Kabanata 1
Biglang iminulat ni Hailey ang kanyang mga mata ngunit muli niya itong ipinikit. Pakiramdam niya ay para siyang nakasakay sa isang ferris wheel dahil sa mabilis na pag-ikot ng kanyang paligid. Galing siya sa mahimbing na pagtulog, hindi nga niya alam kung bakit nakatulog pa siya sa kabila ng kalagayan. Ipinilig-pilig niya ang kanyang ulo at iniluwa ang tubig na pumasok sa kanyang bibig. Naluha siya sa sakit dahil pati ilong niya ay napasukan ng amoy kalawang na tubig. Itinaas niya ang mga kamay at pinilit abutin ang ilong na halos mapuno ng tubig. Napagtanto niyang nakatali nga pala ang kanyang mga kamay.
Saka lang niya naalala na dinukot siya ng mga armadong lalaki at ikinulong sa kuwartong iyon na amoy ihi ng daga. May bahagi ng kisame ang halos butas na dahil sa nabubulok na ito. Ang kulay puting dingding ay nanlilimahid sa dumi at ang sahig ay mukhang hindi man lang nakatikim ng walis dahil sa makapal ang alikabok doon.
Nakahiga siya sa madumi at malamig na semento, samantalang nakagapos ang mga paa at kamay niya. Animo'y isang kakataying baboy ang naging itsura niya. Nakita niya ang isang lalaking nakangisi at nakatayo ito sa gilid niya, may hawak itong isang timba na walang lamang tubig dahil ibinuhos na nito sa kanya. Malaki ang pangangatawan ng lalaki, mahaba ang buhok at malaki ang bilugang mga mata. Para itong malaking tarsier sa paningin niya, kulang na lang dito ay buntot.
"Gumising ka na d'yan, Sleeping Beauty!" turan nito.
Ibinaba nito ang hawak na timba sa gilid ng mga nakatambak na sako sa paanan ni Hailey. Pagkatapos ay muli itong bumaling sa dalaga at nakapagkit sa mga labi nito ang isang ngiti na tila tuwang-tuwa sa ginawa. Samantalang ang dalawang kasama nito ay nakatayo lamang at patawa-tawa sa tabi ng pintuan.
"Ano bang kailangan n'yo sa akin? Mga hayop kayo! Mga walang puso!"
Kung pwede lang niyang sugurin ang mga ito ay ginawa na niya. Dangan nga lamang ay nakatali ang kanyang mga kamay at paa kaya wala siyang magawa. Pinipilit niyang ikawag ang mga paa dahil nagbabakasakali siyang matanggal ang pagkakatali ng mga iyon. Nang sa ganoon ay makalaban man lamang siya sa tatlong bugok na nakatayo sa harapan niya. Nanggigigil siya lalo na sa mukhang tukmol na nakangisi sa kanya.
"Kahit anong kawag ang gawin mo riyan. Hindi matatanggal 'yan." Lumapit sa kanya ang lalaking nagsalita. Umupo ito sa kanyang tabi at marahang hinaplos ang kanyang pisngi. "Sayang naman ang babaeng ito. Napakaganda pa naman at sariwang-sariwa," sabi nito.
Ang lalaking mukhang tukmol na nakapangingilabot ang mukha dahil sa kapal ng bigote, mukhang takot ito sa pang-ahit. Dinaig pa iyong mga kalaban ni Cardo sa 'Ang Probinsyano' pagdating sa purmahan; nakasuot ito ng kupas na pantalon, balat na sapatos, at maong na jacket, nakabukas iyon kaya kita rin niya ang kulay puting damit na panloob nito. Halos mapunit na nga iyon dahil sa mabilog nitong tiyan-nakuha pang magsuot ng body fit.
Bakas sa mga mata nito ang masidhing pagnanasa sa kanya. Lalo kasing lumitaw ang ganda ng hubog niya dahil sa pagkabasa sa tubig. Bumakat ang katawan niya sa bestidang suot at dahil nakasalampak siya sa sahig kaya lumitaw ang kanyang makikinis na binti. Wala siyang kakayahan para ayusin ang sarili. Kapag gumalaw pa siya ay lalo lamang natataas ang kanyang damit.
