Tuwing Valentine's Day

Paula's POV

Tuwing Valentine's day, masaya ang mga may lovelife at malungkot ang mga sawi o mga single.

Valentine's day ngayon at hinihintay ko pa rin siya. Ganito ako tuwing Valentine's day.

Nandito ako ngayon sa isang coffee shop na malapit sa compound namin.

Hindi ko na mabilang kung ilang oras na ako dito, ang mahalaga ay maghihintay ako. Ganon naman kasi kapag gusto mo, magtitiis ka, magsa-sakripisyo, lalaban at maghihintay. Mahal mo kasi.

Kanina pa ako dito sa sulok ng coffee shop. Nasa mesa ko ang binili kong iced coffee na ngayon ay tubig na dahil ubos na at tunaw na ang yelo. Katabi nito ay nasa harap ko rin ang isang pulang box na hugis puso.

Sa labas ng coffee shop ay nakita ko ang malakas na pagbuhos ng ulan.

May mga maswerteng nakapagdala ng payong pero marami ang hindi. Minsan talaga hindi tayo handa. Kagaya ngayon, wala kasing sinabi sa balitang uulan pala kaya hindi nakapaghanda ang mga tao. Parang sa pag-ibig lang, wala kasing nagsabing masasaktan ka kaya hindi mo tuloy napaghandaan.

Napadako naman ang tingin ko sa isang babaeng sumugod sa malakas na ulan. Walang payong-payong, basta na lang siyang tumawid. Basang-basa tuloy siya. Pero kasalanan din niya 'yon. Aware naman siyang mababasa siya pero tumuloy pa rin siya.

Napatingin naman ako sa isang magboyfriend-girlfriend na magka-share ng payong. Pareho silang nakahawak sa payong habang magkayakap.

Bigla ko tuloy siyang naalala. Naalala ko si Jason. Pero teka, parang lumamig itong shop? Hustisya naman sa mga walang jacket at kayakap oh! Nagyayakapan kasi iyong ibang magcouple.

Pero balik tayo kay Jason.

Last year na namin sa high school noon. Hindi kasing bongga ng mga nasa movie o libro ang pagtatapat ni Jason ng pagmamahal sa akin pero para sa akin iyon ang pinaka-bongga at pinaka-espesyal sa lahat.

Mas naging espesyal pa iyon dahil Valentine's day noon at birthday pa namin. Weird pero parang nakikiayon sa amin ang tadhana feel na feel ko tuloy na meant to be talaga kami.

Simple lang ang pagtatapat niya ng damdamin niya sa akin. Old school pa nga dahil nagtapat siya through letters. Hindi ko malilimutan ang araw na iyon dahil iyon din ang unang beses kong makatanggap ng bouquet at sa pagitan ng ilang bulaklak ay may inipit siyang envelope na may love letter. May mga maliliit pang papel sa ibang bahagi ng bouquet kung saan inisa-isa niya ang mga bagay na nagustuhan niya sa akin.

Noong araw din na iyon ay sinagot ko siya agad. Ilang buwan bago siya magtapat ay nakakatanggap na ako ng ilang notes at letters nakalagay sa locker ko, sa bag at minsan sa desk. Umamin naman siyang sa kanya nagmula ang mga iyon. Kaya hindi na ako nagdalawang isip pa.

Consistent si Jason. Hindi siya lulubog, lilitaw sa pagiging sweet. Hindi rin siya nahihiya sa ibang ipakilala ako bilang girlfriend niya o maging sweet kahit maraming tao.

Naging legal din kami sa mga magulang namin dahil niligawan din ni Jason ang mga magulang ko kasi hindi pa rin sila gaanong kumbinsido. Kahit sinagot ko na siya ay nililigawan pa rin niya ako at ang mga magulang ko. Sa una ay naging mahigpit sila kay Jason pero sa huli ay napalambot din niya ang puso ng nga magulang ko.

