Chapter 44 • The Heroine
MALAKAS NA TUNOG MULA SA CELLPHONE ang nagpalingon sa karamihan ng estudyante sa library sa table namin ni Claire. Alam kong mula ito sa bulsa ko dahil inaatake na ako ng anxiety tuwing tumutunog ito. Kadalasan ay mula kay Janaya ang tawag na hindi ko ginugustong sagutin ngunit wala akong magagawa dahil siya ang nagpapasweldo sa akin.
Mabilis akong napatakbo sa C.R. kahit pa hindi ko pa nakikita kung sino ang tumatawag. Wala namang ibang gumagambala sa akin kundi si Janaya.
Subalit nagulat ako nang makita ang pangalan ni Ate Raine. Sa pagkakaalam ko'y pumasok na sa bank account ko 'yung inabono ko para sa pagbayad ng hospital bills ni Ralph. Gayunpama'y sinagot ko na ang tawag niya.
"Hello? Ate Raine?"
"Hey, Eka, sorry, did I disturb you sa class?"
"Hindi naman po, Ate. Vacant po namin ngayon."
Umibsan ang pananalita niya. "I see. Good."
"Bakit po, Ate? May kailangan kayo?" Hininaan ko ang boses sapagkat may ilang estudyante ang pumasok sa C.R.
"Can we meet later? Around lunch?"
"One-hour lang po kasi ang vacant ko. Mamayang uwian po, ayos lang sa'kin."
"I see. Then, I'll reserve a seat and order ahead already. Para pagkadating mo, we'll just eat. What do you want? Do you have any food allergies ba?"
"Uhm..." Hindi ako makapagsalita dahil sunod-sunod ang sinasabi niya na para bang excited siya mamaya. Kasama kaya si Ralph?
"How about preferences? Are you craving for something ba?"
"Wala naman po."
"So, ipapasundo na lang kita kay Kuya Jose outside your school, ha?"
Tumango ako. "Sige po." Wala na akong nagawa pa.
"Also... please don't tell this to Ralph. Bye-bye!"
Hindi alam ni Ralph; ibigsabihin hindi siya kasama.
Pagdating kay Ate Raine ay hindi ko na kailangang magsinungaling kay Claire. Alam niyang tumutulong ito para kay Tonton dahil nagkita rin naman sila noong pumunta sa ospital si Ate Raine. Kaya't sinabi ko ang totoo na inaaya ako ni Ate na sumabay sa kanya mag-lunch ngayon na naintindihan naman ni Claire.
Madalas na niya akong kausapin ngayon dahil sa pagkakaalam niya'y hindi na kami nagkakausap ni Ralph. At araw-araw pa rin naman akong nakokonsensya dahil hindi ko masabi sa best friend ko na mayroong namamagitan sa amin ni Ralph. Hindi ko kayang sumama pa lalo ang loob ni Claire ngunit kapag nalaman niya pa sa iba ay paniguradong mas bibigat ang galit niya sa akin.
Hindi ko na rin alam ang gagawin. Bakit ba hindi matanggap ni Claire si Ralph?
Isang magarbong sasakyan ang tumigil sa harap ko. Nasa hindi mataong gate ako ng university, dito ko sinabi kay Ate Raine na sunduin ng sasakyan at driver niya. Ngunit hindi pamilyar sa akin ang makintab na puting kotse sa harap.
May bumabang babae. Naka-shades siya subalit pamilyar na ang postura niya sa akin sapagkat kakakita ko lang sa kanya kahapon. May flower patterns ang blouse na suot niya na bumagay sa makinis niyang balat at balingkinitan na katawan. Napakasimple ng damit pero maaliwalas tignan sa kanya. Mas maliit si Sofie kumpara kay Janaya at Meghan pero ilang pulgada rin naman ang tangkad niya sa'kin. At sa kanilang tatlo, kay Sofie ako pinakanagagandahan.
"Erica, right?"
Tumango ako. Siya ba ang susundo sa akin? Kasama siya sa lunch namin ni Ate Raine?
"Sofie," pagpapakilala niya.
"Oo---kahapon, diba? Sister-in-law ni Ralph?" Paniniguro ko.
Nginitian niya ako. "Where's your necklace?" Pinansin niya ang bakante kong dibdib.
