Kabanata 3
Nang tumalon si Hailey sa bintana ay agad tinawag ni Baldo ang kanyang mga kasama. Ngunit walang pumasok sa kubo kaya nagmadali siyang nagtungo sa labas at hinanap ang dalawa. Lumapit siya sa sasakyan at sumilip sa loob. Tahimik na natutulog ang dalawa sa loob ng sasakyan, nakataas ang isang paa ni Bogart sa sandalan ng upuan, habang si Brando ay nakayakap sa manibela at naghihilik pa. Agad na nalukot ang mukha niya.
"Hoy! Mga bungol! Gumising kayong dalawa riyan. Mga walang hiya! Nakuha n'yo pa ang matulog!" Saka niya kinalampag ang pinto ng sasakyan.
Kulang na lang ay tadyakan niya iyon dahil sa labis na inis. Pupungas-pungas naman ang dalawa nang magising at makilala kung sino ang nang-isturbo sa kanilang pagtulog.
"Mga hinayupak kayo! Bwesit!"
"Bakit ba? Tapos ka na ba?" tanong ni Bogart, habang nagkakamot sa ulo at umibis palabas ng sasakyan.
"Mga bwesit kayo, ang sabi ko magbantay...hindi matulog!"
"Ikaw nga riyan, nagpapakasarap ka lang. Ano ba ang problema kung natutulog kami? Bakit tapos ka na ba sa kalibugan mo?" tanong ni Brando.
"Aba, loko 'toh ah!" Akmang susuntukin ni Baldo ang nakatalikod na si Brando kaya pumagitna si Bogart.
"Teka! Bakit ba masyado kang high blood?" tanong ni Bogart.
Pinasadahan nito nang tigin ang kaharap. Matapos mapagmasdan ang itsura ni Baldo ay unti-unting nanlaki ang mga mata ni Bogart.
Namumula ang pisngi, putok ang namamagang labi, may kaunting dugo sa gilid ng bibig at tanging itim na brief ang saplot. Sa itsura ni Baldo ay para itong Macho Dancer na binugbog.
"Grabe! Gaano ba ka-wild ang babaeng iyon at ganyan ang inabot mo?"
Lumipad ang kamay ni Baldo at dumapo iyon sa likod ng ulo ni Bogart.
"Magtigil ka! Nakatakas ang babae. Habulin n'yo, mga walang silbi!"
Sabay na napalingon ang dalawa, "Paanong nakatakas ang babaeng 'yon?" tanong ni Brando.
Agad nitong dinampot ang baril at saka lumabas ng sasakyan.
"Huwag ng maraming tanong, habulin n'yo na ang babaeng iyon bago pa siya tuluyang makalayo."
"Saan ba nagtungo ang babae?" tanong ni Bogart.
Tumalikod si Baldo upang pumasok sa loob ng kubo para makapagbihis.
"Sundan niyo roon sa gubat, hindi pa 'yon nakakalayo. Susunod na lang ako sa inyo," sagot niya, bago tuluyang pumasok sa kubo.
Hindi na nagsayang ng oras ang dalawa. Magkasunod silang tumakbo papasok sa gubat, bitbit ang kanilang baril na handang iputok oras na makita nila si Hailey.
💠💠💠
Samantalang si Hailey ay walang habas ang ginagawang pagtakbo. Hindi niya alintana ang kirot sa kanyang mga paa at binti; nagkasabit-sabit na iyon sa mga matataas na damong dinaanan niya kaya nagkaroon ng mga sugat.
Ang tanging nais niya ay makalayo at matakasan ang tatlong bugok na iyon. Hanggang sa makarating siya sa loob ng kagubatan, nagtataasan ang mga puno roon. Hindi niya alam kung saan siya pupunta; bahala na kung saan siya dalhin ng kanyang mga paa. Basta ang mahalaga ay makalayo siya at hindi makita ng grupo ni Baldo.
Natanaw niya ang isang malaking bato, habol ang kanyang paghinga, ay nagmadali siyang lumapit doon. Hinawi niya ang may kataasang damo sa paligid niyon, saka siya umupo at ikinubli ang sarili sa malaking bato. Diyos ko, sana po ay walang ahas dito.