Kulang na lang ay tumulo ang laway ng tatlong lalaki na halata namang mga hayok sa laman. Halos lumuwa na ang mga mata nito. Dahil sa itsura ng mga ito ay nanlamig ang kanyang pakiramdam. Unti-unting tumayo ang mga balahibo sa kanyang katawan. Nagmistula siyang basang sisiw sa harap ng tatlong bayawak na nais siyang pagpiyestahan.
"Bastos ka! Bitawan mo nga ako!"
Bahagya siyang umurong at pinilit makalayo mula sa lalaking humablot sa kanyang braso. Dahil sa kalagayan ay hindi man lang niya nakuhang makalayo mula sa halimaw na nasa kanyang tabi at mas lalo lang dumikit sa balat niya ang alikabok sa sahig.
"May magagawa ka ba kung ayaw ko!" Lalo lamang nitong inilapit ang sarili sa kanya.
"Pwee! Nakakasuka 'yang pagmumukha mo. Ilayo mo nga 'yan sa akin!"
Nagulat ang lalaki sa ginawa niya. Nakita niyang nagtangis ang bagang nito at namula ang mukha dahil sa kanyang inasal.
Dumapo ang palad nito sa kanyang pisngi. Pakiramdam niya ay nabingi siya, tila kumapal at namanhid ang kalahati ng mukha niya. Hindi pa nakontento ang lalaki kaya hinatak nito ang buhok niya paitaas, dahilan upang mamilipit siya sa sobrang sakit. Pinigilan niyang huwag tumulo ang mga luha sa kanyang mga mata kahit pa ibayong kirot ang nadarama niya. Mariin niyang itinikom ang mga labi at inipon ang maalat at malansang likido sa kanyang bibig. Batid niyang dugo iyon kaya muli siyang dumura at ipinukol iyon sa lalaking nasa harap niya. Hindi tinamaan ang mukha nito, dahil doon ay nakaramdam siya nang pagkadismaya.
"Matapang kang babae ka! Tingnan ko lang kung hanggang saan 'yang tapang mo!" Namumula ang mukha nito habang nangangalit ang mga bagang nang tumayo ito sa paanan niya. Nagmamadali itong naghubad.
Bumilis ang tibok ng puso niya nang makitang wala na itong damit pang-itaas. Agad siyang gumapang sa maduming sahig, kahit nahihirapan ay pinilit niyang makalayo sa lalaki. Nang lingunin niya ito at dumako ang kanyang paningin sa mukha nito ay lalong nanginig ang buong kalamnan niya. Kakaiba ang ngiting nakaukit sa mga labi ng lalaki, maging ang malalim na pagtitig nito ay nakadidiri. Wala itong pinagkaiba sa itsura ni Paquito Diaz sa mga lumang pelikula na napanood niya.
"Baldo! Kailangan pa iyan ni Boss, baka magalit 'yon kapag ginalaw mo 'yan!" sabi ni Bogart, ang kasama nitong mukhang tarsier.
"Tss! Papatayin din natin ang babaeng 'yan! Sayang naman kung hindi natin titikman. Mukha pa namang masarap," turan ni Baldo. Pero itinigil nito ang pagtatanggal sa sinturong suot. Nalukot ang mukha ni Baldo dahil sa ginawang pagsaway rito ni Bogart.
"Umandar na naman iyang kahayukan mo sa laman, Baldo," sabi ng isa pang kasamahan nito na si Brando. Naiiling ito habang pinagtatawanan si Baldo. Sa kanilang tatlo ito ang mukhang mas bata, maayos itong manamit, isang maong na pantalon at itim na t-shirt ang suot nito. Matangos ang ilong, singkitin ang mga mata at hindi kakapalan ang labi. Kung wala itong hawak na baril ay hindi mapagkakamalang halang ang kaluluwa ng lalaki.
Masamang tingin ang ipinukol ni Baldo sa nagsalitang si Brando. Bitbit ang damit ay naglakad ito palabas at malakas na isinara ang pinto ng kuwartong iyon. Natatawang sumunod sa kanya ang dalawang kasama.
