Chapter 31 • The Heroine

ISANG LINGGO NA rin simula nang i-hire ako ni Janaya. So far, madali lang naman ang mga inuutos niya sa akin. Tulad ng pag-aayos ng calendar niya para laging updated ang mga schedules at appointments niya—minsa'y pinapasama niya ako sa mga ito dahil wala ang manager niya. Ako na rin ang kumukuha ng take outs niyang kape o lunch tuwing sumasama ako sa mga 'yon. Siguro, 'yon lang talaga ang dahilan ng pagpapasama niya sa'kin.

Nauutusan niya rin akong magpunta sa dry cleaning at laundry shop nito lang weekend. Sa akin niya na rin binato ang trabaho niya bilang estudyante—well, ako lang naman kasi ang gumagawa ng mga readings at papers na kailangan niyang ipasa para maka-catch up siya ngayong semester.

Noong kinabukasan ng pagkikita namin sa restaurant ay pinapunta niya ako sa office ng manager niya upang pirmahan ang kontrata. Magiging personal assistant niya ako sa loob ng tatlong buwan muna—titignan niya daw muna kung magugustuhan niya ang trabaho ko. Pabor din naman sa'kin 'yon dahil mahirap din na mag-commit kay Janaya. Hanggang ngayon kasi'y may pag-aalinlangan pa rin sa utak ko. Parang may mas ilalala pa sa pinapakita niya sa akin ngayon.

Hindi magkamayaw sa tuwa si Heidi nang sabihin ko sa kanila ang balita. Hindi ko alam na fan pala siya ni Janaya at tagasubaybay ng reality show na kinabilangan niya. Ito pala ang lagi niyang pinapanood sa cellphone bukod sa mga Korean drama at Japanese animation.

"Oh my God! Alam mo ba kung gaano ka kaswerte, Eka?" Kinlig na saad niya sa'kin. Inuga pa nito ang magkabilang balikat ko.

"Kailangan mo sabihin sa'kin what is she like sa personal? Maganda ba talaga siya?"

Tumango ako. Ayaw nitong tanungin ang personality niya, baka alam na rin niya kung gaano ito kataray.

"Kailangan mo ako isama next time sa mga shooting niya!"

"Kung papayag siya."

"Pa-autograph ako, ha?"

Hindi ako nagsalita. Maliban sa kalahating tango ng ulo ko ay wala na akong sinagot.

"Omg, ipe-flex ko ito sa viber group chat!"

Naglalakad ako ngayon papunta sa coffee shop katapat ng gate 3 ng university. May panibago kasing estudyanteng tumawag sa'kin upang magpa-tutor, simula noong isang linggo ay dalawa na ang tumatawag sa'kin—subalit parehas silang nagpapagawa lang ng mahabang papers, sinabi ko naman na hindi ako basta gumagawa lang ng assignment ng iba dahil tinuturuan ko sila. Ayon tuloy, mukhang disappointed sila sa'kin kaya limang araw ring walang gumagambala sa cellphone ko—bukod kay Janaya, siyempre.

Tumunog ang wind chime na nakasabit sa pinto ng coffee shop. Mahirap hanapin sa napakalaking shop na ito ang taong kikitain ko. Puno kasi ng mga estudyante, hindi ko pa alam kung ano ang itsura niya. Sinabi nito na ang pangalan niya ay Ethan, subalit napakaraming lalaki dito na maaaring Ethan din ang pangalan.

"Erica Quisumbing?" May lalaking humarang sa akin. Matangkad ito at nakasuot ng P.E. uniform. Sa likod niya ay nakasabit ang string bag na sa tingin ko ay bola ang laman.

Hindi ko inaasahan ang itsura niya. Sa imagination ko ay hindi ganito kalinis ang mukha niya. Akala ko pa'y mas matanda sa'kin dahil 'yung dalawang tumawag sa'kin no'n ay nasa senior year na.

Maaliwalas ang ngiti ni Ethan. Wala siyang sakit pero nakakahawa ang ngiti niya. "I knew it was you," saad niya.

Kahit unang beses pa lang namin magkita ay para bang komportable na siya sa akin. Hindi siya tulad ng ibang tao na mahirap pakisamahan. Inaamin kong hindi ako magaling makipagkaibigan dahil sa taglay kong pagkamahiyain, pero palagay ko'y pwede kong maging bagong kaibigan si Ethan.

