Chapter 9 • The Heroine

MALUMANAY ANG MUSIKO na lumalabas sa sound systems ng isang high-end bar kung nasaan ako ngayon. Hindi lang ako nag-iisa dahil kasama ko si Ralph. Siya lang naman ang kakilala kong maghihila sa akin sa engrandeng wedding at mamahaling bar sa loob ng isang gabi.

Nilibot ko ang mata, karamihan sa mga customer ay foreigners. Kakaunti lang ang sa tingin ko'y mga Pinoy. Para akong nasa ibang bansa sa loob mismo ng sarili kong bansa.

Ilang bars ang nadaanan namin pero bakit ito ang napili ni Ralph na pagtambayan? Mabilis bang gagaan ang loob niya kapag mamahaling alak ang iinumin niya?

Mabilis kong sinipa ng tingin si Ralph na katabi ko sa bar counter. Sa sobrang galit niya kanina ay nagpalakad-lakad kami sa malawak na sidewalk nang labinlimang minuto. Kaya nama'y nagkandakalyo na ang sakong ko.

Tinanggal niya ang suot na gray na jacket, mukhang pinagpawisan siya sa malaprusisyon na ginawa namin kanina. Tinawag niya ang bartender upang mag-order ng alak na mukhang imported.

Ngayon ay nasa awkward na sitwasyon na naman ako. Para na naman akong invisible. Para akong anino niya na sinusundan lang siya kung saan niya gustong magpunta.

Napag-isipan kong pumunta munang banyo dahil kanina pa dapat ako nakaihi kung hindi ko lang inusisa si Ralph at nasaksihan ang panununtok sa kanya ng lalaking tatay niya ata.

Malaya akong nakahinga nang maluwag sa banyo dahil walang tao sa loob. Ngayon pwede na akong maging ako. Walang maaaring manghusga sa'kin lalo pa't tatanggalin ko ang suot na high heels sa paa na kanina pa bumabagabag sa akin. Tahimik lang akong napapakirot sa hapdi dahil hindi lang sakong ko ang may sugat, maging ang hinliliit ko ay naghihingalo na rin sa preskong hangin. Kailangan ko itong lagyan ng band aid kung hindi ay hindi talaga ako makakalakad nang maayos. Pwera na lang kung hindi ko na muli susuotin 'to. Pero ano na lang ang sasabihin ng mga tao kapag makita nilang nakayapak ako sa ganitong uri ng establisyemento.

Napasapo ako sa noo nang tignan ang sarili sa salamin. Nahuhulas na ang make-up sa mukha ko at napakagulo pa ng buhok ko.

Wala na bang magandang mangyayari sa gabi na 'to?

Palala na lang nang palala dahil posibleng hindi na ako makaabot sa curfew ng dorm kung hihintayin ko pang maubos ni Ralph ang bote ng alak. Kailangan ko siyang hintayin dahil siya ang susi ko upang makabalik sa condo ni Tam para sa gamit ko na sinabi niyang iwan ko.

Sabi na nga ba't bad idea talaga 'to umpisa pa lang!

Matapos ihanda ang sarili sa binabalak kong sabihin kay Ralph ay bumalik na ako sa kinauupuan na hawak-hawak ang high heels sa kanang kamay, nakatago lamang sa likod ko ito upang hindi mapansin na wala akong saplot sa paa. Bahagya akong napalingon kay Ralph nang marinig kong mahina itong nagmura. Hindi man siya nakatingin sa'kin ay alam kong ako ang pinapatamaan niya. Hindi ko siya inintindi at umayos lang ng upo habang ang pares ng high heels ni Tam ay kandong-kandong ko lang.

Hindi ko alam kung dahil ba sa malamig na sahig na dinaanan ko kanina kaya tumataas ang balahibo ko o sadyang tumaas ang temperatura sa loob. Masyado na bang maraming nainom ang mga tao kaya't nakararamdam na sila ng init?

Napansin ata ni Ralph ang paulit-ulit na hagod ko sa'king balikat at braso dahil nilahad nito ang jacket sa akin.

"What? Do you want me to put this on you?" sarkastiko nitong tanong dahil napatitig lang ako sa hawak niya.

Agad kong kinuha ang jacket at pinatong sa balikat ko. Ngunit pabalik-balik pa rin ang tingin ni Ralph sa high heels sa ibabaw ng hita ko. Umiling-iling ito bago sumalin ng inumin sa shot glass niya.

Isang shot glass ang dumulas sa tapat ko.

"Drink with me," anyaya ni Ralph.

