HulingNota

Pagsikat palang ng araw ay nagkukumahog na ang magkakaibigan upang tunguhin ang silid na inuukupa ngayon ni Kirsty subalit sila ay huli na sapagkat tanging liham na lamang ang bakas na naiwan ni Kirsty.

Matapos basahin ni Aziel ang liham ay napabuntong hininga na lamang siya upang pigilan ang emosyon, subalit kahit anong gawin nito ay hindi ito makakalma.

"Ang babaeng iyon talaga! Kahit kailan napakatigas ng ulo at hindi marunong makinig sa sinasabi ng iba!" binalot ng sigaw ni Aziel ang kabuuan ng quarters habang nakangiwi naman ang ibang miyembro.

Sa kabilang banda ay matagumpay na narating ni Kirsty and gusaling sinambit ng Violin sa kaniya. Sa gitna ng mapanganib na kagubatan ay may isang maliit na tahanang nakatayo, bagama't ito ay napaglumaan na ng panahon hindi maitatangging ito ay kaya pang tirahan.

Walang pag-aalinlangang pumasok si Kirsty sa loob ng bahay, ang loob nito ay puno ng alikabok, mga gumagaray na mga dahon at kahit isang gamit ay wala kang makikita, tanging isang Violin lamang ang naroon sa sahig katabi ang stick nito at lumang kwaderno.

Hindi na nagsayang pa ng oras si Kirsty kahit walang alam sa anong mangyayari ay pinulot pa rin niya ito at ginaya ang postura at paghawak na ipininakita sa kaniya ng nilalang sa kaniyang panaginip.

Ang kaniyang baba ay ipinatong niya sa kabilang bahagi ng Violin habang hawak nito sa kaliwang kamay ang leeg ng Violin kung saan matatagpuan ang mga string at sa kanang kamay naman nito ay ang stick.

Hindi alam ni Kirsty kung ano ang nangyayari ngunit sa oras na inilapat niya ang stick sa Violin ay himalang kusa na lamang gumalaw ang kaniyang mga kamay at nag-umpisang tumugtog ng isang awitin at kasabay niyon ay pag-indayog ng kaniyang buong katawan sa saliw ng musika habang ang mga mata ay unti-unting pumipikit kasabay ng pagliparan ng mga paru-parong pumalibot kay Kirsty.

At iyon ang eksenang naabutan nila Aziel, puno ng gulat at paghanga ang kanilang naging reaksiyon, sa kanilang paningin ay tila naging isang diwata si Kirsty habang patuloy ito sa pag-indak habang walang patid sa pagtugtong ang mga kamay nito.

"Walang lalapit kay Kirsty, wala tayong gagawin kung hindi ang maghintay gaya ng kaniyang mensahe," pagpipigil ni Aziel sa mga kasamang akmang lalapitan si Kirsty.

Sa oras na pumikit ang mga mata ni Kirsty ay isang liwanag at nakabibinging ingay ang bumalot sa kaniya bago niya masilayan ang lugar na kaniyang kinaroroonan.

"Maligayang pagdating sa nakaraan Kirsty," bati ng Violin sa dalaga.

Ang suot na bistidang krema kanina ni Kirsty ay napalitan ng isang bistidang tanging mga diwata lamang ang nakapagsusuot.

"Ako ay iyong sundan, dadalhin kita sa iyong minamahal, nais king ipangako mong tatapusin niyong dalawa ang gyerang nasimulan," tanging tango na lamang ang naisagot ni Kirsty sa sobrang kaba at galak dahil sa wakas ay makikita na rin niya si Zoren.

Hindi na batid ni Kirsty kung ilang kilometro na ang kanilang nalalakad, pagod na din ang katawan niya subalit sa isiping makikita na niya si Zoren ay hindi niya magawang sumuko, at sa haba ng kanilang nilakad ay natanaw ng muli ni Kirsty ang likod ng pinakamamahal niyang lalaki

"Zoren!"

Mabilis na nilingon ng binata ang pinanggalingan ng boses na iyon, gulat niyang tiningnan ang kaniyang kasintahang ngayo'y puno ng kasiyahan ang mga mata, bagama't natutuwa siyang muli itong makita subalit ang lugar na iyon ay lubhang napakapanganib.

"Anong ginagawa mo rito?!"

"Ako ay naririto upang iligtas ka Zoren ako ay tinulungan ng Violin!"

"Hindi maari Kirsty habang maaga pa maawa ka, bumalik ka na sa kasalukuyan habang tumatagal na nandirito ka ay unti-unti kang magiging bato sa kasalukuyan!"

"Hindi! Wala akong pakialam sa mangyayari sa akin sa kasalukuyan Zoren, mas mahalaga ka, hindi ko na kaya pang mabuhay ng wala ka! Mas nanaisin ko pang maging bato kaysa wala ka sa piling ko!" puno ng paghihinagpis na wika ni Kirsty sa binata.

Walang nagawa si Zoren kung hindi lumaban kasama ang kaniyang kasintahang si Kirsty sa ipinahiram na kapangyarihang iginawad sa kanila ng violin at sa pinaghalong kapangyarihan taglay ng dalawa, isang rumaragasang makukulay na nota ang kanilang nabuo at sa oras na tiningnan nila ang isa't isa ay siya ring pagtira ng malaks na pwersang kanilang ginawa dahilan upang tuluyang matalo ang mga kalaban.

"Salamat sa inyong dalawa, tunay kong napatunayan na kayang abutin ng musika ang pusong nagmamahalan, nasa nakaraan man o sa kasalukuyan, hanggang sa muli."

Unti-unting naglaho ang imahe ng Violin at ito ay naging paro-paro kung saan ito ay malaya na sa mga responsibilidad na dala-dala nito.

Sa pagpapaalam na iyon ng Violin ay siya ring unti-unting pagtigil sa pagsasayaw at pagtugtog ng katawan ni Kirsty sa kasalukuyan ang damit nitong krema ay napalitan ng asul at ito ay unti-unting naging bato bagama't naghihinagpis ang mga kaibigang nakasaksi nito, hindi nila masisi ang dalaga sapagkat sa batong iyon nakaukit ang matagal na nilang gustong makita sa dalaga at iyon ang mata nitong puno ng buhay at ngiti nitong totoo.

Sa nakaraan, hanggang sa huling hininga ay magkasama ang dalawang bayani at iyon ay sa tulong ng Violin.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top