TU 6 🔧 - Kropeck
ANG WEIRD NAMAN, komento ni Golda kay Adrian na piniling hindi na isatinig pa. Nakaramdam siya ng pagkaasiwa sa mga tingin na ipinukol nito sa kanya.
Ganito siguro kapag singer — dapat makisakay ka lang para ma-entertain ang audience.
Naghiyawan ang mga guests nang nagpatuloy ang binatang bokalista sa pagkanta ng kantang ni-request pa ng kasamang si Lilian. Lihim niyang naihiling na sana ay mabilis lang natapos ang kanta dahil ramdam niyang namumula na ang kanyang mukha at tainga, ngunit sa tantiya niya ay mas lalong bumagal pa tuloy. Laking pasalamat niya nang pabagal na pabagal na ang tiyempo ng pagkanta nito, hudyat na patapos na ang awit.
"Kiss... kiss..." biglang may sumigaw mula sa audience na sinabayan pa ng pagsipol ng ibang lalaking naroon, matapos tuluyang huminto ang tugtog ng mga instrumento. Namataan niyang galing iyon mula sa grupo ng college students na may puting uniporme.
"Oh, no! That's too much, guys," maagap na sagot naman ni Adrian at saka tumawa. Muling pinukulan siya nito ng malagkit na titig. "Thank you so much for your presence, Golda!"
Ngiti lamang ang kayang itinugon sa bokalista. Walang ano-ano'y iginiya siya ng kanyang mga paa nang walang pasubali pabalik sa kinaroroonan ng mga kasama.
Dinig na dinig niya ang matunog na palakpakan ni Girlie kahit na may kalayuan pa lang siya mula sa kanilang mesa. Kung gaanong kasaya nito ay siya namang kalumbay ng mukha ni Lilian.
"Yehey! Congratulations, Golda! Anong feeling ng makantahan?" bibong usisa ni Girlie. "Wait, ang lamig ng mga kamay mo, ha," dagdag pa nito ng hawakan ang dalawang kamay nang may kasamang pagpisil.
"Nakakahiya, eh. Sana si Lilian na lang ang pinaakyat," mababang tinig niya.
Tila kalabaw na nagpabuga ng malakas na hangin si Lilian. "Eh, 'di sana na-kiss-an na niya ako," mahihimigan ang pagtatampo sa boses nito.
Agad namang napahalakhak at napatakip ng bibig si Girlie. "In your dreams, Yan."
"Watch out, Girlie, pag maging totoo." Pinaikot pa ni Lilian ang mga mata.
"Girl, Yan, mauna na ako sa inyo," bigla niyang sabad sa dalawa.
"Golda, wala ka namang anak na naghihintay sa 'yo na makadede. Ba't ka ba nagmamadali?" usisa ni Lilian.
"Ay, true! Mag-unwind muna tayo. Kundi work, bahay o nasa date ninyo ni Marble ang palaging routine mo," sakay naman ni Girlie.
Haays. Paano ba ako makakalusot sa dalawang ito?
"Sa 'yo na pala 'to, oh." Binigay ni Lilian ang isang basong may kalahating laman ng beer.
Inamoy muna niya ito at nagusot ang kanyang ilong sa baho nito.
"Huwag mo na kasing amuyin. Diretso na lunok," suhestiyon ni Girlie. "Tapos kain ka agad nitong kropeck."
Tiningnan niya muna niya ang dalawa at tumango ang mga ito. Parang nagbigay ng signal na lagukin na niya. Diretso niya itong tinungga. Hindi maipinta ang kanyang hitsura nang masaid ang laman ng baso. Mapait iyon. Kaya kaagad na kumain naman ng malutong at mainit-init pang kropeck.
"Golda, kumusta na pala? Nakapagpaalam ka na ba para sa mountain climbing natin?" tanong ni Girlie.
"A-ahh..."
"O, hindi pumayag ang honeypie mo?" dagdag na tanong Lilian na nakangiwi pa.
"Takot kasi siyang baka madisgrasya raw tayo doon," walang emosyong tinig niya.