Tinitigan ko lang ang colorless na alak. Kahit pa kaunti lang ang laman no'n ay hindi ko kayang uminom ng puro. Kung ang kaninang Mimosa nga ay masuka-suka na ako. Pero paano kung ito pala ang makapagbibigay ng lakas sa'kin para kumprontahin si Ralph na ihatid na ako sa condo ni Tam?

Pero...

"You're really no fun, Betty." Inagaw niya sa harap ko ang baso.

Nakakainis pa rin na Betty ang tawag niya sa'kin!

"This will be our opening song for tonight."

Napatingin ako sa stage. Pamilyar na strum ng gitara ang lumipad kasabay ang hangin dito sa loob ng bar. Hindi ko makita kung sino ang kumakanta dahil natatabunan siya ng iba't ibang ilaw. Pansin ko naman ang ibang customers ay nakaabang lang na bumuka ang bibig niya.

And I'd give up forever to touch you

'Cause I know that you feel me somehow

Pamilyar ang lumabas sa bibig ng bokalista. Lungkot ang pumalibot sa gusali dahil sa malamig nitong boses. Hindi ko maiwasang mapatingin sa katabi ko dahil parang kanyang point of view ang kanta.

You're the closest to heaven that I'll ever be

And I don't want to go home right now

Nakayuko lang si Ralph habang mahigpit ang kapit sa baso, para bang dinadamdam ang kanta. Nais ko lang naman siyang tulungan na ilabas ang sama ng loob niya. Hindi naman siya papakinggan ng alak na iniinom niya. Sisirain lang nito ang kidney niya.

"'Yung nangyari kanina..." I attempted to start a conversation.

"What about it?" Iba na ang boses niya. Mukhang nagsisimula nang tumama ang alak sa kanya.

"May nangyari ba kaya mo ako hinila palabas ng hotel?" Kailangan kong magpanggap na walang alam, na para bang hindi narinig ng tainga ko kung paano siya itakwil ng pamilya niya.

Gusto kong ipabatid na kaya ko siyang intindihin, basta't bukal sa loob niya.

Nagsalin siya ulit sa shot glass niya imbes na sagutin ang tanong ko. Napakamot ako sa ulo at tinakip ang kamay ko sa baso.

"What the fuck?"

"May lung cancer ka na nga, gusto mo pang magka-kidney failure," sermon ko sa kanya. Sinisira niya ang katawan niya.

And I don't want the world to see me

'Cause I don't think that they'd understand

Pilit niyang tinanggal sa ilalim ng kamay ko ang shot glass pero di ko siya pinagbigyan. Nagulat ako sa sunod niyang ginawa. Nilagok niya ang alak sa bote. Agad kong kinuha ang bote sa bibig niya.

When everything's made to be broken

I just want you to know who I am

"Magpapakamatay ka ba?" Saad kong muli nang hindi siya napigilan.

"Bakit mo ba ako pinapakialaman? Can you just go?"

"Paano ako aalis kung ikaw ang nagdala sa'kin dito?"

Malakas siyang bumuntong hininga. "Fine. I'll book you a Grab so you can get out of my face." Nilabas niya ang cellphone at mabilis na hinalungkat ang laman.

"Kailangan kong bumalik sa unit ni Tam dahil nando'n ang gamit ko, okay?" Pilit kong pinapaintindi ang sitwasyon ko.

Napakamot ito sa batok at mabilis na hinilod ang gilid ng noo. "You're fucking obvious, La Fea."

Tinaas ko ang kilay sa kanya.

"Bakit hindi mo na lang sabihin na gusto mo akong makasama?"

Ano?! Ang kapal talaga ng mukha niya!

Padabog akong tumayo sa kinauupuan. Kanina pa ako nagtitimpi sa kanya. Pilit ko nga siyang iniintindi kahit siya ang nagpapahirap sa'kin pero ganito lang ang isasauli niya. Napakagulo talaga ng adik na 'to!

"Bahala ka na sa buhay mo!" Tinalikuran ko ito at galit na nagmartsa palabas ng bar. Hindi ko alam bakit ako nag-e-expect na tatawagin niya ako pabalik.

Ngayon ay kailangan ko na lang bumalik sa hotel upang magpahatid kay Tam sa unit niya. Tapos ay makakauwi na ako. Ang problema nga lang ay hindi ko alam ang direksyon pabalik sa hotel. Masyadong malayo ang nilakad namin ni Ralph kanina at aaminin kong hindi ko natandaan ang bawat liko na ginawa namin. Idagdag pa na masyado nang madilim ngayon kaya't hindi ako gaano nakapokus sa mga street signs.

