Chapter 47 • The Heroine
PINAPANOOD KO ANG ASAWA ni Mang Ernie na maghanda ng kanyang lulutuin sa pananghalian. Wala naman kasi akong ibang magawa rito sapagkat tulog si Ralph kaya't walang maglilibot sa akin dito.
"May maitutulong ho ba ako?" Tanong ko habang tinitignan kung paano niya nililinis ang baka. Sa gilid ay nakahati na sa tatlo ang sweet corn na pinanood ko ring gawin niya kanina.
"Ay nako, Ma'am, 'wag na kayong mag-abala. Kaya ko na ito."
"'Wag na po kayong mag-Ma'am sa akin. Erica na lang ho."
"Pasensiya na kayo, Ma'am-nasanay na kasi kami. Dahil nobya rin kayo ni Sir Ralph ay natural lang na tawagin ka naming 'Ma'am.'"
Bahagya akong napangiti sa sinambit niya. "Hindi rin po kasi ako sanay na tinatawag ng Ma'am. Hindi rin ako sanay na walang ginagawa. Kaya baka po may pwede pa akong gawing tulong?"
Binigay niya sa akin ang tatlong buong white onion at kutsilyo kaya't mabilis na lumiwanag ang mukha ko.
Dahil masyadong tahimik ay sinubukan kong magbukas ng pag-uusapan, "Matagal na ho ba kayong caretaker nitong bahay?"
"Siguro'y magdadalawang dekada na rin. Ang mister ko ho talaga ang nagbabantay rito sa bahay. Tumutulong lang kami ng anak kong panganay paminsan-minsan."
"Ang tagal na rin po pala."
"Katunayan nga ay dalawa talaga silang nangangalaga rito. Kaso'y namatay 'yung kasamahan ng asawa ko kaya't tumutulong na rin ako. Wala rin naman masyadong bumibisita. Siguro'y limang taon na rin simula nang nagbakasyon dito ang pamilya nila Ma'am Carmen."
"Si Ralph po ba? Nagagawi ho ba siya rito madalas?"
Umiling si Aling Sinta habang tinatancha ng kanyang palad ang init ng tubig sa malaking kaldero na kanina niya pa pinapakulo. "Parang high school pa ata noong huling nagpunta rito si Sir Ralph---Ah, naalala ko. Bumisita rito noong nakaraang taon 'yung kuya niya kasama 'yung fiancé niya. Kaso pinapa-renovate itong bahay."
"Ah, hindi po pala ganito ang itsura nitong bahay dati?"
Umiling siyang muli at saka kinuha ang isang buong sibuyas upang tulungan ako sa paggayat nito. "Ang lungkot nga na hindi man lang nakabisita si Ma'am Carmen noong natapos 'to ngayong taon."
"Ang ganda po ng mga bakang nabili niyo," pagbabago ko ng usapan. Mukhang hindi komportable ang Ale na pag-usapan ang lola ni Ralph. Panigurado naman kasing napamahal na rin siya sa kanya.
"Kumakain ka ba ng Bulalo, Ma'am?"
Itatama ko pa sana ang pagtawag niya sa'kin ngunit alam kong hindi rin naman niya susunorin. "Siyempre naman, ho," sagot ko. "Hindi nga lang madalas. Hindi ho kasi 'yan ang sikat na putahe sa probinsya namin."
"Taga-saan ka ba?"
Nilahad ko sa Ale ang lugar kung saan ako lumaki at hindi ko namalayang napakwento na rin ako tungkol sa masasarap na pagkain sa amin lalo na ang Papaitan ni Lola na miss na miss ko na. Humaba pa ang kwentuhan namin dahil sa kusina na rin namin hinintay kumulo ang Bulalo. Nalaman ko sa kanya na nasaksihan niya rin dati kung paano dalhin sa ospital si Ralph noong bata siya sapagkat nakipaglaro siya sa mga kalyeng pusa na nag-over-the-bakod.
"Ang laki nga ng pinagbago ni Sir Ralph. Parang naging mailap sa tao. Siguro ganoon lang talaga kapag tumatanda," dagdag ni Aling Sinta. "Eto, tikman mo, Ma'am." Iniangat niya ang panghalo habang hinihintay na ilahad ko ang kutsara upang ilagay doon ang sabaw na aking hihigupin.