Umiling na lamang ako. "Kinuha ni Ralph, eh."
"Really?" Tila hindi siya makapaniwala.
Maging ako'y nalungkot nang kuhanin pabalik ni Ralph ang kwintas na pinipilit niyang suotin ko rati. Sinabi niyang peke iyon kaya't bibilhan niya ako ng totoong ginto ngunit hindi niya batid na wala naman akong pakialam kung saan gawa ang kwintas na 'yon. Mahalaga 'yon sa'kin sapagkat iyon ang pinakaunang bagay na mula sa kanya, na dati ay parang itapon niya na lang iyon sa akin.
"Would you know kung saan ang klase ni Ralph ngayon?" Binago niya na ang paksa. "Or is he not attending classes anymore?"
Ang pagpasok sa klase ay hindi ko masasagot sa kanya pero alam ko kung nasaan si Ralph ngayon. Hinihintay niya ako sa parking lot subalit hindi ako magpapakita dahil sa bilin ni Ate Raine. Gusto ko mang magpaalam sa kanya ngunit paniguradong kapag nagpakita ako sa kanya ngayon ay hindi na ako makakaalis.
"Bakit? A-anong kailangan mo sa kanya?"
"I need to talk to him." Hinawakan niya ang kamay ko na siyang kinagulat ko. "Please, Erica. I just want some closure."
"Closure?"
"Yeah, right? My nerve to ask what I didn't even give to him three years ago."
"Kung gano'n, totoo nga? Ikaw 'yung Sofie na ex niya."
Napakunot ang noo niya at binitawan ang paghawak sa akin. "Y-you didn't know? He didn't tell you?"
"Wala siyang nasasabi tungkol sayo."
"He must've hated my guts. If he ever tells you things about me, believe it." Saglit siyang tumahimik. "Oh, well, I'm just gonna go. I don't think it would be the best time to---"
"Nasa parking siya. Second floor."
Anong nangyayari sa'kin? Dinalaw na naman ba ako ng anghel? Paano kung may sabihin siyang magpapabuo sa basag na puso ni Ralph? Paano kung bumalik ang lahat ng nararamdaman niya para kay Ralph? Paano ako?
Nagulat ako nang bigla niya akong yakapin. "Thank you, Erica! I owe you one. Whatever you need, just tell me, 'kay?"
Tumango na lamang ako dahil nagmamadali na siyang makapasok ng school premises.
Kahit kailan talaga'y ang tanga ko.
♣♦♥♠
Sa isang Chinese restaurant ako dinala ng driver ni Ate Raine. Nanibago ako dahil tanging chopsticks at malalim na kutsara lang ang kubyertos na ginagamit rito. Inaamin kong ngayon lang ako makakagamit nito kaya't nakakahiyang subukang kumain ng mga dumplings na isa-isang hinahain ng mga waiters. Halatang bagong luto ang mga iyon dahil nakalagay pa sa magkakahiwalay na steamer na puro usok ang lumalabas. Hindi ko alam ang pagkakaiba nila, pero masarap ang aroma nito.
Naunang tumikhim si Ate Raine kaya't pinanood ko lang kung paano niya kainin ang isang dumpling na hindi ko rin matandaan ang pangalan.
"I don't know what you like but I ordered an orange chicken too," saad ni Ate Raine nang dumating ang chicken chops sa lamesa namin.
"Salamat, Ate Raine. Okay naman po ako dito sa mga inorder niyo."
Kahit nakakapanlaway ang mga nasa harap ko ngayo'y hindi ko magawang matakam sa kadahilanang barado ito ng kabang kumakalat sa lalamunan papuntang bituka ko.
"Kamusta ka po pala, Ate?" pagtatanong ko kahit pa bakas ang karimlan sa kanyang mga mata. Wala pang isang linggo nang namatay ang lola nila. Kaya't maiintindihan ko kung hindi pa rin palagian ang lagay ng loob niya.
Malungkot na ngiti ang sinukli niya sa'kin. "Let's eat first."
Alam kong may gustong sabihin si Ate Raine sa akin. Hindi ko lang alam kung tungkol kay Ralph o tungkol sa pagtulong niya sa pamilya namin.
