Chapter 35 • The Heroine
SA BUONG BUHAY KO, limang beses pa lang ata ako nakakapuntang coffee shop. Hindi naman kasi ako mahilig sa kape dahil madalas akong kinakabahan kapag umiinom nito. Isa pa, laging sumasakit ang ulo ko sa kape. Kaya't kahit sa anong brand o coffee shop pa manggaling ang kape ay hindi ako sanay inumin.
Ngayon ay nakatuntong muli ako sa sikat na coffee shop. Kahit saang branch ata ay palaging mahaba ang pila rito. Kaya hindi na ako nagtaka nang makitang hanggang labas ang pila ngayon. Sakto kasi sa pagdating ng mga nagtatrabaho sa opisina na hindi ata mabubuhay kung hindi makakainom ng kape sa umaga.
Halos kalahating oras ata akong pumila at naghintay na maibigay ang order. Nagmamadali akong bumalik sa studio dahil malinaw ang pagkakasabi ni Janaya na kailangan ay may dala na akong kape after five minutes, na halata namang napakahirap masunod. Mukhang malaki ang galit niya sa akin dahil nakalimutan kong isulat sa kalendaryo ko na may schedule siya ngayong umaga. Pero wala akong maalala na may sinabi siya.
Pagkabalik sa dressing room ay wala na si Janaya, maging ang hair and make-up stylist niya na nagpabili rin ng iced americano. Tanging si Ralph lang na nakaupo sa sofa ang nasa loob ng kwarto. Nakayuko siya at tila malalim ang iniisip.
Nang mapansin niya ako ay agad siyang tumayo upang lapitan ako. Magaan ang pakiramdam ko kay Ralph ngayon subalit kada naaalala ko ang mga sinabi ni Claire kahapon ay nakokonsensya akong lapitan pa siya.
"B-bigay ko lang kay Janaya sa set." Pagtukoy ko sa dalawang to go na kape na nasa kamay ko.
Mabilis na hinawakan ni Ralph ang palapulsuan ko upang pigilan ako. "Wait... Let's talk first."
Bumilis muli ang tibok ng puso ko. Malapit na naman si Ralph sa'kin at hinahawakan ako. Ngayon, hindi na siya amoy alak at sigarilyo. Katunayan, kaaya-aya ang amoy niya, maayos ang pagkakapusod ng mahaba niyang buhok, at tila inahit niya ang namumuong balbas sa pisngi at baba niya.
"B-baka magalit na naman si Janaya. Kailangan niya 'tong kape." Sinubukan kong gamitin si Janaya baka sakaling kaawaan ako ni Ralph at pakawalan. Ang totoo ay hindi pa ako handa na mag-usap.
Parehas naman naming alam kung ano 'yung tinutukoy niyang dapat namin pag-usapan. Pero hanggang ngayon ay wala pa rin akong maibigay na sagot.
Kinuha niya ang kape sa kamay ko at nilapag sa ibabaw. "I don't care. She won't care. She's already busy thinking what pose she would do in front of the camera."
Pinadulas niya ang dalawang kamay sa leeg ko paakyat upang mahaplos ang ibabang bahagi ng pisngi ko.
Natrap ako ni Ralph.
Halos nanigas ako dahil hindi ko alam ang gagawin. Hindi ako komportable sa mga tingin niya. Hindi sa hindi ko nagugustuhan pero hindi lang siguro ako sanay. Masyado na niyang pinapakita ang pagiging romantiko niya. I might even say he's being clingy.
"Why did you cut your hair?" Ngayon ay nilalaro niya sa kamay ang buhok ko na dumadampi sa leeg ko.
"Uhm..." Hindi ako mapakali. Hindi ko alam kung bakit biglang nanginginig ang bibig ko. "'Yung katabi kasi ni Tonton sa ward kailangan ng hair donor para sa wig niya. Eh, mahaba naman ang buhok ko 'tsaka..."
Hindi ko natapos ang sasabihin dahil bigla akong hinalikan ni Ralph. Alam kong kanina pa siya nagpapahiwatig. Kakaiba ang bawat kilos ng kamay at kumpas ng mga mata niya sa akin. Panibago sa akin ang hubad na labi ni Ralph. Walang bahid ng alak o sigarilyo akong naamoy. Katunayan, para siyang bagong mumog ng bubblegum flavored na mouthwash.
