Chapter 15 • The Heroine
NANGINGINIG PA RIN ang kamay ko sa sobrang inis kay Ralph. Akala ko malinaw sa kanya na hindi niya ako kakausapin. Akala ko may kasunduan kami. Ang tanga ko dahil nagpaloko na naman ako sa kanya. Kaya't heto, pumasok ako sa trabaho na galit sa'kin ang best friend ko.
Nalaman na ni Claire na madalas kaming nakakapag-usap ni Ralph dahil kwinento ko na sa kanya ang lahat. Hindi ko rin alam kung bakit ngayon lang ako naglakas-loob na sabihin sa kanya. Kaya naiintindihan ko kung bakit galit siya; akala niya hindi ko siya pinagkakatiwalaan. Sinubukan kong magpaliwanag sa best friend ko pero hindi umubra. Palagay ko mas galit siya dahil kinakaibigan ko si Ralph. Pero mukhang tama siya sa sinabi niya sa'kin na sisirain lang ni Ralph ang buhay ko. Para siyang 'yung hinihithit niyang droga, binabako ang landas ko.
Hindi ko na kakausapin muli si Ralph. Nagtanda na ako. Tatawanan ko ang sarili sa katangahan kapag nagpahulog muli ako sa paulit-ulit na patibong niya.
Kaso tinakot niya ako kanina. Wala akong nagawa kundi magpanggap na masaya akong kuhanin ang order niya. Nang tumalikod ako ay wala na si Ralph sa bar counter, hindi ko rin mahanap kung saan siya nakaupo. Bahala pa siya, cancelled na ang order niya.
"Kilala mo si Ralph?" Nilapitan ako ni Meghan. Mukhang nakita niya 'yung ginawa ni Ralph kanina. Yakap-yakap niya ang bilog na tray na ginagamit namin pang-serve.
Tumango lang ako bilang tugon.
Mas matagal si Meghan kesa sa akin dito, pero magkasing edad lang kami. Sabi ng ilan kong katrabaho ang madalas lang balik-balikan dito ng ibang customers ay si Meghan. Sexy kasi ito, maganda, matangkad, at maputi. Siya 'yung tipo ng babae na gusto ng mga lalaki at alam mong sex lang ang habol. Marami na raw siyang nakatalik na customers at may instance pa dati na may nag-away dahil sa kanya. Subalit wala naman siyang pakialam.
"Matagal na o...?"
Kung pagmamasdan, chill lang si Meghan. Siya 'yung tinutukoy ng iba na go with the flow. Pero kahit magkasing-edad kami, mukhang mas mature siyang mag-isip kaysa sa'kin. Marami na siyang na-experience sa buhay.
"Kaklase ko siya sa dalawang subjects," pagsagot ko. Tumango ito bago hawakan ang balikat ko, marahan niya itong pinisil.
"Mag-ingat ka sa kanya," bulong niya bago umalis.
Naiwan naman akong nakakunot ang noo. Gusto ko pa sana siyang tanungin kaso ay may customer na na tumawag sa kanya.
Pati siya pinag-iingat ako kay Ralph. Sinasabi ko na nga ba't wala akong magandang mapapala sa kanya. Dapat talaga umiwas na ako sa una pa lang. Pero kada nagpapakita ng kabaitan sa'kin si Ralph, nawawala ang inis ko sa kanya. Totoo bang may taglay siyang kabaitan o pagpapakitang-tao niya lang ang lahat? Sa tuwing nakakasama ko kasi siya, ramdam kong ligtas ako.
Ano ba 'to? Na-brainwash na ata ako nung Ralph na 'yon!
Gusto ko pa sanang tanungin si Meghan kung paano niya nakilala si Ralph at anong relasyon nila. Kaso hindi na ako nabigyan ng pagkakataon mapag-isa muli kasama si Meghan.
♣♦♥♠
Kahit ayaw kong aminin, sinubukan ng mga mata kong hanapin si Ralph kanina pero wala siya sa kahit saang table. Mukhang sumuko na siya, sa wakas.
