TU 8 🔧 - Pochero




TILA ANG PUWIT ni Golda ay napako dahil hindi na siya makaaalis sa silyang kinauupuan. Ang dibdib niya ay tila pinong kinurot. Ang mga mga paa niya'y may gasinong lakas lang upang makatayo.

Hindi namalayang ang mahihinang hikbi ay naging malakas na hagulgol. Buti at nag-iisa lang siya sa dako na kinaroroonan niya, sa pinakadulo sa loob ng restaurant. Kaya't malayang naipalabas niya ang kanyang damdamin. Kahit malamig sa loob ng establisimyento ay ramdam niyang nilukob siya ng malamig na pawis. Lahat na yata ng likido sa katawan niya nagsabayang lumabas. Hindi niya alam kung ilang minuto na siya roon — sa ganoong aktuwasyon. Mas lalong rumagasa pa ang kanyang mga luha nang nagkataong pinalitan ng tugtog na Don't Love You Know More by Craig David.

Ano na lang kaya ang sasabihin nila Mama at Papa? Nina Ate at Lalai? Nina Girlie at Lilian? Ng pamilya ni Marble? Malamang ako talaga ang kanilang sisisihin dahil sa katigasan ng ulo ko? Mga katanungang nabuo sa isip.

Pinilit niyang i-compose ang sarili. Pinahid ang mga luha gamit ang mga palad. Inhale. Exhale. Saka tumayo at dinampot ang kanyang shoulder bag at mapayapang nilisan ang restaurant nang mag-isa.

Nang makarating sa bahay ay nagmano sa inang kasalukuyang naghahanda ng hapunan. "Ma, busog na po ako. Kumain na kasi kami ni Marble sa labas."

"Ayos ka lang ba, Golda?"

"Ahm medyo masakit ang ulo ko, Ma. Itulog ko na lang muna ito."

Ulo ba talaga, Golda, o puso? kastigo ng kanyang isipan. Hindi na nagpumilit ang kanyang ina at dumiretso na siya sa silid. Doon ay binitawan ang muling naipong mga luha. Luha ng pagsisisi kung bakit in-open up niya ang bagay na iyon muli sa nobyo. Nakatulala na nakaharap sa kulay dirty white na kisame habang nakahiga. Timing na wala si Ate Pearla niya dahil nagpaalam na kaninang umaga sa ina mag-oovernight dahil sa bridal shower party para sa bestfriend nito, at kinabukasan ay maging maid of honor din ito sa mismong wedding day. Ang nakababatang kapatid na si Turqa ay wala rin dahil sa sinalihang Athletics Division Meet, at ito ay isa sa volleyball varsity ng paaralan.

Paano ko ba 'to sasabihin nila Mama? Siguradong mapapansin nila kapag hindi na binisita dito si Marble? Hindi. Hindi pwede. Hinayaang umagos ang dalisay na mga luha.

Tumagilid siya at niyakap ang kanyang twenty-four inches na Tweety Bird stuffed toy; bigay pa ito ni Marble noong 9th monthsary nila. Mariing ipinikit ang mga mata at pinalandas ang mga tubig sa mga mata. Kahit pikit ang mga mata niya ay malinaw sa kanyang balintataw ang mga alaala nila ni Marble: Kung gaano siya nito ka-special at sa bawat monthsary nila ay hindi siya nakakalimutang abutan ng regalo sabay ng pagkain nila sa restaurants — mapa-downtown area man, uphill or seaside view, sa araw-araw na pagsusundo nito galing sa trabaho, kung rest day naman nila ay nagra-rides sila sa hindi mataong lugar at paborito nilang puntahan ang nature panoramic view, matapos pumunta sa bahay nito or minsan ay sa bahay nila, ang maliliit na asaran nila at bibong tawanan. Sa mga alaalang iyon ay napabunghalit siya ng iyak habang kayakap si Tweety. "I'm really sorry, hon."

Kinapa niya ang cell phone na nasa ilalim ng unan saka itinipa ang kanyang paghingi ng tawad. Sori hon :(. Isa, dalawa, tatlo, sampung minuto ay wala pa rin siyang nakuhang sagot nito. Dinayal niya ang numero nito . Isa, dalawa, tatlo, limang ring ay wala pa ring sagot. Second redial, third redial, wala pa rin. Alam na niya ang dahilan. Galit ito o 'di kaya ay nagtatampo. Pagtatampong mahirap nang ayusin pa.

