Chapter 38 • The Heroine
NAKAUPO AKO SA MAY BINTANA ng isang fast food restaurant, hinihintay dumating si Ate Raine. Pinagmamasdan ko lang ang pagdating ng mga mananampalataya sa simbahan habang ang iba naman ay papasok na rin dito upang mag-almusal. Nawala ang atensyon ko sa kanila nang linisin ng staff ang lamesa sa tapat ko kahit hindi ko naman pinagkainan ang na'ndito. Katunayan, umupo lang ako dahil wala akong ibang maisip na pagtatambayan. Alas nuebe na ng umaga kaya't mainit na sa labas, at base sa text message ni Ate Raine, matatagalan pa siya sa pagsundo sa'kin.
Noong isang linggo pa nakaplano ang pagluwas namin sa Nueva Ecija. Nagulat pa nga ako dahil hindi ko inaasahan na mangangamusta si Ate Raine. Akala ko'y natapos na ang pagtulong niya noong nag-donate siya ng dugo kay Tonton. Ngunit tinawagan niya ako noong nakaraang linggo. Doon niya sinabi na gusto niya talaga tumulong, siguro kinaaawaan niya ang sitwasyon namin. Pero hindi naman matigas ang mukha ko para hindi tanggapin ang pagiging bukal niya. Isa pa, marami daw siyang kakilala na miyembro ng non-government organization na tumutulong sa mga tulad ni Tonton.
Ang kinakatakot ko lang ay baka sumama si Ralph. Pero wala namang dahilan upang sumama siya. Ngunit iniisip ko pa rin na kasama siyang darating ni Ate Raine.
Noong makita ko si Ralph na lumabas na gusot ang suot na damit sa kwarto ni Janaya ay may kutob na sa utak ko. Hanggang sa dumapo ang tingin ko sa'king kamay na hawak ang necktie at suit jacket niya. Hanggang sa halikan siya ni Janaya sa pisngi. Hanggang sa pumatak na lamang ang luha ko sa harap nilang dalawa.
Umuwi akong maga ang mata kahapon. Nang paalisin kasi ako ni Janaya ay nanatili pa ako sa may hagdanan at doon nilabas lahat ng luha.
Napagtanto kong tama si Claire, sisirain lang ni Ralph ang puso ko. Hindi totoong gusto niya ako dahil lang sa sinabi niya. Paano niya naman ako magugustuhan kung di hamak na mas maganda ang dalawang babaeng nahuhumaling sa kanya? Ilang oras akong gising para lang isipin ang rason kung sakali mang tipo niya ako ngunit maski sarili kong utak ay walang maisagot. Dahil walang kagusto-gusto sa'kin. Isa lang akong basurahan na madalas lagpasan.
Pansin kong nakatigil sa harap ko ang lalaking may bitbit na tray na naglalaman ng order niya. Ginagala niya ang mata ngunit wala na siyang makitang bakanteng upuan. Katatapos lang kasi ng misa kaya't marami talaga na dito ang diretso, kalimitan ay pamilya. Pero pareho ko si kuya, parehas na walang kasama.
Tumayo ako. "Kuya, dito ka na lang po." 'Di hamak na mas kailangan niya ng mauupuan.
"Sigurado ka ba, Miss?"
"Oho. Paalis na din po ako."
"Salamat ha."
Nginitian ko siya bago lumabas. Binati pa ako ng security guard pero mabilis napawi ang ngiti ko dahil dumampi agad sa'king braso ang mainit na sinag ng araw. Idagdag pa na napakaraming tao.
Bakit kasi dito ko pa naisipan makipagkita? Akala ko kasi'y darating agad si Ate Raine matapos ang misa. Ayoko naman nang magreklamo pa dahil mas iinit lang ang ulo ko, 'tsaka, sa tingin ko wala naman akong karapatan. Siya na nga 'tong tutulong. Sasamahan niya pa ako makarating sa bahay nang libre. Pasensiya lang ang kailangan kong baunin.
