Kabanata 17

Matapos kumain ng pananghalian nina Hailey at Lucas, ay sabay silang nagtungo sa living room.

Umupo si Lucas sa mahabang sofa, samantalang siya naman ay sa pang-isahang silya umupo. Nasa pagitan nila ang center table na gawa sa salamin. Sa ibabaw noon ay nakapatong ang isang maliit na paso, akala niya ay totoong cactus ang nakatanim doon pero isa lamang pala iyong plastic cactus nang kanyang hawakan. Mahilig pa naman siya sa mga ornamental plants dahil nakatatanggal iyon ng stress.

"Sigurado ka bang ligtas ka kapag pumunta ka roon? Paano kung may makakilala sa iyo?" Ibinaling niya ang paningin sa binata at nakita niyang nakakunot ang noo nito habang inaabot ang trow pillow na nasa tabi. Matapos makuha ang maliit na unan ay ipinatong ito ng binata sa ibabaw ng mga hita nito, at saka muling lumingon sa kanya. "Sasamahan na lang kita. Baka kung ano pa ang mangyari sa iyo sa labas."

Gumapang sa puso ni Hailey ang kasiyahan. Batid niya ang pag-aalala ni Lucas para sa kanyang kaligtasan ngunit ayaw niyang malunod sa nararamdaman. Marami na itong naitulong sa kanya, at ayaw niyang abusuhin iyon. Kung maaari ay ayaw niyang masyado itong abalahin dahil may sarili rin itong buhay at maraming responsibilidad na kailangang gampanan.

"No. Kaya ko na ito, Lucas." Mariin siyang tumitig sa mga mata ng binata at bahagyang ngumiti. "Pupuntahan ko lang ang kaibigan ko, 'wag kang mag-alala dahil saglit lang naman ako roon. Kailangan ko lang talaga siyang makausap." Gusto niyang puntahan muna si Andrea, ang best friend niya. Malaki ang maitutulong ng kanyang kaibigan para malaman niya kung ano na ang kalagayan ng kanyang ama. Family doctor kasi nila ang papa nito na si Dr. Mercado, na isa rin sa malapit na kaibigan ng kanilang pamilya.

Napailing lang si Lucas dahil sa sinabi niya.

"Sasamahan kita. Wala rin naman akong gagawin dito."

"Akala ko ba...pupuntahan mo si Marga? Kaya ka nga lumuwas dito, 'di ba?" Napakunot-noo siya habang nakatingin sa nakaupong binata. Iyon kasi ang alam niya, lumuwas ito para puntahan ang kasintahan.

Unti-unting dumilim ang mukha at bahagyang gumalaw ang panga ni Lucas, nang banggitin niya ang pangalan ni Marga. Kanina pa siya nagtataka rito dahil tahimik ito noong kumakain sila, halatang may malalim itong iniisip at napansin din niya na parang wala sa sarili ang binata. Palaisipan din sa kanya kung bakit ito nagkaroon ng sugat sa kamao. Wala naman siyang karapatang mag-usisa rito.

"Nagkita na kami kagabi." Gumuhit ang isang ngiti sa mga labi nito ngunit hindi iyon umabot sa mga mata ng binata. Naging malamlam iyon, at hindi rin nakaligtas sa paningin niya ang bahagyang pagkibit ng balikat ni Lucas. Umiwas ito ng tingin sa kanya at sa halip ay nilaro-laro sa kamay ang hawak na trow pillow.

"Ma-may problema ka ba, Lucas?" Nagdadalawang isip siya kung tama bang tanungin niya ito.

"Wala ito. May hindi lang magandang nangyari sa pagitan naming dalawa."

"Hindi ba dapat ay ayusin mo muna iyan? Kung mayroon man kayong hindi pagkakaintindihan, dapat ay pag-usapan niyo ito dahil malapit na kayong ikasal." Hindi naman siguro iisipin ni Lucas na nakikialam siya.