Gustong gumalaw ng labi niya pero hindi ko alam kung paano gagalawin ang sa'kin. Parang may kung anong pwersa ang pumipigil na pagbigyan ang gusto niyang gawin. Inaamin kong matagal kong hinintay ang halik niya pero ngayon ay gusto siyang layuan ng katawan ko. Dapat nga'y pabor sa akin ang ginagawa niya dahil gusto ko siya, gusto kong gawin niya 'to, gusto kong mas maging malapit pa kami, subalit iba ang sinisigaw ng katawan ko.
Naging agresibo ang haplos ni Ralph. Kung kanina'y nasa pagitan lang ng pisngi ko ang kamay niya, sa pagkakataong 'to ay naglalaro paibaba ang mga daliri niya. Nang maramdaman ko ang hawak niya sa hita ko ay agad akong napapitik at tinulak siya palayo.
Napayuko lamang ako. Iba pa rin ang pakiramdam ko kapag may ibang kamay na humahaplos sa hita ko, lalo na malapit sa lugar kung saan ako binastos.
Para akong yelo. Nakatigil lang at hindi maigalaw maski daliri sa paa ko. Hindi naman gagawin 'to ni Ralph kung wala siyang nararamdaman sa akin, diba? Pero alam niya ang nangyari kahapon, alam niya kung paano ako natrauma. Bakit niya pa rin ginawa?
"Shit," rinig kong mura ni Ralph. Bakas sa mga kilos niya ang pagsisisi. Tumalikod ito sa akin at binaon ang mukha sa mga kamay.
Sakto na bumukas ang pinto. Pumasok si Janaya at ang stylist niya. Pinabalik-balik ni Janaya sa amin ang tingin at saka binitawan ang kakaibang ngisi. "Erica, nakabili kang coffee?"
Mabilis akong gumalaw sa hudyat ng boses ni Janaya at iniabot ang dalawang mainit na kape na nasa disposable cup. Nagpasalamat siya bago umupo sa tapat ng salamin upang ayusan siya ng panibagong hairstyle at make-up.
Ngayong walang nagsasalita ay mas lalo kong nadama kung gaano kailang ang sitwasyon. Nakatayo lang ako sa gitna, sa pagitan ni Janaya na pinagmamasdan ako sa repleksyon ng kanyang salamin na napapalibutan ng ilaw at ni Ralph na nakaupo ngayon sa tapat na sofa. Pakiramdam ko ay pinagkakaisahan nila akong dalawa. Kung ano-ano na naman ang pumapasok sa isip ko, masyado akong nag-ooverthink. Isa ito sa mga ugali ko na kailangan kong iwasan, ayon kay Heidi.
"So, Ralph, I am invited to this gala-ball Friday evening, and I am thinking that you can be my plus one. This would be a good exposure to me since I can meet other celebrities. Mas tataas ang chance ko for more guesting sa malalaking network. What do you think?" There's jolliness on her voice. Mukhang importante sa kanya ang naturang event.
"The answer is no, Jana. You know that shit's not my thing." Bakas sa tono ni Ralph ang pagkainis niya. Hindi ko alam dahil ba sa nangyari five minutes ago, sa sinabi ni Janaya, o may iba pa.
"I thought babawi ka? Heck, you left me with Adrian kahapon!"
Mukhang may iba pang alitan sina Ralph at Janaya dahil maging siya ay napatayo na sa kinauupuan upang harapin si Ralph. Pansin kong parehas kami ng stylist niya na hindi alam ang gagawin. Pakiramdam ko ay hindi kami nararapat dito ngayon.
"Uh... Janaya, labas muna ako."
"No. You should stay, Erica, and tell him that he should come with me at the ball." She crossed her arms while her eyes are still glaring at Ralph.
"Don't manipulate her, Jana."
"My parents expected you to be there, Ralph. I expected you having dinner with us. Pero pinadala mo ang pinakagago mong kaibigan." Padabog na umupo si Janaya.
Nakonsensya ako bigla. Ako ang may dahilan kung bakit hindi natupad ni Ralph ang pangako niya kay Janaya kahapon. Kaya dapat kong mapapayag si Ralph. Kapag pumayag siya mawawala ang konsensya ko.... Sana.