Posibleng tungkol kay Ralph dahil hinila niya si Ralph palayo sa akin kahapon upang kausapin 'to. Maaari ring tungkol sa abogado na sinasabi niyang tutulong sa kaso ng pamilya namin laban sa naniningil ng utang ni Lolo. Wala rin akong alam sa kabuuan ng pag-uusap nila ni Papa noong nakaraan kaya't may posibilidad na 'yon ang pag-uusapan namin. Kahit ano pa man 'yan ay pakiramdam kong hindi magandang balita para sa akin. Hindi niya naman ako papakainin sa mamahaling restaurant kung good news ang sasabihin niya. Kumbaga, Last Supper bago niya ihayag ang mga katagang magpapabago sa'king buhay.
Sinubukan kong kumuha paisa-isa sa mga putahe sa mesa—kahit nahihirapan ang mga daliri ko gamit ang chopsticks. Bagaman isang minuto bago ko makuha ang kapiranggot na dumpling ay masaya naman itong experience. Kung iisipin, one year ago, hindi ko naman aakalaing marami akong bagong mararanasan ngayong taon.
Akala ko'y hanggang pag-graduate ko ay sa Samael's ako nagtatrabaho, akala ko'y apat na taon kong titiisin ang ugali ni Sir A. Akala ko'y magiging paulit-ulit lang ang araw ko. Akala ko'y walang dadagdag pa sa karanasan ko dahil masyado akong abala sa trabaho at pag-aaral para isipin pa ang mga bagay na 'yon. Ngunit nang matapunan ko ng sisig si Ralph ay nagkaroon ng sanga-sangang karanasan ang tila kawayan kong buhay.
"By the way, you didn't tell Ralph naman, diba?"
Nawala ang pokus ko sa pag-ipit ng manok sa dalawang stainless steel sticks na hawak ko at nilingon si Ate Raine. Mabilis akong umiling.
Napalunok siya at nakangiting tumango sa akin. "Na-receive mo na ba sa bank account mo 'yung nineteen thousand?"
"Yes po, salamat po pala."
"I should be the one thanking you for taking care of Ralph that day," saad niya. Maya-maya'y may kinuha siya sa loob ng maliit niyang pouch. Inilahad niya sa akin ang isang cheke. "I'm able to collect more donation for Tonton from the foundation," masaya niyang hayag.
Ito ba ang sasabihin niya? Good news naman pala.
Halos hindi ako makapaniwala nang tignan ko ang halaga ng cheke. Nakapangalan ito sa akin at mula sa Melbel Foundation ang Php 200,000 na donasyon.
"H-hindi ko ata kayang tanggapin 'to, Ate." Marahan kong binalik muli ang cheke sa kanya. "Hindi ko pa nga nasasabi kay Papa na may cash donation, eto pa kaya."
"Then, keep it. You can withdraw this anytime naman. You can keep this para sa pag-aaral ni Tonton." Ibinigay niya muli sa akin ang cheke.
Nakakahiyang tanggihan ito pero hindi ko ata kaya humawak ng ganito kalaking halaga.
"Salamat, Ate Raine. Sa lahat ng tulong niyo. Napakabait niyo po sa'kin kaya't tatanawin ko 'to bilang malaking utang na loob. Kung ano man pong kailangan niyong tulong mula sa'kin, walang-angal ko pong pagbibigyan."
Saglit siyang tumahimik na parang pinag-iisipan pa ang sasabihin. "I want to know how you feel about my brother."
Tila hindi ko alam ang isasagot. Napayupyop lamang ako sa mga bawas na pagkain.
"What do you know about his past?"
Ngayo'y nawala ang komportableng pakiramdam ko. Para akong nasa hukoman na nanumpang pawang katotohanan lamang ang ihahayag.
"May ilan pong nabanggit si Ralph. Tungkol sa pagkalulong niya noon sa masamang bisyo. Pati sa pagiging dealer niya noon."
"And... is that okay with you?"
"Ano pong ibig niyong sabihin?"
"You're comfortable dating someone in spite of their horrible past?"
Hindi ako makasagot dahil maging ako'y hindi alam ang totoo kong sagot.
"Do you think he's changed? Do you think he won't fall back into his previous patterns? If you're unsure of the answers now, then, I'm certain that you'll be distressed during the course of your relationship with him." Kinuha niya ang kamay ko at sinubukan akong tignan sa mata. "Eka, I'm saying this because I treat you like a younger sister. I don't want your heart to break all because of Ralph. Yes, he deserves someone who accepts his past. But you deserve much better and a much complete heart than Ralph."