Hanggang sa napagod sa kakaisip at kakaiyak at hindi namalayang napapikit na ang kanyang mga mata.



"ANAK, GOLDA, may problema ba?" mahinahong usisa ng kanyang ina nang sabay silang mag-agahan.

Walang gana niyang hiniwa ang pritong black meat ng bariles. Paborito niya iyon. "May kaunting problema lang po kami ni Marble, Ma," tugon niya na hindi nakatingin sa ina. "Maaayos din ito." Peke siyang tumawa at sumulyap dito bago sumubo.

"Huli kitang nakitang ganyang kawalang buhay ang mga mata mo ay iyong natuklasan mo tungkol kay Hemler. Alam kong mabuting bata si Marble. Nababasa ko ang kanyang ugali tuwing naririto siya."

Hindi niya mawari kung ano ang ibig ipakahulugan ng ina. Pinili na lang niyang huwag makipagdiskusyon at binilisan ang pagkain.

"Simpleng hindi pagkakaintindihan lang 'to, Ma."

"Sige, anak. Wala naman akong karapatang manghimasok sa inyo. Basta nandito lang akong palaging gagabay sa 'yo... sa inyo ng mga kapatid mo."

"Thank you po palagi, Ma."



"PSSST GOLDA, bakit wala kang imik diyan?"

Dalawa lang sila ni Lilian na nasa pantry at nananghalian dahil hindi pa rin pumasok si Girlie sa trabaho.

Tumuwid siya ng upo. "Wala. Medyo na-stress lang doon sa striktong customer kanina."

"Talaga?"

"Oo."

Nag-angat lang ito ng makapal na kilay. Halatang diskumpyado sa kanyang sagot dito.

"Si Girlie nga pala, Yan. Bakit absent pa rin?" pag-iiba niya sa usapan. Ayaw niya pang pag-uusapan ang totoong dahilan. Hindi na niya ito inusisa sa kanilang head kung anong dahilan ng pagliban nito sa trabaho. Natitiyak naman niyang alam ito ni Lilian. Walang pangyayaring hindi pinalagpas ng tainga nito.

Muling nag-angat na naman ito ng kilay at napaismid. "Ansabi ni Ma'am ay severe back pain daw. Paanong hindi ma-severe back pain at baka todo-todong inayuda ng boyfriend niya. 'Ayun, nagkita kasi kami kahapon sa Ilustre Street. Ang impakta, ngingiti-ngiti pang nakaangkla sa boyfriend niya. Sinorpresa daw siya nito dahil second anniversary pala nila," mahabang paliwanag nito.

Di-mapigilang matawa sa tinuran ng kasama. Ngunit ang pagtawa niya'y tila yelong nabilad sa tanghaling tapat na araw at madali iyong nalusaw; napalitan iyon ng lumbay dahil naalala lang niya si Marble — ang pagiging ma-effort din nito at masorpesa sa tuwing may celebration — maliit man o malaki.

"Hoy, Golda, anong ine-emote-emote mo diyan? Ano bang nakaka-sentimental sa sinabi kong pag-absent ni Girlie, ha?"

"Ah, wala, Yan." Pilit siyang ngumiti dito. "Tara na , kain na tayo."



UWIAN NA AT PILIT pinakalma ang sarili na huwag malungkot na sa isang iglap ay mababago ang nakasanayan. Isa na rito ang awtomatikong hindi na pagsusundo sa kanya ni Marble pagkatapos ng duty.

"Ma,am Golda, goodbye!" Si Kuya Ronnie na sekyu nila. "Himalang wala si Sir Marble," tudyong pahabol pa nito.

"A-ah... o-oo... may nilakad lang na importante." Kunwari ang kanyang pagngiti nito. "Sige po, kuya, mauna na ako." Nagmamadali siyang tumalikod dito at nang hindi masilayan ang pabagsak na niyang mga luha.

Hinayaan lamang niya ang mga paa kung saan siya dadalhin nito. Ayaw na muna niyang dumiretso nang uwi sa bahay nila. Nais niyang mapag-isa. Nais niyang huminga nang walang bara. Hanggang sa matagpuan ang sarili na nakarating sa paboritong mall na pinupuntahan nila ni Marble. Nalanghap ang pamilyar na amoy ng mall ngunit wala na roon ang pamilyar na amoy na pabango ng dating nobyo na palaging nasa gilid niya. Pag-apak sa escalator ay napalingon-lingon sa paligid.

"Hon, keep right. Baka mabunggo ka pa ng mga taong nagmamadali."