Nang makita ni Hailey na lumabas ang tatlong lalaki, kahit paano'y lumuwag ang kanyang paghinga.
Muli niyang ipinagpatuloy ang paggapang palapit sa pinakasulok na bahagi ng silid na kanyang kinalalagyan. Isiniksik niya ang katawan at ikinubli ang kanyang sarili sa mga tambak ng sakong naroon.
Tumulo ang masaganang luha sa mga mata ni Hailey dahil sa awa na rin sa kanyang sarili. Wala siyang alam na dahilan kung bakit siya dinukot ng mga hinayupak na lalaki, at ikinulong sa mabahong silid na iyon.
Mayamaya'y biglang bumukas muli ang pinto ng silid. Iniluwa mula roon ang dalawang babaeng tila umaapaw ang labis na kasiyahan sa mga mukha nito nang makita ang kanyang kalagayan.
Nakasuot ang mga ito ng magagarang damit at nangingintab ang mga alahas na nakasabit sa katawan nila. Nagmistula itong mga buhay na pawnshop sa dami ng mamahaling abubot. Taas noo na naglakad ang dalawa palapit sa kinalalagyan ni Hailey.
Huminto ang may edad na babae sa gilid ng nakahigang dalaga. Nakasombrero ito na kulay itim at sunglasses na bumagay sa elegante nitong kasuotan. Nakatayo sa likuran ang mas batang babaeng kasama nito. Maganda ito ngunit punong-puno ng kolorete ang mukha.
Marahan nitong tinanggal ang suot na salamin at saka siya pinagmasdan mula sa pagkakahiga niya sa maduming semento. Nakapilantik ang isang kamay nito habang nakasabit sa gitna ng braso ang tatak Louie Vuitton na handbag. Tumaas ang kapiraso nitong kilay at unti-unting gumuhit sa kulay dugo nitong mga labi ang isang mapanuyang ngiti patungkol sa kanya.
"Kaawa-awa ka naman, Hija," turan nito. Pumuno sa silid na iyon ang nakakaloko nitong tawa. Halakhak na lalong nagpasiklab sa poot na nararamdaman ni Hailey ng mga oras na iyon. "Pero huwag kang mag-alala. Bagay na bagay naman sa i---"
"Walang hiya ka talaga, Miranda! Wala kang kasing sama! Tinanggap kita para kay papa... pero bakit ganito ang ginawa mo? Ang sama mo!" wika ni Hailey.
Biglang lumapit sa kanya ang anak nitong si Althea at tinitigan siya ng masama. Sa klase nang pagtitig nito sa kanya ay masasabi niyang kulang na lang ay lamunin siya nito ng buhay. Naramdaman na lang niya ang takong ng suot nitong stiletto na halos bumaon sa sikmura niya. Namaluktot siya dahil sa sakit na agad gumapang sa kanyang katawan. Hanggang sa paulit-ulit siyang sinipa ni Althea.
"Wala kang karapatang sabihin 'yan sa mommy ko!"
Kahit namimilipit na siya dahil sa sobrang sakit ay nagawa pa rin niyang ngumiti kay Althea. Hindi niya hahayaan na lalo itong matuwa dahil sa paghihirap niya.
"Oh. Totoo nga pala ang kasabihang, "Kung ano ang puno ay siya rin ang bunga" Magkatulad nga kayo n'yang nanay mo. Halang ang kaluluwa!" Nang marinig ni Althea ang sinabi niya ay lalong umarko ang kilay nito at namula ang mukha.
"How dare you, bitch!" Yumuko ito at hinablot ang buhok niya, "Papatayin kitang babae ka! Dapat talaga ay mawala ka na sa landas namin. Bwesit ka!"
Napadaing si Hailey dahil sa pagpapahirap na ginagawa sa kanya ni Althea. Halos wala na siyang maramdaman, namamanhid na ang buo niyang katawan.
"Stop it, Althea! Huwag mong madaliin ang kamatayan ng babaeng iyan." Muling pumuno sa silid na iyon ang tawa ni Miranda na akala mo'y wala ng bukas. Halos bulong na lang sa pandinig ni Hailey ang malakas na boses nito.