Agad kong kinuha ang kamay ko sa kanya. "Kung gano'n, ano pong gusto niyong gawin ko? Pigilan ko ang nararamdaman para kay Ralph?"
"I know it's not easy. Believe me, I understand how difficult this would be for you. But imagine how this would save you from losing yourself."
"What if hindi naman po mawawala? Paano kung mas mahahanap ko pa pala ang sarili ko sa tulong ni Ralph?"
"And what version of you are you trying to find? The 'rebel' one?"
Napakuyom ako ng kamao. Gusto kong mainis kay Ate Raine. Ngunit kailangan ko itong ikulob dahil hindi ako ang klase ng tao na nawawalan ng respeto sa taong malaki ang itinulong sa akin.
"Ito po ba ang kapalit, Ate?" Sinubukan kong kumalma, sinubukan kong huwag ipahalata ang panggigigil ng boses ko. "Ibabalik ko na lang po 'yung cheke kung gano'n." Kinuha ko muli ang papel at pinadulas iyon sa dako niya.
"No, Erica. Sa'nyo 'yan. For Tonton."
"Pero hindi po kaya ng konsensya ko na kunin 'to kung alam kong hindi ko kayang pagbigyan ang kahilingan niyo."
"I told you that donation is not from me. But you asked for anything in return, anyway. So, I'm asking you to distance yourself from Ralph."
♣♦♥♠
"Let's talk tomorrow. You need to rest. Sarado na ang dorm mo. Just stay at Ate's unit."
Hinila ako ni Ralph ngunit masyadong mabigat ang pasan ko sa likod upang madala ako ng katawan niya.
Masyado na akong nadaganan ng araw na 'to at wala na akong gana na umusad pa. Pagod na nga ako sa paulit-ulit na utos ni Janaya, pagod pa ako sa paulit-ulit na boses ni Ate Raine sa utak ko.
"Huwag na. Hindi na. Sa labas na lang ako ng dorm maghihintay," sagot ko kay Ralph. Ayoko nang tumagal pa ang pag-uusap namin dahil paniguradong mapapaamin niya na ako tungkol sa kaganapan kanina.
"My sister's not there. She's rarely there."
Kahit ano pang sabihin niya'y hindi niya ako mapapapayag na makita kami ni Ate Raine na magkasama. Hindi kaya ng konsensya ko.
"Erica, please. You know that I'll keep insisting until the sun shines. So, for us to get some sleep, just say yes."
"Ayokong magalit sa'kin si Ate Raine."
"Why the hell would she be mad at you?"
Ilang beses akong napapikit at kagat sa'king labi. Gusto kong sabihin kay Ralph dahil alam kong may solusyon siya rito. Gusto kong humingi ng tulong sa kanya dahil ayokong lumayo sa kanya. Pero mas nangingibabaw ang utang na loob ko sa Ate niya.
"Answer me, Erica," pag-utos niya.
Yumuko ako. "Dahil pinapalayo niya ako sayo."
"What?" Malakas siyang tumawa na parang nagbibiro ako. "Tangina! Anong ka-bullshit-an na naman ang sinabi niya sayo? And what? Are you giving in to her madness?"
Tumango ako, tapos ay umiling; litong-lito na ako.
"What's her reason? Why would she want you to stay away from me?"
Iwinasiwas ko lang ang ulo ko habang pinipigilan ang luha na pumatak sa sahig. Hindi ko pwedeng sabihin kay Ralph dahil kapag nalaman niya'y mas lalo lang siyang magagalit sa Ate niya. Isa pa, alam kong masasaktan siya sa mga sinabi ni Ate Raine. Dahil tila pinapahiwatig nito na wala siyang tiwala sa kakayahan ng sarili niyang kapatid.
"Fine. I'll just confront her tomorrow---"
Mahigpit kong hinawakan ang bisig niya. "Huwag, Ralph. Please. Huwag mong sabihin kay Ate Raine. Nangako akong hindi ko ipapaalam sayo, kaya please..."
"Now that I know, do you think I won't take offense?"
"Hindi. Pero kung ako lang pala ang magiging dahilan ng pag-aaway niyo, edi mas mabuting umiwas na nga ako," sagot ko sa pagitan ng paghikbi.