"T-tama si Janaya, Ralph. Tingin ko mas okay kung sasamahan mo si Janaya. At least mas magiging komportable ang pakiramdam niya dahil ando'n ka," ani ko kay Ralph.
May bahid ng pagsang-ayon ang binahaging ngiti sa'kin ni Janaya. "See? Even Erica agrees with me. You need to make up since you stood me up."
Malakas na bumuntong hininga si Ralph. "I am sorry, Jana. You know how much I hate those kinds of events. I will do your next favor, just not this one."
"Why? There's booze. Hindi ka mabobored. Unless, you have other plans on Friday evening?" Pinabalik-balik muli ni Janaya ang tingin sa'min dalawa ni Ralph. Agad kong iniwasan ang pangmamata niya.
Rinig ko ang pagsagot ni Ralph, "I don't know. I could be spontaneous."
"Then, attend this one! For me, please!" Ngayon ko lang narinig ang desperadang boses ni Janaya. Napalitan ng lungkot ang mata niya nang umiling si Ralph at magpaumanhin muli. Nilingon niya ako. "Erica, tapos mo na 'yung readings ko? Did you write my reflection already?"
Oo, ako ang pinapagawa ni Janaya ng mga pinapagawa sa kanya ng mga professor para makapasa siya sa first term ng semester dahil wala namang pagkukuhanan ng prelim grades niya. At oo, pumayag ako. Pagdating sa'kin ay napaka-intimidating niya kaya't hindi ako makahindi.
"Balak ko sanang tapusin 'yung pangalawang journal mamaya sa library."
"What? One journal pa lang ang nababasa ko? That's not my pace, Erica."
Sumingit si Ralph sa usapan. "Jana, what are you doing?"
"I am asking her to do her job."
"That's not her job."
"S-sige, susubukan kong tapusin 'yung tatlong journals mamayang gabi. Mag-stay na lang ako sa library hanggang gabi," saad ko sa pag-aakalang matatapos ang sagutan nila pero mas pinalaki ko pa ata ang apoy.
"Thanks, Erica. You're really reliable." Tila nagpaparinig pa siya kay Ralph dahil sa pagdiin niya sa huling salita. Tumayo si Janaya upang magpalit ng outfit sa likod ng fordable divider. Kasama niya ang stylist at isa pang babae na kapapasok lang din dala ang panibagong outfit para sa photoshoot.
"You're her P.A., hindi tagagawa ng assignment. Bakit pumayag ka?" Halos pabulong na sabi ni Ralph.
"Ngayon lang naman 'to. Masyadong hectic ang schedule niya," sagot ko.
"Then how about your schedule? You're tutoring, you have acads, tapos eto pa. When are you gonna say no?"
"Ewan ko, Ralph! Siguro kapag hindi ko na problema ang pera?"
"Bakit ka ba kasi pumayag to work for her?"
"Bakit nga ba, Ralph?" Hinarap ko siya, mata sa mata. "Siguro dahil nawalan ako ng trabaho. Siguro dahil ang hirap makahanap ng bagong trabaho lalo na't nasisante ako dahil panay ang absent ko, dahil tamad ako, hindi ko natatapos ang shifts ko. Baka dahil ito lang ang trabaho na lumapit sa'kin at tumanggap sa'kin."
Nang makita ang luha sa pisngi ko ay akmang yayakapin na ako ni Ralph kung hindi lang lumabas si Janaya suot ang revealing niyang damit. Nakaitim na bodysuit tube ito samantalang ang ibabang parte ng katawan ay natatakpan ng fishnet stockings. Tinaas niya ang mga kamay upang maisuot ng stylist ang red trench nang maayos.
Pinagmasdan ko ang mata ni Ralph na gumagala sa katawan ni Janaya—specifically sa high cut bodysuit nito. Hindi ko naman siya masisisi dahil tunay na nakakaakit ang katawan niya. Para siyang pinanganak upang maging model, tila nakahulma na agad ang buong tadhana niya.
Ramdam ko ang paninikip ng dibdib ko. Ramdam ko ang pagiging insecure sa sarili kong katawan.
Ralph would never look at me like that because I will never look like that.
Sa loob ng limang segundo ay nalimutan ni Ralph na papagaanin niya dapat ang loob ko. Subalit sa inakto niya ay mas lalo ko lang gustong umiyak.
