Kabanata 13

Mga katok sa pinto ang gumising kay Hailey mula sa malalim na pagtulog. Bumangon siya at tinungo ang pinto.

"Hi, ang sarap nang tulog mo ah," nakangiting sabi ni Lucas sa kanya.

"Oo nga eh, nasaan na ba tayo?" Napakurap-kurap siya at bahagyang hinaplos ang paligid ng mga mata. Nakakahiya naman kasi kung makikita ni Lucas na may muta pa siya.

"Nandito na tayo," sagot ni Lucas. Lalong lumapad ang pagkakangiti ng binata habang pinagmamasdan siya.

"Ta-talaga? Anong oras na ba?"

Tumingin si Lucas sa suot na
relong pangbisig. "Ahm... six fifteen na ng gabi. Ang haba nang itinulog mo, eh," sagot ng binata. Pagkatapos ay isinandal nito ang likod sa hamba ng pinto at saka humalukipkip.

"Oo nga, pasensya ka na. Ang sarap kasing sumakay rito sa yate mo, para akong dinuduyan." Tumawa siya. Ito kasi ang unang pagkakataon na sumakay siya sa ganitong sasakyan. Kaya naman nakatulog talaga siya nang bongga.

"So, tara na? Naghihintay na ang maghahatid sa atin sa condo ko. Doon ka muna mag-stay dahil mahirap na, baka makita ka pa ng mga tauhan ng madrasta mo. Mas maigi na iyong nasa tabi mo lang ako."

Parang biglang sumayaw ang puso niya nang marinig ang huling sinabi ni Lucas.

Bakit ba sobrang bait ng lalaking ito? Hay! Bumibilis na naman ang tibok nitong puso ko. Ano ba itong nangyayari sa akin? Bakit ako nagkakaganito...?

"Si-sige, tara na. Hindi ko tatanggihan iyang iniaalok mo," nakayuko niyang sabi.

"Hindi rin naman kita papayagang tumanggi." Ngumiti ito at tumitig sa kanyang mga mata nang mag-angat siya ng tingin. "Friends... Friends na tayo, ha?"  Inilahad nito ang kamay sa harap niya.

Unti-unting naglaho ang masayang pakiramdam niya. Ngayon ay may bumundol na kirot sa puso niya dahil sa sinabi ng binata. Oo nga pala, ikakasal na siya. Naku, Hailey, 'wag kang ano riyan...baka umibig ka pa sa lalaking ikakasal na! sabi ng utak niya.

"Oo naman, friends!" Naglapat ang kanilang mga kamay bilang tanda ng pagiging magkaibigan.

Bigla siyang nalungkot dahil hanggang kaibigan lang talaga ang pwedeng mamagitan sa kanilang dalawa ni Lucas. Ikakasal na ito at base sa nakikita niya'y talagang mahal nito ang nobya.

                                    💠💠💠

Huminto ang kotseng sinakyan nila sa harap ng Central Towers kung saan naroon ang condo unit niya.

"Nandito na tayo," turan ni Lucas. Hinubad niya ang suot na baseball cap at ibinigay iyon sa dalaga. "Isuot mo ito. Mahirap na baka may makakilala sa 'yo. Ang alam ng lahat ay patay ka na. Magtataka sila kapag nakita kang buhay na buhay at may kasamang gwapong lalaking katulad ko," pabirong sabi niya. Tumawa naman ito.

"Okay na sana, eh. Ngayon ko lang nalaman na palabiro ka rin pala, wala kasi sa hitsura mo!" nakangiting sabi nito. "Pero salamat dito, ha." Saka itinaas ang hawak na ball cap.

"You're welcome, Hailey." Binuksan niya ang pinto ng kotse at inalalayan sa pagbaba ang dalaga. Saka siya bumaling sa matandang driver.

"Manong Carding, tatawagan ko na lang po kayo bukas. May lakad po tayo," baling niya sa nakangiting matanda.

"Sige po, senyorito. Aalis na po ako," paalam nito.

Kumaway na lang siya sa paalis na matanda.

Si Manong Carding ang driver niya sa tuwing pumupunta siya rito sa Maynila. Dati niya itong tauhan sa Isla. Ngunit nang magsipag-aral ang mga anak nito rito sa siyudad ay nagpasya itong dumito na lamang kasama ng sariling pamilya. Pumayag naman siya at sa halip ay ito na lang ang kinuha niyang driver sa tuwing lumuluwas siya.

"So. Tara na, pumasok na tayo," aya niya sa nakayukong dalaga.

Tumango ito, "Relax ka lang, Hailey, baka lalo silang magtaka dahil d'yan sa ikinikulos mo." Tinapik niya ang balikat nito.

"Eh... baka kasi may makakilala sa akin dito. Mahirap na. Wala ka bang panyo d'yan? Pahiram ako," bulong nito habang naglalakad sila papasok sa Central Towers.

Tumawa siya nang mahina dahil sa sinabi nito, sabay dukot sa panyo na nasa kanyang bulsa. "Ito, oh... baka sabihin ng iba ang baho ko na dahil nakatakip iyang ilong mo."

"Hayaan mo na, ngayon lang naman, eh." Nakita niyang umirap ito habang itinatakip sa ilong ang panyo. Napangiti siya ng lihim dahil sa pag-irap ng dalaga. Nakasunod lang ito sa kanya habang tahimik silang naglalakad papasok sa elevator.

"Hindi ba ako nakakaabala sa'yo, Lucas? Nahihiya na kasi ako dahil marami ka nang naitulong sa akin. Baka mabaon na ako sa utang n'yan," saad ni Hailey nang nasa loob na sila ng elevator.

