Kabanata 1: Pagpili
Dalawang linggo bago tuluyang matapos ang taon ng huling yugto at huling pagsasama-sama ng kanilang section sa kolehiyo. Kaya naman, heto silang buong section ngayon na nasa loob ng kanilang silid-aralan, kasama ang kanilang guro na si Professor Jayla. Pinagpupulungan nila ang plano nilang out of the town para sa susunod na bukas.
Kaingayan at kaguluhan ang s'yang nangingibabaw sa silid na kinaroroonan nila ngayon na animo'y hindi mga kolehiyo. Magulo ang ayos ng mga upuan at may mga nagkalat ding iilang gusumot na papel sa sahig dulot ng pagbabatuhan nila kanina bago dumating ang kanilang guro.
Well, mabilis din namang masasabi na magugulo ang mga estudyante sa section nila dahil sa iba't-ibang ugaling tinataglay ng bawat isa na minsan ay hindi lubos na maunawaan.
"Okay class quiet! Gawin na natin itong final para matapos na agad tayo at nang makauwi na rin kayo nang maaga. Para na rin may time pa kayong makapag-ayos ng mga gamit na dadalhin n'yo bukas makalawa." Nakuha ng tinig ni Ma'am Jayla ang buong atens'yon nila nang magsalita ito.
Nasa unahan s'ya at katatapos lang n'yang magsulat ng mga pagpipilian nilang activities na nakalapat sa malapad at mahabang blackboard.
Isang taon na ang nakalilipas nang lumipat sa kanilang paaralan si Ma'am Jayla upang magturo. Kwento n'ya sa mga ito, malaki ang sweldo ng mga guro rito kumpara sa dati n'yang pinapasukan kaya't nahikayat s'yang lumipat dito.
Isa pa ay kailangan n'ya rin daw ng pera para sa pamilya n'ya. Magaling s'yang magturo, mabait at mapagbigay din s'ya sa mga estudyante lalo na kung grado ang pag-uusapan. Kaya nga, tuwang-tuwa ang klase nila dahil s'ya ang napiling i-assign sa kanila.
Kahit na makukulit ang mga ito ay nagagawa n'yang magtiis at magpasensya. Hindi rin maikakailang may taglay din s'yang kagandahan at magandang hubog ng pangangatawan kaya't kahit ang mga estudyante rito ay humahanga sa kan'ya. Palibahasa'y wala pang kasintahan o asawa man lang dahil nasa mid 20's pa lang s'ya. Sabi pa n'ya, wala pa rin naman daw ang mga gano'ng bagay sa isip n'ya.
"Okay, ngayon ay pagbobotohan na natin ang napupusuan n'yong activity na gagawin natin. Itaas n'yo lamang ang inyong kanang kamay kapag tinanong ko kung sino ang may gusto ng activity na sasabihin ko. Maliwanag ba?" Nakangiting tanong ng guro habang nakatingin sa kanila.
"Yes, ma'am!" Sabay-sabay na sagot nila.
Tatlo ang pamimilian na isinulat n'ya. Staycation sa resort, field trip, at camping. Agad namang napagkit ang paningin ni Thalassa sa camping, mukhang kakaiba ang isang 'yon para sa kan'ya kumpara sa staycation at field trip.
"Kung mapipili n'yo ang staycation, may private resort ang ating Dean na si Ma'am Amora para ro'n. Kung field trip naman, sa Manila naman ang tour natin. Kung sa camping naman, may kaibigan si Sir Sebastian na nagmamay-ari ng isang camping site para sa aktibidad na 'yon." Isa-isang pagpapaliwanag ng guro sa mga choices na nakasulat sa blackboard. Tumango lang ang iilan at ang iba nama'y walang reaction, mukhang ayos lang sa kanila pati na rin kay Thalassa.
Magsasalita na sana ulit ang professor nang biglang sumabat ang presidente ng klase na si Jasmine.
"Hindi ba parang maganda at kakaiba ang camping?" pilyang tanong nito habang nakatayo at nakaharap sa buong klase. Makikita ang pagkabuhay ng saya sa mukha ng mga estudyante, nagpapahiwatig na nagugustuhan din nila ang kan'yang idea.
"Kung camping man nga ang mapagkakasunduan ng klase natin, p'wede naman nating gawin 'yon sa malawak naming lupain at hindi na kinakailangang magbayad sa kakilala ni Sir Sebastian. Libre lang ang lahat kung doon gagawin. Baka nakakalimutan n'yong mayaman ang pamilya namin?" mayabang na sambit ni Colin habang nakatayong nakangisi sa harap ng klase. Payat at matangkad ito. May hitsura rin naman ngunit ubod ng yabang.
"Yaman lang naman ang mayro'n ka, hindi ang mabuting asal," pagpaparinig ni Casper habang nakaupo sa isang sulok dala-dala ang kan'yang guitar bass na s'ya namang ikinalukot ng pagmumukha ni Colin.
