DAY 2.8
HINDI MAAARING magkamali si Micah. Tama ang kanyang narinig mula sa babae. Kamamatay lang ng tatay nito kaya ganoon na lamang na tila wala sa sarili. Napatakip siya sa kanyang bibig at naisip ang kalagayan ng kanyang ama. 'Thank you at buhay pa si Daddy!' kudlit ng kanyang konsensiya.
"Miss, kung gusto mo, palit na lang tayo. Ako na doon sa pinakadulo. Dito ka na," alok ng babae na nagpabalik sa huwisyo niya.
Agad siyang umiling. "N-no, it's okay. I-I'm sorry for your loss," hinging paumanhin ni Micah. Dahil sa awa ay awtomatikong niyakap ang babaeng luhaan. "Pasensya ka na kanina," usal rito na marahang hinagod ang likod. Wala siyang pakialam kung pinagtitinginan sila ng mga tao. Sa panahong iyon ay handa siyang lunukin ang kanyang pride.
"Ah Miss, doon ka na lang sa pwesto ko," sabad ni Lemuel na tinukoy ang babae.
Napakalas siya sa pagyakap sa babae. 'Look at this guy! Nagpapakitang gilas pa,' aniya sa isip.
Napangiti ang babae kahit papaano. "Okay, maraming salamat sa iyo! Sige, mauna na ako sa inyo ha," turan nito bago umalis at nagpalit ng pwesto ni Lemuel.
Akma ng tumalikod si Micah papunta sa dulo ng pila nang magsalita ulit ang binata, "Ah Miss, dito ka na lang."
"Doon ako kasi nga may kausap ako sa cellphone kanina," pabalang na sagot rito.
"Oo nga. Dito ka na lang Day. Huwag ka nang pumunta pa sa dulo. Total ikaw naman nauna sa amin," mahinahong wika ng isang ale.
"Oh see! Dito ka na nga lang," ulit ng binata. Bahagya pa itong tumawa.
Pairap naman na bumalik siya sa pila at magkasunod na sila ngayon ng lalaki. Kahit na pawisan ito ay langhap ang mabangong masculine body spray. Dinukot muna ang cellphone sa bulsa para 'di siya mainip habang nakapila. Nag-scan siya sa kaniyang photo gallery nang mayamaya ay tumikhim ang lalaki.
"Miss, what's your name?"
'Aba! At ang lakas ng apog nito.' Hindi alam kung bakit mainit ang dugo niya sa lalaki.
"May sinasabi ka, Miss?"
"Ah wala. Ang sabi ko maalikabok dito," kaila pa niya habang nakatuon ang pansin sa hawak na cellphone.
"By the way, I'm Lemuel," pagpapakilala nito sabay lahad ng kamay. Kahit naka-mask ay sigurado siyang malawak ang ngiti nito.
'Hmm baka ang pangit ng mokong na 'to. Kampante lang yata dahil naka-mask. If I know! Akala siguro ay easy girl ako.' Umaandar na naman ang pagiging masama niya.
Nakitang hindi ito nagbaba ng kamay. Nakatingin sa kanila ang ibang mga tao kaya't nagpakilala na rin siya bilang respeto. "Micah," tanging tugon saka inabot ang kamay. Ramdam niya ang mamasa-masa at malamig na kamay ng lalaki na kaagad niyang binitawan.
Matagal na katahimikan ang namayani sa kanila. Itinuon lang ni Micah ang sarili sa kanyang cellphone. Nag-browse lang siya sa kanilang mga kuhang larawan sa nakaraang beach outing. Napakaganda ng sunset na natanaw mula sa naturang isla. Nakabibighani rin ang asul na asul na kulay ng dagat na natanaw buhat sa kanilang inookupang villa. Pangiti-ngiting tiningnan pati ang mga videos ng dalawang matatalik na kaibigan at mga nobyo nito. May isa pang kuha na sabay-sabay na nag-paddle board ang apat, saka sabay-sabay rin na na-out-of-balance. Lihim siyang napahagikgik.
