Kabanata 16

Simula nang ipapatay nila si Hailey, ay ngayon lamang siya papasok sa kuwarto nito.

Humakbang si Althea papasok sa kuwarto at marahas na isinara ang pinto. Mga katulong lang naman ang kasama niya ngayon sa Mansyon kaya kahit gibain niya ang pinto na iyon ay okay lang. Wala namang magagawa ang mga katulong sa kanya. Siya na ngayon ang prinsesa sa pamamahay na iyon. Subukan lang nilang punahin siya, tiyak na may kalalagyan ang mga ito.

Ang mommy niya ay nasa office ngayon. Masyado na itong abala dahil sa wakas ay ito na ang nagpapatakbo ng Saavedra Group of Companies. Ang Daddy Alejandro naman niya ay nasa hospital ngayon dahil araw ng check up nito, kasama nito ang personal therapist na si Art.

Huminto siya sa tapat ng kama ni Hailey at pinagala niya ang kanyang paningin sa kabuuan ng kuwartong iyon. Napaismid siya, walang kabuhay-buhay para sa kanya ang kulay ng silid. Kulay pink at white ang theme ng kwarto at inspired sa cartoon character na hindi niya gusto. Para itong silid ng bata para sa kanya, kaya naman tumaas ang kilay niya na hugis Arko.

Marahan siyang umupo sa kama ni Hailey. Mas malambot ito kung ihahambing niya sa kanyang kama at 'di hamak na mas malaki ito. Hindi lang niya gusto ang comforter ni Hailey na nakalatag sa malaking kama dahil sa kulay nito, pink iyon at ayaw niya ng ganoong kulay. Pati ang dalawang unan ay mukha ni Hello Kitty, muli siyang napailing. Ang makapal na wall curtains ay may mga desinyo rin ng mukha ng pusa. Maganda sana ang kulay puting couch na naroon kaya lang puro mukha na naman iyon ng kuting na cartoon character. Wala talagang ka-taste taste ang babaeng 'yon. Pambihira.

Napansin niyang mas malawak ang silid na iyon kumpara sa ginagamit niya. Napangiti siya dahil sa pumasok sa kanyang isip. Mas bagay sa kanya ang silid na iyon. Lilipat na lang siya roon. Malapad siyang napangiti at saka tumango-tango habang nakaupo sa kama ni Hailey.

Kung itapon na lang kaya niya lahat ng gamit ni Hailey. Pwede namang ipasunog na lang niya ang lahat ng 'yon. Wala namang kakwenta-kwenta eh. Gagamitin na lang niya ang silid na iyon. Patay na si Hailey kaya wala itong magagawa kung itatapon niya ang mga gamit nito dahil wala naman siyang interest sa mga iyon. Pati ang Daddy Alejandro niya ay wala ring magagawa. Ano ba naman ang kayang gawin ng baldadong matanda? Sumilay ang malademonyeta niyang ngiti sa manipis niyang mga labi. Ang prinsesang tulad niya ay nararapat lamang na masunod ang lahat ng kanyang naisin.

Tumakas ang isang impit na tawa mula kay Althea, at agad nangislap ang kanyang mga mata sa ideyang naisip. Ngiting tagumpay siya. Iyon nga ang gagawin niya sa mga susunod na araw. Papayag naman siguro ang mommy niya, besides wala naman itong pakialam kung ano man ang gawin niya sa silid na iyon at sa mga gamit ni Hailey.

May nakita siyang dalawang pinto, bukod sa banyo ng silid ni Hailey. Agad niyang tinungo ang isa at binuksan ito, hindi naman ito naka-lock. Halos manlaki ang mata niya na puro kolorete ang paligid nang makita niya kung ano ang nasa loob noon. Apat na layer ng mahabang istante ang naroon, at punong-puno ito ng mga hand bags. Iba't-ibang uri ng design, kulay, at laki, masasabi niyang magaganda iyon.

Inabot niya ang isa at tiningnan kung ano ang brand. Pagkadismaya ang agad sumilay sa retokada niyang mukha. Local brand lang pala ito, sariling gawa ng Saavedra Group of Companies. Naalala niya, ito nga pala ang business ng mga Saavedra. Hindi niya type ang mga gawa rito sa bansa. Mas gusto niya iyong imported brands, Chanel, Hermes, at Louis Vuitton. Ang cheap talaga ng babaeng 'yon, mumurahin ang mga collection. Duh!