Pumatak na sa alas otso ang orasan kaya't lumabas muna ako para sa 15-minute break ko. Bukod sa pagbili ng makakain sa convenient store, kailangan ko ring bumili ng ballpen dahil nawala na ng tinta ang gamit-gamit ko. Dalawang kanto lang naman ang layo ng convenience store sa Restobar. Hindi pa masyadong nakakatakot maglakad dahil marami pang mga tao na pagala-gala sa ganitong oras. May mga taong ine-enjoy ang kalayaan nila bilang college students, ang ilan ay pansin kong pagod galing trabaho, may mga bata na hindi ata pinaghahanap ng mga magulang nila, at mabibilang ang naglalako ng pagkain. Masaya pa ang kalye sa ganitong oras. Pero kahit gano'n, gusto ko pa rin ng katahimikan.
Lumiko muna ako sa kabilang kalye dahil alam kong may maliit na tindahan ng school supplies dito. Mas mura kasi kung dito bibili kaysa sa convenience store. Sana lang ay bukas pa sila. Pero base naman sa mga experience ko noon, tuwing alas nuebe pa sila nagsasara.
Malaki ang ngiti ko nang makita ang nagliliwanag na ilaw mula sa loob ng tindahan. Tatawid na sana ako nang may apat na motor ang sunod-sunod na dumaan sa harap ko. Muntik pa akong mahagip ng isa kung hindi lang sa mabilis kong pag-iwas.
Malakas ang kabog sa dibdib ko gawa ng mabilis nilang pagpapatakbo ng sasakyan na sinabayan pa ng nakakairitang tunog ng motor. Isang pagkakamali lang paniguradong sa ospital ako uuwi ngayon. Dito ko lang naranasan sa Maynila ang ganito katulin na mga sasakyan, mga feeling hari ng daan, mga hindi takot sa kamatayan.
Napailing na lang ako habang mabilis na tumawid bago pa ako masagasaan nang tuluyan.
May eskenita akong daraanan bago makarating sa tindahan. Medyo malawak iyon kumpara sa kalimitang eskenita. Hindi ko masyadong pinapansin 'to dati kapag dumadaan ako rito. Madilim kasi ang bahagi na 'to, at alam ko ginagawa lang itong tapunan ng basura at dito madalas nagtatago ang mga asong kalye, pusa, at mga mababait na walang pagtaguan sa gitna ng abalang siyudad.
Lalagpasan ko na sana kaso nakarinig ako ng pagdaing. Malinaw na may tinatakasang sakit ang tunog na 'yon. Alam kong hindi mula sa hayop ang tunog na 'yon kahit pa mukhang sa eskenita nanggagaling. Hindi ko na sana papansinin dahil akala ko'y nasa isip ko lang pero dumaing muli ito sa sakit at saka malakas na umubo. Ayoko na sanang tignan dahil baka taong-grasa lang o matandang palaboy na kailangan ng tulong ko. May nag-uudyok sa mga paa ko na lumapit, kung tama ang nasa isip ko, makokonsensya ako kung hindi ko tutulungan ang matanda. Madalas akong makakita sa daan ng mga tulad nilang sa kalsada lang natutulog, halatang may hinaing sa katawan ngunit wala naman silang magawa dahil maging ang mga tao ay dinadaan-daanan lang sila, kung minsa'y dinuduraan pa.
Kinuha ko ang cellphone sa bulsa at binuksan ang flashlight nito dahil wala akong makita. Katiting lang na ilaw mula sa street light ang nakakapasok dito at mukhang nahihiya pa ang buwan ngayon. Dahan-dahan akong pumapasok sa loob ng eskenita habang nagdadasal ng 'Aba Ginoong Maria,' kung imbes na matanda ay masamang damo ang makita ko.
Isang lalaki ang nakahiga patalikod sa akin. Pansin kong nakapilipit ito na parang masakit ang bandang tiyan. Tuloy-tuloy ang paglunok ko sa kaba. Habang papalapit ay nagiging pamilyar sa akin ang bulto ng katawan at estilo ng buhok ng lalaki.
"Ralph?" Nakatagilid ito ngunit kilalang-kilala ko ang buhok niya. Hiniga ko siya at nakita ang sugatan niyang mukha. "Ralph! Omg!" Agad akong napaluhod at pinagmasdan ang katawan niya. Nagdurugo ang ilong at bibig niya, samantalang namamaga ang isang mata nito. Yakap-yakap ng magkabila niyang kamay ang tiyan.