Nakakatawa nga e. Naalala ko noong isang beses na pinag-igib siya ng tubig ni Papa pangligo daw. Tatlong kanto ang pagitan ng bahay namin sa igiban ng tubig kaya awang-awa ako sa kaniya noon, mahaba pa ang pila dahil isang igiban lang iyon para sa buong baranggay. Isang drum pa naman ang pinapuno ni Papa. Tapos pagdating ng huling timbang naigib niya ay tapos na maligo si Papa. Pero hindi siya nagreklamo. Inaasahan na raw niya iyon.

May isang beses din na binigyan siya ni Mama ng listahan ng bilihin at perang pambili. Magluluto raw kasi si Mama. Pagka-balik niya ng bahay namin ay tapos na magluto si Mama at nakakain na kami. Nakakaawa siya kasi ilang kahon ng grocery items ang bitbit niya tapos hindi naman pala namin gagamitin ang binili niya dahil paninda namin iyon sa tindahan.

Nakakatawa na nakakaiyak. Iyan ang mga alaalang iniwan niya sa'kin. Pero hindi lang alaala ang iniwan niya kundi ako mismo.

Isang araw ay tumawag siya sa akin at sinabi ang magic words. Tatlong salita lang. "Break na tayo." Sakit.

Nagulat ako noon. Natulala at walang nagawa hanggang sa narinig ko ang sarili kong sinabihan siya na, "Papayag lang ako kung sasabihin mong hindi mo na ako mahal."

Nakakainis naman kasi. Magsi-six months pa lang kami noon. Six months na sana.

"H-Hindi na kita mahal, Paula." Aray. Ang sakit pala talaga. Sana di ko na pinasabi iyan, sana hindi ko na narinig e 'di sana hindi ako nasaktan.

"Wow. Ang galing mo. Ang dali sayong sabihin iyan matapos ng lahat? Parang walang nangyari, parang walang tayo. Sabihin mo nga, hindi mo na ba ako mahal o hindi mo talaga ako minahal. Kasi magkaiba iyon. Magkaibang-magkaiba."

Gustong-gusto ko siyang murahin kasi nasaktan talaga ako. Gustong-gusto ko siyang saktan pero hindi ko magawa. Hindi ko magawa kasi mahal ko. Mahal na mahal ko.

"Hindi kita minahal." Mas masakit pala.

"Matapos mo kong ligawan? Matapos mong magpakahirap sa magulang ko para lang i-bless nila tayo at suportahan ng buo? Matapos ng six months? Matapos kong mahulog sa'yo? Matapos kitang mahalin? Jason naman! Ano pa bang kulang? Ano bang nagawa ko?"

Hinawakan niya ang kamay ko at tinitigan ako sa mata. Nagsisinungaling siya. Nakikita ko sa mga mata niya na nagsisinungaling siya.

"Hindi ko na kayang magsinungaling. Mahal kita, Paula. Mahal na mahal kita. Pero hindi porket mahal natin ang isa't isa ay okay na ang lahat. Basta lagi mong tandaan na may isang Jason na dumating sa buhay mo at ang Jason na iyon ay mahal na mahal ka. Pero siya rin ang Jason na nanakit sa'yo at nang-iwan sa'yo. Mahal kita pero kailangan na nating palayain ang isa't isa."

Umalis siya pagkatapos. Habang naglalakad siya palayo ay alam kong iyon na talaga ang huli. Na pagkatapos ng araw na iyon ay tapos na rin talaga kami. Hindi ko na siya makikita. Iniwan niya akong gulong-gulo pero alam kong may dahilan siya. Naniniwala ako sa kanya.

Pero noong isang taon, sa eksaktong araw na ito ay tumawag sa akin ang Mommy niya. Wala na raw si Jason. Wala na talaga siya. Iniwan niya na talaga kami.