"Anong sinabi mo?" iritadong tanong ni Colin at tangkang lalapitan si Casper ngunit pinigilan ito ng guro.
"Tama na 'yan, magsi-upo muna kayo. Ga-graduate na nga lang kayo, mag-aaway-away pa kayo," saway nito sa tatlo at tumalima naman sila.
Maya-maya'y bigla ring nagbago ang ekspresyon ng mukha ng guro, mula sa pagiging seryoso ay naging masigla ulit iyon.
"Ang mga pamimiliang ito ay galing sa aming napagpulungan kahapon at base na rin ito sa suggestions ng mga faculty staff. Nilimitahan lang namin ang choices para hindi maging magulo," dagdag pa ng guro.
"Okay class, time for voting! Who wants staycation?" panimulang tanong nito ngunit wala ni isa man lang ang tumaas ng kamay kaya't isinunod n'ya ang field trip pero gaya ng una, wala ring nagtangkang tumaas. Mukhang alam na ng lahat ang kahihinatnan nito.
"I see. Since walang bomoto sa dalawang choices, camping ang napagkasunduan ng buong klase. Malinaw ba sa inyong lahat 'yon?"
"Yes ma'am! Ang common naman kasi ng dalawang naunang choices, walang thrill 'di ba guys?" Nakapameywang na entrada ni Sienna na itinuturing na bully at mean ng klase. Hindi ito mawawalan ng paborito at palagi n'yang suot na pulang-pulang lipstick. Matanggal lang ng konti ay lalagyan n'ya ito ng panibagong patong. Ang buhok naman n'ya ay kulay brown at artipisyal na kulot na bumagay sa maputi at makinis n'yang balat.
"Okay, pagpupulungan ulit namin mamaya ang tungkol dito. Sa ngayon ay maaga ko kayong pauuwiin para makapagpahinga at makapaghanda na rin kayo para rito," pagpapatuloy ng professor.
"Ma'am Jayla, hindi po ba namin kasama ang ibang section sa activity na ito?" biglang tanong ni Thalassa na nakaagaw ng atens'yon ng lahat.
"Hindi natin sila makakasama, Miss Thalassa dahil bawat section ay may kanya-kanyang gusto at pagpaplano para sa nais nilang activities at bawat section ay may naka-assign na apat na professors upang sumama sa inyo para sa out of the town na ito," nakangiting paliwanag nito.
"S'ya nga pala, magdesisyon na kayo kung sino ang gusto n'yong kasama sa tent, tatlo hanggang apat lang ang maaaring magkakasama at take note, magkahiwalay ang babae sa lalaki, okay?" Matapos ang paglilitanya nito ay nagbulung-bulungan ang mga estudyante.
"Ihanda n'yo na nang maayos ang mga mahahalagang bagay na dadalhin n'yo pag-uwi na pag-uwi n'yo ng inyo-inyong mga tahanan at siguraduhin n'yong wala kayong malilimutan para walang abala sa oras ng pag-alis natin," pagpapaalala pa ng guro sa bawat isa sa kanila.
"Nga pala, Mister Colin, sigurado ka na bang okay lang sa lugar n'yo na gawin ito?" Binalingan ni Jayla si Colin na ngayon ay kalmado nang nakaupo sa kan'yang upuan.
"Oo naman po ma'am. Pakikiusapan ko na lang po sina Mommy at Daddy tungkol dito, sigurado naman pong papayag ang mga 'yon, ako pa!" Muling nanumbalik ang pagkamahangin niya na kanina lang ay halos magsalubong na ang mga kilay niya dulot ng pang-iinsulto ni Casper.
"Okay, noted. Babanggitin ko na lang din ang tungkol dito kay Ma'am Amora at nawa'y payagan n'ya tayo tungkol sa bagay na ito. Bago ko pala makalimutan, huwag n'yo ring kalimutang papirmahan ang parental consent na ito sa parents n'yo." Hinalukay ni Jayla ang bag n'ya at inilabas ang hindi gaanong kakapalan na papel na nakahati sa crosswise.
"Miss Jasmine, ipamahagi mo ito sa mga kaklase mo," utos nito sa presidente at kinuha naman ito ng babae bago isa-isang ipinamigay sa klase.
"Sa ngayon, hanggang dito na lang muna at dismiss na kayo. Kita-kits sa susunod na araw, class!" Kumaway at ngumiti pa ito sa kanila bago tuluyang lumabas ng pintuan.
Matapos lumabas ng guro ay nagsimula na naman ang kaguluhan sa klase. Nag-uusap-usap ang isa't-isa tungkol sa nais nilang makasama sa tent.
