Chapter 39 • The Heroine

ANIM NA ARAW na ang lumipas pero hindi pa rin mawala ang sakit sa puso ko. Ilang beses ko nang sinabi sa sarili na hindi ko na dapat siya isipin. Hindi dapat ako umiiyak dahil ako lang naman itong pinaasa ang sarili na magkakaroon ng usad sa amin ni Ralph, na may patutunguhan ang pagiging urong-sulong ko. Ang tanga---hindi, napakatanga ko. Saan ba ako kumuha ng lakas ng loob na isiping tapat ang nararamdaman niya sa'kin? Na ako lang ang dapat niyang magustuhan?

Anim na araw na paulit-ulit kong sinasaisip na alisin siya sa isipan ko. Ngunit nagmamakaawa pa rin siyang gumagapang pabalik. Hindi ko na nga siya nakakausap. Matagal na rin nang masaksihan ko ang mga mata niya. Siguro ganito lang talaga sa simula. Siguro sa susunod na linggo mas magaan na ang sikip sa puso ko.

Ngayon ay nasa condo unit ako ni Janaya. Pinapakinggan ko siya na kinukuwento sa hairstylist niya ang ang bawat detalye ng nangyari noong Biyernes ng gabi. Para bang sinasadya niya talagang marinig ko. Hindi ko nga alam kung bakit kailangan niya pang ipangalandakan sa mukha ko samantalang hindi na kami nag-uusap pa muli ni Ralph.

"So, exclusive na ba kayong dalawa?" Rinig kong pang-iintriga ng stylist ni Janaya.

"Hmm... not really. This is a no strings attached thing. So, yeah, I think we are still open to date anyone we like."

"You're sleeping with each other pero libre kayo makipag-date sa iba?"

Bago pa makasagot ng oo si Janaya ay nagsalita na ako. "Tapos ko nang plantsahin 'yung dress mo. Na-highlight ko na rin 'yung mga kailangan mong ireview para sa exams next week." Nilapag ko ang dalawang libro sa coffee table niya. "Mauna na ako."

Mapangkutya akong nginitian ni Janaya. "Thanks." Alam kong hindi bukal sa kalooban niya ang pasasalamat na 'yon.

"So, kailan ulit ang momol niyo?" Tanong muli nung stylist habang nilalagyan ng hairspray ang buhok ni Janaya.

"I don't know. I can call him anytime I want naman. He'll always be here for me." May diin ang huling sinabi niya.

Hindi ko pinansin ang pag-iinggit nila at hinayaan na lamang ang sarili na lumabas sa condo unit niya.

Saktong pagkababa ko sa lobby ay naka-receive ako ng text message mula kay Ethan. Nagulat ako nang sabihin niyang naka-park na ang sasakyan niya sa labas ng condo. Nagmadali akong lumabas dahil hindi ko alam na susunduin niya talaga ako.

Inaya kasi ako nito sa celebration party niya dahil natanggap siya bilang varsity athlete ng university. Dapat nga'y tatanggi pa ako dahil puro kaibigan niya ang kasama. Sa dulo ay pumayag na rin ako ngunit sinabi kong ako na mismo ang pupunta sa KTV Resto Bar na pina-reserve niya dahil sa kinailangan ko pang puntahan si Janaya.

Hinanap ng mata ko ang sasakyan ni Ethan sa mga nakaparada sa tapat. Alam kong kulay dark grey ang sasakyan niya subalit hindi ko mawari ang brand nito. Katunayan, nahihirapan akong mag-distinguish ng mga sasakyan. Mabuti na lang at lumabas si Ethan kaya't mabilis ko siyang nilapitan.

"Ethan, bakit nagpunta ka pa rito? Nakakahiya naman. Ikaw pa ang male-late sa mismong party mo."

Ngunit nakangiti lang siya sa akin. "Sus, mga Filipino time naman 'yung mga 'yun."

Mahina akong tumawa upang sakyan ang sinabi niya.