Isang malaking thumbs up ang binigay ko sa kanya na siyang kinagalak niya rin.
Natapos na kami ng Ale na magluto subalit tulog pa rin si Ralph. Akmang gigisingin ko na siya upang makakain habang mainit pa ang sabaw ngunit mukhang napakahimbing pa ng tulog niya. Nakahalukipkip ang kamay niya ngunit nalalamigan pa rin ang bahagi ng katawan niyang hindi natatakpan ng jacket.
Tinanong ko si Aling Sinta kung mayroon bang kumot na maaaring hiramin at agad siyang kumuha sa baba-hindi ko napagtanto na mayroon pa palang hagdan paibaba. Ang sabi niya ay nagsisilbi na lamang itong bodega.
Pinatong ko ang makapal na kumot kay Ralph. Umupo ako sa carpet at pinagmasdan ang pilikmata niya. Sunod kong dinikit ang tingin sa mga sugat niya sa mukha. Simula nang makilala ko siya ay tila hindi na naging malinis ang mukha niya.
Alam kong may malalaking kaaway si Ralph. Hindi ko pa rin malilimutan ang gabing nasaksihan ko siyang halos hindi na makatayo. Maaaring gawin ulit iyon kay Ralph anong oras man mapagdesisyunan ng mga dati niyang kasamahan sa gang. Hindi ko alam ba't hindi niya magawang magsumbong, paniguradong tutulungan siya ng pamilya niya lalo pa't may kapangyarihan din naman sila.
Hindi ko nakontrol ang paggalaw ng daliri ko na hawakan ang mapuputla at namamalat na labi ni Ralph.
May nangyari ba sa kanila ni Meghan kagabi? Bakit hindi ako ang sinabihan niya ng problema niya? Bakit hinayaan niyang pakialaman ni Meghan ang phone niya at sagutin ang tawag ko? Kailangan ko pa bang itanong 'to kay Ralph o baka magbago na naman ang mood niya sa akin?
Inalis ko na ang daliri sa paghahaplos sa kanya ngunit nagulat ako nang galawin niya ang kamay at hawakan ang pulsuhan ko.
"Ralph? Gising ka na?"
Bumukas ang mata niya. "Admit it. May pagnanasa ka rin sa'kin." Mapang-asar ang ngiti niya kaya mabilis akong tumayo.
"Kain na tayo. Gutom na ako." Nakatalikod lamang ako. Ayokong mapansin niya ang namumula kong pisngi sa kahihiyan at baka mag-isip pa siya ng panibagong asar sa akin.
♣♦♥♠
Matapos namin makalahati ang niluto ni Aling Sinta ay inaya ako ni Ralph na lumabas at ikutin ang Tagaytay sakay ang motor niya. Dahil unang beses ko pa lang dito ay malugod akong pumayag.
Una akong dinala ni Ralph sa isang open mall kung saan nakahilera ang mga stores ng mga sikat na fashion brand. Habang naglalakad ay nararamdaman ko ang mga daliri ni Ralph na unti-unting kumakandado sa mga puwang ng aking kamay. May iilang tao na pinagtitinginan kami kaya't nakababalisa subalit hindi ko magawang bitawan ang kamay ni Ralph. Kakaibang proteksyon ang nagpapaluwag sa'king dibdib ngayong ramdam ko ang pamamasahe ng mga daliri niya sa akin.
Pumasok kami sa unang store at naglakad patungo sa bags section doon. Tinignan niya muna ang mga nakasabit bago lumabas at tumuloy sa katabing store nito. Ganoon ang naging siste namin hanggang sa makaabot kami sa pang-apat na store.
Tinignan ko siyang may pagtataka.
"Choose whatever you like."
Inikot ko ang mata sa mga nakasabit na bag. Halos lahat ay backpack, simple lang ang estilo nila at tanging ang maliit na tatak ng brand sa gitna ang nagpapamahal dito.
"Para saan 'to, Ralph?"
"For you. Palitan na natin 'yang bag mo," saad niya habang hinahawi ang mga bag na nakasabit upang isa-isang tignan.
Mahigpit akong napakapit sa bodybag ko at patagong tinignan iyon. Hindi naman ako nagbubulag-bulagan pagdating sa estado ng bag ko na ito. Subalit wala lang akong nakalaan na pera para rito.