"Fuck. She's making this hard for you to make it harder for me. Fuck her mind games." Sa sobrang inis ay may nasipa siyang maliit na bato sa kalsada. "Fine," mahinahon niyang saad. "Let's take a rest first and circle back in the morning. I'll make a call."
Tumalikod siya sa akin at lumayo nang ilang hakbang. Kinalikot niya saglit ang cellphone bago humingang malalim at inilagay ito sa tainga. Habang hinihintay niyang sumagot ang nasa kabilang linya ay makailang ulit niyang pinabalik-balik ang tingin sa akin. Puno ng pag-aalala ang bawat sulyap niya.
Samantalang ako'y kinakabahan kung sino ang tinatawagan niya. Si Janaya ba? Si Steven? Si Ate Raine?
"Hey, Aid," rinig kong panimula ni Ralph. Lumayo pa siya nang kaunti upang hindi ko na marinig pa ang sasabihin niya.
♣♦♥♠
Kung hindi naman dahil sa pinaghalong pamimilit ni Ralph at antok ko kagabi ay hindi ako papayag na matulog sa penthouse ni Adrian. Dinahilan niyang wala na rin siyang ibang mahihingian pa ng pabor dahil alam nitong magsusumbong si Steven sa ate niya kapag doon kami nanuluyan kagabi.
Malinis ang kwarto na pinahiram ni Adrian kahit pa biniro niya ako kagabi na dito madalas nangyayari ang mga malalaswang bagay tuwing nagpapa-party siya. May sarili itong banyo kaya't dito ko na rin inayos ang sarili dahil alas siete na ng umaga at paniguradong nag-aalala sa akin si Claire. Sinabi ko naman sa kanya bago pa mag-alas dose kahapon na hindi ako makakaabot sa curfew ng dorm kaya't susubukan kong makituloy kay Janaya kahit pa alam kong purong kasinungalingan ito.
Pagkalabas ko ng kwarto ay ilang dipa ang layo nito bago makalabas ng hallway. Unang nakita ng mata ko si Ralph, sunod ay si Adrian na nasa kitchen counter. Nagkukwentuhan sila habang kumakain. Tumigil si Ralph nang makita niya akong nakatayo lang sa itaas ng mababang hagdan—bungalow kasi ang estilo ng penthouse.
Ito ang isa sa mga rason kung bakit ayaw ko pa sanang lumabas. Dahil ayoko pang harapin ang problema namin ni Ralph. Ayokong harapin si Ralph lalo pa't nagtapat siya ng nararamdaman sa'kin kahapon. Magkahalong takot at hiya ang nararamdaman ko. Dahil siguro'y mas matimbang na sa akin ngayon ang sinasabi ng mga taong nakapaligid sa aming dalawa kaysa sa sinasabi ng aking puso.
"Good morning, Erica." Si Adrian ang unang bumati sa'kin. Samantalang nakadikit lang ang mata ni Ralph sa akin.
Tumungo ako sa direksyon nila at sinubukang hindi tignan sa mata si Ralph. Kung aalis na ako ngayon ay hindi niya naman ako mapipigilan, hindi ba?
"Where are you going?" Tanong ni Ralph nang makalagpas ako ng kinauupuan niya.
"Late na ako sa klase ko." Sinubukan kong huwag iparamdam na kinakabahan ako.
"Eat first." Hinila niya ako papalapit sa katabi niyang stool. "When was the last time you ate a proper meal?"
Tama naman siya, kahapon pa ng tanghali ang huli kong maayos na kain. Hindi ko nga alam kung masasabi kong maayos dahil hindi rin naman ako nabusog sa kinain ko at mas lalong hindi ako nakakalunok nang maayos nang nagsimulang magsalita si Ate Raine.
Kagabi naman ay hindi na rin ako nakakain ng kanin dahil sa panay utos ni Janaya. Kaya nga'y kumukulo na rin ang tiyan ko ngayon.
Umupo ako sa tabi ni Ralph at dahan-dahang kinuha ang plato ngunit nagulat ako nang kuhanin 'yon ni Ralph sa akin at siya ang nagtakal ng sinangag, itlog, at bacon sa plato ko. Kung sino sa kanila ang nagluto ay hindi ko sigurado.
