Kabanata 11
"Mabuti naman at bumaba na kayo," bungand ni Manang Nelia matapos nilang pumasok sa kusina. "Kumusta na ang pakiramdam mo, hija?" Nakangiting baling nito sa kanya.
"Mabuti na po, manang," nakangiting sagot niya sa matanda. Kilala na niya ito dahil ito ang madalas maghatid sa kanya ng pagkain sa kuwarto niya noong mga nagdaang araw.
"Maigi naman kung ganoon. Halika, maupo ka rito para makakain ka na."
"Ate Hailey, dito ka sa tabi ko maupo," sabi ni Veron. Si Noah ay nakaupo sa upuang nasa tapat nito. Tipid itong ngumiti sa kanya nang magtama ang mga mata nila.
"Sige ba!" masiglang turan niya. Umupo siya sa tabi nito. Samantalang si Lucas ay umupo sa upuan na nasa tapat niya.
Nang makaupo si Hailey ay pinagmasdan niya ang kabuuan ng kusina. Masasabi niyang napakamoderno nito. Kompleto ito sa mga makabagong kagamitan. Hindi niya akalain na sa ganitong isla ay may isang mansyon na nakikipagsabayan sa mga modernong bahay sa siyudad. Ngayon lang siya nakalabas ng kuwarto, kaya ngayon lang niya ito napagmasdan.
"Kayo po, manang, hindi po ba kayo sasabay sa amin?" tanong ni Lucas sa matanda, matapos nitong maghain ng mga pagkain sa malapad na lamesa.
"Naku, mauna na kayo. Sabay-sabay na lamang kaming tatlo mamaya." Itinuro nito ang dalawang babaeng tagapagsilbi na nakatayo 'di kalayuan sa kanila.
Nilingon ni Hailey ang dalawang babae.
Ngayon lamang niya ito nakita. Sa hula niya ay kasing edad lamang ni Veron ang isa na may kayumangging kulay, maamo ang bilugang mukha at maganda ang medyo singkit na mga mata. Katabi nito ang mas batang babae, magkapatid siguro ang dalawang ito sa hula niya dahil hindi nalalayo ang tabas ng kanilang mukha.
"Manang, sumabay na kayong tatlo sa amin. Mas masarap kumain kapag maraming nagsasalo-salo," pamimilit ni Lucas kay Manang Nelia.
Natutuwa siyang pagmasdan si Lucas, tunay ngang napakabait ng lalaki. Karamihan kasi sa mga kilala niyang mayayaman ay hindi ganito ang asal. Ang iba ay utusan lang talaga ang turing sa kanilang katulong. Base sa kilos nito ay parang kapamilya na rin ang turing nito sa kanyang mga katulong.
"Lota at Sabel, halina kayo... Sumabay na kayo sa amin," sabi naman ni Veron sa dalawa.
"Pero, ma---"
"Walang pero-pero," putol ni Veron sa sasabihin sana ni Lota.
Natawa silang dalawa ni Lucas. Talagang natutuwa siya sa magkakapatid na Monte Vista.
Walang nagawa ang tatlo kundi ang umupo. Napapangiti na lang si Manang Nelia habang kumukuha ng panibagong pinggan para sa kanilang tatlo.
Masaya silang nagsalo-salo sa hapunan. Nangunguna na sa kuwentuhan si Veron habang panay naman ang tawa niya sa mga kalokohang kuwento nito.
Samantalang si Noah ay panay ang lingon sa dalagitang si Sabel. Ang dalagita naman ay nakayuko lang habang kumakain, minsan naman ay nakikitawa ito sa mga ikinukuwento ni Veron. Natutuwa siya para sa dalawang bata.
Mukhang crush ni Noah ang dalagita. Napapansin niya ang mga palihim na pagsulyap nito kay Sabel at naaaliw siya sa dalawa. Kahit paano'y nakakalimutan niya ang kanyang mga problema.
"A-ate Hailey," untag ni Veron sa kanya. May pagkalabit pa ito sa braso niya.
Lumingon siya rito, "Ba-bakit, Veron?" nagtaka siya nang mapansin niyang nakatuon ang mga mata ng lahat sa kanya. Maging si Lucas ay mukhang naghihintay nang sasabihin niya; nakangiti kasi ito at tila nabitin sa ere ang kamay na may hawak pang kutsara habang nakatingin sa kanya.
Naiilang siya sa simpleng pagtitig nito.
"Ano po kasi, Ate Hailey, ahm...tinatanong kasi kita kung may boyfriend ka na po ba?" nakangiting tanong ni Veron sa kanya.
"Ah, iyon pala ang tinatanong mo." Ngumiti siya kay Veron. "Pasensya na. Hindi ko agad narinig eh," sagot niya. Pagkatapos ay ibinaba niya ang hawak na kutsara't tinidor bago muling bumaling kay Veron. "Wala. Wala pa akong boyfriend," sagot niya.
Lumapad ang pagkakangiti nito at umaliwalas ang mukha. Ngunit nawala rin iyon: dahil ang magandang ngiti ay biglang naglaho, pati ang maaliwalis na mukha ay napalitan nang kalungkutan. Umiling-iling ito bago ibinaling ang tingin kay Lucas at nagsalita. "Tss! Sayang naman...ikakasal na kasi itong si Kuya. Sana ikaw na lang ang naging ate namin," malungkot na sabi ni Veron.
"Ikaw talagang bata ka ang daldal mo! Nakakahiya kay Hailey," saway ni Lucas sa kapatid.
