Chapter 22 • The Heroine
PINIPILIT NI CLAIRE na kinopyahan ako ni Ralph kahit pa sinabi ko nang ako ang nag-initiate ng lahat. Inakusahan niya pa akong nagpapahumaling sa salamangka niya. Sinusubukan kong ipaintindi kay Claire ang lahat ngunit para siyang bata na hindi marunong makinig. Pinapamukha niya sa'king nagbago na ako kahit wala namang kahit isa sa sarili ko ang nag-iba. Katunayan, siya ang hindi ko maintindihan. Masyadong siyang protective sa'kin, para siyang si Lolo.
Oo nga't nag-adik si Ralph noon, pero nagbago na siya ngayon, alam kong sinusubukan niya. At saka, alam kong may rason kung bakit siya gumamit dati. Hindi niya pa nga lang sinasabi sa akin. Pero umaasa akong pagkakatiwalaan niya ako, balang araw.
Naalala ko ang sinabi ni Ralph sa akin sa rooftop kahapon. Kaibigan ko ba talaga siya? Sabagay parang araw-araw na kaming magkasama. Halos kilala ko na nga lahat ng tao sa buhay niya, pati mga gustong tumapos nito. Siguro nga pwede ko na siya tawaging kaibigan.
Pero kailangan kong lumayo sa kanya. Lalo na't alam kong may gulo na nakadikit sa pangalan niya. Subalit ayoko naman siyang pabayaan. Natatakot ako sa kahahantungan niya. Halatang makapangyarihan ang taong nagbabanta sa kanya, bakas sa mga mata niya kahapon. Ang pinakamatapang na taong kilala ko ay natatakot din pala. Kaya't dapat lang na kabahan ako.
Napatigil ako sa pagmumuni nang tawagin ako ni Meghan. Sinabi nitong hinahanap ako ni Sir A at pinapatawag ako sa opisina niya. Agad kong nginitian ang dalawang customer matapos ilapag ang pangalawang round ng bucket ng beer na order nila.
Kumatok muna ako bago siya batiin. Hindi man lang niya ako nginitian. Galit pa rin siya sa ginawa kong pagsumbong kay Mr. S na siyang pinagsisisihan ko dahil ramdam kong pinag-iinitan ako ni Sir A nitong mga nakaraang araw.
"Quisumbing, 'musta ang mga customers?"
Nagtataka ako sa tanong niya. "A-ayos lang po." Hindi gaano puno dahil Tuesday pa lang ng gabi subalit mas maraming tao kumpara sa mga nakaraang linggo.
"May VIP customer na gusto kang makita."
Mas lalong lumakas ang kabog ng dibdib ko. VIP customer? Ang kilala ko lang na palaging hinahanap ng mga customers ay si Meghan. Wala akong maisip na maaaring maghanap sa akin. At isa pa, hindi ko ginagawa ang mga serbisyong binibigay ni Meghan sa kanila. Kahit ilegal ay pinapayagan ni Sir A ang ganitong kalakaran dahil siya rin ang nakikinabang.
"A-ano p-po?"
"Are you deaf or what? Gusto mo pang ulitin ko?" Pinagtataasan niya na naman ako ng boses. Kapag hindi ko sinunod ang utos niya pagbabantaan niya muli na isisisante niya ako. "Ano pang tinatayo-tayo mo? Go to table one!" Malakas nitong hinampas ang mesa kaya't kumaripas ako ng takbo.
Unti-unting bumabagal ang paglakad ko habang papalapit sa mesa ng sinasabi niyang VIP customer. Kasabay ng pagnginig ng mga kamay ko ang paglilibot ng mga mata ko sa restobar. Umaasang may makikita akong pamilyar na mukha na magliligtas sa akin. Tulad ng lagi niyang ginagawa.
Bakit ang wrong timing ni Ralph? Kung kailan kailangan ko siyang makita, doon naman siya mawawala.