"It's over... Wala nang kasalang magaganap sa pagitan naming dalawa." Ikinuyom ni Lucas ang mga palad habang hawak pa rin ang maliit na unan. Kung nagkataong babasagin ang hawak nito ay siguradong nagkapira-piraso na iyon dahil sa higpit nang pagkakatiklop ng mga kamay. Nakayuko ito kaya hindi niya makita ang mukha ng binata dahil sa hanggang balikat na buhok na tumabing doon.

"Ba-bakit?" Iyon lamang ang tanging salitang lumabas sa bibig niya. Bumigat ang kanyang pakiramdam dahil sa nakitang ayos ni Lucas. Napakalayo nito sa Lucas na nakilala niya. Sa sandaling panahon na nakasama niya ang binata ay punong-puno ito nang sigla; sa ayos nito ngayon ay masasabi niyang para itong binagsakan ng langit at lupa.

"Pinuntahan ko siya kagabi at naabutan kong may kahalikan siyang ibang lalaki." Pabagsak nitong isinandal ang likod sa malambot na sofa kasabay nang malalim na buntong hininga, saka tumingala at tumitig sa puting kisame.

Hindi niya alam kung ano ang dapat sabihin sa binata. Maging siya ay nabigla sa mga salitang binitiwan nito. Hindi niya kilala si Marga, dahil sa sinabi ni Lucas ay gumapang ang init sa kanyang ulo. Hindi niya nagustuhan ang ginawa ng kasintahan nito.

Sinong matinong babae ang makikipaghalikan sa ibang lalaki gayong malapit na itong ikasal?

"Lucas...pwede mong sabihin sa akin kung ano ang nararamdaman mo, makikinig ako."

Hindi siya pinansin ng binata. Tahimik lang ito habang nakatingin pa rin sa itaas. Nakita ni Hailey ang pagpikit nito, alam niyang pinipigil ng binata ang sarili na huwag tumulo ang mga luha.

Tumayo siya at lumipat sa tabi ng binata.

"Makatutulong ang pag-iyak para lumuwag at mawala ang bigat sa iyong dibdib, Lucas." Tinapik-tapik niya ang malapad nitong balikat. Iyon lang ang maitutulong niya sa binata, ang damayan din ito sa panahong kailangan nang karamay. Hindi siya pinabayaan ng lalaki noong panahong  kailangan niya ng tulong, kaya kahit sa ganitong paraan man lang ay masuklian niya ang kabutihan nito.

Mabilis na nag-unahan sa pagpatak ang malakristal na likido sa mga mata ni Lucas. Ang mga balikat nito ay gumalaw, sabay sa bugso ng emosyon na kumawala sa dibdib ng binata.

"Tama iyan. 'Wag mong kimkimin, ilabas mo lang at iiyak mo lang 'yan, Lucas." Muli niyang tinapik-tapik ang balikat nito.

"Ang sakit! Sobrang sakit nang ginawa nila sa akin. Tang-ina! Para akong mamamatay...." Marahas nitong pinahiran ang basang pisngi, gamit ang sariling palad.

"Kaya mo'yan...ikaw pa!" Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa tabi ng binata. Tipid na ngiti ang ibinigay niya rito nang mag-angat ito ng tingin sa kanya. "Saglit lang ha, ikukuha kita ng tubig."

Mabilis ang mga hakbang ni Hailey patungo sa kusina. Pagdating doon ay binuksan niya ang fridge at kinuha ang isang pitcher ng tubig. Dumampot din siya ng baso sa lalagyan, bitbit ang mga iyon ay muli siyang bumalik sa sala.

Nilagyan niya ng tubig ang baso. "Uminom ka muna nito. Makakatulong ito para gumaan ang pakiramdam mo." Napangiti siya nang iabot ang baso kay Lucas. Maayos na ang itsura nito, para ngang hindi naman ito umiyak. Maaliwalas na muli ang mukha ng binata, kahit paano ay nagkaroon na ng buhay ang malamlam nitong mga mata. Bahagya lang namula ang matangos na ilong nito.

"Maraming salamat, Hailey." Inabot nito ang basong hawak niya. "Isang pitsel talaga ang kinuha mo." Napangiti ito bago inilapit sa bibig ang hawak na baso.

