Kabanata 21
Mataas na ang sikat ng araw nang magising si Althea. Bahagya pa siyang nasilaw sa liwanag na tumatagos sa salamin na bintana. Nakalimutan na niyang hawiin ang makapal na kurtina kagabi dahil sa sobrang pag-iisip ay nakatulugan na niya ito.
Tinatamad siyang bumangon, ilang minuto pa ang pinalipas niya bago marahang tumayo at tinungo ang banyo upang simulan ang kanyang ritwal.
Halos magdikit ang kanyang mga kilay habang nakaharap sa salamin at pinagmamasdan ang sariling repleksyon doon.
"Pambihira," bulong niya habang hinahaplos ang palibot ng mga mata na nagkulay ube na. Ito ang epekto nang pag-iyak niya at pagpupuyat. Inabot na nga siya ng madaling araw dahil sa pag-iisip ng mga hakbang na kailangan niyang gawin. Napabuga siya ng hangin nang maalala ang nilalaman ng diary ng ina.
Sa totoo lang ay mabigat sa loob ang mga natuklasan niya. Ang alam niya ay nagkataon lamang na nagkitang muli ang mommy niya at si Don Alejandro na dati nitong kasintahan noon. Ngunit base sa nabasa niya ay mukhang planado ang lahat. Ang pagdating nila sa buhay ng mga Saavedra ay sinadya talaga ng kanyang ina.
Masakit para sa kanya ang kaalaman na hindi siya lubos na pinagkakatiwalaan ng kanyang mommy. Malayo sa mga kwento nito ang lahat ng kanyang nalaman, lumalabas tuloy na talagang hindi niya ito lubusang kilala.
Isa pang gumugulo sa kanyang isipan ay ang larawang nakuha niya sa gamit ni Hailey at ang kwintas.
"Oras na mapatunayan kong tama ang aking hinala... lintik lang ang walang ganti!" Matalim siyang tumitig sa salamin at naikuyom nang mahigpit ang mga palad.
Sa isang iglap lang ay nagbago ang pagtingin niya sa kanyang mommy. Kung hindi siya pinagkakatiwalaan nito, siguro'y ganoon din ang dapat niyang gawin. Kung kailangan makipaglaro siya rito ay gagawin niya oras na magkatotoo ang kanyang hinala.
Upang mabawasan ang inis na nararamdaman para sa ina ay binuksan niya ang shower at itinapat ang hubad ng katawan doon. Malamig ang tubig na dumaloy sa kanyang kabuuan. Kahit paano'y nakatulong iyon para kumalma siya at makapag-isip nang maayos. Baka komprontahin niya ang ina kapag hindi siya nakapagpigil. Sigurado namang magagalit ito kapag nalaman na pinakialaman niya ang gamit nito.
Matapos maligo ay isang crop top at mini skirt na ternong itim ang isinuot niya. Litaw na litaw ang mahubog niyang katawan dahil sa suot na damit. Itim na stiletto rin ang sapin niya sa paa. Hinayaan na lang niyang nakalugay ang mahabang buhok at hindi na nag-abalang patuyuin ito. Naglagay rin siya ng paboritong make up, kailangan niya iyon para maitago ang nangingitim na eyebags.
Isinukbit niya ang shoulder bag bago tuluyang lumabas ng silid. Rinig ang ingay ng kanyang takong habang pababa sa hagdan. Nasa kalagitnaan na siya ng paikot na hagdanan nang matanaw niya sa baba ang unipormadong katulong. Dagli itong tumigil sa pagpupunas ng sahig nang makita siya at tipid na ngumiti, halatang napilitan.
"Good morning, Ma'am Alt---"
"What's good in the morning?" putol niya rito. "Where is my mom?" Itinaas niya ang kilay nang hindi agad ito nakasagot.
"M-maaga pong umalis, ma'am," rinig niyang sagot nito.
Hindi na niya ito pinansin at nagpatuloy na lang siya sa pagbaba. Talagang kina-career ng mommy niya ang pagpapatakbo sa kompanya. Mula nang ito na ang humahawak doon ay naging madalang na silang magpang-abot sa mansyon. Busy rin naman kasi siya sa pagdalaw-dalaw sa mga institusyon na tinutulungan ni Hailey. Labag man iyon sa kalooban niya pero ito ang kagustuhan ng kanyang ina, kahit kailan ay hindi niya sinuway ang utos nito.