Bubuksan ko na sana ang pinto ng sasakyan ngunit napansin kong may malaki itong gasgas. Hindi ko maalala kung dati pa itong nandito pero paniguradong mapapansin ko ito noon. Nagulat ako nang pagbuksan na ako ni Ethan ng pinto. Masyado ko atang matagal natitigan ang gasgas sa sasakyan.

"I'm excited for you to meet Enzo," saad niya pagkapasok ng sasakyan. "If mahilig ka sa makukulit at tabachoy na bata, I'm sure matutuwa ka sa kanya."

Si Enzo ang sinasabi niyang nakababatang pinsan na inalok niyang turuan ko ng Filipino subject. Doon daw kasi siya mahina dahil nakasanayan na ang pag-iingles sa loob ng bahay. Minsan, nakakalungkot isipin na mismong mga magulang na ang nagpapalayo sa mga anak nila sa kulturang Pilipino.

Hindi natuloy ang dapat pagbisita ko kay Enzo dahil sa biglaang pagtawag sa'kin ni Janaya na pumunta sa condo niya at pagbilhan ng mga sangkap sa palengke. Masyado na rin akong lugmok nung araw na 'yon kaya't nagdesisyon lang akong manatili sa kama.

Wala na muling nagsalita sa amin sa byahe. Katunayan ay medyo pagod na ako dahil pina-pick up pa sa akin ni Janaya kanina ang laundry niya na napakalayo. Ang sabi niya'y walking distance lang ngunit parang kinse minutos ata akong palakad-lakad kahahanap. Kaya't iniipon ko ang energy ko para mamaya.

Pinutol ni Ethan ang katahimikan. "Are you sure hindi magagalit si Ralph?"

"Huh?"

"He's your boyfriend, right? Or manliligaw pa lang?"

"H-hindi. Walang kami." Napayuko ako at pinagmasdan ang naglalaro kong mga daliri.

"Ah... Pero, are you close with him?"

Hindi ko mawari ang patutunguhan ng mga tanong ni Ethan. Gusto ko mang takasan pero wala ako sa tamang lagay upang makaisip ng panibagong pag-uusapan.

"Hindi masyado. Bakit?" Sinagot ko na lang siya.

"But you like him, right?"

Tila nakagat ko ang dila at hindi makasagot. Bukod sa'kin at kay Heidi, wala nang ibang nakakaalam ng tunay kong nararamdaman kay Ralph. Tama bang sabihin ko rin sa kanya?

Bago pa man ako makasagot, nagsalita na siya, "To be honest, I don't like him. Masyado siyang arogante."

"Matagal mo nang kakilala si Ralph?"

"Nope." Mabilis niyang sagot. "I just met him nu'ng kasama mo siya sa parking lot last time. Pero tingin niya pa lang masyadong maangas na. Akala mo kung sino."

Tumango ako. 'Yon din naman ang una kong tingin kay Ralph. At 'yon pa rin siya hanggang ngayon. Hindi ko nga maintindihan ano ang nagpahumaling sa'kin.

"I'm sorry if I'm blurting these words to you. I know you like him. It's just that, I don't think he deserves it. If he ignores you—like the way he ignored you last Friday—in the future, do'n pa lang, alam kong hindi na siya matinong lalaki."

Tumango muli ako. Naalala ko ang nasaksihan ko nu'ng Sabado. Naalala ko kung paano nito pinaalala na wala akong halaga para sa kanya.

"Tama ka, Ethan. Arogante at makasarili si Ralph. Wala siyang pakialam kung may nasasaktan na siyang iba sa mga trip niya sa buhay." Nahihiya ako dahil nagsimula na ang pagtulo ng mga luha ko na parang batang hindi pinayagan maglaro sa bukirin. "Gusto ko rin naman siyang hindi gustuhin, eh. Pero kahit anong pilit ko, kung makita ko uli siya, gano'n ulit. Malakas na naman ang tibok ng puso ko."

"Hindi naman ibigsabihin na malakas ang kabog ng dibdib mo ay gusto mo siya. You know, that's also a physical reaction when you fear someone, if you're getting anxious—kinakabahan dahil natatakot ka. Gusto mong kumawala sa kanya."

"Siguro nga dapat na akong kumawala sa kanya. Dahil ang sakit-sakit na."