"Lahat naman siguro ay sasama sa 'tin dito 'no? Kung mayro'n mang hindi ay 'wag na munang magpaka-KJ, minsan lang 'to guys kaya sulitin na natin ang pagsasama-sama natin bilang isang section," saad ni Remi na isa sa mga kaibigan ni Sienna. Maikli ang itim niyang buhok, bilugan ang mga mata at maputi rin ang kan'yang balat ngunit hindi maitatangging may pagkakapareho rin ang ugali nito kay Sienna.
"Sasama naman siguro lahat. Ikaw ba, Ivy?" tanong naman ni Lucia kay Ivy na tahimik na nagbabasa ng libro sa isang sulok. Umangat lang s'ya ng tingin kay Lucia at marahang tumango bago ibinalik ang tingin sa kan'yang binabasang libro.
"Tch, weirdo," naiinis na sabi ni Lucia bago kumumpol kina Sienna at Remi. Oo, kabilang din s'ya sa dalawang 'yon. S'ya ang pinakamatangkad sa kanilang tatlo, morena ang kulay ng kan'yang balat, sakto lang ang laki ng kan'yang mga mata at kulot ang hanggang beywang at kulay brunette niyang buhok.
"Guys, p'wede bang sa gc na lang natin pag-usapan ang tungkol sa camping groupings na 'yan? Magtugtugan na muna tayo," naiinip na saad ni Anaya habang pinupukpok ng drumsticks ang kan'yang drum. S'ya naman ang tomboyish ng klase kung kumilos at hilig na hilig talaga n'ya ang pagtugtog ng drum.
"Oo nga, oo nga!" paggatong naman ng kakambal ni Thalassa na si Roma.
Hindi sila identical twins kaya't hindi sila mapaghahalataang kambal. Tuwid at mahaba ang itim na buhok ni Roma at may kaunting bangs na nagkalat sa kan'yang noo samantalang maikli at kulay ash brown naman ang buhok ni Thalassa na may pagkakulot pagdating sa dulo nito na parehong bumabagay sa mestisa nilang mga balat. Mas matanda rin si Thalassa sa kakambal ng ilang segundo dahil nauna raw s'yang ilabas sabi ng kanilang ina kaya't ate pa rin ang tawag ni Roma sa kapatid.
"Yown, jamming time!" Masiglang sabi ni Casper habang dala-dala pa rin ang kan'yang gitara upang pumunta sa gitna ng klase.
"Guys, join kayo!" Paghikayat ni Julian sa mga kaklase. Unti-unti naman silang nagsilapitan sa gitna hanggang sa makabuo sila ng isang bilog na pormasyon.
Maaring nagtataka kayo kung bakit may gitara at drum na dala-dala sina Anaya at Casper. Iyon ay dahil nakabuo sina Thalassa ng isang banda noong autumn season at pinangalanan nila itong The Autumn Harmony dahil nabuo ang grupo nilang iyon noong kapanahunan ng taglagas na noo'y nasa ika-labing isang baitang lang din sila.
Anim sila na nasa grupo, tatlong babae at tatlong lalaki. Si Thalassa na lead vocalist ng grupo, si Roma na s'yang backing vocalist nito, si Casper na bass guitarist, si Julian na cymbalist, si Anaya na drummer at si Yuri na pianist. Hindi nga lang dala ng iba ang kanilang mga instrumento dahil wala naman silang practice ngayon, next week pa para sa araw ng kanilang graduation. Tanging sina Casper at Anaya lang ang parating dala-dala ang kanilang mga instrumento na parang anumang oras ay mawawala ito sa kanila dahil sa hindi nila ito mabitiw-bitiwan.
Nagsimula nang mag-strum si Casper ng kan'yang gitara samantalang isinantabi muna ni Anaya ang drum n'ya dahil hindi naman n'ya ito magagamit ngunit nanatili pa rin itong nasa tabi n'ya.
Kasalukuyan n'yang tinutugtog ang awitin ni Ronnie Liang na "Ngiti". Nagsimula na rin s'yang kumanta ng paunang linya na naging dahilan din ng pagtili ng mga kababaihan sa kanilang klase.
Bukod kasi sa magaling itong maggitara ay mayroon din itong magandang boses na tinataglay. Marami ring nahuhumaling sa kan'ya dahil sa ma-appeal nitong itsura, matangkad at sakto lang ang laki ng katawan, may kaguluhan din ang natural na brownish n'yang buhok.
Ngunit kung titingnan, wala s'yang nagugustuhan kahit isa sa mga babaeng humahanga sa kan'ya dahil isa lang naman ang gusto nito, walang iba kundi si Roma na hindi naman lingid sa kakambal nito. Pansin naman ito ni Thalassa, sa mga tinginan at galawan n'ya sa t'wing naririyan si Roma sa paligid n'ya lalo na kapag silang tatlo lang ang magkakasama. Ngunit patay-malisya si Roma kahit pa madalas silang tuksuhin ng buong klase.
