Kabanata 6
Kinabukasan ay laman ng mga pahayagan, radyo at telebisyon ang nangyaring pagkamatay ng nag-iisang anak ni Don Alejandro na si Hailey Saavedra. Ang kaisa-isang tagapagmana ng Saavedra Group of Companies ay nasangkot sa isang aksidente na nauwi sa pagkamatay nito.
Nahulog ang kanyang sinasakyang kotse sa isang bangin na sakop ng Taytay Rizal. Ayon sa balita ay sumabog ang sasakyan ni Hailey nang malaglag ito sa naturang bangin. Na siyang dahilan upang masawi ang dalaga. Hindi na makilala ang mukha nito dahil sa labis na pagkasunog.
Papunta sana ito sa isang bahay ampunan sa Rizal upang dumalaw sa mga batang inabanduna ng kanilang mga magulang. Isa ito sa tinutulungang Charitable Institution ng mag-amang Saavedra. Tuwing katapusan ng buwan ay walang palya ang pagdalaw ni Hailey roon.
Marami ang nagluluksa at nalulungkot dahil sa pangyayaring ito. Nakikidalamhati sila dahil sa pagpanaw ng dalaga.
Tahimik at nakatutok sa malapad na television ang mga mata ni Don Alejandro sa loob ng sariling silid habang nakaupo ito sa isang wheelchair.
Forty eight years old na ito, ngunit mababakas pa rin sa itsura ang 'di matatawarang kakisigang tinataglay noong kabataan nito. Dangan nga lamang ay nagkasakit ito at na-istroke. Kasalukuyan itong nanonood ng morning news at nasa tabi niya ang personal therapist na kinuha ni Miranda.
Nababakas sa kanyang mukha ang labis na kalungkutan dahil sa kaalamang patay na ang nag-iisang anak. Dahil sa karamdaman ay tanging tahimik na pagluha na lamang ang nagawa ng don.
"A-a-nanak k-ko..." Pilit nitong inaabot ang larawan ng anak na nakapatong sa bedside table na malapit sa kanya. "H-hai-ley, a-a-an-nak k-ko-o." Walang tigil sa pagpatak ang mga luha sa kanyang mga mata; para itong ulan na hindi kayang pigilan ang pagbagsak sa hapis nitong pisngi.
Lumapit ang kasamang therapist ni Don Alejandro at marahan nitong hinaplos ang likod ng don. "Don Alejandro, kumalma po muna kayo. Makakasama po sa inyo ang labis na pag-iyak." Naglakad ito patungo sa maliit na lamesita at nilagyan ng tubig ang isang basong naroon. "Uminom po muna kayo ng tubig, makakatulong po ito upang maibsan ang iyong nararamdaman, Don Alejandro." Marahan nitong inilapit ang baso sa bibig ng matanda, ngunit pilit inilalayo ng don ang kanyang bibig, nagpatuloy lamang ito sa pagtangis.
Wala nang nagawa si Art upang pakalmahin ang naghihinagpis na matanda. Kailangan ngang ilabas ng don ang saloobin, dahil hindi talaga biro ang pinagdadaanan nito. Namatayan ito ng kaisa-isang anak. Muling hinagod ni Art ang likod ng matanda upang kahit paano ay makaramdam ito nang ginhawa.
Biglang bumukas ang pinto ng silid, at mula roon ay pumasok sa loob si Miranda. Agad itong lumapit sa naghihinagpis na asawa, nang makita niyang hilam ito sa luha.
"Mahal ko, tama na iyan...tanggapin na lang natin na sadyang hanggang doon na lang ang buhay ng anak mo." Bigla siyang lumuhod sa harapan ng don na kasalukuyan pa ring nakaupo sa wheelchair upang maging magkapantay sila. Marahan niyang hinawakan ang mukha ng asawang luhaan at masuyong iniharap sa kanya.
"Nagdadalamhati rin ang puso ko ngayon dahil sa pagkamatay ni Hailey. Para ko na rin siyang tunay na anak, Alejandro. Marahil ay hanggang doon na lang talaga ang kanyang buhay. Kaya tanggapin na lamang natin iyon." Pumikit-pikit siya upang piliting lumabas ang mga luha sa kanyang mga mata. Kailangan niyang ipakitang apektado rin siya, lalo na't may kasama sila sa loob ng kuwarto. Napansin niyang pilit tumango ang asawa, nabawasan na rin ang pag-alog ng mga balikat nito.
"Mamayang hapon ay pupunta tayo sa burol niya. Ipinaayos ko na ang lahat ng kailangan para sa kanyang burol, kaya wala kang dapat ipag-alala pa. Alam kong magiging masaya siya kung saan man siya naroon ngayon, lalo na kung hindi ka niya makikitang nasa ganyang kalagayan, Alejandro." Tumayo siya at marahang niyakap at hinaplos-haplos ang likod ng asawa na ngayon ay medyo kalmado na.