Maging ang mga sapatos sa kabilang istante ay gawa rin ng Saavedra. Napailing siya, isasama niya ang mga iyon sa mga itatapon.

Lumabas siya roon at binuksan niya ang kabilang pinto. Mga closet naman ang nakita niya naroon. Mga damit ni Hailey, mga casual dress, gowns at kung anu-ano pang klase ng damit. Masasabi niyang old fashioned talaga ito. Hindi talaga sila magkatulad ng taste. Ang gusto niya ay iyong mga revealing ang designs, 'yong makikita ang kanyang kaseksihan at maglalaway ang mga lalaki sa kanyang natatanging alindog. Poor, Hailey. Wala talagang kwenta ang babaeng iyon.

Natanaw ni Althea sa dulo ng silid ang isang malaking salamin. Naglakad siya palapit doon at saka umupo sa silyang naroon. Napansin niyang mahilig din pala si Hailey sa mga pabango. Marami kasing iba-ibang klaseng pabango sa ibabaw ng puting tokador sa harap niya. Ilang piraso lang ng make up ang naroon. Sabagay base naman sa nakita niya noon, hindi talaga mahilig sa make up si Hailey. Kaya naman mukha itong gurang, walang kaganda-ganda. Mas maganda pa nga siya.

Humarap siya sa salamin at pinagmasdan ang sariling repleksiyon doon. Malayong-malayo na nga ang itsura niya ngayon, kumpara noong bata pa siya.

Sino ba siya? Sino ba talaga si Althea Arellano? Siguro kung babalikan niya ang mga taong nambully sa kanya noong nasa Cebu pa sila. Malamang ay hindi na siya makikilala ng mga iyon dahil sa itsura niya ngayon.

Bata pa lang siya ay umani na siya ng isang katutak na panlalait sa kaniyang itsura. Panghuhusga ng mga taong makikitid ang utak, wala ng ginawa kundi ang pagtawanan siya. Hindi naman niya gustong maging ganoon ang mukha niya.

Hoy! Halimaw. Umalis ka nga riyan sa daraanan namin. Baka mahawa kami sa kapangitan mo! Iyan ang madalas pambungad sa kanya noon ng mga school mate niya. Pagkatapos ay maririnig niya ang malulutong na tawa ng mga ito. Araw-araw iyon ang pangbati sa kanya tuwing papasok siya sa eskwelahan. Mula Elementarya ay nararansan na niya iyon, deadma lang naman ang mga teacher niya tuwing binubully siya, minsan nga ay nakikitawa rin ang mga ito.

Hindi naman niya kasalanan kung bakit naging pangit siya. Sabi ng mommy niya ay nasunog ang kanyang mukha noong bata pa siya. Natupok daw kasi ng sunog ang dating bahay nila, sa kasamaang palad pati siya'y nadamay. Mabuti na lang at nagawa pa siyang iligtas ng mga doktor ng mga panahong iyon. Iyon nga lang ang mukha niya ang labis na napinsala.

Halos kalahati ng mukha niya ang nasira. Pati ang ilong niya noon ay naging isa na lang ang butas at ang kaliwang mata niya ay kaunti na lang ang kita dahil nagdikit na ang mga balat. Mabuti na lang dahil hindi siya nabulag. Nakalakihan na niya ang ganoong kapintasan. Kung pwede nga lang ay hindi na siya lumabas ng bahay noon, dahil sa panglalait ng mga tao sa ayos niya.

May pagkakataong siya palagi ang ginagawang tampulan ng tukso. Natuto lang siyang lumaban noong nasa High School na siya. Muntikan pa siyang mamatay noon matapos siyang pagtripan ng mga kaklase niya. Ikinulong siya sa isang cabinet, kasama ng mga walis at bunot na panlinis sa sahig. Nakalabas lang siya roon matapos niyang pagsisipain ang pinto hanggang sa nasira iyon.

Matapos ang pangyayaring 'yon ay pinangatawanan na niya ang mga sinasabi ng iba tungkol sa kanya. Halimaw raw siya, e 'di iyon na ang pinakita niya. Natuto na siyang lumaban sa mga pasaway na nambubully sa kanya. Doon na nag-umpisa na baguhin niya ang kanyang pag-uugali. Para ano pa ang pagiging mabait kung palagi naman siyang nasasaktan. Mas okay na iyong siya ang manakit, wala na siyang pakialam kahit tawagin siyang halimaw na war freak o kung ano pa man ang itawag sa kanya.