Alas-tres pa lang naman ng hapon nang mapatingin si Thalassa sa orasang nakapagkit sa itaas ng kanilang blackboard at patuloy pa rin sila sa pagja-jamming. Nang matapos si Casper sa pagtugtog, nasundan pa ito ng isang kanta ng Silent Sanctuary na pinamagatang "Maalala Mo Sana". Paminsan-minsan ay pasulyap-sulyap lang s'ya kay Roma na nakikisabay lang sa alon ng musika habang iniindayog ang kan'yang katawan.
Nagtataka naman si Thalassa kasi mabait naman si Casper at may hitsura. Bakit hindi n'ya ito magustuhan? Maski open sila sa isa't-isa ay ayaw n'yang kulitin ang kakambal. Mukhang ayaw kasi nitong pag-usapan ang bagay na 'yon.
Isa-isang pinagmasdan ni Thalassa ang mukha ng kan'yang mga kaklase na bakas na bakas sa mga ito ang labis na kasiyahan habang dinarama ang himig ng musikang nanggagaling sa gitara ni Casper. Nagsabay-sabay sila sa pag-aawitan nang mag-chorus na ang kanta. Malapad at lihim itong napangiti dahil kahit hindi n'ya lubusang ka-close ang lahat, nagkakaisa naman sila kapag may ganitong eksena. Ngunit iniisip n'yang sana ay mas maging malapit pa s'ya sa bawat isa sa kanila sa araw ng kanilang pagca-camping dahil gusto n'yang maging mas memorable ang mga nalalabing araw n'ya sa college.
"Guys, sa palagay ko ay dapat na tayong umuwi. Baka sitahin na tayo ni Ma'am Jayla kapag naabutan pa n'ya tayo rito," wika ni Jasmine matapos na tumugtog ni Casper.
"Ang KJ mo naman! Kung gusto mo nang umuwi mag-isa, umuwi ka na. Hindi ka naman kawalan e," nakasimangot na sambit ni Lucia.
"Sa tingin ko nga ay dapat na tayong umuwi," sabat ni Fiore kasabay nito ang kan'yang pagtayo. Inayos n'ya ang nagulo n'yang itim at mahabang buhok bago kinuha ang kan'yang bag sa kan'yang upuan saka sumunod sa mga kaklase nilang umuna nang lumabas ng pintuan.
Pakonti na sila nang pakonti kaya't lumabas na rin sila ni Roma. Habang ang tatlo ay nananatili pa ring nakaupo sa sahig. Kapwa mga nakasimangot ang mga ito kaya't napilitan din silang tumayo upang kunin ang kani-kanilang bag bago tuluyang lumabas saka ito sinarado ni Jasmine dahil sa kan'ya iniatang ni Jayla ang susi, matapos 'yon ay dumeretso na s'ya sa faculty.
Nagsimula naman nang maglakad sina Thalassa palabas ng campus gate at natatanaw na rin n'ya ang naghihintay na si Casper sa labas habang nakasandal sa pader. Madalas kasi nila itong kasabay sa pag-uwi dahil kalapit bahay lang din naman nila ito.
Nang makalapit sila rito ay sabay-sabay na silang nagmartsa.
"Ang aarte talaga ng tatlong 'yon, nakakaimbyerna!" Biglang maktol ni Roma habang naka-cross arms at magkasalubong ang mga kilay.
"Hayaan mo na sila," mahinahong saad ni Thalassa kasabay ng pagtapik sa balikat n'ya.
"Girls are girls. Ano pa bang inaasahan mo?" mapang-asar na baling ni Casper kay Roma na lalong ikinainis nito.
"Sila 'yon, 'wag mo akong idamay!" Tinawanan na lang ito ni Casper at itinuon ang pansin sa kan'yang paglalakad.
Hindi pa man sila tuluyang nakalalayo ng campus nang may biglang lumapit sa kanilang baliw. Lalaki ito, sobrang gulo ng buhok, napakabaho at napakadungis. Madalas nila itong makita sa labas ng campus, pabalik-balik lamang s'ya at tumatawa mag-isa.
Napaatras sila nang kaunti at mabilis na pumunta sa unahan nila si Casper upang harangan sila.
"Papatayin n'ya kayong lahat hihihi!" Baliw na sabi n'ya habang naglilikot ang mga mata at bigla na lamang tumakbo palayo.
"Ang creepy talaga ng baliw na 'yon! Kung ano-anong sinasabi!" Nangingilabot na sabi ni Roma.
"'Wala namang maniniwala sa mga sinasabi n'ya dahil baliw nga s'ya," sabat ni Thalassa.
"Tara na bago pa tuluyang dumilim ang paligid," dagdag pa ni Thalassa at nagpatuloy na sila.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top