"Ano ba ang kasalanan ko sa inyo at ganito kalaki ang galit n'yo sa akin?" Wala siyang maalala na pinakitaan niya ang dalawang ito ng masama mula nang tanggapin niya ang mga ito sa kanilang pamamahay.
"Wala ka naman talagang atraso sa akin, hija. Pero ang magaling mong ina ay malaki ang kasalanan sa akin! At ngayong wala na siya ay ikaw naman ang isusunod ko. Ikaw ang sasalo sa lahat ng galit ko para sa magaling mong ina!" Lumuhod ito sa kanyang tabi at saka marahas na kinabig paharap dito ang mukha niya.
"Kukunin ko ang lahat ng mayroon ka! Naiintindihan mo ba, ha? Dahil ako naman talaga...dapat ang naging asawa ni Alejandro. Hindi ang haliparot mong ina!" turan ni Miranda. Kitang-kita niya ang paniningkit ng mga mata nito. Tila nagbabaga ang mga iyon at ano mang oras ay handa siyang tupukin ng buhay.
Nagulat man siya sa kanyang mga narinig ngunit pilit pa rin niyang nilalakasan ang kanyang loob. Wala kang karapatang gawin sa akin ito, Miranda! Ipinapangako kong hindi rito matatapos ang lahat!
Isang matalim na tingin ang ipinukol ni Miranda kay Hailey. Bago ito lumingon sa tatlong lalaking nakatayo sa gilid ng nakasarang pinto.
"Patayin n'yo ang babaeng 'yan at itapon sa malayong lugar ang bangkay niya." Inutos ni Miranda sa tatlong lalaki nang makalapit ang mga ito.
Abot tainga ang ngiti ni Baldo dahil sa sinabi ng kanilang amo. "May alam akong lugar kung saan magandang itapon ang bangkay ng babaeng ito, Boss," sabi ni Baldo. Halos mapunit ang labi nitong kulay itim at halatang sunog na dahil siguro sa sugapa ito sa sigarilyo. Lumingon ito sa nanghihinang babae na nakalugmok sa maalikabok na sahig.
"Ikaw na ang bahala. Basta siguraduhin n'yong mamamatay ang babaeng 'yan! At dapat ay malinis ang pagkakagawa. Kapag garapal ang ginawa n'yo...alam n'yo na kung saan kayo pupulutin." Naniningkit ang malaking mata ni Miranda ng isa-isa nitong titigan ang tatlong lalaki. Tumango naman ang mga ito habang nakayuko.
"Yes, Boss. Kami na ang bahala sa babaeng ito," turan Baldo. Lumapit ito kay Hailey at tinanggal ang tali sa mga paa ng dalaga at saka hinatak ang kamay upang itayo ito.
Marahas siyang hinatak patayo ni Baldo, kaya napangiwi siya dahil sa pagragasa ng kirot sa kanyang tagiliran. Nahirapan siyang tumayo nang maayos, namanhid na kasi ang kanyang mga paa. Halos isa't kalahating araw rin siyang nakatali kaya wala na talaga siyang lakas upang tumayo at kumilos.
"Tumayo ka!'Wag kang umarte riyan ha! Baka gusto mong ngayon pa lang ay tapusin ko na iyang walang kwenta mong buhay...tayo!"
Pinilit niyang tumayo kahit nararamdam niya ang kirot sa buong katawan dahil sa dami ng pasang natamo.
Pinagitnaan siya ng dalawang lalaki at hinawakan ng mga ito ang magkabilang braso niya, saka siya kinaladkad nang walang pakundangan palabas ng silid.
"Paalam mahal kong Hailey. Mapunta ka sana sa langit!" sabi ni Althea. Pinakawalan nito ang isang tawa na punong-puno nang pang-aasar. Ang ina nitong si Miranda ay abot hanggang langit ang pagkakangiti. Dahil sa wakas ay wala nang hahadlang sa mga plano nito.
Isang matalim na tingin ang ipinukol ni Hailey sa mag-ina. Bago siya tuluyang naipasok ng dalawang lalaki sa loob ng sasakyan.
Ano kaya ang sasapitin ni Hailey sa kamay ni Baldo? Abangan sa susunod na kabanata.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top