Kabanata 4

Kabanata 4

Hawak Sa Leeg

"A-Allowed po ba kaming mag coffee?" Tanong ko agad kay Sir Jayden.

"Well, oo naman. Sa break time. At break time naman ngayon kaya pwedeng pwede." Tumango siya sakin at ngumiti.

Ngiting Close Up, ah? Uminit agad ang pisngi ko nang nakitang tinitigan niya ako nang mas matagal. Kakasabi niya lang sakin na maganda raw ako. Diba puro magaganda yung mga tinanggap ng kurimaw na Troy na yun, paanong sa mata ng gwapong si Sir Jayden ay ako yung maganda?

"Hmmm. May ginawa ba si Troy sayo?" Tanong niya pagkarating namin sa ground floor kung nasaan yung bar at restaurant ng Le Marcelle.

"W-Wala naman."

Tumaas ang isang kilay niya.

"Wala talaga." Ngumiti ako.

"Hmmm. Sorry kasi sanay ako sa mga babaeng interns dito na lagi niyang..." Natigilan muna siya bago magsalita ulit. "Pinaglalaruan. Abuse of power yung ginagawa niya. Pero wala akong magagawa since yung mga babae, parang nagugustuhan din ang ginagawa ni Troy."

Tumango ako.

Actually, halos wala akong maintindihan. Tinitignan ko lang siya at kung paan o niya igalaw yung bibig niya habang nagsasalita siya. Para pa akong nakalutang sa ere habang naglalakad kaming dalawa.

"Sir Jayden!" Bati nang bartender ng bar.

"Eliz!" Bati ni Jayden at inarangkada ang ngiti niyang worth million dollars.

"May klase ka ba mamayang gabi?" Tanong ni Eliz.

"Yep. Two. Bakit?"

"Hay! Dapat tigilan mo na yang pagpapart time mo, mapapagod ka na mamayang gabi." Sumulyap siya sakin.

Whut? Bakit ang dirty minded ko?

Tumawa si Jayden at sumulyap sakin, "Its okay. Passion ko ang pagtuturo. Natutuwa ako sa mga estudyante. By the way, this is Trisha, one of my students."

Tumaas yung kilay ng bartender pero ngumiti siya sakin. Pilit?

"Eliz, can I have coffee? Dalawa. Para sakin at kay Trisha."

"Pwede namang sa opisina mo na lang ipahatid, bakit dito pa?" Tanong ni Eliz.

Nakikiusyuso! Pakialam mo ba, nag momoment kami dito ang epal mo!

"Dito na lang. May pag-uusapan lang kami ni Trisha, saglit. Magaan ang loob ko sa kanya eh."

Nagkibit balikat si Eliz habang nag susuka ako ng rainbow. Okay. Sobrang lakas na ng pintig ng puso ko. Tingin ko may kabayo na sa dibdib ko.

Binigyan din kami ng kape ni Eliz at umalis na pagkatapos ngumiti ni Sir Jayden sa kanya. May nakita akong grupo ng interns na nag bi-break din. Napatingin pa sila sakin nang nakita si Sir Jayden. Narinig kong nag tilian sila ng bahagya. Masakit talagang isipin na napigilan nila yung tili nila para kay Sir Jayden pero halos nanisay sila sa tili nung nakitang lumabas si Troy sa elevator. SOBRANG TILI NILA NA HINDI KAYANG I-EXPLAIN THROUGH CAPSLOCK.

"Oh my Gosh! Sinong na assign sa 30th floor? Oh my Gosh!"

Naka wayfarers si Troy. Nakasimangot siyang habang nag titext sa cellphone niya. Papasok na yata siya sa school. Nakita ko agad na pumark sa tapat ng Le Marcelle yung Audi niya. May lumabas sa driver side na naka black tux at ipinakita ang susi kay Troy.

Kinuha ito ni Troy at umalis na.

"Sheeeet! Lakas talaga ng dating ni Troy! My gooood!"

Mga mahaderang babae! Anong lakas ng dating dun? Sobrang vain na tingin ko'y bading siya.