"Paano mo nalaman?"

"Hindi ba sinabi mo sa text? You're wearing eyeglasses and brown body bag." Tinuro niya ang sira at madumi kong bag. Pero hindi siya tulad ng iba na mapanghusga ang tingin. Hindi siya gaya ni Ralph na kada tinitignan akong suot ang bag ko ay para bang gusto niyang alisin sa'kin 'yon at itapon sa basurahan.

Umupo ako sa bakanteng upuan na nireserba niya. "Athlete ka?" Ako ang unang nagbukas ng usapan.

"Alin? Eto?" Tinuro niya ang nakasabit sa likod. "Susubok pa lang sa try-outs. Pero parang hindi naman ako matatanggap."

"Bakit naman? Wala ka bang tiwala sa sarili mo?"

"Do you want me to answer that honestly?" Tanong niya. Umiling ako. "Ilang beses ko nang narinig 'yan—self-confidence plus manifestation of positive feelings. Pero parang hindi ako ganu'n, e, gets mo?" Malakit pa rin ang ngiti niya. Hindi ko malaman ang dahilan bakit bigla siyang nag-oopen up sa akin. "By the way, anong gusto mong iorder?" Pansin kong may kinukuha na itong pera sa pitaka.

"H-hindi na. Okay lang ako. Pag-usapan na lang natin 'yung tungkol sa ipapatutor mo."

Tumango siya pero pinilit pa rin ako na umorder. Wala akong nagawa kung hindi tumingin sa menu at ibigay ang pangalan ng pinakamurang halaga na tinitinda nila—Iced Americano. Subalit nagulat ako nang dumating ang kape na puro. Hindi ko pinakita kay Ethan na hindi ko gusto ang iniinom. Mabuti at may doughnut siyang binili na siyang nilalabanan ang pait na nalalasahan ko kada humihigop ako sa plastic cup.

"Well, kahinaan ko talaga ang Math. That's why I am asking if you can tutor me on my Physics and Business Statistics subjects," pagpapaliwanag niya. "That would be a really big help especially my dad doesn't expect me to retake this semester for the second time. 'Tsaka, I want to prove na kaya kong pagsabayin ang acads at extra-curricular ko."

Tumango ako. Mukhang kaya naman ng utak ko ang mga subjects na ipapatulong niya. Pumayag din naman siya sa 100 per hour na session. Napagdesisyunan namin na dalawang oras lang kada araw at dalawang beses sa isang linggo ko siya tuturuan. Naipag-match din namin ang schedule ng isa't isa para hangga't maaari ay sa loob ng library ko siya matuturuan. Pero inamin kong maaaring mabago ang oras at araw dahil hindi ko rin mahuhulaan kung anong oras at araw totopakin si Janaya para utusan ako. Isa pa, hindi pare-parehas ang schedule niya sa isang linggo. Ang mahalaga'y ako ang nagpapanatili nito kaya't alam ko rin kung kailan ako libre.

Alas singko na nang matapos ang pag-uusap namin. Halos hindi ko na nga namalayan ang oras dahil sa kadaldalang taglay ni Ethan. Kung hindi siguro niya naalala na may try-outs siya ay hindi pa kami matatapos. Naghiwalay na kami ng daan dahil pabalik siya sa university samantalang napagdesisyunan kong umuwi na sa dorm upang magpahinga.

Nagpaalam ako kay Ethan sa huling pagkakataon bago tumama ang mata ko kay Ralph. Nasa kabilang kanto ito kasama si Adrian, parehas silang naninigarilyo sa gilid ng bangketa. Malayo si Ralph pero hagip ko ang mga tingin niya sa akin. Nakatingin nga ba siya o sadyang malabo lang ang paningin ko?

Tumalikod ako at hindi na lang pinansin. Sakto naman na tumunog ang hawak-hawak kong cellphone. Umakyat sa kamay ko ang kaba nang makita ang pangalan ni Janaya sa screen.

"Hello?" Agad kong sagot. Iniisip ko kung may schedule ba siya ngayon na dapat akong kasama pero alam ko ay bukas pa ng gabi 'yon.

"Hi, Erica. Why aren't you answering your phone?"

"Uh..." Hindi ko alam ang isasagot sa kanya. Wala naman siyang missed call kaya hindi ko alam kung saan nanggagaling ang mga sinasabi niya.