♣♦♥♠
Alas dyis na nakarating si Ate Raine. Pailang ulit pa itong nag-sorry dahil natagalan siya. 'Yon pala'y nag-grocery pa ito upang ibigay-ayuda sa amin. Halos mapuno na nga ang trunk ng kotse niya kaya't mayroon na rin mga supot sa passenger's seat. Hindi naman ako makapagsalita sa sobrang pagkalula sa kagandahang-loob niya. Hindi ko alam kung paano makababayad ng utang ng loob sa kanya—mukhang hindi pa nga 'yon sapat.
"Ate Raine, may kapalit ba 'to? Ano po bang dapat kong gawin? Kasi... sobra-sobra na po 'to," saad ko habang nakatitig sa makapal na sobreng puti. Base sa sulat donation ito galing sa Melbel Foundation. Ito siguro 'yung sinasabi niyang NGO na kinabibilangan niya.
"What do you mean kapalit? I don't ask anything in return, Erica. Sabi ko naman, diba? Our organization is for children like Tonton. You're lucky, super generous ang sponsors namin," nakangiting aniya habang nakapokus lang sa pagmamaneho.
"Paano po 'yung groceries?"
"Well, that is mine and mine alone. Consider it as my little help. Para hindi na rin masyado mag-work ang dad mo. I know you mentioned that he's a farmer, correct? I understand how hard for them to generate an income. Sa'nyo na ba ang lupang sinasaka ng dad mo?"
Napakagat ako sa'king labi. "Hindi po, e. Pinambayad na namin 'yun ng utang."
"What? Why?" Napatingin siya sa'kin. "What do you mean?"
"Uhm..." Ilang beses akong tumikhim bago nakasagot. "May naiwan po kasing utang ang yumao kong lolo. Kaso po, 'yung kinauutangan niya ay kami na ang sinisingil."
"What do you mean?" Tanong niya ulit.
Hindi ko maiwasang mapakamot sa batok dahil hindi ko alam kung paano ipapaliwanag ito. Subalit handa naman makinig si Ate Raine, para nga niya akong ginigisa dahil napakarami niyang tanong—at seryoso ang mga 'yon. Nais niyang malaman ang puno't dulo ng lahat, may sinasabi pa itong technicality.
Kwinento ko na kinakailangan ni Papa ng pagkakakitaan para mabuhay kaming magkapatid noon ay pumayag siyang kumayod sa dating lupa na pag-aari ni Lolo. Tapos ay sinangla niya rin ang lupa ng bahay namin para lang makadagdag sa pang-araw-araw namin. Last year niya lang natubos muli ang lupa ng bahay pero hindi pa rin pala tapos ang problema.
Pero ang dulo ay inalok niya na ipakilala kami ni Papa sa isa niyang kaibigan sa litigation na tumatanggap ng pro bono cases. Alam ng Diyos kung gaano ko gustong tumanggi ngunit kapatid talaga siya ni Ralph dahil napilit niya pa rin ako.
"Wala po ba talaga akong magagawa bilang pasasalamat, Ate Raine?" Tanong ko muli.
Rinig kong bumuntong-hinga siya. Hindi ko alam kung mahihiya na rin ba akong manghingi ng kapalit.
"P-pasensya ka na, Ate. H-hindi lang po talaga ako sanay na may nagbibigay ng ganitong tulong sa amin. Paniguradong dadalhin ko talaga 'to hanggang pagtanda ko."
"You know, Eka, sa lahat ng natulungan ng organization namin, ikaw 'yung pinakamapagkumbaba pero napakakulit." Tumawa ito. "Fine, I think of something that you can help me with."
Napangiti ako. "Kahit ano, Ate Raine."
"Can you tell me how Ralph's doing? Can you watch him for me? But, don't mistake it as babysitting. I just know that you two are always together and I just want to be updated on his life. Hindi ko alam, baka mamaya, he's going back to his previous habit."
Peke akong ngumiti at tumango. Gusto ko sanang tumanggi. Pero wala na ata akong kahihiyan kung gagawin ko pa 'yon. Ako ang nagpumilit ngunit ako pa itong aatras.
"I don't even know if he's attending his classes. Ayoko naman manghimasok and look like a nosy sister that I am. Mas lalo lang siyang magagalit sa'kin. But I don't know what do with him. He's not even living on his own condo. So, if you know something, Erica, if he's in trouble, please do tell me." Kita sa mata niya ang pag-aalala kay Ralph. "It's for his own safety too."
