...

Habang ang mundo'y patuloy sa pag-ikot,
Ako'y minsang nakaramdam ng pagkabagot

Naghanap ng mapaglilibangan,
At ang iyong akda'y nasumpungan

Noong una'y hindi naman interesado, Pero nang sinimulang basahi'y nagustuhan ko

Unang kabanata pa lamang ay napabilib na ako,
Sa kung paano isinulat ang daloy ng kwento

Nang ipinagpatuloy ko ang pagbabasa,
Ako'y napahanga sa paggamit mo ng mga salita

Dahil dito'y ninais ka pang mas makilala,
Ang 'WP profile' mo ay aking binisita

Doo'y nakita ko ang iyong hitsura, Ngunit hindi buo dahil nakatagilid ka

Aaminin ko, para sa akin ika'y may hitsura,
Ngunit akala ko noon ikaw ay bata pa

Dahil ang suot mo noo'y puting uniporme,
Kaya't akala ko ikaw ay isang estudyante

Isang sikat na 'fictional detective' ang iniidolo mo,
At nalaman ko rin na mahilig ka sa misteryo

Mula noon ay naging interesado na ako sa'yo,
Gayon din sa mga akdang isinusulat mo

Ako'y hindi pa ro'n nakuntento, pati sa 'FB' ay hinanap ang 'account' mo,
At hindi naman ako nabigo, 'pagkat natagpuan ko agad ito

Sinubukan kong 'i-add' ka ngunit ako'y bigo,
Sapagkat walang 'add button', paano na ito?

Hindi pa rin ako nawalan ng pag-asa, Dahil ang nais ko'y maging kaibigan ka

Nagpadala ako sa'yo ng mensaheng personal,
Kung kaharap lang kita noon, ako'y mauutal

Doo'y sinabi ko kung paano ako humahanga sa istorya mo,
Hiling ko lang na sana ay mapansin mo ito

Sa mensahe ring iyon ay sinabi ko,
Sana ako'y maidagdag sa listahan ng kaibigan mo

Makalipas ang humigit-kumulang isang oras,
Tumugon ka na rin, sa wakas!

Ngunit nang mabasa ko ang tugon mo ako ay nanlumo,
Sapagkat wala ring 'add button' ang 'profile' ko, yan ang sabi mo

Pasasalamat na lamang ang aking tugon,
Salamat dahil mensahe ko'y nagawang malingon

Hindi ko inaasahan na sasagot kang muli,
Sinabi mong baka sa 'settings' ko ay may mali

Agad kong tiningnan ang aking 'setting',
Tapos ay nagpadala muli ng mensahe't sayo'y humiling

Hiniling na 'i-add' ako baka sakaling maaari na,
Naghintay ako na sana ay iyong magawa

Lumipas ang ilan pang mga oras,
Ako'y nagulat sa muling pagbukas

'**** sent you a friend request', ang sa aki'y bumungad,
Kaya naman nagpasalamat ako sa'yo kaagad

Ako'y labis na natuwa at napangiti ng kusa,
Kaya't nagtataka tuloy ang aking mga kasama

Hindi ka na sumagot matapos noon, Ako naman ay kuntento na roon

Sa isip ko'y masusubaybayan ko na, Ang 'update' sa iyo at sa iyong akda

Ako'y nagpatuloy sa pagbabasa ng iyong mga gawa,
Napag-iisip, nalilito at muling mamamangha

Sa kalaunan ng aking pagbabasa,
Ako'y may nakita sa dulo ng isang kabanata

Nabanggit doon na mayroong isang grupo,
Kung nais sumali ay tinatanong mo

Hindi na ako nagpatumpik-tumpik, Kaagad ay akin itong sinaliksik

Pitong libo pa lamang noon ang bilang ng miyembro,
Walang pagaalinlangan na sumali ako rito

Bilib ako sa pagiging organisado ng grupo,
Paano ba naman ay ikaw ang pinuno

Dito ika'y mas nakilala ko, magmula sa seryoso,
Hanggang sa pagiging kwela at palabiro mo

Wala akong pinapalampas sa mga 'post' mo,
Lahat ay 'nila-like' o pinupusuan ko pati pa ang korni na 'jokes' mo

Oo, aaminin ko, naka-'see first' ang 'status' mo,
Para bawat 'post' mo ay 'updated' ako.

Sa pananatili ko sa grupo kalaunan, Ako ay may hindi sinasadyang natuklasan

Isang mahalagang bagay na dapat kong malaman,
Walang iba kun'di ang iyong tunay na pangalan

Nang malaman ko ito, ako ay namangha at 'di makapaniwala, Sapagkat ito'y sadyang kakaiba ngunit napakaganda

Agad akong nagsaliksik gamit ang iyong pangalan,
At hindi ko inaasahan ang aking mga nalaman

Ako'y lalong namangha, napangiti, napabilib at napatulala,
Ikaw nga'y isang taong karapat dapat na tinitingala

Sa iyong taglay na galing at katalinuhan,
Tiyak mapapabilib ang kahit na sino man

Simula ng matuklasan ko ang mga bagay na iyon tungkol sa'yo,
Lalo pang tumaas ang pagtingin ko at lalo kitang inidolo

Simula noo'y ninais kong mapalapit sa'yo,
Kahit alam kong ang bagay na ito
ay malabo

Sa husay at talino mo panigurado,
kaliwa't kanan ang tagahanga mo

Minsa'y nagtataka at napapaisip ako,
Bakit ngayon ko lang nakilala ang isang tulad mo

Determinadong mapansin mo ang isang gaya ko,
Kaya malimit nagpapadala ng mga mensahe sa'yo

Palaging hanggang 'delivered' lang ang mga mensahe ko,
Pero kahit ganoon pa man hindi ako susuko

Tuwing may mga okasyon -kaarawan mo, pasko, pati bagong taon,
Sinasamantala ko talaga ang pagkakataon

Sa iyo'y nagpapadala ng mensahe at ika'y binabati,
At laking tuwa kapag ikaw ay gumaganti ng bati

Naalala ko pa noong bagong taon at ikaw ay tumugon,
Nasabi kong, "sa wakas hindi na ako deliveredzoned."