Lihim siyang napabuga ng hangin at isinilid ang dalawang kamay sa bulsa ng suot na pantalon. Isinandig niya ang likod sa dingding ng elevator bago lumingon sa dalaga. "Kaya nga tulong 'di ba? Hindi naman ako naghihintay nang kabayaran sa pagtulong ko sa 'yo. Ganoon din siguro ang gagawin mo kapag may nakita kang nag-aagaw buhay, 'di ba? Tutulungan mo rin?"

Sakto namang bumukas ang elevator kaya nauna na siyang lumabas at tinungo ang hallway.

"Napakabuti mo, Lucas. Ang swerte naman ng fiance mo sa 'yo," dinig niyang turan nito sa kanyang likuran.

Tumawa siya, "Ako ang maswerte sa kanya, Hailey."Nilingon niya ito at nakitang seryoso ang mukha ng dalaga kaya napakunot ang kanyang noo. "Bakit?" Nagtaka siya dahil sa biglang pagbago ng hitsura nito.

"Ah... wala naman, Lucas. Naalala ko kasi si Papa, eh." Ngumiti ito pero halatang pilit lang dahil hindi iyon umabot sa magaganda nitong mata. Kahit ilang araw pa lang na nakakasama ang dalaga'y unti-unti na niya itong nakikilala. Nagkibit-balikat na lang siya, naintindihan naman niya ito dahil talagang mahirap ang pinagdaanan nito.

Ilang sandali pa ay narating nila ang unit niya.

"Pasok ka... 'wag kang maiilang, mas-safe ka naman dito, eh," sabi niya nang makitang medyo nag-aalangan itong pumasok sa loob.

"Ba-baka kasi magalit ang fiance mo kapag nalaman na nagpatuloy ka ng babae rito," nag-aalalang turan ni Hailey. May point naman ito pero kilala naman niya si Marga kaya panatag pa rin ang loob na maiintindihan ito ng nobya.

"Hindi magagalit 'yon, Hailey. Hayaan mo't ipapakilala kita sa kanya."

Nakita niyang marahan itong tumango bago humakbang papasok sa unit niya. Nang makapasok sa loob ay napansin niyang iginala nito ang paningin sa buong paligid.

"Wow! Ang ganda naman nitong unit mo. Mahilig ka pala sa mga paintings!" bulalas nito. Lumapit ito sa isang painting na nakasabit sa dingding. "Ang ganda naman nito."

"Maganda ba? Ako ang gumawa n'yan." Iyon talaga ang first love niya, ang pagpi-paint.

"Talaga? Wow!" sabi ni Hailey habang nanlalaki pa ang mga mata.

"Yap!" tipid na sagot niya.

"lkaw na talaga! Sino nga pala itong magandang babaeng ito?" Itinuro nito ang babaeng nasa painting.

Gumuhit ang saya sa kanyang puso habang nakatitig sa nakangiting babae sa larawang iginuhit niya: nakaipit ang bulaklak ng Gumamela sa tainga ng kanyang modelo, maganda ang medyo singkit na mga mata,  matangos ang ilong at litaw ang biloy sa kaliwang pisngi na lalong nagpalitaw sa angking ganda nito.

"Meet my fiance, Hailey, siya si Margarita." Lumapit siya sa tabi ng dalaga at masuyong hinaplos ang mukha ng nobya.

"A-ang ganda pala ng fiance mo. Kahit sa painting ko pa lang siya nakikita ay alam kong bagay na bagay kayong dalawa."   Tumalikod ang dalaga sa kanya at naglakad ito palapit sa couch at saka umupo roon.

Napansin niyang parang naging malamlam ang mga mata ni Hailey. Nawala ang kislap na kanina lang ay nakita niya.

Hindi niya pinansin ang sinabi ng dalaga dahil unti-unti siyang nag-alala sa biglaang pagbabago nang mood nito. Lumapit siya at umupo sa katapat nitong sofa. "Sumasakit ba ang sugat mo?"nag-aalalang tanong niya. Para kasing naging lantang gulay ito.

"Hindi. Ayos lang ako, Lucas... napagod lang siguro ako dahil sa maghapong biyahe natin at ngayon ko lang naramdaman ang pagod."

"Are you sure?" Hindi kasi siya kumbinsido sa sinabi nito. Tumango lang ito bilang sagot sa tanong niya. "Halika, ihahatid kita sa magiging kuwarto mo," sabi niya. Tumayo siya at tinungo ang isang kuwarto, nakasunod naman sa likuran niya ang dalaga. "Magpahinga ka muna... gigisingin na lang kita mamaya para makakain ka. Bibili na lang ako sa labas ng pagkain. Maaga pa naman, eh."

"Maraming salamat, Lucas, magpapahinga na muna ako."

"Sige, take your time. Gigisingin na lang kita mamaya pagdating ko," saad niya bago tumalikod at nagtuloy sa sariling kuwarto na katabi lang naman ng silid ni Hailey.

Nagmadali siyang naligo at nagbihis. Gusto niyang puntahan na ngayon ang kasintahang si Marga. Alam niyang matutuwa ito kapag nakita siya. Miss na miss na rin niya ito. Kung hindi nga lang niya kasama si Hailey ngayon, tiyak na sa condo ni Marga siya tumuloy kanina. Nakangiti siya habang palabas ng kanyang unit, gusto niyang surpresahin ang nobya.



Magkita kaya si Hailey at Marga? Ano ang mangyayari kay Hailey ngayong nasa Manila na ulit siya? Maprotektahan kaya siya ni Lucas kung sakaling makita siya ng mga tauhan ni Miranda?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top