Kabanata 5
Habang ginagamot ni Alfie ang dalaga ay pinalabas ni Lucas sa silid ang mga kapatid. Saka na lang niya kakausapin ang mga ito kapag maayos na ang lagay ng babaeng nasagip niya.
"Mukhang kailangang masalinan ng dugo ang babaeng ito. Maraming dugo ang nawala sa kanya, kaya siya labis na nanghihina," sabi ni Alfie, matapos maikabit ang dextrose kay Hailey.
"Gawin mo ang lahat...mailigtas lamang ang babaeng ito," turan niya, habang nakatunghay sa babae. Tapos na ring tanggalin ni Alfie ang balang bumaon sa balikat nito. Mabuti na lang at kumpleto sa gamit ang kanyang kaibigang doctor.
Napangiti si Alfie. "Mukhang nahulog kaagad ang loob mo sa kanya ah!" Tumawa ito bago muling bumaling kay Lucas. "Ngayon lang kita nakitang nag-alala sa ibang babae. Paano kung malaman ito ni Margarita? Kabisado mo naman ang ugali ng fiance mo."
"Hindi niya pwedeng malaman," sagot ni Lucas. Naglakad ito palapit sa couch at saka umupo roon; pinagmasdan niya ang ginagawa ni Alfie.
Tumawa ang huli, "At bakit naman hindi? Siya ang fiance mo, dapat lang na malaman niya." Nagtataka ito kay Lucas. Bakit gusto nitong ilihim ang tungkol sa babaeng ito? Na hindi naman nito kakilala.
"Basta!"
Maging si Lucas ay hindi rin batid sa kanyang sarili kung bakit ganoon na lamang ang nadarama niya para sa babaeng ito. Samantalang ngayon lamang niya ito nakita.
Lumapit si Alfie sa babae at tinusok ang isang daliri nito. Pinisil-pisil niya ang daliri hanggang sa lumabas ang dugo mula roon. Ipinatak niya ang kapiranggot na dugo sa maliit na blood typing kit na kanyang hawak. Makalipas lang ang ilang minuto ay muli niya itong tiningnan."Positive O ang kanyang blood type," sabi nito, matapos suriin ang kanyang hawak. "Kailangan niyang masalinan ng dugo para hindi siya tuluyang manghina," sabi nito, bago muling lumingon kay Lucas.
"Magkatulad kami ng blood type. Pwede mo nang umpisahan ang blood transfusion," walang pag-aalinlangan sabi ni Lucas. Lumapit siya sa kamang hinihigaan ng dalaga at muli niyang pinagmasdan ang mukha ng wala pa ring malay na babae.
Napangiti si Alfie sa kaibigan nang mapansin nito ang pagtitig ni Lucas sa dalaga. "Tsk! Healthy ka ba? Mukhang hindi eh."
"Baliw! Bilisan mo na nga. Baka kung ano pa ang mangyari dito sa pasyente mo. Lagot ka sa akin." Tinawanan lang siya ni Alfie habang inaayos nito ang mga kakailanganin sa blood transfusion na gagawin.
"Mukhang tinamaan ka sa kanya ah."
Natawa naman siya sa sinabi ni Alfie. "Malayong mangyari 'yon, pre. Naaawa lang talaga ako sa kanya." Bahagya siyang lumingon sa babae, "Hindi ko ipagpapalit sa kahit kaninong babae si Marga."
"Weh! Hindi nga?" Tumawa si Alfie nang malakas. "Tingnan natin," nanunuksong sabi nito kay Lucas.
"Tsk. Ewan ko sa 'yo!" Napailing na lang siya sa kaibigan.
Habang isinasagawa ni Alfie ang blood transfusion ay bigla namang bumukas ang pinto ng kuwarto. Mula roon ay pumasok si Veron, nakasuot ito ng pantulog at halatang inaantok na dahil sa namumungay na mga mata. Lumaki ang mga mata ni Veron, pakiramdam nito ay nagsitayuan ang mga balahibo sa katawan nang makita ang ginagawa ni Alfie.