"Nakakainggit naman si Ralph, Ate. Ang swerte niya kasi ikaw ang ate niya. Ang dami din nagmamahal sa kanya. Pero bakit gano'n? Bakit parang binabaliwala niya lang 'yon, Ate?"
"Because he's too guilty to think he deserves all of it." Ngumiti sa'kin si Ate Raine, pero ngayo'y alam kong malungkot na ngiti ito. Parehas naming pinapakita na kapwa kami walang iniinda ngunit alam kong parehas na din kaming nasasaktan ni Ralph.
♣♦♥♠
Pagkadating namin sa bahay, akala ko ay matutuwa si Papa sa binahagi kong good news. Ngunit nagulat ako nang hindi nito tanggapin ang mga bigay ni Ate Raine—mapa-pro bono man o 'yung bitbit niyang grocery items. Ang tanging natira lang ay ang sobre ng pera na nakatago sa bag ko. Hindi pa alam ni Papa na 'yon ang totoong pinunta ni Ate Raine, ang ibigay ang donasyon ng Melbel Foundation. Pero hindi ko alam kung paano sasabihin sa kanya dahil baka hindi niya na naman tanggapin. Alam kong may pagkamataas ang pride ni Papa—kahit sino atang lalaki—pero, kailangan namin ang pera na 'to. Ako man ay ayokong bitawan pa. Inaamin kong hindi ko kayang kitain ang ganitong halaga sa loob ng kalahating taon.
Nasa bakuran sina Papa at Ate Raine ngayon. Tahimik silang nag-uusap o nag-aargumento, hindi ko rin mawari dahil nakasilip lang ako sa bintana namin. Katabi ko si Tonton na nakatayo pa sa kahoy na sofa at nakadikit ang mukha sa puwang ng jalousie na bintana.
"Ton! Bumaba ka d'yan!" Suway ko kahit pa ako itong nangunguna makichismis. Gusto ko lang naman malaman bakit kailangan pa nilang mag-usap sa labas. Samantalang ito lang naman ang pangalawa nilang pagkikita.
"Bakit ba kasi pinapabalik ni Papa 'yung grocery? Sayang 'yun, Ate, 'no? Pwede na ata 'yun pangkabuhayan pak-keydg, eh!"
Hinimas ko ang buhok niya at napatingin sa napakapayat niyang braso. "Wala ka na bang makain dito, Ton?"
"Hmph! Nakakasawa na ang mais, Ate. Gusto ko ngang magpuntang Maynila. Sabi sa'kin ni Rebreb maraming masasarap na pagkain do'n. Sama mo naman ako pagbalik mo, puh-leese?"
Tumawa ako dahil sa pagpapa-cute niya na hindi naman bagay sa kanya. Ngunit sa likod ng isip ko ay alam ko naman talaga ang ibig niyang sabihin. Na gusto niya nang makaahon sa hirap.
Umayos kami nang pagkakaupo nang pumasok na si Papa sa bahay. Seryoso lang ang ekspresyon ng mukha niya ngunit nakakunot ang noo.
"Si Ate Raine po?" Pagtataka ko dahil wala siyang kasunod.
"Luluwas na daw sya pabalik."
"Ho? Magpapaalam po muna ako," wika ko. Sumunod naman si Tonton sa akin palabas ng maliit at kinakalawang namin na gate.
Kapapasok lang ni Ate Raine sa kotse niya nang naglakas-loob akong tawagin siya.
"Eka, sorry, I thought hindi na kayo lalabas," saad ni Ate sa akin nang lumabas muling kotse. Tinignan niya si Tonton. Dahan-dahan siyang lumuhod upang mapantayan ang tangkad nito. "Hi, Tonton, naaalala mo pa ba ako?"
"Siyempre naman ho! Ikaw 'yung magandang donor ko, eh."
Sabay kaming napatawa sa pambobola ng kapatid ko. Pero totoo naman na maganda si Ate Raine, medyo nakikita ko na nga ang pagkahawig ng mata at ilong nila ni Ralph.
"Ate Raine, aalis ka na agad? Ayaw mo po muna magmeryenda?"
"Thank you, Eka. But I remembered, I have some paper works to finish pa. I'm really sorry, hindi na kita masasabayan going back to Manila."