"I'm surprised na hindi mo pinili si Troy over me." Sabi ni Sir Jayden.

"Ha? Bakit ko naman pipiliin si Troy? Syempre, ikaw ang pipiliin ko!" Sabi ko na agad ko namang kinahiya.

Yun ang bad sides ng pagiging madaldal. Minsan, walang filter ang sinasabi mo. Kung anong trip ng utak mo, yun ang lalabas sa bibig. Kaya kung trip mo ng makamundong pagnanasa, kagat labi na lang para di ka makasuhan ng public disturbance.

"I-I mean-"

Tumawa siya, "You're amusing. Talagang iba ka." Tumango siya at uminom ng kape.

Uminom din ako ng kape para makapagpasikat sa kanya kahit alam kong di yun tinatanggap ng tiyan ko. Masarap. Pero mamaya, kakabagin ako ng bongga. Wala pa naman akong dalang Kremil S.

Tumaas ang kilay ko, "Marami namang ayaw kay Troy eh." I lied. Okay... Marami kasing ako sa mundo.

Suko na ako! Ang totoo, ako lang yata ang may ayaw sa kanya. True that! Maraming nayayabangan sa kanya. Pero admit it, kung gaano siya kayabang, ganun din siya ka gwapo, ka-hot, at kayaman. Kaya pag ikaw nagtaray sa kanya at salidahan niya ng isang beses na lambing, titiklop ka parin. Kahit si Emma na naturingang best friend ko, nagu-gwapuhan kay Troy. Ako lang yata ang nakukurimawan sa kanya.

"Bakit ba galit sayo si Troy?" Tanong ko.

"Hmmm. Hindi naman talaga siya galit. In fact, cool naman yung pakikitungo namin sa isa't-isa. Minsan kasi, sinasaway ko siya sa mga ginagawa niya kaya nagagalit. Of course kasi ipinagbilin sakin ng daddy niya na bantayan ko si Troy. And as manager, kailangan ko ring pangalagaan ang Le Marcelle."

Mas lalong tumaas ang paghanga ko kay Sir Jayden. Napaka responsable niyang tao. Magkasalungat sila ni Troy. Puro sarili lang ang iniisip nun. Puro babae, pera, karangyaan at iba pa.

"Naku! Ikaw pala dapat ang CEO dito." Sabi ko.

Humalakhak siya. One. Sexy. Chuckle.

Oh my god! Naghuramentado ang sistema ko.

"Nah! That's not my priority." Tinignan niya ako. "Tinutulungan ko lang ang Le Marcelle."

Kinuha niya ang tissue sa lalagyan at humilig palapit sakin.

"May I?" Nakita kong umaamba siyang punasan ang mukha ko.

"Huh?" Instinct na pinunasan ko agad yung mukha ko gamit ang kamay ko.

Ngumiti ulit siya, "Ako na." Pinunasan niya ang taas ng lips ko. "There. Better."

Excuse me, CR lang ah? Susuka lang ng rainbow?

Buong araw akong masaya dahil sa nangyari samin ni Sir Jayden. Muntik ko ng kunin yung tissue na pinagpunasan niya sa taas ng labi ko kung di lang sana siya nakatingin. Ang saya-saya ko nang biglang sumakit ang tiyan ko.

Badtrip. Shutanginabeks sobrang sakit. Alam kong hangin ang laman nito dahil sa kape. Pero hindi ko kayang i-risk kaya agad na akong nag-out. Buti di ko nakasalubong si Sir Jayden at baka di na talaga ako makapag pigil.

Bilis, Trish! Mag taxi ka na lang para agad kang makauwi.

*BOM!*

Narinig kong padabog na isinarado ni Troy ang Audi niya at hinagis dun sa naka tux ang susi.

"May kukunin lang ako. Wa'g ng ipark. Diyan lang yan. Saglit lang ako tapos uuwi rin." Malamig na sinabi ni Troy sa naka tux.

"TROY! OH MY GOSH! MY SAVIOR!"