Inihanda ko ang sarili sa kahaharapin. Matandang lalaki, middle-aged, manyakis, o 'yung lalaking naghahanap kay Ralph. Lahat ng posibilidad ay naisip ko na.
Nang makaapak sa harap ng pabilog na upuan ay napakunot ako ng noo. Si Ralph ang naghahanap sa akin? Nakaupo siya katabi ang babaeng naka-string tube dress. Sa kabilang banda ay isa pang pamilyar na lalaki, mas maraming babae ang nasa paligid niya. Ano nga ulit ang pangalan ng manyakis na 'to?
"Erica! You're finally here." Nagulat ako nang tumayo ang lalaki at lapitan ako. Titignan ko sana si Ralph para humingi ng tulong sa kaibigan niya ngunit masyado ata siyang busy sa babaeng kasama.
Hindi ko maintindihan ang pagpihit sa puso ko nang makita ko ang kamay niyang nakaakbay sa balikat ng babae. Samantalang ang kasama niya ay hawak-hawak lang ang bote ng beer habang pinapasadahan ng tingin ang katawan ko.
"Come, sit with us." Hihilahin dapat ng lalaki ang braso ko ngunit mabilis akong umatras. Ang hilig niya talagang manghawak basta-basta. Hindi ako tulad ng mga babaeng kasama nila ngayon.
"What are you doing, Adrian?" Tumayo na rin si Ralph at lumapit sa manyakis niyang kaibigan.
"I just want her to join us. There's no problem with that, right?" Mabilis na humarap ang lalaki at tinaasan pa ako ng kilay. Sunod na nahagip ng mata ko si Sir A na nagmamasid lang malapit sa'min.
Tumikhim muna ako bago tumango.
Itong Adrian ba ang sinasabi ni Sir na naghahanap sa'kin? O kasama rin si Ralph?
Dinampi ni Adrian ang kamay sa likod ko upang gabayan ako sa bakanteng upuan. Ngunit pinigilan ako ng mariin na kapit ni Ralph sa palapulsuan ko.
"Your shift's over, right? Let's go, hahatid na kita." Amoy alak na siya. Paniguradong nakaraming bote na siya.
"Don't be a party pooper, Ralph. I invited her." Hindi nagpatalo si Adrian dahil hinawakan din nito ang kabilang braso ko.
Gusto ko sanang humingi ng tulong sa tatlong babaeng imprenteng nakaupo subalit base sa mga galaw nila ay ayaw rin nilang mapasama sa gulo. Nag-uusap lang sila at sinisiguradong iniiwasan ang mga tingin ko.
"Let go of her," utos ni Ralph. Nasa amin na rin ang atensyon ng mga kalapit na mesa. Masyadong eskandaloso na tatlo kaming nakatayo rito malapit sa stage habang may tumutugtog na banda.
"So, you're the one making decisions for her now? Tell me, Erica, sino ba si Ralph sa buhay mo? At bakit ko siya kailangang sundin?"
Halos limang segundo ata akong tahimik habang nag-iisip ng tamang sagot. Inalala ko ang pag-uusap namin ni Ralph kahapon sa rooftop. "K-kaibigan ko siya."
Nagulat ako sa pagngisi ni Ralph, para bang nagpipigil ng tawa. May mali ba sa pagkakasabi ko?
"You happy now, Aid?"
Binitawan ni Adrian ang braso ko. "So, you're gonna leave? Are you sure?" Inilagay niya ang kamay sa bulsa habang ang isa ay ginamit upang ipanghawak sa bote ng beer.
Tinatakot niya ako. Alam niyang nagmamasid si Sir A. Alam niya ang kahinaan ko. Binalikan ko ng tingin ang kinalalagyan ng manager ko. Ni isang dipa ay hindi siya gumalaw, nanatili siyang nagmamasid sa amin.
Agad akong umiling kay Adrian.