Nang makababa ay tinungo niya ang kusina. Naabutan niya roon ang isa pang katulong na abala sa pagpupunas ng mga plato.
"Clara, ipaghanda mo ako ng pagkain..."
"Carla po, ma'am... hindi po Clara ang pangal---"
"Whatever! Bilisan mo na't nagugutom ako!" Pinanlakihan niya ito ng mata.
"S-sige po, ma'am." Aligaga itong sumunod sa kanyang utos.
"Good!" Napangiti siya habang nakatingin sa nakatalikod na katulong, abala na ito sa paghahanda ng pagkain niya.
Umupo siya at ipinatong ang mamahaling shoulder bag sa katabing upuan. Kinuha niya mula roon ang kanyang cellphone at nag-dial ng mga numero. Ilang sandali pa ay narinig niyang nag-ring ang kabilang linya. Muling gumuhit ang ngiti sa kanyang mga labi nang marinig ang boses ng kaibigan.
"Sweetheart, how are you?" tanong ng baritinong boses sa kabilang linya. Bigla na lang bumilis ang tibok ng puso niya, kakaiba talaga ang dating sa kanya ng lalaking ito.
"I'm good."
"Anong nakain mo at tumawag ka? Parang kailan lang no'ng sinabi mo na ayaw mo na akong makita." May bahid nang pagtatampo ang boses ni Dean, nahalata niya iyon.
"Ahm. Kalimutan mo na 'yon... naiinis lang ako that time."
Narinig niyang tumawa ang binata. "Okay, sabi mo, eh. Ba't ka nga ba napatawag? Na-miss mo 'ko?"
"Mukha mo!" Napairap na lamang siya. Kung nagkataong kaharap niya ito baka nakatikim na naman ito ng suntok galing sa kanya. Pero gumuhit pa rin sa labi niya ang isang ngiti. Para kasing nakikita niya ang malukong ngisi nito.
"Ano nga? Ba't ka napatawag?"
"Magkita tayo, Dean. I need your help."
"Bakit may problema ba?" seryosong tanong nito.
"Basta. Magkita na lang tayo, text kita kung saan.
"Sure. I'll be there, sweetheart."
Matapos marinig ang sinabi ni Dean ay pinatay na niya ang tawag. Agad siyang nag-text kung saang lugar sila magkikita.
Nagpalinga-linga siya sa buong paligid habang hinihintay ang pagkaing pinahanda niya sa katulong. Malapit na siyang mainip at isa pa'y kumakalam na rin ang kanyang sikmura. Wala siyang nagawa kundi abutin ang isang basong pineapple juice na unang inihanda ni Carla.
Habang umiinom ay napadako ang paningin niya sa labas. Mula sa kinaroroonan ay tanaw niya ang labas dahil puro salamin ang dingding. Nakahawi ang makapal na kurtina kaya naman kita niya ang nakatalikod na babae habang kausap nito si Manang Concha, ang yaya ni Hailey na siyang mayordoma ng mga katulong.
Naitaas niya ang kanyang kilay. Kahit nakatalikod ito ay nakikilala pa rin niya base sa hugis ng katawan na bahagyang may kalaparan. Hanggang balikat ang walang buhay nitong buhok, walang kakulay-kulay.
Bigla siyang tumayo at naglakad patungo sa likurang bahagi ng mansyon. Dumaan siya sa gilid ng malaking swimming pool. Malalaki ang kanyang mga hakbang kaya naman rinig ang tunog ng takong ng kanyang suot na stilettos.
Nakita niyang lumingon ang matandang katulong sa gawi niya at bakas sa nanlalaki nitong mga mata ang pagkabahala. Napatayo ito mula sa pagkakaupo sa ilalim ng nipa hut kung saan nagsisilbi itong pahingahan. Nakakunot-noo naman ang babaeng kausap nito nang lumingon sa kanya. Huminto siya ilang dipa ang layo mula sa dalawa.
"Manang Concha, may bisita pala tayo... hindi man lang ako na-inform."
"P-pasensya na po, Ma'am Althea. Kaibigan siya ni Hailey kaya pinapasok ko na." Napatungo ang matanda, halatang iniiwasang tumingin sa kanya.
"Ano pa ba ang magagawa ko? Eh, nagpapasok ka na ng estranghera."
"Wala talagang galang sa matanda," rinig niyang sabi ni Andrea na lalong nagpasiklab sa inis niya. Matagal na siyang badtrip sa babaeng ito dahil masyadong magaspang ang dila.
