Chapter 23.2 • The Heroine
MATAPOS ANG NASAKSIHAN ko kagabi, sa palagay ko'y hindi ko kayang harapin si Ralph. Mas lalong hindi ko gustong komprontahin niya ako sa maraming tao. Mag-usap? Tungkol sa nangyari kagabi? Ano ang dapat niyang sabihin? Normal lang naman para sa kanya ang nakita ko. Nasa kabilang dulo siya ng sinulid, ibang-iba sa kinalakihan ko.
Hindi nagsalita si Claire hanggang sa makarating kaming dorm. "Magkasama kayo kagabi?" Puno ng galit ang mata niya. Para siyang si Lolo kapag nalalamang naglaro ako sa bukirin. "May nangyari sa inyo kagabi?"
Mabilis akong umiling. Ito na nga ba ang sinasabi ko. Dahil sa pag-iiskandalo ni Ralph kanina, nabigyan ng maling kahulugan ang lahat. Bakit pa kasi niya kailangang sumigaw? Gustong-gusto talaga ni Ralph na guluhin ang buhay ko.
"Sabi mo nagtatrabaho ka kagabi? Shit, Erica! Alam mong pati ako malalagot kapag nalaman 'to ng Papa mo." Napasapo siya sa noo. "Akala ko ba iiwasan mo na 'yong Real na 'yon, ha? Huwag mo sabihing kayo na?"
Hindi ko na rin napigilan ang sarili ko. Over reactive na si Claire. Oo, bestfriend ko siya, at oo nangako kami sa magulang ng isa't isa na hindi namin hahayaang may mangyaring masama sa mga anak nila. Ngunit, sumusobra na siya. Nasasaktan na rin ako sa paratang niya. Pakiramdam ko ibang tao ang kaharap ko ngayon.
"Akala ko kilala mo na ako, Claire. Sa tingin mo ba magagawa ko 'yon?"
"Kung magbabase sa lahat ng mga kinwento mo, oo. Ni hindi ko nga alam kung meron ka pang nililihim, eh. Hindi na kita kilala, Eka." Padabog itong lumabas ng kwarto. Paniguradong rinig hanggang kabilang kwarto ang lakas ng hampas ng pinto.
Napasabunot ako sa sarili. Galit na naman siya. Wala na namang akong kakampi. Lintek pa 'tong puso ko na hindi rin ako pinatulog kagabi.
Napagpasyahan kong maligo muna para mailabas lahat ng luha na kagabi ko pa tinatago.
Bakit gano'n si Claire? Bakit ayaw na niyang pakinggan ang side ko? Hindi ba unfair na lagi lang siyang nagbabase sa inaakto ni Ralph at hindi sa dapat kong sabihin? Kaya ko naman ipaliwanag sa kanya ang lahat.
Hinayaan kong dumampi sa damit ko ang magulo at basa kong buhok. Nakaupo lang ako sa kama habang nakatitig sa sirang screen ng cellphone ko. Iniisip ko kung sasabihin ko ba kay Papa bago pa niya malaman kay Claire. Pero paano ko sasabihin? May nakilala akong adik? Na naging magkaibigan kami kahit pa nilalaro niya lang ako na parang yoyo? Paniguradong pababalikin niya ako sa probinsya. At hindi ko kaya 'yon. Ayokong iwan ang pag-aaral dito.
Buong gabi ay pinilit kong magtago sa loob ng kitchen hangga't makakaya ko. Alam kong naghihintay lang si Ralph na maabot ang kamay ko bago hilahin kung saan niya gusto. Ngayon, hindi na ako papayag. Kailangan kong gumawa ng paraan para maiwasan ko siya. Sa oras na ito, dapat na akong sumunod sa pinangako kay Claire. Kaso paano ko ito magagawa kung kada pagkatapos ng trabaho ay inaabangan niya na ako kasama ang motorbike niya?
"You're avoiding me," ani Ralph habang ang tingin ko ay diretso sa kalsada. "Ano bang nangyari kagabi?"
Talaga bang hindi niya maalala? Hindi niya na naman naalala tulad ng paghalik niya sa'kin nang lasing siya.
"Walang nangyari." Ang hirap palang hindi siya lingunin kahit alam kong pinagmamasdan niya ako.