"What the fuck, Quisumbing?" Taliwas si Ralph. Paniguradong magagalit na naman siya dahil hindi na naman ako makatayo sa sariling paa. Pero ang hirap palang gawin kaysa sabihin lang.
Umupo ako sa bandang dulo, kung saan madali akong makakatayo paalis. Tumabi si Adrian sa akin samantalang si Ralph ay nakaupo lang sa tapat ko. Malayo pero katapat ko.
"We're gonna play the truth game. It's either you will answer the question, or you'll drink. Gets?"
Tumango ako. Ang hilig nilang magkakaibigan sa ganito. Lahat ay dinadaan nila sa laro. Sabagay, paano sila makakapagseryoso? Hindi naman nila naranasang mabuhay nang ganito kahirap.
"Alright. First question for Ralph. Do you still love Sofie?"
Napatingin ako kay Ralph. Tumatak na ang pangalan na 'yan sa'kin dahil iyon ang tinawag ni Ralph sa'kin nang hindi niya sinasadyang halikan ako. Sino nga ba siya sa buhay ni Ralph?
"I don't wanna be part of your stupid game." Iniiwasan ni Ralph ang tanong. Ibig sabihin ba'y may nararamdaman pa rin siya kay Sofie?
"Then, drink."
"This is so stupid. Tara na, Quisumbing." Tumayo muli siya upang ayain ako.
"Gusto kong malaman," mahina kong saad.
"As requested by Betty La Fea. Will you please answer?" ani Adrian.
Napatitig ako sa mata ni Ralph. Kahit kailan talaga ay hindi ko 'to magawang basahin. Para bang blangko papel na kailangan kong sagutan at maperpekto.
"No," Ralph firmly answered without taking his eyes away from me. "Happy?" Tinignan niya si Adrian.
Hindi ko alam kung bakit ako palihim na ngumiti. Hindi ko alam kung bakit masaya ang loob ko nang sabihin niyang hindi na niya mahal si Sofie—kung sino man siya.
"Yes. Erica, my question for you is... how would you rate Ralph from 1-10? Ten being the highest."
"Ano?" Bakit gano'n ang klase ng tanong niya? Rate saan ba? Sa pagiging nakakainis?
"You don't need to answer that," pagpapaalala sa'kin ni Ralph.
"Because when he first met you, he rated you as one. Might as well say your opinion on him."
'Yung saya ko ay napalitan ng lungkot. Hindi naman kasi porket hindi na niya mahal si Sofie ay may bago na siyang mamahalin.
Napatingin ako kay Ralph. Umiling lang siya. "I never said that shit. Alam mo, Adrian, bistado ko na ang plano mo."
"My plan? Bro, I'm just helping you to achieve your goal." Malaki ang ngiti sa labi ni Adrian kaya naman nag-aapoy na ang mata ni Ralph. Nilapitan ko siya upang pigilan dahil nakaabang na ang kamao niya.
"Ralph, okay lang. Iinumin ko na lang."
"See how considerate our little waitress friend is?" Pangangantyaw pa muli ni Adrian. Talagang hindi mapupuno ang kaligayahan niya. Kailan kaya masa-satisfy ang ego niya?
"Just drink this and we'll leave." May inabot si Adrian na baso. Hindi lang ito basta shot glass. Para itong lalagyan ng brandy.
Hindi man puno pero natatakot akong inumin ang dark-colored drink sa palad niya. Hinawakan ko ito gamit ang magkabila kong kamay, para bang hihigop ako ng mainit na sabaw. Pinagsisisihan ko ito dahil kapansin-pansin ang panginginig ng kamay ko. Kinakabahan na naman ako.
Paano kung mapagalitan ako? Ang number one rule ay huwag i-entertain ang mga customers sa ganitong klaseng requests. Ang pangalawa ay bawal uminom habang nasa shift. Pero paano kung ito ang inutos sa akin ni Sir A?
Patibong ba nila 'to? Ang ilaglag ako kay Mr. S?