Alam kong badtrip na naman si Senyorito Troy pero wala na akong ibang magagawa. Tawagin ko man lahat ng santo, walang CR na lalapit sakin. Alam ko, may common CR naman dito sa first floor. Ang problema nga lang ay natatakot akong umalingasaw ang baho ko at malaman pa ni Sir Jayden yun. Hindi ko yata makakaya yun kaya itong si Troy ang pinagdiskitahan ko.

"Huh?" Tinanggal niya ang kamay ko sa balikat niya.

"TROY! Pagamit naman ng CR! Please!" Sabi ko.

Kumunot ang noo niya.

"Anong problema mo?"

"Wa'g ka na ngang mag inarte! Bilisan mo na lang!"

Para siyang nainsulto sa sinabi ko. Sa mukha niya ngayon parang ang sama kong tao. Parang ako yung suspect sa mga bombings na ibinabalita.

"Sorry na! Pero please naman!"

Umiling siya at tumingin sa paligid. Nagpatuloy siya sa paglalakad.

Sinundan ko na.

"Troyyyy..." Tawag ko habang nakikisama sa kanya sa elevator.

"Ba't di ka dun magpatulong sa Jayden mo? Tuwing may problema ka lang yata pumupunta sakin eh."

Natigilan ako sa sinabi niya. Sumulyap siya sakin at umiling ulit.

"Bilisan mo!"

HALLELUJAH!

"Natatae ka, huh?" Tanong niya at ngumisi ulit.

Hindi na ako nakapagsalita dahil sa pagpapawis ko. Luckily, hindi naman ako natae. Ewan ko kung bakit ganun pero ganun talaga ang nangyayari tuwing umiinom ako ng kape. Kabanas!

"Uwi na ako." Sabi ko kay Troy.

Nakahilata siya sa sofa. Kulang na lang ng korono, hari na siya. Kumakain pa ng grapes.

"Sabay na tayo." Pinatay niya ang TV.

"Wa'g na!" Sabi ko.

"Tignan mo? Tuwing okay ka na, wala ka lang. Kung may problema, ako ang takbuhan."

"Salamat ah?" Sarcastic kong sinabi. "Pagnakita tayo ni Sir Jayden sa baba, iisipin nun na tayo. Isa ako sa mga maruruming babae mo-"

"Ano ngayon kung isa ka? You should be flattered! When in fact, you're not even that pretty." Umirap siya.

"Blabla, Troy. Wala akong pake sa opinyon mo. Sinabi ni Sir Jayden na attractive ako at mas maganda ako sa mga babae dito. Dyan ka na!" Sabi ko at umalis na.

"Wala na si Jayden ngayon, FYI. Kanina pa nag change ng shift habang tumatae ka sa suite ko. Wala ka talagang utang na loob, no?" Sinundan niya ako pababa ng elevator.

Oo nga pala! Nagmuni-muni ako sa elevator. May punto si Mr. Araw Araw May Dalaw. Mukha na siyang may dalaw ngayon kaya pwede na akong ngumisi.

"Troy..." Malambing kong binanggit ang pangalan niya pagkalabas namin ng elevator.

"BAKET?" Umirap siya.

"Pahatid naman sa amin oh?"

Bumehlat siya at tumakbo sa sasakyan niya.

"TROY!!" Sigaw ko habang pinupukpok ang salamin ng Audi niya. Nasa loob na siya.

Nilapitan ako ng security.

"TROY! Ikakalat ko ang-"

"SHT!" Malakas pa siyang nagmura.

Lumabas siya ng sasakyan at binawi ang magkabilang braso ko sa dalawang naka tux na humahawak nito.

"Harmful animal!" Binuksan niya ang pintuan ng front seat at tinapon ulit ako dun.

Pagkatapos niyang isinarado ay sinipa niya ang gulong ng sasakyan sa sobrang badtrip niya. Hawak na hawak ko siya sa leeg. Nyahahaha! Trisha G. Roncesvalles. Genius. Gifted Child! Batang May LABAN!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top