"So, can you tell me why you are acting like this?" May bahid ng inis ang tono niya. "Dahil ba 'to sa sinabi ni Adrian? I already told you, he's a lying piece of shit."
Sinabi ni Adrian? Halos malimutan ko na nga ang mga nangyari bago ang pakikipaghalikan niya.
Napasapo ako sa noo bago pinadulas ang kamay sa buhok ko. "Hindi. Pagod lang ako, okay?" Bakit ko ba kailangang magpanggap sa kanya?
Sumakay siya sa motor, hinihintay akong sumampa sa likod tulad ng lagi kong ginagawa.
"Magdyidyip na lang ako," walang-buhay kong saad bago ipagpatuloy ang paglalakad palayo.
Malakas ang tunog ng mabilis na padyak niya patungo sa'kin. Hinarangan nito ang daraanan ko. "I'm tired of playing your mind games. Sabihin mo kung bakit mo ako iniiwasan. I don't have all night to look for answers!"
Malakas akong bumuntong hininga bago makakuha ng lakas sabihin ito sa kanya. "Nagkamali akong kausapin ka, Ralph. Pinagsisisihan kong nabangga kita at nadumihan ko ang damit mo. Dahil simula nung araw na 'yon, nagkanda-leche-leche ang buhay ko. Minalas ako dahil sayo." Tumigil ako saglit. Nag-aabang ng isasagot niya. Pero umiiling-iling lang siya habang pinipigilan ang sarkastiko niyang tawa.
Sinamaan ko lang siya ng tingin at saka tinalikuran. Hindi niya man lang magawang magseryoso. Ito ang dahilan kaya't mas lalo akong napapaniwala sa teorya ni Claire na laruan lang ako ni Ralph.
"Do you really believe that?" Hinabol niya muli ako. "Kung totoong malas ako, then why am I always the one who saves you?"
Umiling ako. "Hindi ko alam. Baka kasama 'yun sa plano mo."
"Plano? Anong planong pinagsasabi mo?" Kita ko ang pagkuyom ng kamao niya at pagtiim ng mga ngipin sa kanyang bibig. Para bang naghihintay akong lumabas ang halimaw sa loob niya.
"Wala." Baka nasa isip ko lang ang lahat. Baka masyado akong nagpadala sa komento ni Claire. "K-kailangan ko lang lumayo sayo."
Iniwan ko siyang nakatayo. Maaaring bumalik na siya sa loob ng restobar. Maaari din na pinagmamasdan niya ang likod ko. Gusto kong lumingon upang malaman kung alin sa dalawa ang tama. Kaso natatakot ako na hindi ko magugustuhan ang sagot.
"So, you won't talk to me ever, again, huh?" Ngunit ang malakas na boses niya na ang sumagot para sa'kin. "Paano 'yung project natin?"
Humarap ako. Sapat lang ang distansya namin upang marinig ang isa't isa nang hindi gumagawa ng eksena. "Kaya ko na gawin 'yon. Pwede mo na lang akong bayaran para ilagay ko ang pangalan mo."
"Shit, Erica! I didn't know you had that in you!" Dinuro niya ako. "Fuck!" Sinabunutan niya ang sarili. Kita ko ang pagbabago ng emosyon niya. "I thought you're as naïve as a child."
Parang ngayon pa lang pumapasok sa isip ko na lasing na siya. At may pupwede siyang gawin na hindi maganda.
"Kaya pala sa tingin mo kaya mo akong paglaruan." Parehas naming alam na kaya akong saktan ni Ralph ngayon pero bakit ang lakas ng loob kong sagutin siya? Hindi ko na naman pinag-iisipan ang bawat galaw ko.
"Tangina. Do you think I'm playing you?"
"Ano pala, ha, Ralph? Tingin mo nga sa trabaho ko ay isang biro! Hindi mo man lang kinoconsider ang magiging consequences."
"Fine. Ito ang gusto mo, right? Tutal pinagpipilitan mo, I'll play games with you, and I am not gonna stop until I win." Nakakatakot ang bawat bigay niya ng salita. Alam kong sinasadya niya 'yon. Gusto niyang iparating sa utak ko na nagbabanta siya kaya't dapat akong matakot.
Sumampa na ulit ito sa big bike niya bago malakas na paingayin ang tambutso nito. "Let's meet at my playground, Betty La Fea."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top