Nagulat ako nang hilahin ni Ethan ang batok ko upang isandal ang mukha ko sa dibdib niya. Hinayaan niya akong umiyak do'n. Hindi ko namalayan na kanina pa pala kami nakatigil sa tapat ng KTV. Hindi ko rin namalayan kung gaano kami kalapit sa isa't isa pero wala man lang akong takot na naramdaman—na baka may gawin siya sa'king kakaiba.

Ngayon, ang tanging naririnig ko lang ay ang mabilis na takbo ng puso niya. Ano kayang nararamdaman ni Ethan? Gusto o takot?

♣♦♥♠

Sanay na ako sa ingay sa Samael's. Pero kakaibang ingay ang meron sa loob ng kwartong nirentahan ni Ethan sa KTV Resto Bar. Parang pinaghalong mga broken hearted, rakista, at bokalista ang mga kaibigan ni Ethan. Minsan nga'y naaawa ako kapag nakikita kong tinatakpan ni Enzo ang magkabilang tainga niya. Masyado pa siyang bata para masaksihan ang ganito kalakas na kasiyahan.

"Hey," pagtawag sa'kin ni Ethan. Nakatayo silang magkakaibigan at nagpapalakasan ng boses sa kanta ng Eraserheads. "Are you having fun?"

Sinabay ko ang malawak na ngiti sa pagtango.

"Gusto mo ba...?" Aya niya. "Halika!" Nakangiti itong tumatalon.

Umiling lang ako. Hindi pa ako gaanong komportable sa mga kaibigan niya. Kahit may babae siyang kaibigan ay pakiramdam ko'y nasa ibang mundo pa rin sila kumpara sa kinalak'han ko. Gusto ko man silang kaibiganin ngunit hindi mawala sa utak ko na baka hindi naman nila masuklian ang kagalakan ko sa kanila. Hindi ko malaman kung saan ba nanggagaling 'tong ganitong pakiramdam. Siguro nakasanayan ko na simula bata pa lang, maging mga kalaro at kaklase ko'y madalas akong kinukutya. Kaya siguro akala ko lahat ng tao katulad nila. Kaya siguro natatakot na akong kumaibigan pa ng iba. Ayos na sa akin si Claire. Tiwala naman ang loob ko kay Heidi na tunay na kaibigan ang turing niya sa'kin. Palagay na ang loob ko kay Ethan. At si Ralph... Hindi ko pa rin mawari ang estado namin.

"Daddy!" Narinig ko ang masayang hiyaw ni Enzo nang bumukas ang pinto ng kwarto. Napatigil si Ethan at ilan niyang kaibigan sa pagkanta at sinundan ng tingin ang malaking lalaking sinalubong ng yakap ni Enzo.

Hindi ko alam kung bakit bigla akong nakaramdam ng kaba nang tumama ang mata ng tatay ni Enzo sa akin. Bakas sa kulay-kape niyang mata at matangos na ilong na hindi siya purong Pilipino. At ngayong pinagmamasdan ko siya ay napagtanto kong sa kanya nakuha ni Enzo ang pagkatulis ng ilong nito.

"Uncle, I thought hindi ka makakapunta?" Rinig kong sambit ni Ethan sa lalaki. Tila balisa siya.

Nawala ang boses nila sa pandinig ko nang mas lalo pang lumakas ang pagkanta ng mga kaibigan ni Ethan sa kanta ng Eraserheads. Gusto ko sana silang pagmasdan habang nag-uusap malapit sa pintuan ngunit pahapyaw din akong binabantayan ng tatay ni Enzo.

Agad kong iniwas ang tingin sa kanila at binalik ang atensyon sa natitirang apat na slice ng pizza sa table at ilang bote ng beer na nangangalahati na rin. Tumingin ako sa'king tabi, naglalaro na muli si Enzo at ang nanay niya.

Isang oras pa kaming nagtagal sa loob ng ngayo'y mainit na na kwarto. Wala naman akong ginawa kundi makinig sa kanila at makitawa kahit hindi ko alam kung ano ang pinagtatawanan nila. Nauna na rin umalis ang pamilya ng tita ni Ethan. Subalit ang mga kaibigan niya ay may iba pa atang binabalak na puntahan.