Tumakbo ako palabas. Hindi na pumasok sa isip ko kung magtataka sila. Kailangan ko lang muna mapag-isa ngayon.
♣♦♥♠
WALA NANG MASYADONG TAO sa library ngayong alas otso y media na kaya't konting imik ko lang ay mag-eecho na sa buong silid. Ngunit kahit ano pang pigil ko ay gusto ko na talagang bumahing. Expected ko na magtitinginan sa'kin ang apat pang mga estudyante ngayon sa library, kasama na si Ethan do'n.
"Bless you," nakangiting bati niya sa'kin. Kaharap ko siya ngayon sa lamesa habang sinasagutan niya ang activity nila kanina sa Physics na hindi niya sinagutan dahil hindi niya raw alam kung paano.
Samantalang ako ay tinatapos basahin ang journal para sa reflection paper na kailangang tapos na ni Janaya bukas, dahil ito raw ang pace niya.
Dapat ay hanggang seven ko lang tuturuan ngayon si Ethan ngunit nagpumilit siya na samahan pa ako nang malaman niyang magpapaiwan ako hanggang alas nuebe ng gabi. Wala naman daw siyang iba pang gagawin at kung uuwi agad siya ay paniguradong maglalaro lang daw siya ng videogames. Hindi naman ako nagreklamo pa dahil masaya ding may kasama habang nag-aaral. Isa pa, nakakatakot dito sa library tuwing gabi.
"Do you have any schedule on Saturday?" Biglaang tanong ni Ethan.
"Sabado?" Napaisip pa ako. Kinuha ko ang notebook kung saan nakalagay ang schedule ni Janaya at tinignan ang mga posibleng oras kung kailan niya ako kailangan.
"If you're busy then, okay lang."
"Libre ako after lunch. Bakit? Kailangan mo pa ng tulong sa inertia?"
"No, no." Mabilis itong umiling. "I have a cousin that might need your help. Naghahanap kasi 'yung tita ko ng Filipino tutor sa anak niya. If you want extra money... But I'm not being offensive. I just want to help."
Napakunot ako ng noo dahil tila naaligaga si Ethan. Para maging komportable ay nginitian ko siya. "Sige. Pwede naman. Sabihan mo lang ako."
"Great!" Lumawak ang ngiti niya. "Ibibigay ko sa tita ko 'yung number mo, you don't mind naman, diba?"
"Hindi. Sige, ayos lang. Salamat din, kailangan ko talaga ng pera."
"Yes. You've mentioned. 'Yung kapatid mo, right?"
Tumango ako. Bukod sa maintenance ni Tonton, mas malaking problema pa ang naniningil ng utang ni Lolo. Kinamusta ko si Papa kanina sa telepono, sinabi niyang huwag ko nang isipin pa 'yon. Pero alam ko ang katotohanan sa bawat salitang sinambit niya. Iyon din ang sinabi niya nang napilit niya akong bumalik dito sa Maynila—na pag-aaral ko lang muna ang bigyan kong pokus. Pero paano ko nga ba magagawa 'yon kung alam kong patong-patong ang problema namin sa probinsya? Tapos si Papa lang ang nagdadala ng mga 'to.
Mabilis lumipas ang thirty minutes. Naglalakad na kami pababa ng building ni Ethan. May ilan din naman kaming kasabay na napagpasyahan nang umuwi dahil kung hindi ay sisitahin na sila ng guard. Hanggang alas dyis lang kasi pwede manatili ang mga estudyante sa university.
Tumigil kami sa bukana ng building.
"Saan ka nga pala umuuwi? Pwede kitang ihatid."
Oo nga pala, may sarili siyang kotse.
"Huwag na. Malapit lang naman 'yung dorm ko. Walking distance lang."
"Sige na. Para hindi naman sayang 'yung gas ng kotse ko."
Ngumiti ako sa pamimilit niya.
"Great! Sabi ko na hindi mo ako matitiis."
Nagitla ako nang akbayan niya ako. Nakaramdam ako ng paninikip sa bandang leeg ko.
"Oh, sorry." Agad niyang inalis ang kamay sa akin. "I should have asked for your permission. I'm sorry."
"A-ayos lang." Sinubukan kong pakalmahin ang paghinga ako.
"I guess masyado akong nagpakakomportable."