Pansin kong nakataas ang kilay ni Adrian at tila hindi makapaniwala sa inaakto ni Ralph, na maging ako ay nagulat din. Alam kong wala pang alam si Adrian pero malakas siyang makiramdam kaya't kinakabahan na ako sa pang-aasar niya.
"So, how was your sleep, Erica?" Tanong sa akin ni Adrian nang simulan ko ang pagkain.
"Ayos naman." Sinubukan ko siyang ngitian.
"Perfect." Binaling niya ang tingin sa coffee pot. "Do you want some coffee?" Kinuha niya pa ito at tila inaalok na lagyan ng laman ang mug na nasa harap ko.
"H-hindi, ayos na ako."
Hindi niya na ako ginambala pa na siyang nakapagtataka. Hindi ko na ito gaano inisip pa at nagpokus na lang sa mabilis na pag-ubos ng almusal ko.
"I need to attend to a customer's need, so, iiwan ko muna kayong dalawa." Nakangisi si Adrian sa amin. Itinaas-baba niya pa ang kilay kay Ralph na halatang yamot na rin sa balintiyak niyang panunukso.
Tapos na akong kumain kaya't tumayo na rin ako. "Ako rin, aalis na. May klase pa ako, eh."
"Can we talk first, Adrian?" Itinawid ni Ralph ang tingin sa akin at binaling ang kaibigan niya. Akmang maglalakad na rin ako nang hawakan ni Ralph muli ang pulso ko. "Wait first. Ihahatid kita."
"Sige." Inayos ko ang pagkasabit ng body bag ko sa balikat. "Sa lobby na ako maghihintay."
"Just stay outside. Saglit lang 'to."
Wala akong nagawa kundi sundin na lamang siya. Lumabas ako sa may pool area ng penthouse ni Adrian. Ramdam ko na ang masakit sa balat na sikat ng araw ngunit nakakaengganyo ang asul na tubig mula sa pool.
Umupo ako upang pakiramdaman ang tubig sa pool. Hindi pa nakakapaso ang init nito kaya pinagpasyahan kong ibabad muna pansumandali ang mga paa at binti ko.
Ilang minuto lang ang nakalipas at lumabas na rin si Ralph. "Adrian left," pahayag niya.
Hindi siya umupo sa tabi ko bagkus ay sa kadikit na poolside. Malapit pa rin naman kami sa isa't isa ngunit sinadya niya atang huwag akong tabihan nang makita niya ang magiging reaksyon ko.
"So, have you thought of it?" Kasunod na tanong niya.
Napatigil ako sa paglalaro ng mga paa sa tubig at hinarap ang seryoso niyang mukha. "Tatanggapin mo ba ang magiging desisyon ko?"
"Depends. What's your decision? What's your reason?"
"Magulo pa rin ang utak ko, Ralph. Hindi ba puwedeng bukas na lang natin pag-usapan?"
"Hindi. I want to hear what you feel right now."
Yumuko muli ako. "Siguro makaka-decide lang ako kapag nasagot lahat ng katanungan ko."
"Then, ask away."
"Sure kang hindi ka magagalit?"
Napakamot siya ng ulo. "Kapag mas lalo mong pinapatagal ay mas lalo akong nabubugnot, Quisumbing."
Huminga akong malalim at inihanda ang sarili bago ihayag ang gumugulo sa aking isipan. "Bakit kayo naghiwalay ni Sofie?"
"She cheated on me with my brother."
Sinilip ko ang reaksyon ni Ralph, walang ekspresyon ang mukha niya. Napakagaling talaga niyang magkimkim ng nararamdaman.
"For sure nagalit ka sa kanila. Kaya ka ba nagloko?"
"So, that's your term, huh? Yeah. Nagloko; nag-adik; nalulong sa sugal. Whatever the hell I did, I didn't blame it on just one person. But, yes, she had a contribution on my dark past."
"Sabi mo naka-move on ka na kay Sofie. Wala na ba talagang natitira na pagmamahal sa puso mo?" Hindi ako makapaniwalang naitatanong ko na ang dati'y gumugulo lang sa isip ko. At hindi ako makapaniwala na maayos akong sinasagot ni Ralph.
"For Sofie?" Saglit siyang tumigil. "None. But for you? There is." Hindi niya binibitawan ang tingin ko.