"Whatever. Are you still in school ba? Could you please tell Ralph na he agreed na samahan ako later sa dinner ko with my parents? Baka lang kasi nakakalimutan niya because he's not answering his phone too. Or are you with him?"

Napatingin ako sa gawi nila Ralph. Pansin kong nag-iwan lang ito ng pera sa tindero ng sigarilyo bago sila pumasok sa loob ng paborito kong karindirya. Pero hindi lang basta kainan ang mayroon sa loob dahil ang taas nito ay sikat na bilyaran para sa mga estudyante.

"Hindi ko alam kung nasaan siya, e."

"Really? Alright, maybe he's on the way."

Bigla akong mahigpit na napakapit sa cellphone. Nagsinungaling ako sa kanya dahil lang ayokong makausap si Ralph. Pero alam kong malungkot ang boses ni Janaya. Paano kung maghintay siya sa wala?

Binaba na nito ang tawag matapos magpaalam. Wala akong nagawa dahil ang konsensya ko ang nanalo. Ayokong maging dahilan ng pag-aaway nilang dalawa. Bakit ba kasi hindi sinasagot ni Ralph ang tawag niya?

Malakas akong bumuntong hininga bago tumawid sa kabilang kanto kung nasaan sila.

Pamilyar na sa akin ang itsura ng karindirya maging ang mga tindera at kahera dito. Ultimo ayos ng mga mesa't upuan ay alam ko ang pwesto kahit nakapikit ako. Ngunit ang nakatagong hagdan sa bandang loob ng kwarto ay hindi ko pa napupuntahan. Dahan-dahan akong umakyat sa mga baitang, hindi naman ito matarik subalit marami ang mga hakbang. Nang nangangalahati na ako ay rinig ko ang ingay na parang sa sabong ko lang maririnig. Pinaghalo-halong rock music, sigawan, at asaran ang pumapasok sa tainga ko.

Puno ng mga kabataan na kasing edad ko ang naririto, ang iba sa kanila ay nakasuot pa rin ng school uniform. Marami ang nakapaikot sa billiards table na required atang may manigarilyo. Kung hindi sigarilyo ay vape ang nakapatong sa ibabaw. Katabi ng mga vape nila ay iilang bote ng beer. Dapit-hapon na kaya't nagsisimula na sila magbulakbol.

Madilim at mainit ang paligid kaya ramdam ko ang ilang babae na tube at sexy maong shorts lang ang suot. May ilan namang naka-spaghetti strap pero mas maiksi ang suot nila sa pang-ibaba. Hindi ko mapigilan maasiwa sa mga nakikita ko. Parang hindi bilyaran ang napuntahan ko, para akong nasa night bar.

Madaling makilala si Ralph sa lipon ng tao. Agad ko siyang nakita na nasa dulong pool table. Marami na ring tao ang nakapaligid sa kanila, mukhang nagsisimula na silang maglaro. Pansin ko rin ang kamay ng isang lalaki na kumukuha ng papel na pera sa ilang manonood. Ginagawa na rin nilang sugal ang isang sports na dapat ay kasiyahan lang.

Hindi ko alam kung paano ko lalapitan si Ralph. Ayoko namang tumingin ang lahat sa akin dahil tinigil ko ang laro nila. At isa pa, wala rin akong ideya kung paano ko siya patitigilin at pipiliting sumama kay Janaya. Hindi ko nga mapagtanto sa utak ko kung bakit pa ako pumunta rito.

Nang magtama ang tingin namin ni Adrian ay agad akong napayuko dahil sa pagkaway niya sa akin. Nang lingunin ko ulit siya ay tinuturo niya na ako kay Ralph na halatang walang pake dahil sa ekspresyon ng mukha niya. Bumalik sila sa paglalaro kaya't nawala na ang tingin ko sa kanya.

Malakas na tawanan ang narinig ko sa kabilang dulo ng kwarto kung saan may nakakumpol din na mga estudyante sa isang billiard table. Nakita ko sa puwang na may pinaglalaruan ang mga ito na pusa. Pamilyar ang kulay ng kawawang pusa na malakas na umiiyak. Agad akong lumapit upang makita ang nangyayari. Hawak ng dalawang lalaki ang magkabilang mga paa ng pusa. Habang isang lalaki na kaparehas ko ng uniporme ang nakangisi habang dinadampi ang cue stick na hawak sa katawan ng pusa. Bakas sa ngisi at tawa nila na may masama silang binabalak.