Humiwalay si Ethan sa pawang lasing niyang mga kaibigan at nilapitan ako na nakadistansya na sa kanila ngayon. "Erica, tara, hatid na kita."

"Ayos lang ba? Mukhang may pupuntahan pa kayo, eh? Mag-aabang na lang siguro ako ng jeep. May nakikita pa naman akong dumadaan."

"Hindi puwede. Masyado nang late. Baka mapano ka pa." Ipinatong niya ang kamay sa balikat ko at saka humarap sa mga kaibigan. "Guys, hatid ko lang si Erica. Sunod ako!" Paalam niya.

"Ay, hindi ka sasama, Erica? I thought baka gusto mong suportahan 'yung boyfriend mo," saad ng kaibigan ni Ethan na halos kasing tangkad niya na rin. Nang linuginin ko si Ethan ay umiiling lang ito sa mga kaibigan niya.

"B-boyfriend?"

"Si Ralph? Bakit? Hindi ba?" Dagdag pa nito.

Napakunot ang noo ko. Samantalang inalis ni Ethan ang mga bisig niya sa balikat ko at akmang hihilahin na ako patungong kotse niya.

Subalit ang kaibigan naman nitong babae ang nagsalita. "Kung umasta kasi parang jowa ka. Napaka-possessive."

"H-hindi ko kayo maintindihan."

"Oh, hindi mo pa pala sinasabi, Tan?" Tumingin siya kay Ethan ngunit agad din binalik sa'kin. "Nakipagkarera 'yung magaling mong Real kay Ethan. Kaya nga nagkagasgas 'yung kotse niya."

"Steph---!" Pigil ni Ethan.

"H-ha? Bakit gagawin ni Ralph 'yun?"

"Halika na, Erica. Huwag mo sila intindihin. Mga may tama na kasi 'yan sila." Hinawakan niya ang kamay ko na agad ko ring inalis.

"Sasama ako sa inyo. Kung totoo man ang sinabi ng kaibigan mo, pagsasabihan ko si Ralph. H-hindi tama 'yung ginawa niya."

Napasapo siya sa noo at pasarkastikong umalik-ik. "Si Ralph? I don't think kaya pa siyang mapagsabihan. Your effort is no good for him. Sumang-ayon ka naman na gago siya, diba? Sa tingin mo papasok pa sa utak niya kung ano man 'yang balak mong sabihin? Baka nga mas lalo lang ako asarin ng kumag na 'yon."

Mahigpit akong napakuyom. "Dalhin mo ako kay Ralph."

♣♦♥♠

KINAKABAHAN AKO. Gusto kong sabihin kay Ethan na ikutin ang manibela at ibalik na lang ako sa dorm. Hindi ko alam ang pumasok sa isip ko at pinilit ko siyang dalhin ako dito. Ano bang aasahan ko? Na papansinin ako ni Ralph? Na magpapaliwanag siya sa ginawa niya? Na makakatanggap ako ng sorry mula sa kanya? Samantalang alam ko naman sa kaloob-looban ko na hindi niya lang ulit ako papansinin. Pero nananabik akong makita siya. Gusto ko siyang hilahin papunta sa'kin.

Hindi ko alam kung saan nanggaling ang motor na sinasakyan na ngayon ni Ethan. Marami na ang nakapalibot sa kanya. Pero mas maraming pumapalakpak para kay Ralph kasabay ang paghiyaw ng "Hero." Nawala ang kaninang galit ko kay Ethan at napalitan ng kaba. Alam kong mabilis magpatakbo si Ralph, at kahit hindi niya sinabi sa'kin ay alam kong libangan niya rin 'to. Subalit si Ethan, nadawit lang siya dahil sa kahambugan ni Ralph.

Nilapitan ko si Ethan at pilit siningit ang sarili sa pagitan ng mga kaibigan niyang pinapagaan ang loob niya. "Pakitaan mo, Tan."

"P're, lampasuhin mo 'yang adik na 'yan."

"Tan, sayo ako pumusta. Ipanalo mo 'to."