"Oo, baka kulang sa 'yo ang isang baso kaya dinala ko na rin ito." Mahina siyang tumawa.

Kahit paano ay nakahinga rin siya nang maluwag. Hindi niya alam kung bakit biglang bumigat ang pakiramdam niya kanina nang makitang luhaan ang binata.

Muli siyang umupo sa sofa matapos mailapag ang pitsel sa center table.

"Maraming salamat, Hailey. Ang lakas lang makabakla nito, eh. Nahihiya tuloy ako sa 'yo." Sinuklay ni Lucas ang sariling buhok gamit ang mga daliri sa kanang kamay. "Pasensya na."

"Naku! Wala iyon. Hindi naman nakakabawas sa pagkalalaki ang pag-iyak, Lucas. Matapang ka nga dahil kaya mong maglabas ng emosyon." Ngumiti siya sa binata. Hindi naman bago sa kanya ang makakita ng lalaking umiiyak. Ang papa niya noon ay madalas niyang makitang luhaan mula nang mamatay ang kanyang ina.

"Pero salamat pa rin sa 'yo kahit paano'y gumaan ang pakiramdam ko."

"Ano ba kasi ang nangyari sa inyong dalawa? Naguguluhan kasi ako, eh. Kahapon lang ay excited kang makita si Marga." Hindi na talaga niya kayang pigilin ang sarili na huwag usisain ang binata. Parang kailan lang ay masaya itong ibinibida sa kanya ang kasintahan nitong si Marga. Kaya nga gusto rin sana niya itong makilala ng personal.

Nakita niyang umiling si Lucas, lumingon ito sa malaking painting na nakasabit sa dingding. "Talaga sigurong hindi lahat nang gusto natin ay mapapasaatin," sabi nito. Bumalatay muli ang lungkot sa mukha ni Lucas. Bahagyang gumalaw ang magkabilang balikat nito kasabay nang malalim na buntong hininga.

Nanatili lang siyang nagmamasid at naghihintay sa mga sasabihin nito.

Pinagmasdan niya ang kalahati ng mukha ni Lucas, habang nakatanaw ito sa larawan ni Marga. Kahit bakas ang lungkot at panghihinayang sa itsura ay hindi iyon nakabawas sa taglay nitong kakisigan. Ang matangos na ilong ng binata ay malaya niyang natatanaw, perpekto ang hugis niyon na bumagay sa natural na mamula-mulang labi. Maging ang marahang paggalaw ng panga nito ay sumisigaw ng hindi matatawarang charisma. Hindi talaga siya magsasawang lihim na purihin ang kaguwapuhan ni Lucas kahit na sa ganitong pagkakataon.

"Siya lang ang babaeng pinangarap ko, ang babaeng gusto kong makasama hanggang sa aking pagtanda. Ngunit ang lahat ng 'yon ay hanggang pangarap na lang." Muli itong bumaling ng tingin sa kanya kaya naman bigla siyang lumingon sa maliit na cactus na nasa center table. Hindi pa siya nakakabawi sa biglaang pagragasa ng mumunting kirot sa kanyang puso nang marinig ang sinabi nito. Talagang mahal na mahal nito si Marga.

Bakit ba ako nakakaramdam nang ganito?  Duh! Umayos ka nga, Hailey!

"Are you okay, Hailey?"

"A-ah... yap! O-okay lang ako." Lihim niyang kinurot ang sarili.

Kumalma ka, Hailey... relax ka lang. Napakagat siya sa pang-ibabang labi.

"Tinatanong kasi kita kanina, nakatulala ka lang d'yan." Umabot sa pandinig niya ang mahina nitong tawa.

"Pasensya na, may naisip lang kasi ako, eh. Ano nga pala iyong tinatanong mo?" Kinagat niya ang sariling labi habang hinihintay ang tanong ng binata na hindi niya narinig kanina.

