Kabanata 10

Tatlong araw ang lumipas simula nang magising si Hailey. At ngayon ay maayos na ang kaniyang pakiramdam ngunit hindi pa rin tuluyang naghihilom ang mga sugat at pasa niya sa katawan.

Nagpalipat na rin siya ng kuwarto sa isa sa mga guest room sa mansyon. Nahiya kasi siya kay Lucas, nang malaman niya na sa lalaki pala ang kuwartong iyon. At isa pa, baka kung ano ang isipin ng kasintahan nito kapag nalaman na sa kuwarto ni Lucas siya tumutuloy. Naikuwento na rin sa kanya ni Veron na malapit na pala itong ikasal sa kasintahan nito.

Maganda ang guest room na ginagamit niya ngayon. Halos kasing laki rin ito ng kuwarto ni Lucas. Purong puti ang pintura nito. Nalalatagan ng makapal na kurtinang kulay krema na may burda ng maliliit na bulaklak at paru-paro ang isang bahagi ng silid. May tatlong paintings na nakasabit sa dingding, sa hula niya ito ay tinatawag na abstract art. Maganda ang tatlong paintings na iyon kahit pa hindi niya mawari kung ano ang kahulugan ng nakaguhit doon. Mayroong hindi kalakihang chandelier na nakabitin sa kisame na naghatid ng magandang aura sa loob ng silid na iyon. May maliit na sala's malapit sa makapal na kurtina. Hindi rin nakaligtas sa mga mata niya ang malaking flat screen tv na nakakabit sa dingding.

Dahan-dahan siyang bumangon mula sa kanyang pagkakahiga sa kama. Kinuha niya ang remote at saka binuksan ang tv. Naglakad siya patungo sa couch at marahang umupo roon habang nakatuon ang mga mata niya sa television.

"Ano po ang masasabi n'yo ngayon, madam? Ngayong nailibing na si Miss Hailey, itutuloy n'yo pa ba ang pagtulong sa mga charities na tinitulungan niya?" tanong ng isang reporter kay Miranda. Kapag sinuswerte nga naman. Ito pa talaga ang balitang bumungad sa kanya. Katatapos lamang mailibing ang huwad na Hailey at mukhang paniwalang-paniwala ang lahat na patay na nga siya.

"Oo naman. Ang anak kong si Althea ang magpapatuloy sa naiwang advocacy ni Hailey. Katulad niya ay mahilig din sa pagtulong ang aking anak na si Althea. Bukas ang palad niya sa mga nangangailangan, lalo na sa mga bata na inabanduna ng kanilang mga magulang," sagot ni Miranda."Kung nasaan man ngayon si Hailey, alam kong ito rin ang gusto niya; ang ituloy ang kaniyang naumpisahan. Alam kong magiging masaya siya sa kabilang buhay. Mahal na mahal namin siya. Pilit kaming nagpapakatatag sa kabila nang nangyari sa kanya. Hindi namin siya makakalimutan," naiiyak na pahayag ni Miranda. Kitang-kita niya kung paanong nalaglag ang mga luha sa mga mata nito.

Pinatay niya ang television matapos ang pahayag ng kanyang hilaw na madrasta. Napakaamo ng mukha nito, maganda pa rin kahit matanda na. Ngunit sa kabila ng maamong mukhang iyon ay batid niya ang totoong kulay nito.

"Magpakasaya kayo ngayon dahil titiyakin kong darating ang araw nang pagbagsak mo, Miranda! Babawiin ko ang para sa akin! At ibabalik kita sa dapat mong kalagyan. Isinusumpa ko...babalikan kitang matanda ka!" Mahigpit niyang hinawakan ang remote control ng TV, kulang na lang ay madurog iyon dahil sa higpit nang pagkakahawak niya.

Bigla siyang tumayo at dahan-dahang hinawi ang kurtina. Tama nga siya, isa nga itong glass wall, pero hindi lang iyon ang nakita niya. Mayroon itong pintuan na gawa rin sa salamin papunta sa balkunahe. Biglang nawala ang bigat sa dibdib niya nang masilayan ang ganda ng paligid.

