ito kay Lucas, naghihintay ng opinyon niya.
Dahil sa tanong ng kaibigan kaya napaisip din siya. "Hindi ko rin alam, Bro, malalaman natin 'yan oras na gumising siya."
Ngayon ay naniniwala na siya sa sinabi ng kapatid na si Veron, totoo nga iyon. Talagang magkahawig na magkahawig ang dalawang babae. Naguguluhan pa rin siya at napapaisip kung bakit halos pareho ang sinapit ng dalawang babae. Ang kaibahan lamang ay buhay ang babaeng nasagip niya samantalang ang kamukha nito ay namatay.
Nagkataon lang kaya na magkamukha ang mga ito?
Please vote and comment guy's if you like my story... happy reading. 😊😃😘
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top