"Mas better ang backpack para hindi mo na bitbit-bitbit 'yung mga libro mo," dagdag niya pa.
Lumapit ako kay Ralph upang masigurong siya lang ang makakarinig ng susunod kong sasabihin. "Pero mahal dito, diba? Wala akong pambayad. Sa tiangge o Quiapo na lang tayo mamili."
"Ako ang magbabayad."
"Bakit?"
"What do you mean 'bakit'? Just choose something, okay?" Ginulo nito ang buhok pagkatapos.
"Hindi ko naman birthday. Wala namang okasyon. Hindi mo naman nasira 'yung bag ko para palitan 'to."
Bumuntong hininga siya at pinisil ang ibaba ng kanyang noo. "Fine. This is my advance birthday gift to you or whatever."
"Matagal pa ulit 'yung birthday ko," bulong ko sa sarili habang isa-isang sinusuri ang mga nakasabit na bag.
"When's your birthday?"
Narinig ata ni Ralph ang sinabi ko. Nagpanggap naman akong walang naririnig at nilagpasan lang siya.
"Erica!" Pagalit niyang saad at saka lumapit din sa akin. "When is it?"
Wala akong nagawa kundi sumagot nang pinigilan na niya ang dalawa kong kamay sa paghawi ng mga bags. "July 4," maiksi kong sagot.
Binitawan niya ako upang takpan ang bibig at tumawa.
Sinimangutan ko siya. "Hindi ako nagbibiro, Rafielo," banggit ko sa tunay niyang pangalan at mabilis siyang tinalikuran. Batid kong hindi niya gustong tinatawag siya gamit ito.
"So, you dare to call me that, huh?"
Napatigil ako nang bumulong si Ralph mula sa likod ko. Alam kong wala nang isang pulgada ang layo niya sa akin sapagkat halos maramdaman ko na rin ang lagkit ng labi niya sa aking batok. Pinulupot niya ang mga kamay sa katawan ko kaya't mas lalo akong nailang. Para kasing inaasar niya pa rin ako dahil lang sa nasaksihan niyang paghaplos ko sa labi niya.
At kahit wala masyadong tao sa loob ng store, alam kong kita kami sa CCTV.
"We have the same birthday." Nang ibulong niya iyon sa likod ng aking tainga ay agad akong lumayo upang tignan siya.
"Huwag ka ngang mag-joke!"
"I'm not joking. Do you want to see my driver's license?" Kinuha nito ang wallet sa likod niyang bulsa at pinakita sa akin ang I.D. niya. Totoo ngang July 4 din siya pinanganak. Mas matanda nga lang siya ng apat na taon sa akin.
Hindi ko napigilang mapangiti sa tuwa. Akala ko'y wala kaming kahit isang pagkakatulad, 'yon pala'y ang pinaka importanteng pangyayari pa sa buhay namin ang magkaparehas.
"Now kinikilig ka?" Inasar pa niya ako lalo. "Pumili ka na ng bag."
"Saan ka?" Tanong ko nang lagpasan niya ako.
"Will browse sa men's clothing. Let me know if nakapili ka na."
Tumango na lamang ako. Mabilis lang naman akong makakapili. Hahanapin ko lang ang may pinakamurang presyo dahil halos pare-pareho lang naman sila ng estilo. Hindi rin naman ako mahilig sa mga mamahaling bagay. Basta ang mahalaga sa'kin ay magagamit ko nang matagalan. Mukha ngang mas marami pang mas okay ang mga style na bags sa Divisoria.
Nang mapili ko ang kulay ash brown na backpack ay hinanap ko si Ralph sa malaking tindahan. Pansin ko ang dalawang babae sa unang aisle at pinalilibutan nila si Ralph na hinahawi lang ang mga naka-display na polo shirts. Nalimutan kong malakas ang karisma niya sa ibang mga babae. Kahit pa nakasarado ang leather jacket niya ay bakat ang magandang pangangatawan niya sa suot na pantalon.
Mabilis akong naglakad papunta sa direksyon niya. Tinawag ko si Ralph at sinabit ang kamay ko sa braso niya na siyang nagpalayo sa mga babae.