Lumala ang heart disease niya at hindi na iyon naagapan kahit pa mayaman ang pamilya nila. Hindi talaga mabibili ng pera ang lahat ng bagay.

Isang taon na ang lumipas pero namimiss ko pa rin siya.

Ilang buwan akong balisa, tulala at wala sa sarili matapos kong malamang wala na talaga siya. Hindi niya naman kasi sinabi sa aking may sakit pala siya! Kung sinabi niya sana agad siyempre aalagaan ko siya at susulitin ko 'yong mga natitira naming araw na magkasama. Pero selfish siya eh! Sinarili niya 'yong paghihirap na magpagaling at lumaban!

Pero napanaginipan ko siya noon at dalawang salita lang ang sinabi niya, "Move on." Hanggang sa panaginip sinasaktan niya ako. Pero kahit gano'n ay alam kong nag-aalala lang siya sa akin kung nasaan man siya

Kaya heto ako ngayon, nasa coffee shop na espesyal sa amin. Ngayong espesyal na araw. Happy anniversary, Jason. Mahal na mahal pa rin kita.

Kukunin ko na sana ang pulang box ko nang bigla akong lapitan ng isang waiter at inabutan ako ng isang panyo.

"Ma'am, pasara na po kami." Hindi ko kinuha ang panyo. Mamaya may kung ano iyan, mamodus pa ako. Saka bakit ko kailangan ng panyo? Kinapa ko ang mukha ko at doon ko lang naramdaman na basang-basa pala ako ng luha.

"Ah, may nagpapabigay nga po pala nitong panyo. Malinis po ito. At gwapo po ang nagpapaabot nito." Gwapo?

"Gwapo talaga? 'Wag ako, Kuya. Iba na lang." Sinigurado ko pa baka kasi nagjo-joke lang siya. Sinong gwapo naman ang magkaka-interes na abutan ako ng panyo? At kung gwapo siya bakit hindi siya ang lumapit sa akin?

"Seryoso po, Ma'am. Gwapo po siya. Saka kasabay niyo nga po siya pagpasok ng shop e. Akala ko po boyfriend niyo. Nakaupo rin po siya sa upuan sa katapat niyong table. Panay nga po ang tingin niya sa inyo akala ko po magka-lq kayo. Pero nagtataka talaga ako kung bakit niya kinuha iyong singsing sa loob ng pulang box niyo noong nakatingin kayo sa bintana kanina."

Napatingin naman ako sa pulang box at binuksan ito. Wala na nga iyong singsing.

"Bakit hindi mo sinabi? Nakita mo pala bakit 'di mo ko sinabihan? Nanakawan ako ng singsing!"

Nakakainis itong waiter. Nakita niya ang buong pangyayari pero hindi siya nagsalita!

"Ninakaw po ba? Hindi niyo ba talaga siya boyfriend? Bakit ka po niya hinalikan sa pisngi?"

Nabigla ako sa sinabi niya. Wala akong naramdamang humalik sa akin kanina.

"Wala naman akong kasama e. Wala na rin akong boyfriend. At walang humalik sa akin. Hindi ko naman naramdaman e!"

Napakamot siya sa ulo niya bago sumagot.

"Hindi po ba kayo si Paula?"

"Bakit mo alam ang pangalan ko?"

"Noong pinaabot po kasi niya ang panyo sa akin sabi niya ibigay ko raw iyon kay Paula at itinuro ka pa po niya. Sabi pa nga niya sabihin ko raw na mahal na mahal niya kayo."

Nanlamig ako sa sinabi niya. Hindi pwede...

"A-Ano daw bang pangalan niya?"

"Coincidence nga pala, Ma'am. Magkapangalan po kami." Ngumiti pa siya.

Bumaba ang tingin ko sa name tag niya at nang mabasa ko ito ay doon na ako tuluyang ginapangan ng takot, lungkot at saya.

Jason.

-----
A/N: Thank you for reading! Have a nice day! Comments are highly appreciated!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top