Wala naman siyang problema sa mommy niya noon. Maalaga naman ito sa kanya tuwing umuuwi ito sa bahay nila. Nang mga panahong iyon ay bihira lang niyang makasama ang ina, dahil abala ito sa pangangabit sa kung sino-sinong mayayamang lalaki. Iyon kasi ang halos bumuhay sa kanila, ang gawaing iyon ng kanyang ina na madumi man kung titingnan pero iyon ang bumubuhay sa kanila. Wala na siyang nakagisnang ama, namatay na raw ang papa niya bago pa man siya nito isilang. Nakilala lang daw iyon ng mommy niya sa isang bar. Mabait daw ito kaya nahulog ang loob ng mommy niya hanggang sa nabuntis ito at siya na nga ang naging bunga. Nabalitaan na lang daw ng mommy niya na namatay ito sa isang car accident. Iyon ang kwento sa kanya ng ina noong hinanap niya ang kanyang ama.

Akala niya ay magbabago ang buhay niya, nang makapangasawa ulit ng mayamang kano ang ina niyang si Miranda. Nagpakasal ito sa isang mayamang Americano noong thirteen years old na siya. Ito rin ang nagpaaral sa kanya. Mabait ito kapag kaharap nila ang kanyang ina, ngunit halimaw din ito kapag umaalis ang mommy niya. Ilang ulit siyang pinagsamantalahan nito. Ano ba ang laban niya noon? Wala. Hindi niya magawang magsumbong sa ina dahil papatayin daw sila nito kapag nagsumbong siya.

Tumulo ang masaganang luha sa mga mata ni Althea, nang maalala ang lahat ng pinagdaanan niya. Nanatili lang siyang nakaharap sa malaking salamin at mula roon ay malaya niyang pinagmasdan ang mga luhang tanging karamay niya. Ang tanging saksi sa lahat ng pinagdaanan niya.

Marahas niyang pinahid ang mga luha niya at ikinuyom ang mga palad. Ayaw na niyang alalahanin ang nakaraan. Lalo lang itong nagbibigay ng kirot sa kanyang puso.

Muli siyang tumitig sa salamin at marahang naglandas ang kanyang kamay sa kaliwang bahagi ng pisngi. Magaling nga ang doctor na nag-ayos sa mukha niya. Ang pisngi niyang kulubot, ngayon ay makinis na. Maging ang ilong niya noon na iisa ang butas, ngayon ay maayos na, perpekto na ang hugis nito. Ang kaliwang mata niya na noon ay halos magdikit na ang mga talukap, ngayon ay maganda na. Naglaho na ang bakas ng dating Althea.

Bumaba ang tingin ni Althea sa drawer na nasa harap, bahagya itong nakabukas. Tuluyan niya itong binuksan at tumambad sa kanya ang isang photo album na naroon. Katabi nito ang isang hugis pusong box, kulay pula ito na may desinyo ng mga maliliit na puting bulaklak.

Kinuha niya ang photo album. Ano naman kayang kakornehan ang laman nito?

Isang larawan ang nalaglag mula sa hawak niyang photo album at natawag nito ang pansin ni Althea. Muli niyang ibinalik sa drawer ang hawak, wala siyang panahon upang pagtuunan nang pansin iyon. Hindi siya interesado roon, siguradong puro mukha ni Hailey ang laman niyon. Muli siyang bumaling sa nakataob na larawan sa sahig. Gumapang ang kakaibang pakiramdam sa kanyang puso nang mabasa ang nakasulat sa likod ng larawan.

Dahan-dahang yumuko si Althea at inabot ang larawan. Nang makuha niya ito ay muli niyang binasa ang nakasulat sa likod na naging dahilan upang maging hugis arko ang manipis na kilay ni Althea.

"It can't be. Kailangan malaman ito ni Mommy."

Agad siyang tumayo at naglakad habang hawak ang larawan. Hindi pa siya tuluyang nakakalabas ng kuwartong iyon nang mapahinto siya. Pumihit siya pabalik sa harap ng drawer ni Hailey at saka niya dinampot ang kulay pulang jewelry box.

Unti-unting umukit ang isang ngiti sa mga labi ni Althea bago tuluyang lumabas sa kuwarto ni Hailey.

Masama ba talaga si Althea? Sino ang nasa larawan? Ano kaya ang laman ng box na kinuha ni Althea?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top