"May napili na ako," lahad ko habang minamata ang mga babae na paliko na sa kabilang aisle. Mabuti at hindi sila tulad ng iba na kahit alam nang may girlfriend na ay nilalapitan pa rin.
Girlfriend. Ang weird pakinggan, hindi ako sanay maging girlfriend ng kahit na sino. Ito ang unang beses kong gagampanan ang papel na ito sa isang relasyon. Hindi ko maiwasang hindi mapangiti tuwing naririnig kong binabanggit 'yon ni Ralph. Ngunit kapag sa'kin nanggagaling ay parang mali pakinggan.
"Good." Inakbayan ako ni Ralph. Kusa ko namang dinikit lalo ang sarili sa kanya.
♣♦♥♠
Dapit-hapon na kami nakabalik sa bahay ni Ralph. Nakauwi na sina Mang Ernie at asawa niya kaya't mag-isa na muli kami ni Ralph sa isang bubong.
Nagtungo kami sa second-floor ng bahay at pumasok sa kwartong may kadikit na veranda. Bumusilak ang mata ko nang makita kung gaano kaganda ang view ng Taal mula rito. Umupo ako sa naka-display na upuan sa veranda at doon pinagmasdan ang kagandahan ng bulkan. Ang sarap siguro sa pakiramdam manirahan dito. Kahit may problema ay madaling maililihis basta't pagmasdan mo lang ang nananahimik na bulkan. Kay sarap pa ng simoy ng hangin hindi tulad sa Maynila na puno ng polusyon. Dito, kahit paano'y maiibsan ang bigat sa'yong dibdib.
Nagulat ako nang may nagpatong sa aking likod ng makapal at mahabang comforter. Akmang lilingunin ko siya subalit naglakad na siya patungo sa'king harap at dinikit ang sarili sa salamin na railings ng veranda. Nakaharap ang likod ni Ralph sa akin at pinagmamasdan lang din niya ang magandang scenery sa tapat namin. Pansin kong nilabas niya ang kaha niya ng sigarilyo at lighter sa bulsa.
"Hep, akin na 'yan!" Nilahad ko ang kamay ko kahit hindi niya nakikita. Nang hindi niya ako lingunin ay tumayo ako upang kunin ito sa kamay niya at nilapag sa mesang katabi ko. "Akin na 'to."
Tinaasan niya lang ako ng kilay. "What are you doing?"
"Ayoko lang magaya ka kay Lolo," saad ko habang nilalayo pa rin ang kaha sa kanya. "Pwede ba na huwag ka na masyadong manigarilyo? Alam mo naman na 'yung nangyari sa Lolo ko, diba? Natatakot lang ako na gano'n din ang sapitin mo."
"Alright, fine. I won't smoke when I'm with you."
Ngumiti ako. "At sa iba pang oras?"
"I can't promise you that. Unless, you're always by my side."
Sumeryoso ako nang tumalikod muli siya. "Ralph, salamat sa pagdadala sa akin dito, ha? First time ko lang makita 'yung Taal," nakangiti kong saad habang sinasandal ang likod ko sa upuan.
"You're welcome." Humarap siya sa akin. "We can come by here any day you like. We can even live here..." At tumalikod muli. "When we got married or whenever." Humina ang boses niya sa dulo.
Nanlaki ang mata ko sa sinabi niya. Bakit pagpapakasal agad ang nasa isip niya? Hindi ko pa nga siya napapakilala kay Papa.
Hindi ko alam kung dahil sa sinabi niya kaya't naging ilang ang paligid ngunit matagal na walang nagsalita sa amin.
Huminga akong malalim at kinuha ang cheke na kanina pa nakatago sa bulsa ko. Hanggang ngayo'y binabagabag pa rin ako ng konsensya dahil sa hindi ko kayang bayaran ang utang na loob ko kay Ate Raine. Kaya mas mabuti kung malaman na rin ni Ralph ang totoo.
"R-Ralph, may ibibigay rin pala ako." Hindi ko alam kung bakit mas nanginginig pa ako ngayon kaysa kanina na wala namang bumabalot na makapal na tela sa akin.
"What is it?" Tinignan niya ako at sumandal sa railings.
"Naalala mo, diba, si Ate Raine, gusto niyang umiwas na ako sayo."