"A-anong gagawin niyo sa kanya?" Napakapit ako sa tali ng bag ko dahil sa sobrang kaba. Pinipigilan kong tumulo ang luha dahil naaawa ako kay Garfield Jr. Hindi ko alam na tumatambay din pala siya sa mainit at mabahong lugar na 'to. Mas mabuting matulog na lang siya sa ibaba kung saan maraming mababait na estudyante ang maghihimas sa kanya.

Bata pa lang ako ay mahilig na talaga ako sa mga pusa. Tuwang-tuwa pa nga ako nang pumayag si Lola na mag-alaga ako ng pusang kalye. Kinupkop ko ito at pinangalanang Mais dahil hilig nitong kainin ang mais na inani ni Lolo. Sa kasamaang palad ay noong pumanaw si Lola ay sumunod na rin si Mais, siguro ay napamahal na rin ito kay Lola kaya't ayaw niyang mag-isa ito.

"Just wait and see, miss," sagot ng isa na napakadiin ng hawak sa paa ng pusa.

"Bitawan niyo siya!"

"Huwag ka ngang magulo."

Malakas akong tumalsik sa ilang tao sa likod ko dahil malakas ang pagtulak ng lalaki sa akin. Mukha siyang leader nitong bilyaran dahil walang may gustong pumigil sa kanya kahit pa mali ang ginagawa.

"Ano ba? Tumingin ka nga sa dinadaanan mo!" Pagtataray sa'kin ng babaeng makapal ang eyeliner.

Hindi na ako nakapag-sorry dahil sa malakas na hampas ng lalaki sa pusa. Para bang napapasa sa akin ang sakit na nararamdaman ng pusa. Gusto ko siyang ipagtanggol pero maging ang lakas ko ay hindi sapat para pigilan ang masasahol na tao sa harap ko.

"Itigil mo na 'yan!" Sigaw ko rito.

"Paano kung ayoko?"

"Wala namang ginagawa sayo 'yung pusa. Ikaw ang may isip, pero ikaw itong umaaktong wala. Mas masahol ka pa sa hayop." Ramdam kong nagtutubig ang mata ko. Nagiging emosyonal talaga ako sa ganitong bagay. Bakit ba may mga taong nananakit ng mga hayop? Wala naman silang masamang intensyon sa'tin, gusto lang din nila tayong maging kaibigan.

"Talaga lang, hah? Kung ikaw na lang kaya ang bigwasan ko?" Napaatras naman ako nang akma niyang hampasin ang stick sa akin.

Muli ay malakas na halakhak ang sinukli nilang magkakaibigan nang ipakita ko ang takot. Sa isang pitik ay tumigil sila sa pagtawa. Humarap muli ang lalaki sa kawawang pusang nakahiga sa mesa. Akmang hahampasin niya muli ito gamit ang tako subalit mabilis kong naiharang ang kamay ko rito. Malakas ang pagtama ng stick sa payat kong braso. Bumilang ako ng segundo bago ko naramdaman ang sakit. Samantalang nakatakas na si Garfield Jr. dahil maging ang may hawak sa kanya ay napabitaw nang ako ang masaktan.

"Putangina!" Bulyaw ng lalaki at malakas na pinalo ang stick sa kanto ng table. "Ilapit niyo sa'kin 'yang paepal na babae na 'yan."

Hindi na ako nakapalag pa nang mahigpit akong hawakan ng mga lalaki. Walang kalaban-laban ang mga payat kong braso sa malalaman na bisig nila. Kung kanina ang pusa ang pinaparusahan nila, ako naman ngayon. Bukod sa kaba ay nadagdagan ng takot ang laman ng puso ko.

"Ituwad niyo, puta."

Nagulat ako nang patalikurin ako ng dalawang lalaki at pinayuko. Idiniin nila ang ulo ko sa mabahong table. Habang iniikot ko ang mata sa ilang estudyanteng nakapaligid sa'min upang humingi ng tulong pero lahat sila ay nakatitig lang—nag-aabang sa susunod na gagawin ng lalaking anak ata ni Satanas.

"Hoy, Turbo, bitawan mo siya."