Napangiti siya dahil nagbubunyi ang puso niya para sa kaganapan ng kanyang mga plano, ngayon ay talagang wala nang hahadlang sa kanya.
Wala pa rin talaga siyang kupas, lahat ng sagabal sa kanya ay talaga namang may kalalagyan.
Sinupil niya ang ngiti sa mga labi at saka bumaling kay Art. "Halika, tulungan mo akong maihiga siya, kailangan na niyang magpahinga."
Agad lumapit si Art nang marinig ang kanyang sinabi.
"Sa ngayon ay kailangan mo munang magpahinga, Alejandro. Mamayang hapon ay pupuntahan natin ang anak mo." Kumalas siya mula sa pagkakayakap sa asawa at saka siya bumaling kay Art.
Mabilis naman ang kilos ng therapist. Agad itong pumuwesto sa likuran ni Don Alejandro, at saka isinuot ang kamay sa magkabilang kilikili ng don. Maingat nitong iniangat ang katawan ng matanda palapit sa malambot na kama. Walang kahirap-hirap nitong nailipat ang don sa malambot na higaan.
Nang makahiga ng maayos ang don, muling lumapit si Miranda sa asawa na tahimik pa ring lumuluha. Kinuha niya ang makapal na comforter at itinakip sa katawan nito. Marahan siyang yumuko at pinunas ang mga luhang muling naglandas sa mukha ng asawa.
"Tama na iyan, mahal ko. Magpahinga ka na." Ginawaran niya ng isang banayad na halik ang pisngi nito, bago tumalikod at naglakad palabas ng kuwarto.
Bago tuluyang lumabas ay lumingon siya kay Art. Nakita niyang marahan itong tumango sa kanya habang nakatayo ito sa tabi ng higaan ng asawa. Maaasahan talaga ito, kaya naman ito ang kinuha niya upang magbantay sa asawa niyang walang kuwenta.
Kawawa ka naman, Alejandro. Napakadali kasing bilugin ng ulo mo.
Muling umukit ang malapad na ngiti sa mga labi niya habang naglalakad papasok sa sariling kuwarto.
Mula nang magkasakit ito ay lumipat na siya ng kuwarto. Sino ba naman ang may gustong kasama sa iisang silid ang isang baldado?
💠💠💠
Sumapit ang kinahapunan. Dumating sina Miranda, Althea, at si Don Alejandro sa chapel kung saan nakaburol ang labi ng inaakala nitong anak. Nakasakay siya sa kanyang wheelchair habang tulak-tulak ni Art.
Maraming taong nakikiramay sa chapel kung saan nakaburol ang mga labi ni Hailey. Nang mapansin ng mga ito ang pagdating ng mga Saavedra ay dagli silang tumigil sa kanilang mga pinag-uusapan at nabaling ang buong atensyon sa mga bagong dating.
"Nakakaawa naman si Don Alejandro," bulong ng isang babae sa katabi nito.
"Oo nga, napakabait pa naman ng mag-amang iyan. Kung sino talaga ang mababait ay siyang kinukuha agad ng Diyos," sabi ng kausapa nito, habang tinatanaw ang saradong kabaong.
Kulay ginto ang kabaong na napapaligiran ng ibat-ibang klase ng mga bulaklak. Karamihan sa mga bulaklak na iyon ay galing sa mga charity na natulungan ng dalaga. Ang iba ay galing sa mga kaibigan nito na kasalukuyang nagluluksa rin.
Nasa tabi ng nakasarang kabaong si Don Alejandro, at tahimik itong hinahaplos habang lumuluha. Kahit nahihirapan itong igalaw ang kamay ay pilit pa rin nitong inabot ang kabaong na nasa harap. Hilam sa luha ang mga mata, at patuloy ang pagyugyog ng mga balikat nito.
Walang kasing sakit sa isang amang tulad niya ang mawalan ng isang mabait na anak. Kahit siya ay may karamdaman, hindi niya naigagalaw ang kalahati ng katawan at hirap makapagsalita; sa kanyang isip at puso'y malinaw ang kaalamang iniwan na siya ng natatanging anak.
Nasa tabi niya ang asawang si Miranda, humahagulgol din ito. Nakayakap ito sa kabaong at walang tigil sa pagtulo ang masaganang luha sa kanyang mga mata. Ganoon din si Althea na nasa tabi ng ina at tahimik na lumuluha.
Samantalang sa paligid ng burol ay nagkalat ang mga tauhan ni Miranda. Naroon sina Baldo, Bogart, at Brando na nakasuot ng bodyguard suits. Naka-black sunglasses ang mga ito. Animo'y mga bodyguard ng isang drug lord.
Unti-unti ng naisasakatuparan ni Miranda ang kanyang mga plano. May babalikan pa kaya si Hailey, ngayong patay na siya sa kaalaman ng kanyang butihing ama, at maging sa publiko?
*** Please vote and comment if you like my story guy's... Hope you like it! Love lots! ***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top