Kahit paano ay nakahinga siya ng maluwag. Nagbabakasakali siya, na sana'y hindi siya nasundan ng tatlong bugok.
Isang kaluskos 'di kalayuan ang naghatid sa kanya ng kaba. Agad siyang sumilip sa likod ng pinagkublihan niyang malaking bato. Pigil ang kanyang paghinga. Hindi pa nga siya nakakabawi ng lakas ngunit tila nasundan na siya ng grupo ni Baldo.
"Talasan niyo ang inyong paningin. Hindi pwedeng makatakas ang babaeng iyon!" Narinig niya ang sinabing iyon ni Baldo. Agad bumundol ang kaba sa dibdib niya, pigil ang kanyang paghinga para hindi siya makagawa ng ano mang ingay. Malapit lang kasi ang mga ito sa kanya. Batid niyang papatayin talaga siya ng mga ito, oras na makita siya.
Taimtim siyang nagdasal na sana'y hindi pumunta ang mga ito sa gawi ng pinagtataguan niya.
"Paano ba iyan? Kailangang makita natin siya bago dumilim ang paligid," dinig niyang sabi ni Bogart. Nasa likuran lang ito ng malaking bato kung saan siya nagtatago.
"Kung hindi mo kasi pinairal iyang kalibugan mo, 'di sana hindi nakatakas ang babaeng 'yon," turan ni Brando.
Dinig na dinig ni Hailey ang pag-uusap ng tatlo dahil nasa gawing likuran lang ng pinagkukublihan niya ang tatlong lalaki. Ilang hakbang pa ay makikita na siya ng mga ito. Hindi niya magawang tumakbo dahil tiyak niyang lalo lamang siyang mapapahamak.
"Pwede bang manahimik ka na lang! Maghanap ka roon! puro ka bunganga eh!" sigaw ni Baldo. Halos magdikit na ang mga kilay nito dahil sa pagkunot ng noo.
Makulimlim sa loob ng gubat na iyon dahil sa malalagong punong kahoy sa paligid nila. Umihip ang malamig na hangin kasabay ng pagbuhos ng ulan. Napayakap sa sarili si Hailey dahil sa malamig na tubig ulan na malayang pumapatak sa kanya.
"Pucha! Lalo tayong mahihirapan nito," naiinis na sabi ni Brando. Naglakad ito palapit sa malaking bato, umakyat siya sa ibabaw noon at tinanaw ang kakahuyan sa unahan.
"Oo nga, lalo pa't malapit ng dumilim," pagsang-ayon ni Bogart.
"Putang-ina! Hindi ba kayo titigil sa kakasatsat diyan?" sigaw ni Baldo.
Nakahinga si Hailey ng maayos nang maramdaman ang palayong yapag ni Brando. Mabuti na lang at may awang sa ilalim ng malaking bato, isiniksik niya ang sarili roon. Natakpan din siya ng malalagong damo.
Kahit nilalamig na dahil sa pagkabasa sa ulan ay hindi niya ito alintana. Ang mahalaga ay hindi siya makita ng tatlo.
Sa kamalas-malasan ay biglang kumidlat at kumulog. Dahil takot sa kulog, napalundag at napasigaw siya nang malakas. Narinig ito ng tatlong lalaki at napalingon sa kinaroroonan ng dalaga.
"Naroon siya!" Itinuro siya ni Baldo. Kaya agad siyang kumaripas nang takbo palayo sa tatlo. Kahit madulas ang mga damong naapakan niya ay hindi niya ito pinansin. Tuloy lang siya sa pagtakbo kahit pa sugat-sugat na ang mga paa niya. Magkukubli sana siya sa katawan ng isang malaking puno ngunit bago pa man siya makarating doon ay natisod siya sa nakausling ugat nito. Hanggang sa nagpagulong-gulong siya pababa.