Hinawakan siya sa braso ni Girlie at walang salitang ibinigay ang pangalawang baso. Wala sa loob niya itong tinanggap at tinungga.
"Ang boring ng life mo, pag gano'n," patutsada naman ni Lilian.
"Pero kung ayaw talaga ni Marble, Golda. Irespeto mo na at baka 'yan pa ang pagmumulan ng away ninyo. Mahirap na." Si Girlie.
Nagpabuga siya ng mainit na hininga. Magulo ang isip dahil sa magkaibang payo ng dalawa.
"O, shot na! Huwag nang malumbay," pangongonsola ni Girlie, sabay-bigay ng pangatlong baso.
Hindi namalayan ang kanilang pag-uusap at lagpas na ng isang oras.
"Ladies, can I join?" biglang may nagsalitang lalaking nasa kanilang harapan.
Halos mapalundag sa galak at pagkagitla si Lilian. Eksaherada pang hawak nito ang umaalong dibdib. "Sure, join us here, Adrian!" magiliw na turan nito.
"Thank you!"
Tinanggal niya ang tila bikig na bumara sa lalamunan niya. "Excuse me guys, mauna na ako sa inyo." Hinawakan ang kanyang cellphone at tila may binasa na mensahe. "Nag-text na kasi si Mama. Huwag ko raw kalimutan ang gamot kasi sumasakit ang ulo niya at naubusan na sa bahay."
"Kaka-join ko lang, Golda, saka ka naman uuwi. Wait, ihatid ka namin sa labas," alok ni Adrian na sinuklay pa ang mamasa-masang buhok dahil sa pawis, gamit ang kamay.
"No! It's alright! I can manage."
"Are you sure?" Si Adrian.
"Yep. Nasa labas ang boyfriend ko."
Sa huling sinabi niya ay nakitang napatango-tango ang singer at hindi na nangungulit pa.
"Golda, mag-ingat kayo ni Marble, ha." Si Girlie.
Samantalang si Lilian naman ay kinikilig pang sumenyas sa kanya na parang tinataboy siya dahil masosolo na nito ang idolong bokalista.
"Sige. Bye, guys. Enjoy kayo." Tipid siyang ngumiti sa mga ito, saka isinukbit ang shoulder bag.
Pagdating sa gate ay maluwag siyang napahinga. Salamat at naniwala sila. Abot-tainga ang kanyang pagngiti. Gawa-gawa lang niya ang pagsabing t-in-ext siya ng Mama niya, ngunit ang totoo ay hindi naman. Wala rin si Marble na susundo. Kung kaya't sumakay siyang mag-isa sa nakaparadang taxi. Kinuha ang cell phone sa bag at ipapaalam niya sa nanay at nobyo na pauwi na siya.
"HELLO, GOOD MORNING! May I speak with Mr. Crisologo Florendo?" panimula ni Marble sa telepono nang may ngiti sa labi. Dahan-dahan pa ang ginawa niyang pagbigkas sa buong pangalan ng kliyente habang nakatutok sa hawak na application form nito.
"Oo, ito nga. Sino ito?" may katigasang wika sa kabilang linya.
Naku! Baka masungit na naman ito, palagay niya. "Sir, this is Marble Montenegro of Sunny Bank. I would like to know if you're available today for a phone interview regarding your car loan application?" malugod at malumanay niyang pagpapakilala.
"Pwede bang tagalugin mo na lang, dong?" naging mahinahon na ang boses nito.
Ay salamat! Mabait naman pala. Tinakpan ni Marble ang awditibo at pinigilan ang sariling hindi matawa. Sanay na siya sa mga ganoong kliyente na nagsasabi nang totoo at mas gusto ng wikang pambansa. Nang makabawi nang ilang segundo ay tinanggal ang pagkakatakip sa awditibo. "Opo, sir, walang problema. Si Marble Montenegro po ito ng Sunny Bank. Gusto ko lang sanang itanong kung available ba kayo ngayon para sa phone interview. Para po ito sa pag-process ng car loan application ninyo."
"Sige, dong. Nagpapahinga lang din naman ako ngayon."