Lumapit ito sa dalawa habang nakangiwi ang mga labi."Hi-hindi ba masakit 'yan, Kuya?" Natatakot ito sa karayom na nakabaon sa palapulsuhan ng kanyang kuya. Pakiramdam ni Veron ay masakit ang kuhanan ng dugo at tusukin ng malaking karayom. Lalong nasira ang mukha nito nang makita ang unti-unting pagdaloy ng dugo ni Lucas sa maliit na hose patungo sa maliit na blood bag. Tumawa si Alfie nang mapansin ang nakalukot na mukha ni Veron.
"Try mo! Parang kagat lang ng langgam eh," sagot ni Lucas.
Hindi maipinta ang itsura ng mukha ni Veron, nakakunot noo pa rin ito. "Eww. Ayaw ko nga!" maarteng sabi nito, "Mukhang masakit eh."
"Try mo kasi para malaman mo...mamaya ikaw naman ang kukuhanan ko ng dugo."
Agad itong lumayo sa dalawa, umikot ito sa kabilang bahagi ng kama at saka sumampa roon. Masusi niyang pinagmasdan ang mukha ng dalagang walang malay. "Kawawa naman siya 'no, Kuya? Siguro kung wala siyang mga pasa sa mukha'y sobrang ganda niya." Mukhang naaaliw itong pagmasdan ang mukha ng babae. "Sigurado akong mas maganda pa siya kay Ate Marga."
Biglang bumunghalit nang tawa si Alfie dahil sa sinabi ni Veron. "Pambihira! pinipintasan ata nitong kapatid mo ang fiance mo ah."
"Hindi ko pinipintasan si Ate Marga, nagsasabi lang ako ng totoo." Ngumiti si Veron, ngunit inirapan nito si Alfie nang lumingon.
Napangiti si Lucas dahil sa asal ng kanyang kapatid. Hindi kaila sa kanya na ayaw ni Veron kay Marga. Hindi kasi magkasundo ang dalawa. Isip bata ang kanyang kapatid, kahit pa maglalabing walong taong gulang na ito sa susunod na buwan. Samantalang si Marga ay may katarayan din sa katawan. Ngunit para sa kanya ay balewala ang katarayan ng kasintahan. Mahal niya ang babae, kaya nga masaya siya nang pumayag na itong magpakasal sa kanya. Tatlong buwan na lang ang kanyang hihintayin at magiging asawa na niya ito.
"Bakit gising ka pa? Hindi ba dapat ay natutulog ka na?" tanong ni Lucas.
"Ano ka ba, Kuya. Madaling araw na kaya...nawala na ang antok ko eh," pagdadahilan ni Veron. Ang totoo ay naku-curios lamang siya sa babaeng nasagip ng kanyang kuya. Pakiramdam ni Veron ay magiging magaan ang loob niya sa babaeng ito.
Hinayaan na lang ni Lucas ang kapatid. Napangiti siya nang makitang naghikab ito at saka biglang nahiga sa tabi ng babaeng nasagip niya. Ilang sandali pa ay napailing na lang siya nang lumingon kay Veron at nakitang tahimik na itong natutulog.
"Mukhang hindi lang ikaw ang na-attached sa babaeng iyan, maging ang kapatid mo rin." Lumapit ito sa couch at saka umupo roon.
Sinamaan niya ng tingin ang kaibigan. Ayaw na niyang patulan dahil alam naman niyang alaskador ito. Pero napapaisip din siya kung sino nga ba ang babaeng ito na kanilang natagpuan sa laot. Sobra siyang naawa dahil sa sinapit nito, batid niyang hindi biro ang hirap na pinagdaanan ng dalaga. At naiinis din siya sa mga taong may gawa noon; mga walang puso ang kayang manakit ng isang babaeng tulad nito.