"What did you say?" Lumapit siya rito at matiim itong tinitigan.
Talagang malakas ang loob ng bruhang ito, ah!
Lumaban din ito nang titigan sa kanya, itinaas pa ang isang kilay.
"Narinig mo naman 'di ba? Ba't nagtatanong ka pa?" mataray na sagot ni Andrea.
"Aba't!" Itinaas niya ang isang kamay at pinalipad iyon sa mukha ni Andrea pero nakaiwas ito.
"Althea!" sigaw ni Manang Concha.
"What? 'Wag kayong makialam dito... pumasok kayo sa loob! Hindi ka binabayaran dito para lang makipagchikahan!" gigil na wika niya sa matanda.
"Sige na po, Yaya Concha. Aalis na rin po ako," sabat ni Andrea.
Nakita niyang nagtitigan ang dalawa. Ilang sandaling parang nag-usap ang mga mata saka tumango ang matanda. Hindi siya bulag para hindi mapansin iyon. Base sa masinsinang pag-uusap ng dalawa kanina batid niyang may tinatago ang mga ito.
"Anong pinag-usapan n'yo?"
"Wala ka na ro'n, Althea!" Ngumisi si Andrea kaya naman lalong umakyat ang dugo sa ulo niya.
Hinablot niya ang braso nito. "Anong tinatago n'yo, ha?"
"Bitiwan mo ang braso ko, Althea! Nagpunta ako rito para kumustahin si Tito Alejandro... 'wag kang praning! Baka naman ikaw itong maraming tinatago kaya ganyan ang asal mo," mahabang litanya nito.
Para siyang sinampal dahil sa huling sinabi nito.
"Magaspang din talaga 'yang dila mo, 'noh? Ingat ka, hindi mo kilala ang binabangga mo?" saad niya.
"Bakit? Kaya ko rin namang pumatay, ikaw kaya mo ba?" bulong ni Andrea bago siya tinalikuran nito at mabilis na naglakad paalis.
Hindi niya inaasahan na maririnig iyon kay Andrea. Sandali siyang natahimik at natuod sa kanyang kinatatayuan. Nagpupuyos ang dibdib niya, parang gusto niyang sakalin ang paalis na babae.
"Hailey!" nagulat siya nang makilala ang babaeng nakabungguan niya.
Dinampot nito ang nalaglag na mask saka mabilis na lumabas sa comport room. Hindi siya nag-aksaya ng panahon kaya sinundan niya ito palabas. Natanaw niyang sinalubong ito ng isang matangkad na lalaki. Hindi niya nakita ang mukha nito dahil nakatalikod ito sa gawi niya.
Hinila ni Hailey ang braso ng lalaki saka nagmadaling naglakad at nakihalo sa mga tao na nasa escalator. Ngunit napansin niya ang mga bitbit na paper bag ng lalaki, at isa roon ay may tatak na F.T. pangalan iyon ng boutique ni Andrea.
Nang maalala ang nakita niya noong isang araw ay agad niyang hinabol si Andrea. Naabutan niya ito sa parking lot ng mansyon.
"Andrea! Wait!"
Tamad na huminto ang babae nang marinig ang pagtawag niya.
"Aalis na nga ako dahil ayoko ng gulo, wala ako sa mood makipag-away."
Hindi niya pinansin ang sinabi nito sa halip ay seryoso siyang tumitig dito. "Nasaan si Hailey? Batid kong alam mo na buhay s'ya, 'di ba?"
Nanlaki ang mga mata ni Andrea. "A-ano bang sinasabi mo? Patay na ang kaibigan ko, paanong mabubuhay ang patay?" Tumawa ito nang mahina. "Nagda-drugs ka ba, ha, Althea?"
Napailing siya dahil sa sinabi nito. Batid niyang hindi ito nagsasabi ng totoo, kaibigan nito si Hailey kaya malabong umamin ito sa kanya.
"Alam kong buhay si Hailey dahil nakita ko s'ya kahapon..." Saglit siyang napalunok ng laway habang iniisip kong ano ang sasabihin. "Sabihan mong magtago muna ang kaibigan mo, dahil oras na malaman ni Mommy na buhay s'ya... siguradong sa hukay na ang bagsak n'ya." Agad siyang tumalikod at iniwang nakaawang ang bibig ni Andrea.
Isa bang babala ang sinabi ni Althea kay Andrea o isa na naman itong pagbabanta sa buhay ni Hailey?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top