Mula sa balcony ng kuwarto ay tanaw na tanaw ang papalubog na araw. Parang nagkulay ginto ang tubig sa malawak na karagatan. Maging ang puting buhangin sa dalampasigan ay natatanaw niya, tila kumikinang ito dahil sa sinag ng araw. Abot tanaw rin niya ang maliliit na isla sa 'di kalayuan. Samantalang sa ibaba ng balcony kung saan siya nakatayo ay naroon ang malaking swimming pool ng mga Monte Vista, animo'y nanghahalina ang malinaw na tubig nito. Sa paligid ay punong-puno ng iba't-ibang uri ng halamang namumulaklak.

"Ang ganda...ngayon lang ako nakakita ng ganito kagandang tanawin," pabulong na sabi niya.

Marahan siyang pumikit at dinama ang malamig na hangin na kasalukuyang yumayakap sa kanya. Hinayaan niyang liparin nito ang kaniyang mahabang buhok. Kulang na lang ay idipa ang mga kamay dahil pakiramdam niya ay siya si Rose sa Titanic. Dahil sa banayad na hanging humahalik sa pisngi niya ay parang inaalis nito ang kanyang mga problema at sinasabing maging kampante lang siya. Napapangiti siya dahil sa isiping iyon, kahit paano ay gumaan ang kanyang pakiramdam. Mula nang mapadpad siya sa mansyong ito ay ngayon lang niya nasilip ang labas. Hindi niya akalaing nakarating siya sa ganito kagandang lugar.

Saktong pagmulat ng mga mata niya ay lumingon siya sa kanan at natanaw niya ang hindi kataasang burol. Ngunit ang higit na umagaw sa kanyang pansin ay ang lalaking nakasakay sa kabayo. Wala itong damit pang-itaas kaya naman kitang-kita niya ang magandang hubog ng katawan nito.

Agad niyang hinawi ang buhok na tumabing sa kaniyang mga mata at muli niyang pinagmasdan ang binata. Tumatama sa katawan nito ang sinag nang papalubog na araw. Nakasuot ito ng kupas na pantalon, boots at brown na sombrero. Cowboy na cowboy ang dating. Mukha talaga itong haciendero sa ayos nito. Lalo pang dumagdag sa kakisigan ang mahabang buhok na malayang inililipad ng hangin. Parang nag-slow motion ang buong paligid niya habang malaya niyang pinagmamasdan ang lalaki mula sa malayo.

"Akala ko'y ganda lang ng kalikasan ang makikita ko. Hindi ko akalaing makakakita rin pala ako ng mala Adonis na kakisigan," bulong niya habang nakatanaw kay Lucas.

Napangiti siya habang nakatitig sa lalaki. Nagulat pa siya nang mapansin niyang huminto ang sinasakyan nitong kabayo. Malapit na ito sa bakod ng mansyon. Nakita niyang tinanggal ng lalaki ang suot nitong sombrero at ngumiti  habang nakatingala sa kinaroroonan niya, kumaway ito sa kanya. Hindi niya alam kung bakit bigla na lang  bumilis ang tibok ng kanyang puso. Pakiramdam niya ay isa siyang prinsesa at tinatanaw niya ngayon ay ang kanyang makisig na prinsipe.

Kumaway rin siya pabalik dito at saka ngumiti nang malapad. Hindi pa rin nawala sa dibdib niya ang kakaibang pakiramdam. Marahil ay attracted lamang siya sa binata dahil malakas talaga ang hatak sa kanya ng mga long hair na lalaki, iyong tipong may pagka-bad boy ang dating.

Mayamaya ay muli nitong pinatakbo ang sinasakyang kabayo at saka tumuloy sa kuwadra 'di kalayuan sa mansyon.