Hinahanap ng mata ko ang boses ni Ralph. Alam kong nasa likod siya at masama ang tingin sa lalaki. Gusto ko siyang tignan upang manghingi ng tulong subalit hindi ako makawala sa hawak nila.

"Huwag kang mangialam dito, Real."

Magkakilala silang dalawa. Hindi na kagulat-gulat 'yon kung palagi silang tambay rito.

"Sa dulo ang puwesto niyo, hindi ba? Ibigsabihin, teritoryo namin 'to," dagdag ng lalaki.

"Hindi naman kita pakikialaman kung hindi ka isang malaking gago."

"Bakit? Ano bang pakialam mo sa epal na 'to?"

Hinarap ako ng lalaki kay Ralph. Doon ko napansin na halos lahat ng tao ay nakakumpol na sa amin. Lahat ay inaabangan na magkapisikalan silang dalawa. May iba pang mga camera ng cellphone ang nakapokus sa aming tatlo.

Nilabanan ni Ralph ang matutulis na tingin ng lalaki. Papalapit siya nang papalapit. Isang buga ng usok sa sigarilyo ang tinapos niya bago ipahawak ito sa isang usisero.

"Just bring her to me at ako na ang bahala sa kanya." Madiin ang pagkakasabi ni Ralph. Pansin ko rin ang nakakuyom niyang mga kamao. Ang mga mata niya ay parang pinapagalitan ako dahil sa kinahantungan ko ngayon.

"No fucking way. Ako ang unang nakakita sa putanginang 'to." Lumapit sa'kin ang lalaki upang dahan-dahang himasin ang pisngi ko. Ramdam ko ang kagaspangan ng mga daliri niya, hindi ko alam kung saan niya ginagamit ang mga 'yon. Alam ko lang ay hindi maganda sa pakiramdam ang paghawak niya sa'kin.

Nagliliyab ang mata ni Ralph sa galit. "Don't fucking touch her."

Alam ko na ang susunod na mangyayari, hindi mapipigilan ni Ralph ang kamao niya. Gusto ko siyang pigilan dahil baka humantong na naman sa ospital ang pangyayari.

"Ano? Sorry, hindi ko marinig." Mabilis ang sunod na pangyayari. Halos hindi ko naramdaman ang kamay niya na pumailalim sa gitna ng mga hita ko. At halos kasingbilis ng kidlat ang paghila ni Ralph sa lalaki at saka ito malakas na sinuntok sa mukha.

Nanginginig ang buong katawan ko. Hindi pa napoproseso ng utak ko ang buong pangyayari.

"Putangina mo, manyak!" Hindi pa nakakaahon ang lalaki ay isa na namang suntok sa pisngi ang binigay ni Ralph.

Kakawala na sana ako dahil lumuluwag na ang kapit sa'kin ng dalawang lalaki ngunit nag-utos na naman ang hari nila. "Huwag niyong papakawalan 'yan!"

Nagkakagulo na ang mga tao. Parehas na may pumipigil kay Ralph at sa lalaki. Hinahanap ng mata ko si Adrian pero nasa gilid lang ito, nanonood. Ni hindi niya man lang tinulungan o pinigilan ang kaibigan niya.

Nanlaki ang mata ng lahat nang may nilabas ang lalaki mula sa bulsa na isang swiss knife.

"Hindi ako nakikipaglaro, Real." Nakangisi siya kay Ralph habang pinapaikot sa daliri ang hawak na patalim. Makikitang eksperto na siya doon.

Napatingin ako kay Ralph, magbabakasakaling mapansin niya ang nagmamakaawa kong mata. Gusto ko sanang sumuko na siya dahil baka mas lumala pa ang sitwasyon.

Ngunit bigla na lamang hinila ng manyak na lalaki ang body bag ko pababa dahilan para mawatak ang tela na kumakapit lang sa tatlong pardible. Kita ko ang paghulog ng mabigat kong bag sa sahig. Bakas din na hindi ko na ito pwede pang maayos dahil wala nang pagsasabitan ang pardible. Matapos ay diniin niya sa hita ko ang patalim. Napunit na nito ang tela ng aking palda at ramdam ko na ang paghiwa sa balat ko.

"Ano nang gagawin mo?" Nang-aasar ito dahil alam niyang siya na ang nakakalamang ngayon.

Pinipigilan kong sumigaw sa hapdi ng paghiwa sa'kin.