Hindi na dumikit sa labi ko ang baso dahil agad din itong kinuha ni Ralph at marahas na nilapag sa mesa. "You don't need to drink that. Just answer his stupid question."
Pero ayoko ring sagutin. Hindi ko alam dahil wala akong ideya kung ano ba ang dapat isagot o dahil natatakot lang akong malaman ni Ralph ang tunay na sagot.
"Ang dali nga lang ng question ko. Just rate him from 1 to 10." Malalim ang titig ni Adrian sa mata ko. Seryoso ang tingin niya. Kung magkamali ako ng pili, siguradong wala na akong mababalikan na kahihiyan bukas.
Wala akong nagawa kundi tunggain ang alak sa baso. Kung titignan ay kakaunti lang pero parang ang tagal nitong maubos. Agad akong naghanap ng matitikman dahil sa pait nito.
Kita ko ang pagmamadali ni Ralph na kuhanin ang piraso ng lemon bago ibigay sa'kin. "Here."
Para akong nabunutan ng hindi magandang alaala nang sipsipin ko ang maasim na prutas. Ngunit, ayaw pa rin mawala ng after-taste ng brandy na 'yon. Parang maduduwal ata ako.
"Good. Let's go!" Malakas na pinalo ni Adrian ang likod ko kaya't mas lalong na bumunsod ang alak sa aking lalamunan, gusto ulit nitong lumabas.
"Okay ka lang?" Napalingon ako kay Ralph nang himasin niya ang balikat ko. "You look pale."
Ginawa kong panangga ang palad sa aking bibig at dali-daling tumakbo papuntang women's restroom. Hindi ko na kaya. Ito ang kauna-unahang makatikim ako ng ganoong klase ng alak. Hindi malilimutang guhit ang ginawa nito sa'king lalamunan. Kahit kailan talaga'y hindi ko magugustuhan ang ganitong bisyo ng mga kaedad ko.
Hindi ko alam kung ilang minuto akong nagtagal sa banyo. Sinubukan ko pang alisin ang dungis sa mukha hanggang sa mapagtantong hindi ko pala gusto ang itsura ko. Hindi naman ako ganito dati, wala akong pakialam sa panlabas na ayos ko. Subalit dahil sa sinabi ni Adrian na mababang rating sa akin ni Ralph, napansin ko na kailangan ko talagang mag-ayos.
Sinabi na rin sa'kin 'to ni Heidi, maging si Claire noong Senior High school. Pero hindi ko naman sila iniintindi. Hindi ako mahilig sa make-up o ano mang nilalagay pampaganda sa mukha.
Sunod kong napansin ang buhok ko na umaabot na hanggang ibaba ng balikat ko pero hindi ko magawang suklayin. Kinuha ko ang scrunchie na nakasabit sa palapulsuan ko at saka nag-ponytail. Samantalang hindi na kasing puti noong una kong binili ang white polo shirt na suot ngayon.
Kaya pala out-of-ten, one lang ang binigay ni Ralph. Ngayon alam ko na kung bakit mas gusto ni Ralph na sumama sa babae kanina. She looks decent, unlike me. Kumikinang pa ang pilikmata niya subalit ako ay walang kaningning-ningning ang buhay.
Hindi ko inaasahan na naghihintay si Ralph sa labas ng pinto. Akala ko umalis na siya kasama ang kaibigan, o 'yung kaninang babae, o kung sino mang natitipuhan niya.
Bakit ba ganito ang pumapasok sa isip ko?
"Okay ka na?"
Tumango ako kasabay ng pagsabi ng oo.
"You shouldn't have drunk it. So, anong masasabi mo?"
Kumunot ang noo ko.
"Sa ininom mo," dagdag niya.
"Ang pangit ng taste mo," pagbibiro ko sa kanya.
"Alam mo, ang pag-inom ng alak, ginagawa lang 'yan kung may ise-celebrate ka or may problema ka. Hindi mo talaga magugustuhan ang lasa kung walang okasyon."