💠💠💠
Samantalang sa mansyon ng mga Saavedra ay nagdiriwang para sa kanilang tagumpay ang mag-inang Miranda at Althea.
Masayang-masaya si Miranda habang nakatayo sa gilid ng biranda sa kuwarto ni Althea. Inililipad ng hangin ang mahaba niyang bestida na abot hanggang sakong. Ang buhok ay nakapulupot sa likod ng ulo na animo'y isang ensemada. Kahit may katandaan na ay bakas pa rin ang tinataglay na ganda; matangos ang ilong, maganda ang bilugang mga mata, mapula ang medyo makapal na labi, at makinis pa rin ang balat niya. Ang kagandahang ito ang naging sandata niya sa mga nagdaang taon ng kanyang buhay. Ngayon ay abot hanggang tainga ang pagkakangiti niya dahil sa wakas ay wala nang hahadlang sa kanyang mga plano.
"So, what's your next plan, Mommy? How about Tito Alejandro? What if gumaling na s'ya?" tanong ni Althea. Pinaiikot nito ang wine sa hawak na baso habang nakaupo at nakaharap sa ina. Nakalugay ang tuwid na buhok nito na ang dulo ay kulay ube. Medyo singkit ang mga mata nito, matangos ang ilong, manipis ang mapupulang labi, at makinis ang mukha. Bakat ang mayamang dibdib sa suot nitong sleeveless, at mini skirt na nagpalitaw naman sa mahahaba nitong binti.
"Wala siyang malalaman," sagot ni Miranda. Nagsalin ito ng wine sa kanyang baso, "At kailangan talagang gumaling na siya...para maikasal na kami."
"Oh. Tungkol diyan sa kasal mo, Mommy...excited na talaga ako para diyan, finally magiging daddy ko na talaga si Tito Alejandro," nagagalak na wika ni Althea.
"Kaya from now on, you can call him daddy, Hija." Ngumiti ito kay Althea.
"Yes, Mommy. I will do that." Matamis itong ngumiti sa ina.
Tinungga ni Miranda ang baso at sinaid ang likidong laman noon, pagkatapos ay nagsindi siya ng sigarilyo. "Bukas maghanda ka, Hija, may pupuntahan tayo." Tumayo ito at tinanaw ang ibaba ng terrace. Mula sa kinalalagyan nila ay natatanaw ang malawak na hardin sa mansyon ng mga Saavedra. Katabi rin nito ang malaking swimming pool.
"Where we going, Mommy?" tanong ni Althea.
Nagbuga muna ito ng usok sa hangin bago lumingon sa anak. "Sa burol ni Hailey," sagot nito.
"What? 'Di ba hindi naman nakita ang katawan niya? Bakit may burol?"
"Hindi makatotohanan ang kuwento kung walang makikitang burol ang media," sagot ni Miranda. "Alam mo namang sikat ang mag-amang 'yon eh."
Tumangu-tango si Althea ng maintindihan nito ang ibig sabihin ng kanyang ina.
"At siguradong maraming maghahanap sa babaeng 'yon! Kaya mas okay na makita ng publikong patay na siya."
Pumalakpak si Althea at gumihit sa mga labi nito ang malapad na ngiti. "Ang galing mo talaga, Mommy," sabi nito. "Pa-paano kung buhay pa ang babaeng iyon, Mommy?" Nawala ang ngiti nito sa mga labi nang pumasok sa isip na may posibilidad na buhay pa si Hailey.
"Nabaril daw ito ni Bogart, at nahulog pa sa mataas na talon...imposible kung mabubuhay pa siya roon. Malamang ay pinag-fiestahan na ng mga isda ang katawan ng babaeng 'yon!" kampanteng sagot ni Miranda.
Ngumiti naman si Althea bilang pagsang-ayon sa ina, at muling nagpatuloy ang dalawa sa pagsasaya.
Ano pa kaya ang mga pinaplano ni Miranda? Magtagumpay kaya ito? May magagawa pa kaya si Hailey laban kay Miranda?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top