"Mannerism mo talaga 'yan, ano?" Hindi niya maintindihan ang tanong nito kaya naman muli niya itong nilingon. Nakatuon ang pansin nito sa kanyang mukha habang nakangisi. Mukhang naaliw bigla sa nakikita. Ang bilis talaga nitong magpalit ng emosyon.

"Ang alin ba, Lucas?" Napakunot ang noo  niya dahil hindi ma-gets ang tanong ng binata.

"Iyang pagkagat mo ng sarili mong labi...ang cute mo, eh." Bigla itong humalakhak.

Hindi niya alam kung maiinis ba siya sa lalaki. Pero parang may sariling buhay ang kanyang mga labi at hindi niya kayang pigilin ang pagguhit ng ngiti roon kahit nahihiya siya sa binata.

Inirapan na lang niya ito, "Iyan na ba talaga iyong tanong mo?" Sabay iwas niya ng tingin. Natuwa siya dahil nakita niyang tumawa na ito, ngunit ayaw niyang ipahalata iyon sa binata. Kanina ay kumikirot ang puso niya, ngayon naman ay tila may mga naghahabulang daga sa kanyang dibdib.

"Ang tanong ko kanina ay kung naranasan mo na bang masaktan, na-brokenhearted ka na ba?"

"Ah." Napakamot siya sa kanyang kanang kilay, pakiramdam niya ay nangati iyon. "Ang totoo n'yan ay hindi pa... hindi ko pa kasi naranasan ang magkaroon ng boyfriend." Marami naman siyang manliligaw pero wala roon ang focus niya. Isa pa, wala naman kasi siyang kakaibang nararamdaman sa mga lalaking nagtangkang ligawan siya kahit pa mga may sinasabi rin ito sa buhay.

"Mabuti naman. I mean...mabuti naman at hindi mo pa naranasan 'yon. Mahirap kasi, masakit at parang dinudurog ang pagkatao mo. 'Yon kasi ang nararamdaman ko ngayon. Hindi pala ako ang totoong mahal ni Marga." Tumawa ito nang mahina at umayos nang pagkakaupo. Itinukod ang dalawang siko sa mga hita at pinagsalikop ang mga kamay. "Masakit dahil kaibigan ko pa ang minahal n'ya. Pareho nilang inilihim 'yon sa akin. Kung hindi ko pa naabutan kagabi ay 'di ko pa malalaman na may relasyon pala sila."

Hindi man niya naranasan ang ganoon pero ramdam din niya ang pinagdadaanan ni Lucas.

"Kaya ka ba nagkaroon ng sugat sa kamay?" Baka Nagkaroon ito ng sugat sa kamay dahil binugbog nito ang kaibigan. Kung siya man ang nasa sitwasyon na ganoon siguro ay hindi niya mapipigilan ang sarili na hindi ito sugurin.

Hindi naman sumagot si Lucas. Tipid lang itong umiling.

"Makakalimutan mo rin ang ginawa nila sa iyo. Ikaw pa! Kahit sandali pa lang tayong magkakilala ay alam kong matatag ka."

Ngumiti ito dahil sa sinabi niya.

"Yeah. Maraming salamat, Hailey."

Tumayo na ito mula sa pagkakaupo sa couch at inilagay ang kamay sa bulsa ng suot na pantalon. Dahil sa nagpakalunod ito sa alak kagabi kaya hindi na nakuha pang magpalit ng damit. Napailing na lamang siya habang sinusundan ito ng tingin.

Tumingin ito sa relong pangbisig, "Mag-ayos ka na para makaalis na tayo. Sasamahan kita dahil wala naman akong gagawin dito. Tatawagan ko lang si Manong Carding."

"Sige. Ikaw ang bahala." Mas okay nga kung sumama ito. Para naman makalimutan nito ang pinagdadaanan.

Nauna na siyang pumasok sa tinutuluyang kuwarto. Naiwan naman si Lucas sa living room habang tinatawagan ang matandang driver.

Ito na yata ang simula ng ating mga bida. Simula ng pagkakaibigan, simula nang pagmo-move on ni Lucas at simula ng mga plano ni Hailey.
😊😘

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top