"Alin ka du'n?" pagseseryoso ko. Nawala ang ngiti sa labi niya. "Masaya o may problema?" sunod ko pa.
Kalimitan naman sa mga rason ng taong manginginom ay 'yung pangalawa hindi ba? Karamihan sa kanila ay hindi makalimot sa nakaraan na siyang sumisira ng kinabukasan nila. Hindi nila kayang tanggapin kaya't dinadaan na lang nila sa nakakalasing na inumin, umaasang mabubura ang malungkot na kasaysayan ng buhay.
Si Ralph naman ang hindi makasagot hanggang sa makalabas na kami. Pero kahit hindi bumuka ang bibig niya, alam ko na ang sagot. Alam ko dahil unti-unti ko na siyang naiintindihan.
Hindi pa pala umaalis si Adrian. Nakasandal lang siya sa tingin kong kotse niya habang nakikipagtawanan sa tatlong babae kanina.
"I thought you two were having sex in there," panloloko niya. Hindi ko talaga siya gusto dahil sa bulgar niyang pananalita.
Masama lang siyang tinignan ni Ralph bago dumiretso sa motor niya na katabi lang ng sasakyan ng kaibigan. Kumusa naman ang mga paa ko sa paglapit, para bang kasama na sa routine ni Ralph ang paghatid sa akin pauwi.
"Erica, hindi ba sa akin ka?" malakas na saad ni Adrian.
Nalilito ako sa ibig niyang sabihin.
"Am I not clear earlier? I said, 'we'll leave.' It's me and you 'we.'" Mabilis niyang pinabalik-balik ang hintuturo sa aming dalawa.
"For fuck's sake, Adrian. You're drunk!"
Hindi ko alam kung bakit kailangan nilang magsigawan sa parking lot. Wala pang dalawang metro ang layo nila sa isa't isa.
"Ralph, please. Huwag kang makisali. Sa'kin siya naka-reserve tonight."
Tumaas ang balahibo ko dahil sa sinabi ni Adrian. Reserve? Ano ako table? At saka bakit parang iba ang pahiwatig ni Adrian?
"A-ano?"
"Quisumbing, don't listen to him. Tara na." Hinila ni Ralph ang braso ko. May ayaw siyang marinig ko mula sa kaibigan niya.
"I talked to your manager. You're coming to my party because I've got a moonlighting job for you," Adrian winked.
♣♦♥♠
Sa isang penthouse nakatayo ang sinasabi ni Adrian na party. Sumama ako sa kanya dahil tinakot niya na naman ako na mawawalan ako ng trabaho. Sumakay na rin si Ralph sa kotse ni Adrian kaya't bawat minuto ng byahe ay binibilang ko. Sa sobrang katahimikan ay kung ano-ano na ang pumasok sa isip ko. Buti na lang ay tipikal na party na mapapanood sa mga pelikula ang nadatnan ko. Katunayan ay pinakamalala ang nasa isip ko.
Binigyan ako ng trabaho ni Adrian na tumulong sa pagre-refill ng mga pika-pikang pulutan at pagsisigurong laging may laman ang ref ng beer.
Nakumpirma kong siya nga ang may-ari at host nitong party nang tumayo siya sa coffee table at punitin ang damit bago sumigaw na mas malakas pa sa music. Kakaiba rin ang party niya dahil mayroong DJ sa gilid.
Hindi kaya magalit ang management dahil sa sobrang ingay? Kanina, dalawang floors bago makarating sa tuktok ay rinig na ang music sa elevator.
Malaki ang salas niya na nagmimistulang dancefloor ngayon. Kakasya ata ang mahigit bente katao roon. Siguro'y nasa 50 pataas ang nandirito ngayon. Walang pamilyar na mukha maliban kay Ralph na nagpupumilit kanina na ihatid ako sa dorm. Wala na rin namang saysay dahil pasado alas dose na nang oras na 'yon. Paniguradong sa kalsada na naman ako maghihintay. Kaya't pumayag na rin ako, kahit papaano ligtas ako rito.