Muli siyang bumangon kahit pa pakiramdam niya ay kumikirot ang kanyang mga paa. Hindi siya pwedeng mahuli ng mga ito dahil tiyak katapusan na niya. Wala na siyang pagkakataon para makita pang muli ang pinakamamahal na ama. Pilit niyang ibinangon ang sarili mula sa pagkakahiga nang mahulog siya sa hindi naman kataasang bangin.
Isang putok ng baril ang saglit nagpahinto sa kanya. Tila biglang namanhid ang kanyang balikat, mabilis niya itong hinawakan. Nang tingnan niya ang palad, saka niya nakumpirmang tinamaan siya ng bala dahil sa dugong nasa kanyang kamay.
Ngunit hindi niya ito pinansin. Sa halip ay muli niyang ipinagpatuloy ang kanyang pagtakbo. Wala siyang pakialam sa malakas na ulan, kulog, at kidlat. Makatakas lamang sa mga humahabol sa kanya.
Tuluyan siyang napahinto nang makita ang nasa kanyang harapan. Dead end na. Wala na siyang matatakbuhan pa. Dahil mula sa kinatatayuan niya'y kitang-kita niya kung gaano kataas ang waterfalls na nasa harapan niya. Sa taas nito at malakas na agos ng tubig ay imposibleng mabuhay pa siya kung sakaling tatalon siya r'on.
"Sa tingin mo ba ay matatakasan mo kami?" Biglang humalakhak si Baldo mula sa likuran niya na labis niyang ikinagulat.
Agad siyang humarap sa mga ito at nakita niyang nakangisi ang tatlo. Nakatayo ang mga ito 'di kalayuan sa kanya. Tila tuwang-tuwa dahil nagtagumpay silang mahanap siya.
Itinutok ni Bogart ang hawak nitong baril kay Hailey.
"Tapusin mo na ang babaeng 'yan, Bogart," wika ni Baldo.
Kasabay ng pagkulog at pagkidlat ay muling umalingawngaw ang isang putok ng baril sa kagubatang iyon. Kasunod niyon ay ang malakas na pagtawa ng tatlong lalaki.
Ramdam ni Hailey ang pagbaon ng bala sa kanyang tagiliran. Napapikit na lang siya. Dahil sa gulat ay napahakbang siya paurong. Kasabay nang paggapang ng kirot sa buo niyang katawan, ay ang kanyang mabilis na pagbulusok pababa. Ang bawat tilamsik ng tubig na nagmula sa talon ay malayang tumatama sa mukha niya at naghatid ng labis na kalungkutan sa kanya. Para siyang hinigop sa kawalan, marahil ay ito na nga ang katapusan ng buhay niya.
Maging ang kanyang pagbagsak sa napakalamig na tubig, ay tila sumusuot at nagbibigay ng ibayong sakit sa mga sugat niya sa katawan. Kahit nanghihina ay pinilit niyang lumangoy paitaas. Nilalabanan ang malakas na agos ng tubig; wala pa ring tigil ang pagbuhos nang malakas na ulan.
Mabuti na lang at may natanaw siyang isang balsa na palutang-lutang, 'di kalayuan sa kanya. Ginamit niya ang natitirang lakas upang maabot ito, lumangoy siya palapit doon at sa awa ng Diyos ay nagawa niyang kumapit sa maliit na balsa. Isinampa niya ang kanyang nanghihinang katawan. Malakas ang agos ng tubig kaya nang makasampa siya ay tinangay nito ang balsa.
Unti-unting dumidilim ang buong paligid. Ang tanging nagawa na lang ni Hailey ay ang pumikit, tumulo ang kanyang luha at humalo ito sa tubig ulan na pumapatak sa mukha niya. Hanggang sa ang lagaslas ng tubig ay hindi na niya marinig. Malaya siyang nagpatangay sa agos ng tubig, kung saan man siya dadalhin nito ay wala siyang alam.
Maka-survive pa kaya si Hailey sa dami ng pasa, galos at tama ng baril na kanyang natamo?
A/N
Please vote and comment if you like my story guy's... Happy reading, love lot's! 😊😘😘
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top