Lumapit na si Adrian. "Mga 'tol, hindi na dapat tayo gumamit ng dahas." Biglang singit niya sa eksena at pinagitnaan ang dalawang kampo. "Ganito na lang, I will pay you then, pakawalan mo na siya. Agreed?" Pinisil pa nito ang balikat ng lalaki habang ang isang kamay ay nasa bulsa kung saan patagong nilalabas ang lipon ng isang libo.

Nagtinginan muna ang mga alagad ni Satanas bago kuhanin ng lider nila ang alok na pera ni Adrian. Umalis na rin ang dagsa ng tao nang magsimulang bumaba ng bilyaran ang tatlong lalaki. Nakasandal pa rin ako sa billiard table, pagod sa malakarerang pangyayari kanina.

"What the heck were you thinking?" Bagaman galit pa rin ang boses ni Ralph, puno naman ng pag-aalala ang mata niya. "Bakit ka pinagtripan ng mga kupal na 'yon?"

Katabi niya lang si Adrian na nakatiklop ang mga bisig sa dibdib. Seryoso lang din itong nakatingin sa'kin. "Ano bang ginagawa mo dito, Erica?" Tanong niya sabay pulot ng bag ko at nilapag sa billiard table.

Hindi ako makasagot agad dahil gulat pa rin ako sa nangyari. Hindi ko maamin sa sarili ko na nahipuan ako ng isang lalaki. Kahit kailan ay hindi ko naisip na mangyayari sa'kin 'to.

"Patingin ng braso mo."

Agad kong inilayo ang sarili kay Ralph sa hindi malamang dahilan. Hahawakan niya sana ang namumulang braso pero naging reflex ko na umiwas sa kanya.

"You're still fucking trembling," komento ni Adrian.

Doon ko tinignan ang mga kamay at paa ko na pawang takot na takot.

"Let's go to the clinic," suhesyon ni Ralph.

Umiling ako. "A-ayos lang ako." Diniinan ko ang hawak sa hita ko dahil hindi pa rin matigil ang pagdugo ng sugat na gawa ng lalaki.

"Puta!" Napahawi siya sa buhok niya sa inis. "Anong ayos? Eh, hindi ka nga makatayo!"

Hindi ako nakapagsalita. Pinilit kong itayo nang diretso ang kanang binti ko pero mas lalo lang humahapdi.

"Huwag mo nang pilitin." Malamig ang boses ni Ralph at nakamasid lang sa butas kong palda at dugong tumutulo do'n. "Fuck, Erica. Ano ba kasing ginagawa mo dito?"

"Sinundan kita, o-okay? Hinahanap ka kasi ni Janaya, Ralph. May dinner d-daw kayong pupuntahan," wika ko sa pagitan ng hinagpis sa hapdi ng sugat.

"Shit! Oo nga pala." Napasapo ito sa noo niya, mukhang hindi niya naman sinasadyang makalimutan.

"Go. Ako na bahala kay Erica." Nakatingin lang sa amin si Adrian. Hinihintay na sumalungat ang isa sa amin ni Ralph.

Inaamin kong ayokong si Adrian ang makasama, ayokong umalis si Ralph. Isang bigkas ko lang ay maaari nila akong pagbigyan. Pero bakit hindi ko masabi?

"I'll stay."

Hindi ako makapaniwala sa winika ni Ralph. "Pero paano si Janaya?"

"Kaya niya na ang sarili niya. Look at yourself, punong-puno ng dugo 'yang skirt mo."

Mahigpit muli akong napakapit sa kanto ng billiard table, pinipigilan ang sarili na mapaaray sa hapdi ng sugat. May iilang estudyante pa din ang pabalik-balik ng tingin sa amin. Ayokong ipakita sa kanila na nahihirapan ako.

"Pero nangako ka sa kanya."

"I don't care. Sino ba ang nasasaktan dito ngayon?"

"Nasasaktan mo din siya."

"Can you be selfish for once? Bakit ba nagpupumilit kang magpakabait samantalang wala namang nakaka-appreciate ng ginagawa mo?"

Hindi ako makasagot sa kanya. Masakit ang sinabi niya pero mas inaalala ko pa ang mantsadong gray pencil skirt ko at kung paano ko ito lalab'han mamaya.

"Pupuntahan ko na si Janaya. Baka mamaya madamay pa ako sa lover's quarrel niyong dalawa," rinig kong pang-aasar ni Adrian.