Extended hanggang sa labas ang kasiyahan, na may hindi kalakihang swimming pool. May ibang naliligo roon ngunit karamihan ay sinasawsaw lang ang mga paa sa tubig. Katamtaman lang din ang laki ng garden na sa tingin ko'y mas maluwag lang nang kaunti kaysa sa sala niya.
Sanay na ako sa mga naninigarilyo pero may bago akong nasaksihan na sa mga pelikula ko lang napapanood. Normal lang sa kanila ang gumamit ng pinagbabawal na droga. Ngayon ay mistulang nasa loob ako ng isang palabas dahil pinanonood ko lang din silang humithit ng kung ano-ano sa mesa. Ang mga halakhak nila ang pumupulupot sa tainga ko. Pumaikot sa isip ko ang posibilidad na may pumasok na pulis at isa-isa silang hulihin. Paano kung madamay pa ako?
Mabilis akong pumuntang banyo sa pag-aakalang mawawala ang nakabibinging tunog sa tainga ko ngunit napalitan iyon ng magkakasunod na tusok ng karayom sa bandang dibdib ko. Hindi ko akalaing makikita ko si Ralph na may kahalikang babae. Nakatalikod ang babae pero pansin na perpekto ang hugis ng katawan niya at paniguradong maganda ang itsura. Hindi naman pumapatol si Ralph sa hindi maganda, sa tulad ko.
Hindi ako makagalaw. Pinapanood ko lang ang kamay ni Ralph na pumapasok sa ilalim ng blouse ng babaeng asul ang kulay ng buhok. Para akong pinana sa magkabilang paa, parang pinupukpok ng martilyo ang dibdib ko.
Saglit na tumama ang mata ni Ralph sa'kin kaya't agad kong sinarado ang pinto. Baka nadistorbo ko pa sila.
Kumaripas ako ng takbo papasok sa elevator. Wala naman akong karapatan para magalit ngunit ito lang ang umiikot sa dugo ko ngayon. Ang malala ay hindi ko maintindihan kung bakit. Kung bakit hinihiling ko na sumara agad ang elevator. Kung bakit nakararamdam ako ng sakit subalit walang luhang lumalabas sa mata ko. Kung bakit may inaasahan akong isang tao na pipigilan akong umalis ngayon, na sana'y sinundan niya ako.
May kamay na humarang sa pinto bago ito tuluyang magsara. Dalawang babae ang basang-basa ang buong katawan. Tila naging kulay red ang sa tingin ko'y pink na dress ng isa. Samantalang nagmukhang mabigat ang maong shorts na suot ng isa pang babae. Pansin kong parehas silang nanginginig habang umaalingaw-ngaw ang patak ng tubig mula sa kanilang buhok at damit. Siguro'y isa sila sa mga biktimang tinulak sa swimming pool kanina.
Walang nag-akmang sumakay sa elevator galing sa ibang floors pababa kaya't tahimik lang habang dala-dala kami pababa. Mukhang pare-parehas lang kaming gustong umuwi at magpahinga.
Hindi ako pinatulog kaiisip ng layunin ni Adrian. Parte ba lahat ng 'yon sa plano niya? O mas malaki itong parte ng scheme ni Ralph?
I wonder if Ralph was frantic when our eyes met while he's kissing another woman earlier or could not care less. I believe it's the latter. There is no reason for him to care for anyone's feelings. I have proven it. Ilang beses na niyang pinakita na wala siyang pakialam kung masasaktan ako ng mga kilos at salita niya. Kaya nga I'm just one out of ten. Ako 'yung nasa pinakadulo sa listahan. Baka nga wala ako sa listahan.
Tama nga siguro si Claire. Kailangan kong iwasan si Ralph. Hindi ako sigurado sa tunay niyang intensyon. At ng kaibigan niya. Wala akong dapat pagkatiwalaan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top