"Yeah, so? I thought we're passed that. Don't tell me you're still having second thoughts?"
Nagulat ako nang bigla siyang lumuhod sa harap ko upang mapantayan niya ang aking mga mata.
Pinakita ko ang cheke sa kanya.
"What's this?" Kinuha niya iyon at hindi mawala ang pagtataka sa kanyang mukha.
"Donation galing sa Melbel Foundation. Sabi ni Ate pwede ko raw 'yan gamitin para sa pag-aaral ni Tonton."
"She's right. Why are you giving this to me?"
"Ang kapalit kasi niyan ay ang paglayo ko sayo." Magsasalita sana si Ralph ngunit pinigilan siya ng magkakasunod kong salita. "Ngunit hindi ko kayang gawin. Hindi ko kayang hawakan pa 'yan dahil habambuhay nang nakatatak sa isip ko na ang kapalit ay ang relasyon nating dalawa. Kaya sana, kung pwede lang na ikaw na lang ang magbigay pabalik kay Ate."
Umiling sa akin si Ralph. "No. This is not from her but from the foundation. You and Tonton deserve this. So, keep it." Idiniin niya iyon sa tiyan ko.
"Pero---"
"She was just playing mind games with you last time. She'd want to make you think that everything is from her para makuha ang gusto niya. But we're not like that. She cannot control us."
Tumalikod siya at pansin kong nanginginig na ang katawan niya-lalo na ang nakakuyom niyang kamao.
Agad ko siyang niyakap patalikod. Pinilit kong tumihaya para lang maipatong ko ang baba sa kanyang balikat. Naramdaman ko ang paghaplos niya sa aking kamay at hinigpitan ang hawak dito.
"Promise, Ralph, simula ngayo'y magsasabi na ako ng totoo. Hindi na ako maglilihim pa. Natuto na ako sa kinahinatnan ng pagkakaibigan namin ni Claire. At ayoko ring mangyari sa'tin 'yon kaya't mangako ka rin, please?"
Hinarap ako ni Ralph upang punasan ang luhang hindi ko namalayan na tumulo na sa aking mga mata. "I'll never lie to you. Not when you cry like this."
Pinalo ko ang balikat niya dahil sa pang-aasar sa'kin.
"Now there's fog on your glasses." Kinuha niya iyon kaya't lumabo ang aking paningin.
Lumapit pa si Ralph sa akin hanggang sa maging malinaw na ang kanyang nanunuyong labi. Wala pang segundo ay dinampi niya na ang labi sa akin at habang tumatagal ay mas lumalalim ang sisid niya. Napatanggal na rin ang kapit ko sa comforter at lumipat sa dibdib ni Ralph. Ngunit tila mas mainit na ang pakiramdam ko ngayon lalo pa't magkadikit na ang aming mga katawan.
Panibagong pakiramdam na naman ang pinapalasap ng labi niya. Wala akong naramdaman na pananabik sa aking katawan noong huling pagkakataon. Ngunit ngayo'y tila kumukusa na ang katawan ko na sabayan ang alon ng nararamdaman niya. Hanggang sa itulak niya na ako paupo sa kama-ni hindi ko namalayan paano kami bumalik sa kwarto. Ang alam ko lang ay pinaglalaruan ko na ang buhok ni Ralph at bilang sukli ay humihimno ang kanyang kamay sa bawat sulok ng aking balat.
Nakalapat ang mga tuhod ni Ralph sa malambot na kama habang ang aking katawan ay parang piraso ng nawawalang kabiyak ng kanya. Para akong batang inagawan ng kendi sa hampas palayok nang pagpartehin niya ang mga labi namin.
"I'll get you some water first," malumanay niyang saad habang marahan na pinipisil ang aking pisngi.
Tumango ako at naiwang mag-isa sa kwarto na ang tanging naririnig lang ay ang malakas kong paghahabol sa aking hininga.
Pansin kong madilim na ang paligid. Tuluyan nang lumubog ang araw kasama ang aking katinuan. Parehas naming alam ni Ralph ang susunod na mangyayari subalit hindi ako sigurado kung handa na ba ako. Hindi na ako umuurong tuwing hinahaplos niya ako ngunit ayaw mabura sa isip ko ang pambabastos sa akin noon. Alam kong hindi ito ang nararapat kong reaksyon kay Ralph subalit kinakain lang ako ng konsensya tuwing sinisikap niyang maging komportable ako sa bawat dikit ng kanyang balat sa akin.