Binalikan ko ng tingin ang pinto ng bar. Marami pa ring mga buhay na buhay ang papasok sa loob, mga wala pang tama ng alak. Sunod kong binalikan ng tingin ang paa kong ramdam na ang magaspang na aspalto ng kinatatayuan. Ipinatong ko ang paa sa high heels para mawala ang hindi magandang pakiramdam.

Maayos kong sinuot sa'king bisig ang naiwang jacket ni Ralph dahil nanlalamig na ako sa ihip ng hangin. Sinundan ko ng tingin ang ilang mga balat ng kendi na nililipad. Sunod akong napatakip sa tainga nang magsabay ang malakas na kulog at kidlat.

"Malas talaga," inis kong bulong sa sarili. "Ang tanga mo talaga, Eka! Bakit ka ba sumama sa Ralph na 'yon?"

Wala akong pakialam kung pagtinginan ako ng mga tao. Gusto kong ilabas ang hindi magandang nararamdaman ko sa adik na 'yon. Kung gaano ako katanga na pumayag sa lahat ng gusto niya. Kung paanong kahit anong piliin ko ay alam kong isa lang ang kahahantungan, ang pagwawagi niya.

"Because you can't resist his charisma."

Nilingon ko ang nagsalita. Ilang dipa na lang ang lapit niya sa'kin. Hawak-hawak nito ang nangangalahating bote ng alak. Sumandal siya sa pader katabi ko, itinaas ang isang paa at sinandal din ito sa pader sa likod namin. Parehas naming pinagmamasdan ang walang-usad na trapiko sa tapat.

Bakit niya ako sinundan dito sa labas? Nakokonsensya ba siya?

"Imposible," sinagot ko ang sariling boses na naglalaro sa utak ko.

"What?" Sabay naming tinignan ang isa't isa. "What's impossible?"

Nilabanan ko ang titig niya ng matatalas na tingin. "Imposibleng mahumaling ako sayo."

"That's where you're wrong, Betty." Agad akong pumagitla nang guluhin nito ang buhok ko. Pinagtawanan niya lang ako bago tignan ang mamahaling relos. "You can't get enough of me kaya nga susundan mo ako."

Napakunot ang noo ko dahil sa sinabi niya. "Punong-puno talaga ng hangin 'yang utak mo, ano?"

"Ten... nine... eight..." Hindi niya ako inintindi at pinagpatuloy ang countdown niya.

Nagpunta lang ba siya para asarin ulit ako? Hindi pa ba siya napapagod? Buong hapon na nga niya akong pinagtitripan.

"Four... three... two... one... There's our ride." Naglakad ito papalapit sa kotseng pumarada sa tabi ng sidewalk. Pinanood ko lang siyang buksan ang pinto at pumasok sa passenger's seat. "Ano? D'yan ka lang? Uulan na, oh?" Sigaw nito.

Wala akong nagawa kundi malakas na magmaktol bago siya sundan.

"I told you, irresistible charisma." Ngumisi ito bago lagukin ang bote ng alak.

♣♦♥♠

Nataranta ako nang ako ang singilin ni Kuyang drayber. Paano kasi'y tulog na ang lalaking punong-puno ng "karisma." Tuluyan na ata siyang nalasing sa pag-ubos ng isang bote ng alak.

Nakatigil na ang sasakyan sa tapat ng condominium ni Tam subalit hindi ako makalabas dahil hindi pa nababayaran ang byahe namin. Hindi ko naman alam kung saang bulsa ko kukunin ang pera ni Ralph.

"Nako, paano ba 'to? Uhm..." Napakagat akong labi dahil pinagmamasdan na ako ng drayber, bakas ding naiinip na ito. "Ralph," sinubukan kong gisingin ang katabi ko.

"Ralph!" Muli kong subok. Ngayon ay may kasamang malakas na palo sa braso niya. Pero wala pa ring epekto.

Pinagtitripan niya ba ulit ako?

"Kuya, pasensya na, hindi ko kasi alam kung nasaan ang wallet niya." O kung may dala ba talaga siyang wallet.

"Gcash ma'am, wala ka? O PayMaya? Kahit transfer mo na lang sa account ko."

"Ay, wala akong gano'n kuya, eh." Awkward ko itong nginitian.

"Kapkapan mo na lang, ma'am. Jowa mo naman, diba?"

Sarkastiko akong tumawa dahil sa sinabi ng drayber. "Eto? Imposible po."