Wala nang nagsalita pa sa aming dalawa para pigilan si Adrian. Sa kailaliman ng puso ko, masaya akong si Adrian ang umalis at hindi siya. Kahit hindi ko gusto ang lumabas sa bibig ni Ralph, totoo naman ang mga sinabi niya.

"Tara na sa clinic." Bakas sa tono ng pananalita niya na sinusubukan niyang maging kalmado.

"Huwag na. Mababaw lang naman 'yung sugat. At isa pa, ayokong pagtinginan ng mga tao. Ayokong pagbulungan nila ako. Ang selfish ko, diba?"

"You know that's not being selfish. That's caring too much for their non-existent opinion about you." Napatigil ito saglit upang tignan ang hita ko. Mabilis nagbago ang tono ng pananalita niya. "Shit! We need to stop it from bleeding. Eto, gamitin mo." May inabot siyang panyo.

Kinuha ko ito at nagpasalamat.

Inalalayan niya naman ako sa likod habang naglalakad papuntang banyo. Nakayuko lang ako dahil alam kong nakasunod ang tingin sa amin ng mga tao.

Isa lang ang cubicle ng shared comfort room. Ako lang ang pumasok sa loob at nanatili si Ralph sa kabilang dulo ng pintuan. Madali kong itinaas ang palda ko para lubusang makita ang hiwa. Malaki-laki rin pala ito, akala ko'y tuldok lang. Talagang may poot na nararamdaman sa'kin ang lalaki kanina.

Dinampihan ko ito ng malinis na tubig galing gripo at nilinis ang paligid. Kinuha ko ang panyo na pinahiram ni Ralph bago ito itali sa hita ko. Hindi ko na napigilan ang hiyaw sa sakit. Sana ay walang nakarinig. Sana'y masyadong malakas ang ingay sa labas upang matabunan ang nakaaawang paghihinagpis ko.

"I'm sorry." Pero hindi pala umalis si Ralph sa likod ng pinto.

"A-ayos lang. Totoo naman 'yung sinabi mo, eh." Ibinaba ko na ang palda at inayos ang sarili. Pero mukha pa rin akong madungis. Basa ang palda at sapatos ko. Maging ang kalahati ng blouse ko ay hindi nakatakas sa tubig. Wala na talaga akong mukhang ihaharap kay Ralph. Ayokong maging nakakaawa pero ito na siguro talaga ako. Walang kwenta at laging kinakaawaan.

"Not at what happened earlier."

Napatikom ako. Dahan-dahan akong lumapit sa pinto upang mas marinig nang klaro ang boses niya.

"I'm sorry for what I did at Adrian's party."

"Okay na, Ralph. Tinulungan mo naman ako ngayon. Quits na tayo." Sumandal ako sa pinto, umaasang nakasandal din siya sa kabila, para kahit papaano ay alam kong sinsero din siya sa sinasabi niya.

"That's not how it works, Erica. I was furious that time. Galit ako because I don't want you to stay away from me, I don't want you to forget about me. That's why I kissed you."

Hindi ko alam kung tapat ba sa puso ang sinasabi niya. Bakit ngayon niya lang sinabi sa'kin? Dahil may kahoy na pinto na namamagitan saming dalawa? Sapagkat hindi namin makita kung gaano katotoo ang bawat dampi ng aming mata sa isa't isa?

Inalala ko ang gabing 'yon kasama ang halik niya. Pero magkaibang alaala ata ang binigay nito sa'min. Para sa'kin ay masakit itong alalahanin dahil alam kong kasama 'yon sa larong sinasabi niya. Ang larong pilit kong tinatakasan. Pero kahit ilang beses akong bumalik sa bahay upang taguan ang taya, lagi pa rin akong nahuhuli sa dulo.

"Edi narinig mo pala 'yung sinabi ko sa telepono?" Mahina akong napatawa sa katangahan. "Sabi na at nagsinungaling ka lang na walang narinig."

"Yeah."

"Kaya rin ba nasabi mo 'yon sa labas ng ospital? Dahil sa pinahiwatig ko?"

"No."

Tumikhim ako nang maramdaman ang kirot sa dibdib. Buti na lang at hindi ko siya kaharap kung hindi matatawa siya kung gaano ako ka-assumera.

"I want that label kasi nagugustuhan na kita."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top