Naalala niyang madalas na saway sa kanya ni Marble kapag sumasakay sila sa escalator.

Nanlambot man ang kanyang tuhod ay nagpatuloy siya. Pumirme siya sa kanan habang wala sa sariling tiningnan ang itim na gomang hawakan.

Pagdating sa second floor ay bumungad ang department store area ng nasabing mall. Napakagaan ng kanyang mga paa at mabilis na narating ang ladies' section. Pinalandas ang kamay sa mga hanger na nakasabit na may branded na mga T-shirt at jeans.

"Hon, try these. Bagay sa 'yo 'to."

Naging sariwa sa kanyang isipan ang pagkuha ni Marble ng ilang naka-hanger at saka ay ibibigay sa kanya. Round-neck na T-shirts iyon. Yellow, red at white color. May iba-ibang design ng print na Freego. Body fit ang style nito.

"Heto pa. Try this acid-washed ripped jeans. Wala ka pang ganitong design, eh."

Tila nanikip ang kanyang dibdib dahil sa alaalang iyon na kasama si Marble. Simula nang naging sila na ay ito ang nagsa-suggest ng kanyang isusuot. Fashionista by heart ito. Marahil ay naimpluwensiya rin dahil sa fashionistang mommy nito.

Hindi na niya kinontrol pa ang sariling mailabas ang kanyang dinamdam at malayang pinalandas ang mga luha. Wala sa sariling tiningnan isa-isa ang mga naka-hanger sa bahaging iyon.

"Hi, ma'am, good afternoon po! I-fit n'yo lang pa kung gusto ninyo," masiyahing bati at alok ng isang saleslady.

Mabilis niyang pinahid ang namamasang pisngi. "Ah, ayos lang, miss. Thank you!"

Lakad na may kasamang pagtakbo ang ginawa niya nang nilisan ang department store. Ang kanyang sugat sa puso ay mas lalo lang nagdurugo. Ang kanyang panyo ay basang-basa na. Lakad dito, lakad doon, paikot-ikot sa mall. Kasabay niyon ay ang pag-agos din ng tubig sa mga mata; puno ng pagsisisi sa sarili.

Lord, sana magkita kami ni Marble ngayon, lihim niyang panalangin.

Ilang minuto pa ang tinagal niya roon, saka naisipang umalis na lamang at mas lalo lang pinipiga ang kanyang puso. Nahiwagaan man sa sarili ay hindi namalayang iginiya siya ng kanyang mga paa na sumakay ng dyip patungo sa lugar na kanyang napuntahan na minsan. Lugar na hindi pa niya masyadong nakabisado. Nagbaka-sakaling doon niya matagpuan ang katahimikan at ang saganang hangin na pupuno sa naninikip niyang dibdib.

Laglag ang kanyang mga balikat at mabibigat ang kanyang mga hakbang nang pumasok siya sa lugar na iyon. Madilim na ang paligid. Maalinsangan ang panahon. Bumuntong-hininga siya bago hinila ang wooden chair.

"Hello, Ma'am, good evening! Here's the menu po," masiglang bati ng waiter.

Kumislap ang kanyang mga mata nang mapagsino ang boses na iyon — si Rolly.

"Good evening din. Thank you!"

"Ma'am, saan na pala iyong mga kasama mo dati?" Natandaan pa pala siya nito.

"Iyong si Girlie ay absent kasi. Si Lilian naman dumiretso nang uwi. Kaya ako lang."

"Ay, Ma'am, try n'yo po iyong pochero namin. Best seller namin iyon. Good news dahil may solo serving na. Naku! Siguradong pochero pa lang ay nakakabusog na."

Napagtanto niyang malaki na ang naging improvement ni Rolly kaysa noong una silang pumaroon ng mga kaibigan. Malaki na ang kumpyansa nito sa sarili na humarap ng mga kustomer.

"Okay sure, sinabi mo, eh." Kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam dahil nakakahawa ang dalang sigla ng waiter. Nagdagdag pa siya ng in-order bago siya nilisan nito.

Nilibang niya ang sarili sa pamamagitan ng pagmamasid sa ibang mga customers na naroon at ang busy at hospitable waiters at waitresses na naroon sa restobar. Sumilay na rin sa wakas ang kanyang ngiti sa labi. Nang may naaninag na paparating, pinaliit pa niya ang mga mata dahil malabo kanina; nang maglakad ito sa parteng walang ilaw. Kilala nga niya ito.

"Golda..."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top