"Naku, wala po 'yon. Sobrang thank you ko na nga po dahil sa mga tulong niyo."
Napalingon si Ate sa trunk ng kotse niya. "Don't worry, Eka. I'll give those to you once you got back sa Manila. Para sa inyo talaga 'to, so ikaw na bahala kung anong gagawin mo, 'kay?"
Parehas kaming nagulat nang bigla siyang yakapin ni Tonton. "Maraming salamat sa pagtulong, Ate. Hindi ka lang maganda, mabait ka pa!"
"You know, Ton, bata ka pa lang pero bolero ka na, ha?" Sagot ni Ate Raine sa papuri ni Tonton sa kanya.
Napangiti ako. Kahit napakakulit ni Tonton, hindi maikakailang sweet siyang magpahayag ng appreciation sa mga tao. Kahit hindi niya man lang nakilala si Mama ay maayos pa rin ang pagpapalaki sa amin ni Papa.
Nauna nang pumasok si Tonton sa loob ng bahay pagkatapos. Sinabi ko kasing hihintayin ko na makaalis ang sasakyan ni Ate Raine. Bago niya buksan ang pinto ng sasakyan ay may pahabol pa na tanong sa akin si Ate. "Do you know what happened to your mother?"
"P-po?" Pagtataka ko. Hindi ko alam kung bakit bumukas ang usapan ukol kay Mama.
"I mean, hindi ko kasi nakikilala pa ang mom mo. 'Asan nga ba siya?"
"Wala na po si Mama. Bata pa ako nang mamatay siya. Hindi na nga siya nakilala ni Tonton."
"I'm sorry, Eka." Hinimas niya ang balikat ko. "So, your mother died after she gave birth to Tonton?"
Tumango ako. "Kaya po si Papa at mga Lolo't Lola na rin ang ang palaki sa amin."
"It must be hard... Do you miss her?"
Malungkot akong napangiti habang inaalala kung paano ako hagkan ni Mama noong bata pa ako. "Wala pong araw na hindi."
"You're really strong, Eka. I hope you know that. If I was at your situation baka makulong ako sa depression. But I can see that you're very resilient. Siguro nagmana ka sa mom mo."
Ngumiti lamang ako sa magagandang salita ni Ate Raine. Ngayon lang din ako nakakilala ng taong gaya niya na kahit mayaman ay hindi matapobre. Bukal pa sa puso niya ang pagtulong. Hindi ko nga akalain na may tao pa pala talagang tulad niya. Iba kasi ang mga kwento sa akin ni Papa tungkol sa Maynila, lagi niyang sinasabi na kakaibang uri ng tao ang makakasalamuha ko, mga taong walang-puso.
"Alonzo..." Napatingin si Ate Raine sa nakaukit na apelyido sa gate namin. "Is this your grandparent's or..."
"Yes po, Ate. Dito na rin lumaki si Mama. Sa kanila talaga 'tong bahay. Pero dahil wala na rin namang ibang kamag-anak, kay Papa na ipinamana ni Lolo ang bahay't lupa."
"I see... I thought the house is from your father's side. I accidentally saw kasi sa hospital forms that your dad has a different surname from the two of you."
"Medyo nakakalito po talaga. Noong bata po ako ay 'yung apelyido pa talaga ni Papa ang gamit ko. Ngunit may nangyari po ata sa trabaho niya sa Maynila noon na naging sanhi ng pagpapalit namin ng apelyido. Kaya po 'yung middle name na lang ni Papa ang pinagamit sa amin ni Tonton."
"You know, I know few lawyers na Quisumbing. Baka you're related," pagbibiro niya bago tuluyang nagpaalam paalis.
♣♦♥♠
Pagkaalis ni Ate Raine ay tahimik na muli sa bahay. Ni hindi ko man lang matanong si Papa bakit pilit niyang tinatanggihan ang pagiging bukal ng kalooban ni Ate Raine. Lalo na sa pag-alok niya ng tulong para kasuhan ang mga naniningil ng utang na matagal nang naayos. Natatakot lang din ako na baka magkaroon na rin ng pagbabanta sa buhay namin.