"Eh kay Meghan? Kay Janaya?"
Mapaglaro siyang napangisi. Alam kong may iba siyang gustong isagot pero seryoso niyang sinabi na wala. "You're the one that I want, Erica. How many times should I assure you? Do you want me to say it again? You're really trying to make this difficult for me." Napasabon siya sa kanyang mukha.
"Ang hirap lang paniwalaan, okay? Ibang-iba si Sofie sa akin. Bakit ako? Ano bang kagusto-gusto sa'kin?" Nahihiya akong itanong ito. At nahihiya rin akong malaman ang sagot. Baka nga kaya hindi rin ako ganoon pa kasigurado dahil dapat ko pang malaman kung ano ang katangi-tangi sa akin—na ako mismo ay walang maisagot.
"You're unconsciously sweet to everyone. You're too kind—you genuinely care for what others would feel on every move you'd make." Nagtama mula ang mga mata namin. "You're always there for me, even when I'm at my worst. Hindi mo ako iniwan. And you didn't ask for anything in return." Dalisay ang bawat pagbuka ng bibig ni Ralph na siyang nagpagaan sa bumibigat kong puso.
Inalis ko sa pagkalublob ang aking paa at lumapit kay Ralph upang tabihan siya sa kabilang banda ng pool. Pansin ko ang paglawak ng mata at pagtaas ng pisngi niya.
"May gusto pa akong malaman. Okay lang?"
"What is it?"
Bahagya akong humarap sa kanya, halos magdikit na ang mga hita at tuhod namin. Saglit kong dinampi ang kamay sa ibabang bahagi ng leeg niya, kung nasaan ang napakalaking tattoo sa katawan niya.
"May dahilan ba kung bakit nagpalagay ka ng tattoo diyan?"
"Yes. It's because I tattooed Sofie's name on my chest. When we broke up, instead of having it removed, I opted to covered it up with something frightening."
"Para katakutan ka ng tao?"
"Para layuan nila ako."
Napayuko ako. Talagang napakabigat ng sugat na iniwan sa kanya ni Sofie na handa siyang maglagay ng napakalaking pader upang walang makasilip ng tunay niyang damdamin. At ako, kaya ko bang tumalon sa kabilang bakod kahit pa alam kong puno ng bubog ang naroroon?
"Ano naman 'yang nasa daliri mo?" Nginuso ko ang parang singsing na tattoo sa hinlalato niya.
Hindi siya nakasagot agad, mukhang pinag-iisipan niya maigi ang wiwikain sa akin. "Some initiation bullshits."
"Initiation? Sa frat?"
"More of a gang."
"G-gang?" Napalunok ako. "Miyembro ka ng gang?"
"Not anymore. I was too high back then; too gullible that I joined that stupid fight club."
"Sila din ba ang nambugbog sayo?"
"You know that if I tell you this, I can't let you go, right? You already knew too many secrets." Hindi ko alam kung nagbibiro ba siya dahil seryoso ang tono niya. Pero dahil sa hindi niya direktang pagsagot ay mas lalo kong nalaman ang katotohanan.
"Bakit ayaw mo silang ipapulis?"
"Because they have big connections. Many are police officers too."
"Bakit ka nila sinaktan? Meron ka bang ginawang masama? Akala ko ba nakaalis ka na sa grupo nila?"
"Yeah, I did something bad. Would you still accept me?"
Hindi ko namalayan na unti-unti akong lumalayo sa kanya. Mukhang hindi ko pa kayang bumaba sa kanyang bakod.
"G-gaano kasama?" Lakas-loob kong tanong.
"I borrowed millions but until now, I haven't paid the whole of it yet."
"Pera. Bakit ba ang daming handang pumatay para sa bagay na 'yan?"
"Because that gives you power. It gives you opportunity. Just look at Adrian." Umiling-iling ito. "I'm under his fucking command now."
"Pero hindi dapat gano'n."
"This is how the world works. So, do you think you can still be with me even I'm this weak?"
Umusod muli ako papalapit kay Ralph at hinayaang dumikit ang katawan ko sa kanya.
Wala naman palang pader na dapat akyatin sapagkat siya na mismo ang wumasak nito upang hindi ako mahirapan sa bawat hakbang.