Napailing na lamang siya sa kanyang sarili. Dahil kahit ilang araw pa lang siyang nananatili roon ay batid niyang may atraksiyon siyang nararamdaman para kay Lucas. Kailangan niyang supilin ito nang mas maaga dahil alam niyang may kasintahan na ito.

Dahil sa kalagayan niya ngayon ay wala siyang panahon para pag-ukulan nang pansin ang kanyang sariling kaligayahan. Walang lugar ang usaping puso sa kanya. Sa bigat ng kanyang pinagdadaanan sa ngayon ay hindi magandang ituon niya ang pansin para sa lalaki.

Malungkot siyang bumalik sa loob ng kuwarto. Muli na namang bumalik ang bigat sa kanyang dibdib.

Ano ba ang dapat kong gawin ngayon? Saan ako mag-uumpisa? Paano? lumuluhang tanong niya sa kanyang sarili.

Sa totoo lang ay pilit siyang nagpapakatatag. Pilit niyang binabalikan ang mga sandali kung paano siyang pinasakitan ni Miranda. Ito lang ang tanging paraan niya upang maging malakas. Ang isiping gantihan ito ay siya namang nagbibigay sa kanya ng tapang upang muling lumaban sa buhay.

Agad pinunas ni Hailey ang mga luha niya nang marinig niya ang mga katok sa pinto.

"Bakit ba ako umiiyak? Kanina lang ay masaya ako. Hay! Para lang akong tanga nito eh," bulong niya.

Marahan siyang tumayo mula sa pagkakaupo sa gilid ng kama at tinungo ang pinto.

Nagulat siya nang mapagbuksan si Lucas sa labas ng pintuan. Para itong modelong nakatayo roon habang nakangiti sa kanya.

Nakapambahay na ito. Isang puting t-shirt at abot hanggang tuhod na walking short ang suot. May nakasampay na tuwalya sa balikat. Bagong ligo ang binata kaya naman amoy na amoy niya ang after shave nito. Nakalugay lang ang abot hanggang balikat nitong buhok. Biglang lumawak ang pagkakangiti ng binata sa kanya, lumitaw ang mapapuputing ngipin na bumagay naman sa mapula at manipis nitong labi. Pwede itong maging modelo ng toothpaste sa tingin niya. Biglang tumikhim si Lucas kaya naman natauhan siya mula sa pagtitig dito.

"Hi. How are you?" bati nito sa kanya.

"O-Okey lang naman...ikaw kumusta na?" wala siyang maisip sabihin sa lalaki kaya iyon ang lumabas sa bibig niya. Ngayon lang niya ito nakitang muli, dahil noong nakaraang araw ay hindi raw ito umuwi sabi ni Veron sa kanya.

"Good. Nakakagalaw ka na ulit. Hindi na ba masakit ang mga sugat mo?" muling tanong ni Lucas.

"Hindi na, okay na ako. Pakiramdam ko nga'y pwedeng-pwede na akong mag-jogging." Bahagya siyang ngumiti sa binata.

"Oh, mabuti naman kung gano'n. Pero kailangan mo pang magpahinga ng mabuti. Kapag totally recovered ka na, sabay tayong mag-jogging," masayang sabi ni Lucas.

Palihim siyang nagdiwang dahil sa ideyang  sinabi nito. Maganda nga iyon sa tingin niya, dahil na-miss na rin niya ang kaniyang daily routine noon. Ang mag-exercise tuwing umaga.

"Sige ba," tumatawang sagot niya.

"Nakahanda na nga pala ang hapunan, sabay-sabay na tayong kumain," sabi ni Lucas.

"Ah, ok... Susunod na lang ako," nahihiyang sagot niya.

"No. Halika na...sabay na tayong bumaba," nakangiting sabi ng binata.

Wala siyang nagawa kung hindi ang tumango na lang kay Lucas. Magkasabay silang bumababa ng hagdan habang hawak siya nito sa kanyang kamay at inaalalayan pababa sa hagdanan.

Magkalapit kaya si Hailey at Lucas? Ito na kaya ang simula ng kanilang pagkakaibigan?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top