KINAKABAHAN man nang makaharap ni Lemuel ang babaeng mala-tigre ay gusto pa rin niya itong malapitan at makausap. May kung ano sa kanyang damdamin na nais mapalapit dito.
Tila may mga kabayong nagkakarera sa loob ng kanyang puso dahil sa bilis ng pintig niyon, nang mahawakan ang kamay ng dalaga; nang magpakilala siya rito. Kahit mata lang ang nakikita nito at kahit supladang umasta ay gusto niyang pasukin ang mataas na bakod, makilala lang nang lubusan ito.
"Micah," pagpapakilala ng dalaga. Kasingganda ng pangalan ang mala-anghel nitong mga mata. Tila naumid ang kanyang dila at hindi na ulit nagsalita matapos makipagkamayan. Hinayaan na lang din na naging abala ito sa hinahawakang cellphone.
"Sh*t!" malutong na mura ang kanyang narinig buhat kay Micah matapos ang matagal na katahimikan. Bahagyang hinila pa ang buhok nito.
"May problema ba?" kaagad na dulog niya rito.
"Ikaw, may problema ka ba?" bagsik na balik-tanong nito sa kanya.
Hindi niya matantya kung bakit galit ito. Saka nakitang isinilid sa bulsa ng jogger pants nito ang cellphone. Hinuha niya ay na-empty battery na ito kaya ganoon na lamang kung mainis.
Tumikhim muna siya para maalis ang tila bikig sa lalamunan. "Wala naman. Micah, relax lang. Hayaan mo malapit na tayo oh. At saka ako ng bahala na lagyan ang basyo mo. At... pwede na rin kitang ihatid sa inyo kung walang magagalit," malugod na sambit niya sa dalaga.
"No, I can manage. Kayang-kaya kong magbuhat. I have complete hands and feet. Walang magagalit dahil ako lang naman ang may-ari nito," sarkastikong tugon nitong minuwestra pa ang mga kamay at paa.
Napailing na lang siya. "Okay, okay. Ikaw na ang panalo," nakangiti niyang wika sabay pagtaas ng mga kamay simbolo ng tila pagsuko. "Alam mo, ang ganda mo pala pag nagalit," pang-aasar pa niya rito.
Tinapunan naman siya nito ng nakamamatay na tingin. Hindi napigilang napabunghalit siya ng tawa.
"What's funny? Kung wala kang magawa sa buhay, please don't you ever disturb me."
Doon ay nakitang nalungkot ulit ang mga mata ni Micah. Na-guilty siya tuloy.
"Sige na. I'm sorry. Gusto lang din kitang mapatawa pero I think nagkamali ako ng approach," sinserong saad niya at humakbang. Sila na ang kasunod na iigib.
Masagana at malinis ang tubig na nagmumula sa balon. Maingat na nilagyan ng tubig ang timba at saka hinila iyon paitaas. Mabilis na napuno ni Lemuel ang mga lagayan nila ng tubig ni Micah.
"Thanks," tipid na sambit ang kanyang narinig buhat dito.
"You're welcome," maagap naman na sagot niya.
Gusto man niyang siya ang magbuhat ngunit mapilit si Micah na ito ang magdadala. Kung base sa kinis ng balat nito ay halatang hindi ito sanay sa mga gawaing bahay. Pero sa nakita niya ay madali lang sa dalaga ang ginagawang pagbubuhat ng dalawang 14-liter na gallon.
"Wow! Amazing!" lihim na puri niya kay Micah.
Habang naglalakad sila ay walang imikan sa kanilang pagitan. Ngunit lingid sa kaalaman ng dalaga ay ang panaka-naka niyang pagsulyap dito. Hanggang sa nagpaalam na siya nang tumapat na sa kanto ng kanilang bahay.
"Micah, mauna na ako," pangunguna niya matapos ibinaba muna ang bitbit na malaking gallon. "Nice meeting you," puno ng sinseridad ang kanyang tinig.
"Nice meeting you ka diyan!"
Suplada man ang dalaga ay hindi pa rin siya natitinag dito. "Sana ay magkita pa tayo ulit bukas," muling sambit bago pinasan uli ang tubig saka umalis.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top