"Hindi. Ako ata ang may problema." Simula nung insidente sa bilyaran, parang natatakot na ako kapag may lalaking lumalapit sa akin. Minsa'y natitiis ko pa pero kung hahawakan nila ako ay parang gusto kong masuka dahil hindi ako makahinga.
"Don't say that. It's my fault. So, gusto mo pa rin bang sumabay?"
Mas lalo tuloy akong nakokonsensya. Kapag tinanggihan ko siya baka isipin niyang nagalit talaga ako sa ginawa niya.
Umoo ako sa kanya. Wala pang sampung minuto ay nasa tapat na kami ng dorm. Nagpasalamat ako bago ko tanggalin ang seatbelt.
"I should be the one thanking you. Malaking tulong 'yung pagtuturo mo sa'kin. I can really feel na magiging varsity na ako."
"Oo nga pala. Kumusta 'yung try outs mo?"
"May second try out pa bukas. Gusto mong manood? If you're not busy."
Masyado talagang straight to the point si Ethan. Minsan naiinggit ako sa kanya. I should be more like him. Hindi 'yung kinikimkim ko lang sa sarili ang lahat.
"May itututor pa ako bukas, eh. Pero try ko." Totoo naman ang sinabi ko. Hindi ko naman ayaw na sumama pero hindi rin kasi ako sanay na manood ng basketball. Kahit noon sa probinsya ay hindi ako nanonood ng liga.
Hindi ko inaasahan na lalabas din siya ng kotse pagkalabas ko. Nandito na kami sa tapat ng dorm.
"You're really nice, Erica." Sinsero ang ngiti niya. "I want to get to know you more... like, really know you more."
Hindi ko alam ang sasabihin. Ngayon pa lang may nag-compliment sa akin na ramdam kong walang bahid ng pagpapanggap. Napaiwas ako ng tingin kay Ethan hanggang sa tumama ang mata ko sa motor na nakaparada sa likod ng kotse niya.
Si Ralph. Pinagmamasdan niya lang kami. Kanina pa ba siya nandito?
Pansin kong napatingin din si Ethan sa kanya. "Sige, I'll get going," aniya.
"Salamat ulit!" Kumaway ako.
Nang makaandar ang kotse ni Ethan palayo ay saka lumapit si Ralph sa akin nang hindi inaalis ang mga titig niya na parang may ginawa akong masama. "So, you were with him?"
"Sinamahan niya ako sa library," sagot ko.
"Okay," aniya pero base sa tono, hindi siya sang-ayon sa sinabi ko. "And then?"
"Hinatid niya na ako---"
"I don't trust him."
"Ha?"
"His name rhymes with Satan."
Kinunotan ko siya ng noo. "Mabait si Ethan."
"Yeah? Gaano katagal mo na siyang kilala?"
"Ha?" Pagtataka kong muli. Sa loob-loob ko ay alam ko na ang pinapahiwatig ng sumisikot niyang tanong. Pero gusto kong makasiguro.
"So, what's his endgame?"
"Hindi ko alam. Hindi ko iniisip 'yan." Ang iniisip ko lang ay kung bakit 'yan ang iniisip niya.
"Then, I do." Dahan-dahan siyang lumapit sa'kin. "Don't worry, sooner or later magpapakita rin 'yan ng tunay na kulay."
Hindi ko siya inintindi. Para na siyang si Claire. Nakakairita.
"Aakyat na ako," paalam ko.
"Wait. I want to talk." Hinawakan niya ang palapulsuan ko upang pigilan umalis.
"Para ano? Pangaralan ako? Huwag kang mag-alala, araw-araw nang ginagawa ni Claire 'yan."
"That's not what I said. I am just saying na huwag kang magtiwala---"
"Dahil mabait siya sa'kin? Ibig niyo bang sabihin na lahat ng taong gusto akong kaibiganin ay may iba pang agenda? Ano ba? Gaano ba ako kinamumuhian ng mundo? Bakit parang wala nang gustong kumaibigan sa'kin na walang hinihinging kapalit?"
"What the heck are you saying? You know that's not true!"
"Puwes, ganyan ang nararamdaman ko. 'Yan ang pinapahiwatig niyo sa'kin. Na para bang hindi ko deserve ang atensyon na binibigay ng iba sa'kin."