Kinuha ko ang kamay ni Ralph at sinuksok ang bawat daliri sa puwang ng kanyang palad. "Di ka naman mahina, eh. Tao ka. Nagkakamali, natututo, nagbabago." Nginitian ko siya.
Oo, may tiwala akong nagbago na si Ralph. Iba siya na kasa-kasama ko kumpara sa mga kwento ng tao sa paligid. Hindi dapat sa kanila ako maniwala kundi sa nasasaksihan ng mga mata ko, sa nararamdaman ng puso ko.
"Shit, Erica. You really know what to say, eh?" Tinanggal niya ang pagkahawak sa'king kamay at dinampi ang hinlalaki niya sa'king baba. Dahan-dahan niyang nilalapit ang mukha sa akin hanggang sa nararamdaman ko na ang paglabas ng hangin sa kanyang bibig. "Now, it's my turn to ask questions." Sandali siyang tumigil at direktang tumingin sa mga mata ko. "Can I kiss you now?"
Hindi ako nagsalita. Bagkus ay pumikit na lamang hanggang sa maramdaman ko ang pagkiliti ng mga tuldok sa kanyang balbas sa aking pisngi. Hindi ako mahilig sa kape ngunit ang aroma nito mula sa bibig ni Ralph ay paniguradong hahanap-hanapin ko. May kakaiba sa kombinasyon nito at ng halik niya ngayon. Hindi ko mawari subalit sigurado akong ito na ang pinakamatagal na pagbabad ng labi niya sa akin.
Parehas nang nakahawak sa pisngi ko ang magkabilang palad ni Ralph, unti-unti iyong bumababa hanggang sa leeg ko. Hindi ko na rin namalayan na mahigpit na akong nakakapit sa balikat niya.
Inalalayan niya ako sa bawat pagbuka ng aking bibig at pagsara nito upang hindi ko siya masaktan. Nagulat ako nang bigla siyang tumigil. Doon ko narinig ang bawat hingal namin. Nagkaroon ako ng pagkakataon upang buksan ang mata ko. Malagkit ang tingin sa akin ni Ralph na halatang nagsisi rin dahil sa kanyang paghinto.
"Can I touch you?"
Napakagat ako sa'king labi dahil sa tanong niya. Matiyaga niyang inaabangan ang sagot ko. At baka dahil nawala na ako sa sandaling ito ay tumango na rin ako.
Ngumisi siya sa'kin bago ko naramdaman ang paglalaro niya sa maiksi kong buhok na humahawi sa mukha ko. Ilang saglit pa ay sumisid na muli ang kanyang labi sa akin. Ngayo'y wala na sa aking likuran ang kanyang mga kamay, marahan na itong dumadaloy paibaba sa aking katawan. Hanggang sa maramdaman ko na ang makapal niyang palad na kumikiliti sa loob ng hita ko. Bahagya akong napaatras.
"S-sorry." Napayupyop ako sa kahihiyan. Ano bang mali sa akin? Bakit ganito ako?
"No, it was too soon. I should be the one apologizing." Minasahe ni Ralph ang pisngi ko. "I'm sorry."
"Pero gusto talaga kita, Ralph."
Malakas siyang tumawa. "I know." Hinablot niya ang likod ng aking kanang palad at hinalikan iyon. "So, I guess you have an answer, then."
"Hindi naman magagalit sa akin si Ate Raine, diba?"
"Don't worry about it. Akong bahala."
"Huwag kang magalit sa kanya, please."
"She wants to decide for you. How can I not be mad about that?"
"E, ayaw kong mag-away kayo; kami."
"So, what do you want to do?"
Huminga akong malalim bago magsalita. "Kung pwede lang itago pa rin natin..."
Napabitaw si Ralph sa paghawak sa'king balikat. Napatingala ako sa kanyang pagtayo. Hindi niya nagustuhan ang desisyon ko.
"Para kay Ate Raine, para kay Claire. Ralph, please. Ayokong mawala ka. Pero ayaw ko ring mawala ang matalik kong kaibigan. At sayo, 'yung ate mo."
Hinilamos niya ang mukha at sumang-ayon sa akin. "I can keep this a secret..."
Napangiti ako sa nilahad niya.
"But come next week, I won't keep this just to ourselves anymore."
Ngunit nabawi ang kurba sa'king labi dahil sa pahabol niya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top