Mabilis kong hinananap ang salamin ko na nasa lapag na ng veranda. Pagkapasok ko muli sa kwarto ay nandoon na si Ralph hawak ang baso ng tubig. Kinuha ko ito at ininom.
"Salamat."
"Do you want to stay the night here?"
Hindi ako makasagot agad.
"Don't worry. I won't ask you to do it if you're not ready, if that's what's bugging you."
Hindi lang 'yon. "Si Meghan... M-may nangyari ba san'yo k-kagabi?"
"Why are you asking that?" Disappointed ang tingin niya. Sabi na't hindi ko na binuksan ang topic na 'yon. Ano bang problema sa akin at hindi ko mapigilan ang bibig?
"Eka, did she lie to you?" patuloy niya. "Anong sinabi niya sa'yo kaninang umaga for you to conclude that?"
"Wala." Nilayo ko ang tingin sa kanya. "Kasi magkasama kayo kanina. Parehas pa kayong lasing. Tapos siya 'yung sumagot ng phone mo. Tapos may past din kayo, diba?"
"You're my girlfriend, Erica. Paanong may mangyayari sa'min? Do you think I'd cheat on you!?"
Umiling ako. "H-hindi. Sorry. Kung ano-ano lang ang pumapasok sa isip ko, hindi ko maiwasan. Sorry." Napaupo ako sa kama.
Maling akala na nga ako, na-offend ko pa siya.
Nagulat ako nang umupo siya sa tabi ko at pinaghiwalay ang dalawa kong kamay na pinaglalaruan ko lamang. "I know we got off the wrong foot. I hurt your feelings before. But I'm not playing anymore, Eka. What I feel for you is pure." Idinampi niya ang kamay ko sa tapat ng puso niya na pinapakiramdaman ko ang tibok. "And it's getting deeper every fucking day."
Mahigpit ko siyang niyakap na alam kong kinagulat niya dahil sa paggitla niya. "Okay lang sa'kin na samahan ka rito ngayong gabi. Pero may pasok tayo bukas."
"Then, we'll leave sa madaling araw."
Tumango na lang ako. Ang totoo'y natatakot pa akong harapin si Claire sa dorm. Hindi ko alam kung sisigawan niya ba ako o bibigyan ng silent treatment gaya ng dati. Alin man do'n, alam kong hindi na mababalik pa sa dati ang pagkakaibigan namin.
Tumalon si Ralph sa malambot na kama. "Come lay with me," nananabik niyang saad.
Tila panibagong Ralph na naman ang nabuksan ko sa kanya.
Madali ko siyang sinunod ngunit imbes na sa unan niya hiniga ang ulo ko ay pinatong niya ito sa ibabaw ng dibdib niya. Kusang gumalaw ang kamay ko upang yakapin siya. Sumabay ang ulo ko sa pagtaas-baba ng paghinga niya, rinig ko ang mabilis na tibok ng puso niya na tila nakikikompitensya sa akin.
May kinuha si Ralph na remote control sa side table at isang iglap ay nawala ang kisame na aming tinitignan na siyang pinalitan ng malawak na salamin kung saan malaya naming napagmamasdan ang langit.
"Ang ganda," pagpupuri ko. Hindi maalis ang buka sa'king bibig.
"Yeah. I didn't know Nana had this."
Naalala ko ang kwinento ng asawa ni Mang Ernie kanina. "Sabi sa akin ay kakatapos lang i-renovate nito last year?"
"I guess so. It was not like this the last time I visited. It was as if she already knew that she'll give this to me," saad ni Ralph habang pinapadulas ang kanyang kamay sa'king buhok. Sumasama ang baga ng kanyang nararamdaman sa bawat pagtama ng hibla ng aking buhok sa kanyang balat. "Don't ever let me go, Erica."
Tiningala ko siya na diretso lang ang tingin sa mga nag-aapoy na bituin ng kalangitan. Hinigpitan ko ang diin ng aking ulo sa kanyang dibdib. "Hinding-hindi."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top