Hindi nagtagal ay nagkaroon ng isang anunsyo,
Dahil anibersaryo ng grupong iyong itinayo

Walang pagaalinlangang 'nag-sign up' ako,
Hindi ko palalampasin ang pagkakataong ito

Ang isiping makikita na kita ng personal,
Ako'y naaatat at tibok ng puso'y bumilis sa normal

Hindi ko man kabisado ang lugar na pagdarausan,
Ang makita ka'y iyon lamang ang aking nasa isipan

Dumating ang araw na hinihintay ko,
Kinakabahan ma'y nilakasan ang loob ko,

Pag-akyat ko pa lamang ng hagdan
Ikaw kaagad ang aking nasilayan

Ako'y lihim na napangiti at pinilit umakto ng normal
Kahit ang totoo ay malapit na akong mabuwal

Ang gwapo mong lalo sa personal,
Naka-mahabang manggas, pormal na pormal

Buong programa halos sa'yo lang ako nakatingin,
Ang iyong pagsasalita ay napakahinhin

Natapos ang pagtitipon at ako ay sobrang kuntento,
Nakausap kita at sa iyo'y nakapagpa-litrato

Mula ng araw na iyon, lalo akong humanga sa'yo
Buong maghapon ikaw ang nasa isipan ko

Naisipan ko na naman magpadala ng mensahe sa'yo,
Kung pa'no ako naging masaya ng araw na 'yon ay ibinahagi ko

Laking tuwa ko nang ikaw ay tumugon,
Nakakatuwa pa nga ang sagot mo noon

Lumipas ang mga araw at buwan,
mas lalo kang nakilala sa ganoong larangan

Dumami rin ang mga taong sa iyo ay humahanga,
Sa husay mo, iyon naman ay hindi nakapagtataka

Nang mabalitaan kong nanguna ang iyong obra,
Agad-agad na binati kita, at nagpasalamat ka

Nang iyong ipamalita na ang 'yong akda ay maisasalibro na,
Labis-labis na tuwa ang agad kong nadama

Ako'y walang pagdadalawang isip na bumili,
Sulit naman dahil talagang maganda at nakawiwili

Alam kong isa sa pangarap mo ay natupad na,
Karapat-dapat naman kasi talaga, 'di ba?

Nagkaroon ka ng maraming 'book-signing',
Akin itong pinupuntahan basta kaya kong marating

Ang makabili ng libro mo at makapagpapirma sa'yo,
'Yon ang nais ko para maipakita ang pagsuporta ko

Apat na 'book-signing' mo ang napuntahan ko,
At alam mo ba ang pinaka-ikinatuwa ko?

Noong ikaapat na beses na magkita tayo,
Natandaan at nasabi mo na ang pangalan ko

'Yong tipong hindi ko na kailangan pang magpakilala,
Hindi mo alam kung gaano mo ako napasaya

Magmula rin noon, bawat mensahe ko sa'yo,
Kahit kinabukasan man, lahat ay tinutugon mo
-

Bakit ko naikwento ang lahat ng ito?
Bakit ako gumawa ng tulang ganito?

Dahil nais kong ipabatid sa'yo,
Dahil nais kong malaman mo,

Na simula nang makilala ko ang gaya mo,
Parang nagbago na ang pagtingin ko sa tao

Pati na rin ang pananaw ko sa buhay,
Tila nagkaroon ito ng kakaibang kulay

Ang tulad mo ay kakaiba at mahirap makita,
Maswerte ako at ikaw ay aking nakilala

Alam ko na hindi ka taong perpekto,
Pero lahat ng katangiang gusto ko ay nasa'yo

Alam ko naman na malayo ang agwat natin,
Ako'y hamak na tao lamang at ikaw ay bituin

Alam kong napakahirap mong abutin,
Pagta-tiyagaan ko na lamang na ikaw ay tingalain

Ako'y nanlumo nang mapag-alaman ko,
Sa isang tao ikaw pala ay nagkagusto

Teka sandali, nagkamali pala ako,
Sa isang tao ikaw pa RIN pala ay may gusto

Nakalulungkot lamang na ikaw ay tila nabigo,
Kaya naman ang puso mo'y nabalot yata ng yelo

Alam kong kumpara sa kanya, ako'y walang panama,
Kaya nga hindi naman talaga ako umaasa

Sinusubukang makuntento sa pagtingin sa malayo,
Dahil talagang ako'y malayo kahit saan mang aspeto

Hindi ko alam kung paano sasabihin sa'yo,
Pero sa talino mo alam kong nababatid mo

Na ikaw ang taong hinahangaan at pinapangarap ko,
Pero ang malinaw ay talagang malabo tayo

Sa dami ng taong tumitingala sa'yo,
Gasino na lamang ba ako para makita mo

Kaya naman dito ko na lamang tatapusin ang tulang ito,
Baka kasi mapaiyak pa ako.

Salamat dahil nag-exist ka.
Salamat dahil nakilala kita.

---
Dedicated to AkoSiIbarra

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: