Chapter 32 • The Heroine

"I WANT THAT label kasi nagugustuhan na kita."

Paulit-ulit itong naglalaro sa utak ko na parang kanta ni Olivia Rodrigo.

Hindi ko alam kung ilang minuto na ang nakalilipas pero alam kong matagal siyang naghihintay sa sagot ko. Tila umakyat yata lahat ng dugo ko sa pisngi at ayokong makita ni Ralph na ganito ang itsura ko.

Nagtapat siya sa'kin pero hindi pa rin ako sigurado kung busilak ang damdamin niya. Ano bang mali sa'kin? Bakit hindi ako makapaniwala sa sinasabi ni Ralph? Samantalang ito naman ang gusto kong marinig para patunayang hindi ako nagdedelusyon; para hindi masaktan ang puso kong nag-aakala na ako lang ang may nararamdaman sa'ming dalawa.

Magkakasunod na katok ang gumambala sa akin. Sunod nito ay boses ng babae na nagmamadaling gumamit ng cr. Napagtanto kong ang tagal ko na palang nagtatago rito. Ayoko pa sanang lumabas dahil hindi pa ako handang makita si Ralph. Hindi ko alam ang tamang reaksyon. Hindi ko alam ang sasabihin ko.

Pagkalabas ko ay pansin ko na agad si Ralph na inaayos ang nasira kong bag. Nakaupo lang ito sa pahabang silya na gawa sa kahoy. Totoo bang nangyari ang sinabi niya kanina? O guni-guni ko lang iyon dahil sa dugong nawala sa'kin?

Iniangat niya ang ulo upang tignan ang mata ko hanggang sa bumaba sa hita ko kung saan puno na ng mantsa ang palda. Agad kong tinakip ang palad sa kanang hita upang hindi nito makita ang bakas ng dugo. Kahit pa alam kong kahit anong takip ko ay wala namang magagawa.

"Kaya mo bang maglakad? I can get a wheelchair."

"Huwag na. Ayos lang ako." Sinubukan ko siyang ngitian.

"Ihahatid na kita sa dorm." Isinabit niya ang bag sa katawan. Hindi ko mawari kung paano niya naayos ito.

Hindi ko na siya pinigilan at tumango na lamang. Inilapat niya ang palad sa likod ko. Nakaramdam ako ng pag-init sa buong katawan dahil sa hawak niya. Siguro nga'y tunay na nagmamalasakit si Ralph para sa akin. Pinapakita niyang totoo ang sinabi niya kanina. Siguro nga'y hindi lang ito imahinasyon.

Nakakadalawang hakbang pa lang kami sa hagdan ay tumigil na ako sa paglalakad. "Salamat, Ralph." Hindi ko alam kung bakit biglang nagtubig ang mata ko. Gusto ko siyang pasalamatan hindi lang sa ginawa niya ngayon kundi sa pagiging tapat niya sa akin kanina. Siguro'y nakaramdam ako ng kahihiyan dahil hindi ako makaamin pabalik sa kanya.

Tinitigan niya lang ang mga mata ko, tila hinihintay na may pumatak na luha rito. "You should never be in a place like this. Hindi 'to tulad sa Samael's. There are no rules here. Walang security na magtatanggol sayo. Bakit ba ikaw ang napagdiskitahan ng mga gagong 'yon?"

Sasagot na sana ako nang may narinig akong nag-excuse sa likod namin. May magbabarkadang estudyante ang pababa kaya't agad akong gumilid palayo kay Ralph. Nang makaalis sila sa harap namin ay pansin kong sa akin pa rin nakalapat ang tingin ni Ralph.

"G-gusto mong mag-usap sa ibang lugar?" Hindi ako makapaniwalang ako na ang nag-aaya sa kanya.

"No. Ihahatid na kita sa dorm mo. Magpahinga ka muna."

Sabay kaming naglakad pababa upang iwanan ang magulo at maingay na bilyaran. Gumaan ang pakiramdam ko dahil hindi ko kailangang harapin ang damdamin ko ngayon.

Nang makababa kami sa karindirya ay hindi ko inaasahan ang makikita ko sa pila. Hindi makapaniwala si Claire sa nakikita niya ngayon. Katatapos niya lang magbayad sa cashier at hawak-hawak nito sa isang kamay ang plastik na supot na sa tingin ko'y naglalaman ng hapunan namin mamaya.

Mabilis niya akong hinila palayo kay Ralph. "Eka, ba't kasama mo si Ralph? Bakit galing ka sa taas?" May kirot sa tono ng pananalita ni Claire marahil siguro sa pagkadismaya niya sa akin. Sinabi ko sa kanyang hindi na ako nakikipag-usap kay Ralph, pero heto ang masasaksihan niya. "Akala ko ba hindi mo na siya kinakausap?!"

Pansin kong pinagtitinginan kami ng ilang taong kumakain.

"Claire, sa dorm na lang natin pag-usapan 'to." Hinila ko siya palabas subalit inalis niya ang kamay ko sa bisig niya.

"Ngayon naman inaaya mo na ang kaibigan kong magsugal?" Nakaharap na siya kay Ralph ngayon. "Bakit? Hindi ba successful ang pag-recruit mo sa kanya bilang drug dealer mo?"

"Claire!" Alam kong nakatingin na sa amin hindi lang customers maging ang mga tindera.

"Hindi mo ako kilala, Claire. So, don't talk shit about me." Pansin kong bumabalik ang paglalagablab sa mata ni Ralph.

"Sapat na ang nalalaman ko tungkol sayo upang malaman kung ano ang binabalak mo sa kaibigan ko." Mahigpit na hinawakan ni Claire ang bisig ko at hinila ako palayo. Ngunit muntik na akong matumba dahil hindi ako nakasunod nang maayos sa kanya gawa ng sugat ko sa hita.

"Anong nangyari sayo?" pag-aalalang tanong ni Claire. Ngayon lang niya napansin ang sugat ko.

Nakita kong aalalayan dapat ako ni Ralph nang iharang ni Claire ang sarili niya sa pagitan namin.

"Ano? Ginawa din ba 'yan ng gagong 'to?" Dinuro niya si Ralph kaya agad kong binaba ang daliri niya.

"Hindi. Tinulungan ako ni Ralph, okay?"

"So, kada napapahamak ka laging and'yan siya sa tabi para ipagtanggol ka? Parang hindi na ata 'yan coincidence lang." Pagpaparinig ang layunin ni Claire. Gusto niyang ipahiya si Ralph gamit ang matutulis niyang salita. Hindi ko alam ang gagawin ko kapag sinimulan siyang patulan ni Ralph.

Napatingin ako kay Ralph na matigas lang ang tingin sa aming dalawang magkaibigan. Nakasarado ang mga bibig niya at bakas sa panga nito ang pagkuyom ng ngipin niya.

Inilapag nito ang bag ko sa katabing bakanteng silya. "Here's your bag, Quisumbing." Malamig ang tono ng pananalita niya. "Mag-iingat ka palagi," huling saad niya bago ako lagpasan palabas ng establisyemento.

"See? Edi nahuli rin siya! Alam mo na ang plano niya," pasaring na naman ni Claire.

"Tama na, Claire, please. Hindi coincidence ang nangyari dahil ako mismo ang sumunod sa kanya dito!"

Hindi siya makapaniwala sa sinabi ko at saka umiling. "Isang buwan. Isang buwan mo pa lang siya kilala pero sa tingin mo lahat ng kabutihang pinapakita niya sayo ay totoo?"

"Ano pala ang totoo, Claire? Sige nga, kung lahat 'to kasinungalingan lang, ano ang totoo? Ha?" Hindi ko akalaing mangyayari ang araw na nakikipagsagutan ako kay Claire dahil sa isang lalaki. "Ang dami ko nang problema, kahit kapiranggot na kasiyahan sa puso ko parang pinagbabawalan mo pa?"

"Hindi na ikaw ang Erica na best friend ko. Alam mo kung bakit? Kasi 'yung best friend ko hindi magpapakatanga sa lalaking katulad ni Ralph." May bahid na ng pagkaka-utal ang boses niya maging ang mga mata niya ay nagpupumilit na pigilan ang luhang nagmamakaawang lumabas. "Wala na siyang pag-asa, Eka. Masasaktan ka lang sa dulo. Ayokong makita na naman sa mga mata mo ang kirot."

"Sanay na ako sa sakit, Claire. Pero ito---kung ano man 'tong pinaparamdam sa'kin ni Ralph ngayon, alam kong bago 'to."

Patuloy lang ang pag-iling niya tanda ng pagsalungat sa akin. "Hindi worth it si Ralph. Hindi siya deserving sa pagmamahal mo."

♣♦♥♠

Maayos na ang lagay ng sugat ko. Dinikitan ko lang ito ng dalawang magkapatong na band aid para hindi na maimpeksyunan. Katatapos lang namin kumain ng hapunan at halatang galit pa rin si Claire sa nangyari kanina. Pagkadating na pagkadating namin sa kwarto ay nakabibinging katahimikan ang pumailalim. Maging si Heidi ay naramdaman na may hidwaan na naman kaming magkaibigan.

Nagpalit ako ng pajamas at t-shirt. Kinuha ko ang mga photocopied ko na libro at yellow paper. "Akyat lang ako," mahina kong paalam sa kanila.

Hindi tumigil si Claire sa pagbabasa, nakatitig lang din siya sa libro niya. Samantalang si Heidi ay nagulat pero tumango rin naman, mukhang naintindihan niya kung saan ako pupunta. Ganito ang lagay namin ni Claire nu'ng mga nakaraang araw dahil hindi ko makayanan ang bigat sa paligid kapag nasa iisang kwarto kami.

Lumabas akong kwarto upang tumungo sa fifth floor nitong dorm. Ito ang pinakamataas na floor ng building kung saan din naroroon ang maliit na canteen. Tuwing gabi ay madalas may mga tumatambay na residente at gaya kong estudyante upang mag-aral. Wala na kasi masyadong kumakain dahil alas sais pa lang ng hapon ay ubos na ang paninda nila.

Presko sa canteen dahil open space ito. May silong lang na bubong upang hindi mabasa kapag umuulan. Rooftop kasi ito kaya't pwede ring mag-sightseeing sa traffic sa ibaba. Nagulat ako nang tumabi sa'kin si Heidi. Imbes na malungkot ay malaki ang ngiti niya. Binawi niya ito nang makita akong nakatitig lang sa kawalan.

"Bakit ba galit na naman 'yun? Nagpakita na naman ba si Ralph? Mortal enemy niya 'yun, e." Sinubukan niya akong patawanin subalit mabigat pa rin sa puso ko ang sinabi ni Claire kanina.

Hindi ba talaga worth it si Ralph?

Ipinasok ni Heidi ang mga binti sa pagitan ng mesa at silya. Hindi kasi ito normal na mesa na puwedeng galawin ang silyang uupuan. Gawa lang ang pahabang bangko sa kahoy ngunit mahirap mahila dahil sa bigat nito.

Inalis ko ang tingin sa mataas na building na dalawang kanto ata ang layo sa amin. Hinarap ko si Heidi. "May sumubok na manyakin ako kanina. Niligtas lang ako ni Ralph. Gusto kong ipaliwanag kay Claire 'yun pero hindi niya maintindihan."

"Hindi maintindihan o ayaw intindihin?"

Hindi ako nakasagot dahil parehas na naming alam ang nais kong sabihin.

"Kumusta ka? Kaya ka ba nagkasugat?"

Tumango lang ako. Ayoko na alalahanin ang nangyari kanina.

"Alam mo 'yung mga ganyang manyak, dapat talaga kinukulong, eh! Nagsumbong ba kayo sa pulis?"

Hinilot ko ang noo. "Ayoko na palalain ang sitwasyon." Gusto pang magpaliwanag ni Heidi pero pinigilan ko siya. "Okay na ako." Bahagya akong ngumiti. "Magiging okay din ako."

Walang nagsalita pa sa'min matapos. Bumalik ako sa pagbabasa ng mahahabang talata sa libro pero lahat naman ito ay hindi napoproseso ng utak ko. Ang tanging laman lang nito ngayon ay ang boses ni Claire na paulit-ulit na nagbababala sa akin. Bigla tuloy akong nakaramdam ng takot—takot na mawasak ang puso ko. Kahit naman sinabi kong sanay na ako sa sakit ay hindi ibigsabihin no'n hindi na ako naghahangad ng masayang wakas.

"So, galit si Claire kay Ralph dahil niligtas ka niya? Nasaan ang logic do'n? Hindi ba dapat magpasalamat siya kagaya ko? Ano na lang ang mangyayari sayo kung wala do'n si Ralph? Baka sa morge ka na namin datnan."

Napatigil ako sa pagbabasa at tinitigan siya.

"I mean... Alam mo naman ang point ko diba? Walang dahilan si Claire upang magalit sayo at mang-guilt trip ngayon."

"May dahilan naman siya, e. Tama siya. Hindi na ako ang dating best friend niya."

"Nagseselos lang siya dahil may bago kang kaibigan. Hindi ba part 'yon kung bakit kayo nakikipagsapalaran dito sa Maynila?"

Malungkot akong ngumiti.

"So, okay na pala ulit kayo ni Ralph?" Pagbabago niya ng usapan. "Kinakausap ka na niya ulit? O nagkataon lang na niligtas ka niya ulit?"

Hesitant pa ako na sabihin sa kanya ang buong kwento subalit nilahad ko na rin. Kahit papaano'y gumaan ang pasan-pasan ko. Napansin ata ni Heidi na nahihirapan akong makahinga nang papunta na ang kwento ko sa pagmamanyak sa'kin ng lalaki kaya't kumuha siya ng tubig upang ipainom sa akin.

"Hindi na kailangan detailed, Eka. Alam ko 'yang pakiramdam na 'yan. May isa na rin sa mga ex ko ang nag-take advantage sa'kin. Mahirap talagang takasan 'yan. Pero, andito lang ako, pati si Claire. Kahit naman 'di ka pinapansin no'n, I know mahal ka pa rin niya."

Napasalumbaba ako at napatingin na naman sa kawalan. Iniisip ko pa kung manghihingi ako ng love advice kay Heidi. Hindi ko kasi alam ang gagawin sa sitwasyon namin ni Ralph ngayon.

"May isa pa akong sasabihin," panimula ko. Napakunot ang noo ni Heidi sa'kin. "Pero mangako ka na sa'tin munang dalawa, okay?"

Tumango siya. "Bakit? Tungkol saan ba 'yan?"

Kinagat ko ang akong labi. "Si Ralph kasi... ano..." Malakas akong napabuntong-hinga. Parang ang hirap namang sabihin.

"Ano? Huwag mong sabihin na inlab ka sa kanya, ha? Alam ko na 'yan! Obvious na."

"H-hindi naman sa gano'n. Actually, hindi ko nga alam kung love ba 'tong nararamdaman ko o infatuation lang. Paano ba malalaman kung mahal mo na ang isang tao?"

Malaki ang ngiti ni Heidi at saka malakas na tumawa na siyang pinagtataka ko. "Kapag nagtatanong ka na sa'kin ng mga ganyan. Sure 'yan, na-fall ka na."

"Pero paano kung tama si Claire? Paano kung pinaglalaruan lang ako ni Ralph? Paano kung kasinungalingan lang ang lahat?"

"Sige nga, paano mo nasabing laro-laro lang kay Ralph 'yan?"

Dahil sinabi niya sa'kin. Dahil binantaan niya ako dati.

"A-alam ko lang. Dati kasi hindi naman siya nagseseryoso. N-ngayon niya nga lang nasabi na gusto niya ako—may nakaharang pa na pinto sa amin."

"What?!" Dahil sa sigaw ni Heidi ay sabay na tumingin ang dalawang lalaking estudyante sa tabi naming mesa na mukhang nag-aaral din. "Umamin siya sayo?!" Hindi ko alam kung kinikilig o galit si Heidi—masyado kasing malakas ang boses niya tapos malakas pang pinalo ang kamay ko. "Anong sabi mo 'te?"

Yumuko ako. "W-wala."

Pinalo niya ako ulit. Ngayo'y mukhang may kasamang inis na. "Nahihibang ka ba? Ba't wala kang sinabi? Naloloka ako sa'yo! 'Yun na 'yung chance mo, oh!"

Napakamot ako sa ulo. "Nasa loob kasi ako ng C.R. Tapos---ewan, hindi ko rin alam ang tamang sasabihin."

"Edi 'I like you, too.' Duh?"

"Inaya ko naman kasi siya na mag-usap na kaming dalawa lang. Pero sabi niya magpahinga muna ako. Ngayon, hindi ko alam kung dapat ko pa bang sumagot sa sinabi niya o ano. Hindi ko alam."

"Edi go with the flow lang. Umamin na siya sa'yo, for sure mas lalo ka na niyang pakikiligin." Hindi mawala ang malawak niyang ngiti. "I'm so proud of you, Eka! Nalamangan mo pa kami ng mga kaibigan ko."

"Tapos pala---gusto niya rin magkalabel."

Halos mahulog ang panga ni Heidi. Tumayo na 'to sa tapat ko at lumipat sa kanan ko bago niya ako mahigpit na yakapin. "Ganito ang gagawin mo, bakla. Bukas na bukas din kakausapin mo siya at aamin ka pabalik, okay? Omg—abay ako sa kasal niyo, ha?"

"Ganu'n lang? Aamin ako? Papayag ako sa label?"

"Bakit? Ayaw mo ba?"

Nagkibit-balikat ako. "Hindi ko alam."

"E, baka naman kaya hindi ka nakasagot kasi hindi ka pa talaga sigurado sa kanya."

"Paano kung hindi lang pala ako ang sinabihan niya no'n? Paano kung hindi lang ako ang babae na gusto niya, diba?"

"Bakit? May iba pa ba siyang nilalandi bukod sayo?"

Kumibit muli ang balikat ko. "Siguro. Kilala mo naman si Ralph."

"No. Hindi ko siya kilala, Eka. Ikaw ang may kakilala sa kanya. You've seen the worst and best in him, diba? 'Yung mga fake news ba na sinabi ko ay may laban sa ilang oras at araw na nakasama mo siya?"

Tama si Heidi. Mas ako ang nakakakilala kay Ralph. Kaya alam ko rin na babaero siya, na sexmates sila ni Meghan, na kaibigan niya si Janaya—at hindi imposibleng wala silang nakaraan.

"Paano naman si Claire? Baka mawala siya sa'kin kapag pinagpilitan ko 'yung mayroon sa'min ni Ralph."

"To be honest, Eka, kung talagang matalik mo na kaibigan si Claire, hindi ka niya pahihirapan. Go lang dapat siya sa desisyon mo sa buhay. Lalo na isa 'yan sa pinakamasayang feeling sa mundo."

"Ang mainlove?"

"Ang masuklian ang nararamdaman mo." Tumigil siya saglit. "Pero kung nagdadalawang-isip ka pa rin, balikan mo 'yung signs."

"'Yung signs na ginawa mo?"

"Oo, ano pa ba? Nabasa ko kasi 'to, kapag nag-ooverthink ka daw, idaan mo sa signs."

"Paano kung sampung taon na pero wala pa ring nangyayari na sign?"

"Edi sign na 'yon na tigilan mo na siya."

♣♦♥♠

Hindi ako nakapag-review nang ayos kagabi dahil iba ang laman ng isip ko: 'Yung mga sinabi ni Ralph, 'yung sinabi ni Claire, at ang signs ni Heidi. Kaya naman sobra ang kaba ko ngayong umaga. Panibagong quiz na naman sa Business Law at hindi ako kumpiyansa sa mga pumasok sa isip ko. Halos dalawang oras na nga lang akong natulog, hindi ko pa nagamit 'yung natirang oras sa pag-aaral nang ayos.

Iniisa-isa na ni Ms. Lo ang pagbibigay sa amin ng questionnaires. Dahil sa nangyari dati, bukod sa one seat apart na arrangement, sinisigurado pa niyang maraming sets na ang mga tanong. Tapos ay pinalagay niya pa ang mga bag namin sa unahan para tanging papel at ballpen lang ang nakikita niya.

Nasa kanan ko si Ralph. Hindi ako makapaniwalang pumasok siya. Ilang meetings na siyang absent kaya't hindi ko alam kung may maisasagot din ba siya sa mga tanong.

Mabilis ang pagpitik ng kamay ng orasan. Kalahating minuto na agad ang lumilipas at purong katahimikan pa rin ang naririnig ko. May maya't mayang padyak ng paa sa sahig, dampi ng ballpen sa mesa, o paghikab ng ilan kong kaklase na sa tingin ko'y suko na rin. Subalit kailangan ko pa ring lumaban. Kailangan kong makasiguro na masasagutan ko lahat ng tanong at dapat 85% ay tama. 'Yon ang lagi kong tinatarget para makasigurong hindi ako mawawalan ng scholarship.

Ilang saglit pa ay may pamilyar na tunog ang pumalibot sa kwarto. Nagsimulang magtinginan ang mga kaklase ko, tila nagtataka kung saan nangagaling ang tunog na sumasagabal sa amin. Maging si Ms. Lo ay hinahanap kung kaninong bag galing ang ringtone. Sinabi na kasi niya una pa lang na kailangan naka-turn off ang phone. Napakatradisyonal at istrikto niya kaya't lahat ay natatakot sa kanya.

Lahat kami ay hindi na nakapokus sa pagsasagot dahil pinapanood lang namin ang sunod na gagawin ni Ms. Lo. Talagang pinapakinggan niyang mabuti kung alin sa mga bag ang may lamang bukas na cellphone. Babalik na sana ako sa pagsagot nang may kuhanin itong bag at pinatong sa lamesa niya. "Whose bag is this?"

Bag ko 'yon. Ngunit hindi ako makapagsalita. Hindi ko alam ang mangyayari kapag umamin ako—streak two ko na 'to.

Sino ba kasi ang tumatawag nang ganito kaaga?

"So, walang aamin? I will either deduct 10 points each to your score or someone will take responsibility for their own mistake."

Ang mga nasa harap ay tumitingin na sa aming mga nasa likod. Puno ng pagmamakaawa ang mata nila. Gusto nilang may umako ng responsibilidad, gusto nilang malaman kung sino ang may-ari ng bag. Subalit hindi ko alam ang kahahantungan ko kapag umamin ako. Natatakot ako.

"That's mine."

Nanlaki ang mata ko nang tumayo si Ralph sa tabi ko. Kinuha niya ang blangkong test paper at pinasa sa harap.

"I really don't know what to do with you, Mr. Real. You know you're two absences away from being dropped, right?"

Tila lumabas lang sa kabilang tainga ang sinabi ni Ms. Lo kay Ralph. "Can I go now?" Kinuha niya ang brown bag ko na nakapatong sa mesa. He exchanged it with the test questionnaire on his other hand.

Hindi sumagot si Ms. Lo at hinayaan lang siyang umalis.

Minadali ko ang pagsagot. Hindi kaya ng konsensya ko na si Ralph na naman ang nagtanggol sa akin. Palagi na lang niya ito ginagawa kahit pa alam niyang siya ang mapaparusahan sa dulo.

Nang makalabas ako sa classroom ay nakaabang lang si Ralph sa hallway. Para siyang magulang na hinihintay ang kindergartner na anak niyang lumabas sa klase. Pansin kong hawak nito ang cellphone ko na tumutunog kanina. Pagkalapit ko sa kanya ay gusto ko siyang yakapin at pasalamatan sa ginawa kaso naalala kong maraming estudyante sa paligid at mahigpit na pinagbabawal ang PDA sa university.

"Pasensiya na kung napagalitan ka ni Ms. Lo dahil sa'kin."

"No worries. Isn't that my job or something?" Bahagya itong ngumiti, pinapagaan niya ang pakiramdam ko. "How is your leg?"

Naka-P.E. pants ako ngayon para komportable akong gumalaw. Sariwa pa rin ang sugat pero mukhang kaya naman ng dalawang band aid na pagalingin iyon nang hindi naiimpeksyunan.

"Ayos lang. Masakit pa rin."

"Ayos pero masakit? Which is which, Erica?"

Napilitan akong sabihin ang totoo. "Masakit pa talaga. Pero kaya ko namang maglakad kaya ayos lang talaga." Sinubukan ko siyang ngitian upang hindi gaano mag-alala sa'kin.

"Good." May nabuong kurba paitaas sa mga labi niya at palarong ginulo ang buhok ko.

"Sino pala 'yung tumawag?" Sinubukan kong silipin ang cellphone sa kanya na agad niya ring binigay pabalik sa'kin.

"It was Janaya. Hinahanap ka dahil she has a shooting at 9:00 am. I mentioned that you're taking a quiz."

Hindi ko inintindi ang ibang salita. Ang tumatak lang sa isip ko ay hinahanap ako ni Janaya ngayon.

"Shooting? Biglaan ba 'yun?" Agad kong kinuha ang notebook ko sa bag. Scratch book ko lang sana ito pero naging to-do-list na rin. Dito ko rin nilalagay ang schedule ni Janaya. "Wala naman siyang bilin. Sigurado ka ngayon daw?"

Hindi ako mapakali. Natatakot akong magalit si Janaya. Hindi pa ako nakakaunang sweldo sa kanya pero baka malaking disappointment na agad ang feedback niya sa akin.

Mabilis akong napaatras nang mapansin kong masyadong malapit ang distansya namin ni Ralph. Sunod kong tinignan ang cellphone at doon ko nakita ang sandamakmak na text at missed calls galing kay Janaya. Sinapo ko ang noo. "Sa tingin mo magagalit siya sa'kin?"

"Knowing her? Yes."

"Wala talaga akong alam. Wala naman siyang sinabi kagabi na may biglaang schedule pala. Ang meron lang ay 9:00 pm mamaya."

"Let's go. I told her we'll meet at the venue." Giniit ni Ralph ang kamay ko.

Mabilis akong tumango. Pakiramdam ko ay nasa adrenaline rush ako dahil hindi ako mapakali hangga't hindi ako nakakapunta kay Janaya.

Sana ay hindi niya ako patayin pagpunta ko do'n.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top