"Sir, ang in-apply n'yo po ay 2010 Mitsubishi Strada GLS Sport? Automatic transmission? Tama po ba?"
"Ay, oo, dong, tama iyan. Basta kulay pula, ha? Paborito ko kasing kulay 'yan."
Saka lang niya napagtantong nakalimutan niyang itanong ang kulay na gusto nito. "Okay po, noted, sir. Sa personal po ba kayo nag-fill up ng form at nagpasa ng requirements nito sa dealer or nag-email lang kayo? Na-discuss na ba sa inyo ang downpayment at ang monthly amortization nito?
"Personal. Pumunta ako mismo, dong. Mas okay kasi na ma-explain ng ahente sa akin nang personal ang mga requirements. Pati na rin sa presyo, oo, napag-usapan na namin yan. In-explain niya lahat-lahat. Hindi rin ako sanay sa email-email na 'yan, eh." Tumawa pa ito nang pagak.
"Oo nga po, sir. Tama kayo." Mahina siyang tumawa. "Sir, saan n'yo po ito gagamitin? Personal po ba or sa negosyo or pareho?"
"Ah, pareho, dong. Gagamitin namin iyan para dito sa bukid. Para makargahan ng mga naaning prutas o 'di kaya nama'y tubo at mangga. Syempre, kung pupunta rin sa siyudad. 'Yan na rin ang gagamitin. Alangan namang mamasahe pa kami, eh, mayroon na iyan," masiglang pagsasalaysay ng singkwenta y otsong kliyente na binuntutan pa ng malutong na tawa.
Natutuwa siyang mapagkuwento ang kliyente. Nagpatuloy ang kanyang pagtatanong hanggang sa makuha ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Lihim niyang ipinagpasalamat na wala itong pag-aatubili at tapat na sumagot.
"Sir, pakihintay na lang po ng tawag namin, dalawa hanggang tatlong araw mula ngayon. I-forward ko muna itong application ninyo sa Credit Officer namin for final evaluation and approval."
"Okay, dong. Maraming salamat! More power sa 'yo."
"Thank you so much for your time, Sir Crisologo. Have a nice day!"
Naramdaman niya ang pag-init ng tainga dahil sa ilang minuto ring pagdaiti sa telepono, matapos niyang maibaba. Nagpapawis rin ang kanyang palad na inihawak nito. Inikot-ikot niya ang leeg dahil naramdaman niya ang bahagyang paninigas nito dahil sa ilang oras na pagkaupo at hindi masyadong paggalaw.
Nang maramdaman niyang may magkakasunod na tumapik sa kanyang balikat. "Mar, feel ko, ikaw ulit ang tatanghaling Super Achiever ngayong buwan," mahihimigan ang pagmamalaki sa tinig ni Brendon, ang kasama niya sa Loans Department.
Pinaikot niya ang swivel chair upang maharap ang kasama. "Wala pa nga," buong pagpapakumbabang tugon niya na nakangiti. Sa magkakasunod na tatlong buwan ay pinarangalan siya ng kanilang department dahil sa may pinakamaraming na-process na car loan application.
"O, tara na. Lunch na tayo. Ang sipag mo kasi. Lagpas na five minutes." Sinipat nito ang orasang pambisig.
"Sige, Bren. Saglit lang. Ililigpit ko lang ang mga 'to."
Pagkatapos magligpit ng gamit ay saka pinindot ang button ng monitor ng kanyang desktop. Tiningnan ang sarili sa maliit na bilog na salamin. Inayos-ayos niya ang bahagyang nagusot na white longsleeves polo at hinila nang kaunti ang natabinging black and white stripes na necktie. Itinaas din niya ang bahagyang nalawlaw na black slacks. At saka dinampot ang kanyang brown crossbody bag. Napansin niyang umilaw ang kanyang cell phone na nasa ibabaw ng mesa. Kinuha niya ito at may nakalagay na 2 new messages. Binuksan niya ito at parehong Honey ang nakalagay.
Hi hon eat ur lunch na.
May ssbhin ako l8r hon after ng duty natin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top