Kita kong napasapo siya sa noo. "No. You deserve all of that. It's just that---Shit, I don't even know how to say this." Umiiwas ang mga mata niya, para bang nakatago sa kalsada at dumadaan na mga sasakyan ang nais niyang sabihin. "You know that I care, right? Ayoko lang na may nagte-take advantage ng kabaitan mo," saad niya at binalik ang tingin sa akin.
"Sige nga, Ralph. Bakit sa tingin mo tine-take advantage ako ni Ethan? Kung titignan nga ako itong sinusulit ang kabaitan niya kasi ako itong sakay-sakay ng kotse---"
"I don't want to see you riding his car! Ayokong makita ka with him, alone inside his stupid red lancer." Nagulat ako sa pasigaw niyang sagot, siguro dahil sa frustration sa hindi ko rin alam na dahilan.
Sinubukan kong kumalma dahil alam kong nagmumukha na kaming nag-aaway sa tingin ng mga taong dumadaan at tambay sa karindirya sa tapat.
Natigil ang tensyon sa pagitan namin nang tawagin ako ni Heidi mula sa kabilang kanto. Tinaas niya ang kamay upang kumaway sa'kin. Mukhang pauwi pa lang siya galing kung saan. Kahit naka-school uniform ay alam kong hindi sa university ang huli niyang pinuntahan.
Agad siyang tumawid papunta sa'min. "Uy, hinatid ka na naman ni Ralph?" pang-aasar niya na akala mong wala sa harap namin si Ralph. "Sa'n naman kayo galing? Nag-date kayo 'no?"
Malakas kong pinalo ang braso ni Heidi sa kahihiyan. Hindi niya ba nakita kung gaano kaseryoso sa usapan namin ni Ralph?
"Hindi. She was with somebody else. Napadaan lang ako. Sige, I'm gonna go." Halatang sinusubukan niyang iayon ang tono ng pananalita niya kay Heidi. Halata rin ang pagiging malamig nito.
"Ay, gano'n? Bye, Ralph. Ingat sa daan!" Pagpapaalam ni Heidi na akala mong close na talaga sila ni Ralph.
"Sino naman 'yang somebody else?" Nag-usisa na agad si Heidi kahit pa wala pang isang segundong nakaaalis si Ralph.
"Wala. 'Yung tinuturuan ko lang 'yon. Wala 'yon."
"Wala 'yon. Also known as may something sa aming dalawa pero ayokong ipaalam sayo dahil ayokong mahuli mo akong nangchi-cheat."
"Ano?" Napakunot ang noo ko. Bakit napunta sa cheating ang usapan namin?
"'Yan kasi ang madalas sabihin ng mga lalaki kapag nalaman ng jowa nila na may kasama silang babae. Either 'wala 'yon, magkaibigan lang kami no'n' or 'tropa lang ng kakilala ko.' Pero ang totoo ay nilalandi niya."
"Eh, wala naman talagang namamagitan sa'min ni Ethan."
"Ah, Ethan pala ang pangalan. Kaya pala nagseselos 'yung isa."
"Hindi siya nagseselos. Bakit naman siya magseselos? Wala namang kami."
Pero kung iisipin ang sinabi niya kanina, selos nga ba talaga 'yon?
Tumigil siya sa paglalakad sa hagdan at humarap sa'kin. "Akala ko ba didikitan niyo na ng sticker 'yang meron sa inyong dalawa? Ano? Hihintayin mo talaga mangyari lahat ng signs?"
"Hindi." Hinila ko si Heidi upang gumilid dahil may mga dumadaan pababa. "Hindi pa kami nakakapag-usap."
"So, kaya siya napadaan kuno kasi gusto ka niyang kausapin pero nakita ka niyang may kasamang ibang lalaki? Tsk, ang bad mo, Eka."
Hindi ko alam kung nang-aasar ba siya o hindi. Gano'n ba ako ka-inconsiderate? Siya nga 'tong hindi maalis ang tingin kay Janaya kahapon.
"Hindi naman 'yon 'yung intensyon ko. Nagkataon lang na hinatid ako ni Ethan. 'Tsaka hindi ko naman akalain na magpupunta si Ralph dito."
"Alam mo namang sign na 'yon na interesado talaga siya sayo, diba? Hindi naman siya magiging ampalaya kung trip-trip lang 'to."
"So, anong gagawin ko?"
"Gawin mo? Puntahan mo siya ngayon."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top