Tanging tunog lang ng kubyertos ang umaalingawngaw sa kusina. Katatapos lang namin kumain at bumalik na si Tonton sa kwarto upang manood sa TV. Samantalang tinutulungan ko si Papa sa pagliligpit. "Pa, ako na po dito. Ako na din maghuhugas ng pinggan."
"Erica, anak... Pwede maupo ka muna?"
Nagtaka ako sa biglang pagseseryoso ni Papa. Umupo ako at iniharap siya na umupo din sa tabi ko. Pinagmasdan ko ang kamay niya na halatang pagod na rin kakakayod. Pansin kong umitim ang balat niya kumpara dati noong bago pa ako tumuntong ng kolehiyo. Ang buhok niya na bagama'y maayos ang gupit ay lumalabas na rin ang mga puti-puti. Napagtanto kong hindi na bumabata si Papa at balang-araw ay ako na lang ang aasahan ng pamilya namin.
"Bakit ho, Pa?"
"Sana hindi kinasama ng loob mo ang pagtanggi ko kay Atty. Real. Hindi sa ayaw kong tumanggap ng tulong. Subalit hindi lang talaga mapanatag ang loob ko na baka sa dulo ay singilin niya tayo ng utang na loob. Ayoko ko lang na isumbat niya 'yon sa atin. Mahirap makipagkasundo sa mga abogado. Hindi sila patas lumaban."
Napaisip ako kung saan puwedeng nakuha ni Papa ang ganoong pag-iisip. Paano niya naramdaman agad na may iba pang intensyon si Ate Raine?
"Nag-aalala lang ako, Pa. Paano kung isang araw, pagkauwi ko ay hindi na kayo ang nakatira dito sa bahay? Alam kong wala tayong pambayad sa ganoon kalaking utang. Maintenance pa lang ho ni Tonton hindi na kasya sa kinikita ko." Sinubukan kong itago ang pagkagaralgal ng boses ko. Namimilipit na naman ang lalamunan ko.
"Nag-apply ako sa agency."
Napataas ang aking kilay. "Ho?"
"Para sa mga gustong mag-OFW. Hindi pa naman sigurado. Wala pang tumatawag sa akin."
"Aalis kayo ng bansa? Paano si Tonton? Paano kami?"
"Mas mabilis tayong makakaipon kung sa ibang bansa ako magtatrabaho, anak. Isa pa, kauusapin ko si Aling Tina para bantayan si Tonton."
"So, ipagkakatiwala mo si Tonton sa kapitbahay? Hindi po pwede 'yun, Pa. Kung aalis kayo, babalik ako dito para may kasama si Ton."
"Hindi pwede. Kailangan mong makapagtapos. Dalawang taon na lang naman, Eka. Pagkatapos ay sige, maaari kang bumalik dito kung gusto mo ditong magtrabaho. Pero kailangan mong makapagtapos ng pag-aaral. Alam mo naman 'yan ang pinakaimportante sa'kin. Ang makita kayong dalawa ng kapatid mo na graduate ng kolehiyo."
Napasalumbaba ako sa mesa at hinilamos ang aking mukha. "A-ako na lang po. Ako na lang ang mangingibang-bansa. Panigurado mas maraming gustong kumuha sa'kin dahil bata pa ako. Puwede naman akong bumalik sa pag-aaral kapag nakaipon na. Dumito na lang kayo kasama si Tonton. Kasi sa totoo lang, Pa, hindi ko ata kayang makitang pati ba naman ikaw ay mawalay kay Tonton, hindi na nga niya nakilala si Mama. Pati ikaw, hindi mo masasaksihan ang paglaki niya." Lumabas na rin ang luhang kanina ko pa tinatago.
Nagulat ako nang hilahin ako ni Papa upang yakapin. Hinagod nito ang buhok ko at ramdam kong pati siya ay umiiyak na rin. Simula nang mangulila kami kay Mama ay kinatakutan ko na ang mawala si Papa sa amin. At ngayong may posibilidad na mapalayo siya sa amin, mas lalo akong hinihila ng katakutan. Isa pa, kahit hindi siya nagrereklamo ay alam kong pagod na siya. Kaya mas mabuting ako na lang. Dapat ako naman.
----------
A/N: It's been three months since my last update. Masyado lang nabusy sa life. Maraming salamat sa paghihintay. I'll try my best to publish a new chapter next weekend.
Happy October!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top