Binuka ko na ang bibig bago pa may mauna sa akin. "Ethan, kailangan mo pa bang gawin talaga 'to? Paano kapag may napahamak sa inyo?" Hinila ko ang manggas ng polo niya at mas nilapit ang bibig sa tainga niya. "Hindi patas maglaro si Ralph," bulong ko.

Sinuot niya lang ang kanyang helmet at hindi pinansin ang babala ko. Parehas kaming napalingon kay Ralph na nakangisi lang na nginunguya kung ano man ang laman ng bibig niya.

Tumama rin ang mata ko kay Adrian na pinagmamasdan kami sa malayo. Nakasandal siya sa kotseng nakaparke malayo sa kalsada. Mukhang siya na naman ang bumulong kay Ralph para gawin 'to. Mabilis ko siyang nilapitan kaya't agad niya din akong napansin. Malawak ang ngiti niya sa'kin na sinuklian ko lang ng kunot-noo. Akmang magsasalita ako ngunit naunahan akong mag-ingay ng tambutso ng mga motor na mas matulin pa ang paglalakbay kaysa tanglaw mula sa streetlights.

"How did you get here?" Paunang tanong ni Adrian. "Are you stalking me? O si Ralph? Is Jana here?" Nagpanggap pa itong may hinahanap sa lipon ng tao.

Mabilis kong nirolyo ang mata sa kanya. "Dapat pinigilan mo si Ralph. Alam mo ba kung anong ginawa niya kay Ethan nu'ng makalawa?"

"So, you've met Ethan, huh?"

Nagtaka ako. "Kilala mo siya? Si Ethan Del Monte?"

"Psh, he was one of my dealers... before."

"A-ano?"

"Now, you know too much, Erica. So, answer my question—did Ethan bring you here?" Sinindihan niya ang sigarilyong kanina pa nakasabit sa tainga. "Tangina. Gusto talaga niyang inisin si Ralph. I really like that kid. Do you think kailangan ko ulit siyang kunin? I heard he's in the varsity now. Mukhang mas madaming potential customers du'n." Halos hindi ko maintindihan ang huling pahayag niya dahil nasa pagitan na ng labi niya ang sigarilyo.

"Anong ibig mong sabihing 'dealer'? Ilegal na d-droga?" Halos pabulong kong saad. Hindi ako makapaniwala. Hindi gano'n ang pagkakakilanlan ko kay Ethan.

"Wait, shit! I thought you already knew. Hindi pa pala sinasabi sayo ni Ralph? Drugs is my business. But, let's just keep that a secret, 'kay?"

Mabilis akong napaatras kay Adrian. Muntik pa akong matapilok sa bato. Halos wala akong ibang marinig kundi ang mabilis na tibok ng puso ko. Tila rinig ko ang bawat tulo ng pawis ko mula sa'king noo. Ramdam ko kung paano ako yakapin ng malagkit na hangin na mas lalong nagpataas ng balahibo sa braso ko. Oo, alam kong mapanganib si Adrian. Ngunit hindi ko alam na ganito siya kadelikado. Wala man lang siyang maramdaman na takot, tila gusto niya pang ipagsigawan ang ginagawa niya. Ang mga tulad niyang masyadong komportable na hindi mapaparusahan ng batas ang pinakabayolente sa lahat.

Napukaw ang atensyon ko sa mga taong nagbubulungan ngayon. Nilapitan ni Adrian ang isa sa mga grupo na malapit sa puwesto namin. "What's happening?"

"May isa sa kanilang natumba."

"S-sino?" Singit ko sa usapan.

Nagkibit-balikat ang lalaki sa'kin. "Hindi ko alam. Wala daw malay, e."

Mabilis kong tinignan si Adrian at nagmakaawang dalhin ako kung nasaan man sina Ralph at Ethan ngayon. Tila sinapian ng anghel si Adrian nang pumayag siyang isakay ako sa kotse niya upang puntahan sila.

Masama bang hilingin na sana hindi si Ralph ang nasaktan sa kanilang dalawa?


----------

a/n: Maligayang Pasko sa kung anumang paraan niyo ito ginugunita!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top