Malakas ko muling tinapik si Ralph upang magising siya. Siguro ito na rin ang pambawi ko sa pagpapahirap niya sa'kin ngayon.

"What?" Gulat nitong tanong nang bahagya siyang dumilat.

"'Yung bayad mo."

May inabot itong 500 pesos bago sabihin na keep the change. Inalalayan ko naman siyang makalabas dahil kung hindi ay baka gumapang na ito papasok sa building.

Malakas kong binagsak si Ralph sa sofa sa lobby nang makapasok kaming building. Sobrang bigat niya para hilahin papasok. Masyado kasing naglasing tapos hindi naman pala kaya umuwi. Ako na naman ang pinahirapan niya. Kung hindi lang ako mabait, baka iniwan ko na siya sa kalsada.

Mahina ko siyang inalog. "Ralph!"

Hanggang dito ko na lang siya kayang bitbitin. Isa pa, kailangan kong malaman kung ano ang unit number ni Tam dahil hindi ko maalala kung 15 ba o 25 'yung huli sa four-digit number niyang condo unit. Kaya kailangan gumising ni Ralph.

Maging ako ay lumupasay na sa malambot at komportableng upuan dahil sa sobrang pagod. Tinabihan ko lang siya at diretsong tinignan ang kalmado niyang mukha. Ang aliwalas niyang tignan ngayon dahil hindi makapala ang buhok sa ilalim ng baba niya, kapansin-pansin tuloy ang cleft chin niya. Pansin ko rin na wala ang piercing sa bandang kilay niya pero tainga sa tainga niya naman lumipat.

Kakaibang kurba ang gumuhit sa labi ko nang mapatingin ako sa ibabang labi niya. Nang mapagtantong hindi na normal ang tibok ng puso ay agad kong binawi ang tingin sa kanya. Ngunit laking gulat ko nang buksan niya ang mata at tignan ang pendant sa kwintas na suot ko.

Nagulat ako nang haplusin niya ang pisngi ko. Isang hindi pamilyar na pangalan ang binigkas niya. "Sofie..."

Nakatitig siya sa akin habang hinahaplos ang magkabilang pisngi ko. Nakaramdam ako ng kakaiba sa tiyan ko na naging dahilan ng panlalamig ng katawan ko.

"R-Ralph..." Tatanggalin ko na dapat ang pagkahawak niya ngunit may iba sa tingin niya.

Binalot ng lungkot ang mata niya. Lungkot na sa palagay ko ay tinatago niya sa likod ng pag-inom ng alak at paninigarilyo. Alam ko ang mga tingin na 'yan dahil nakita ko na rin ito dati. Katulad niya si Lolo nang mamatay si Mama.

"Thanks for having my back." Malungkot ang ngiti niya. "I know the Sofie that I loved is still there."

"Ah... Ralph...." Pilit kong inaalis ang haplos niya sa'kin. "Lasing ka, okay? H-hindi ako si Sofie---"

"I fuckin' missed you." Nangungulila ang mga mata niya. Bago pa ako makasalita muli ay lumapat na ang bibig niya sa'king labi. Panibagong tambol ang ginawa ng puso ko. Kakaibang tono na hindi ko pa naririnig dati. Pero gusto kong paulit-ulitin ang pakiramdam kahit pa mapait na alak ang nalalasahan ko sa kanya.

Mali ito. Dapat ay sampalin ko siya o 'di kaya'y suntukin. Dapat magalit ako sa kanya dahil sa pagnanakaw niya sa'kin. Pero hindi ko magalaw ang mga kamay ko dahil maging sila ay nagustuhan ang mapait na halik ni Ralph.

Mabilis niyang nilayo ang mukha sa akin. Natauhan na ba siya?

Laking gulat ko nang isiniksik lang nito ang ulo sa hubad kong balikat. Inugoy ko muli ang ulo niya pero mukhang nawalan ulit siya ng malay. Kaya naman ay inayos ko ito ng upo upang maisandal niya ang ulo sa malambot na headrest ng inuupuan. Napigtal ang pagkakapit ng goma na siyang tumatali sa buhok niya kaya't bumagsak ang mga ito.

Mahimbing ang tulog niya pero alam niya ba ang ginawa niya sa'kin? Nasa tamang wisyo pa ba siya?

Hinalikan niya ako dahil akala niya'y ako si Sofie.

Tatayo na sana ako nang mahagip ng mata ko si Tam at Steven na pasakay na sa elevator. Nag-echo sa lobby ang malakas kong boses.

Sa wakas, makakauwi na ako.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top