Tumawa si Veron habang nakatingin kay Lucas. "Bakit, kuya? Hindi ka ba nagagandahan kay Ate Hailey?" tatawa-tawang tanong ni Veron.
"Tsk! Hailey, pagpasensyahan mo na lang ang kapatid kong ito. Ang daldal eh," umiiling na sabi ni Lucas.
Ngumiti na lang siya sa lalaki.
"Ok lang 'yon. Sana'y naman ako sa makukulit na bata, eh," masayang sabi niya.
Biglang lumingon sa kanya si Veron. "Ate Hailey naman! Dalaga na nga po ako...hindi na ako bata," nagmamaktol na turan ni Veron. Nagtawanan na lang silang lahat at masayang ipinagpatuloy ang pagkain.
💠💠💠
Natapos ang masaya nilang hapunan ay nauna nang umakyat sa kuwarto si Noah. Pansin ni Hailey na medyo tahimik ito; kabaliktaran ni Veron at Lucas dahil mukhang kailangan mo pang bilhin ang tawa nito.
Tumayo siya para sana tumulong sa pagliligpit ng mga pinagkainan nila.
"Hija, magpahinga ka na. Kaya na namin ito," sabi ni Manang Nelia.
"Tama si Manang, dapat ay magpahinga ka na dahil hindi ka pa gaanong magaling. Mamaya baka mabinat ka pa," nag-aalalang turan ni Lucas.
Napangiti siya dahil sa sinabi nito, pakiramdam kasi niya ay talagang nag-aalala ito para sa kanya. Naghatid iyon ng kakaibang saya sa puso niya at lihim siyang natuwa dahil sa pagtrato ng binata sa kanya. Tanging ang kanyang ama lamang ang nag-iisang lalaking nagbigay halaga sa kanya, kaya hindi siya sanay na makaramdam nang pag-aalala mula sa ibang lalaki.
"Sige, magpapahinga na ako," wika niya.
Tumayo ang lalaki at lumapit ito sa kanya. "Ihahatid na kita sa kuwarto mo." Hinawakan ni Lucas ang braso niya saka siya inalalayan palabas ng kusina. Ramdam niya ang mainit na palad ni Lucas na nakadikit sa kanyang balat. Kakaiba ang dating niyon sa kanya dahil biglang nag-iba ang tibok ng puso niya dahil lamang sa pagkakadikit ng mga balat nila. Lihim niyang ipinilig ang kanyang ulo para kalmahin ang sarili.
Hindi nakaligtas sa mga mata niya ang malapad na pagkakangiti ni Veron habang nakasunod ang tingin sa kanilang dalawa ni Lucas, at parang kinikilig pa ito.
Habang paakyat sa hagdanan ay wala silang imikang dalawa. Kaya naman ramdam na ramdam niya ang mainit nitong palad na banayad na nakahawak sa kanyang braso.
Ano ba itong nararamdaman ko? Naku! Puso...kumalma ka lang diyan! Jusko! Gusto niyang tanggalin ang kamay ni Lucas na nakahawak sa kanya, kaya lang ay nagdadalawang isip naman siya dahil baka kung ano ang isipin nito.
Malapit na sila sa pintuan ng kanyang silid nang mag-angat siya ng paningin. Hindi niya inaasahan na makitang nakatitig din ito sa kanya. Pakiramdam niya ay bigla siyang napaso dahil sa titig nito kaya mabilis siyang nagbaba ng tingin.
"Bakit namumula ka? Masama ba ang pakiramdam mo?" tanong ni Lucas. Itinaas nito ang palad at sinalat ang noo niya pati ang kanyang leeg. "May sinat ka yata, medyo mainit ka," dagdag pa nito.
"Naloko na," kagat labing bulong niya habang nakayuko para iiwas sa binata ang mukha niya. Talagang lalagnatin yata siya kapag ganito sila kalapit sa isa't isa.
"May sinasabi ka ba? Okay ka lang ba talaga?" hindi mapakaling tanong nito.
"Wa-wala, este, kailangan ko na sigurong magpahinga...salamat, Lucas," nahihiyang sabi niya. Mabilis siyang pumasok sa loob ng kuwarto.
"Sige. Goodnight, Hailey," pahabol na wika ni Lucas.
"Goodnight din sa 'yo," sagot niya.
Matapos niyang isara ang pinto ay ilang minuto pa siyang nanatili at napasandal doon.
"Goodnight, honey." Kinurot niya ang sariling braso. Iyon kasi ang dinig niya kanina sa sinabi ni Lucas at paulit-ulit niya itong naririnig sa kanyang isipan.
"Huh! Umayos ka nga, Hailey! Hindi ka napunta rito para lang magkaganyan ka! Tatlong araw ka pa lang dito, ganyan na agad ang epekto niya sa 'yo! Hay! Nababaliw ka na ba?" Para siyang baliw habang pinapagalitan ang sarili.
Naglakad siya palapit sa kama at saka siya dumapa roon. Inabot niya ang dalawang unan at saka itinakip sa kanyang ulo.
"Ito na yata ang epekto nang pagkahulog ko sa talon. Marahil ay naalog lamang ang utak ko kaya ako nagkakaganito. Hay! Naloko na," bulong niya.
Sa maikling panahon ay mukhang nahuhulog na ang ating bida. May maidudulot kaya itong mabuti sa kanya? O dadalhin lang siya nito sa panibagong pagdurusa?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top