Tinignan niya ako na para bang hinihinuha kung sino ako.
"A-anong nangyari sayo? Sinong gumawa sayo niyan?" Nanginginig maging ang boses ko. Hindi ako makapaniwalang masasaksihan ko siyang ganito ang kalagayan. Sa buong buhay ko ay wala pa akong nararanasang ganitong karahasan.
Kailangan ko siyang tulungan. Dapat siyang dalhin sa ospital.
"Tutulungan kitang tumayo, okay?" Sambit ko rito subalit hindi na siya umimik pa. Mukhang wala nang natirang lakas sa kanya. "Kailangan kitang dalhin sa ospital."
"No," namimilipit na wika niya. Nakaakbay ang isa niyang kamay sa'kin ngayon habang inaalalayan pa rin ng isa niyang kamay ang tiyan. Doon ko napansin na namumula rin ang mga daliri niya.
"Ha? Bakit hindi? Kailangan mong pumunta sa ospital. Hindi mo ba alam ang kalagayan mo? Kailangang gamutin 'yang mga sugat mo." Bugbog-sarado siya. Paano kung may komplikasyon sa loob ng katawan niya?
"I'm fine, don't mind me." Agad nitong tinanggal ang pagkakaakbay sa'kin nang makalabas kaming eskenita. "Why are you even here in the first place?"
Kinuyom ko ang kamao. Napakataas talaga ng pride niya. Ako na nga itong mabuting tao na nag-aalok ng tulong pero susuklian niya ako ng gano'ng ugali.
"Alam mo? Bahala ka sa buhay mo! Manigas ka d'yan!" Mabilis akong tumakbo palayo sa sobrang inis.
Nakakabwisit talaga si Ralph. Panigurado isa na naman 'to sa pakulo niya. Bakit nga ba ako nagpahuli muli?
Napatigil ako nang makarinig ng malakas na pagtama sa sahig. Tumalikod ako upang makita ang nangyari. Nakaluhod na si Ralph sa kalsada at tila sumusuka ng dugo.
Napailing na lang ako sa sarili bago tumakbo papalapit sa kanya.
"Bakit ba ang kulit mo?" Malakas kong pinalo ang braso niya sa sobrang inis. Kokonsensyahin niya pa ako dahil sa pag-iwan ko sa kanya kung sakali.
Inalalayan ko ulit siya patayo. "Sa ayaw mo o sa hindi, dadalhin kitang ospital."
♣♦♥♠
Nang makarating kami sa ospital sakay ng tricycle na pinara ko ay agad na dinala si Ralph sa emergency room. Buti na lang dala ko ang wallet ko at may malapit na ospital.
Pinaupo ako ni Ralph sa waiting area habang nililinis ang mga sugat niya. Pinasalamatan pa ako ng doctor dahil agad ko siyang dinalang dito. Chine-check din nila ngayon kung may internal bleeding ba o kumplikasyon sa loob ng katawan niya. Nang simulang tanungin ng doktor ang nangyari kay Ralph ay doon niya ako pinaalis. Binigay niya pa ang sariling cellphone para matawagan ko si Steven.
Ang problema ko ngayon ay paano ko siya matatawagan? Naka-lock ang phone niya at kailangan ko ang fingerprint niya para mabuksan ito.
Napabuntong hininga ako sa oras, mag-aalas nuebe na. 'Yung 15-minute break ko, naging isang oras. Lagot na naman ako kay Sir A nito. Kasalanan na naman ni Ralph.
Gusto ko sanang bumalik sa kama ni Ralph para matawagan ko na si Steven upang makabalik na akong Samael's kaso parang ayaw naman niyang nandoon ako. Ramdam ko nang pilit niya akong pinapaalis kanina kahit pa sabi ng mga nurse na ayos lang kahit doon ako maghintay sa loob.
Rinig kong tumunog ang tiyan ko. Hindi pa nga pala ako nakakakain. Nakalimutan ko ang lahat ng dapat kong gawin dahil kay Ralph. Obstruction ata talaga siya sa buhay ko.
Nagulat ako nang biglang tumunog ang cellphone ni Ralph. May nag-flash na unknown number sa screen. Si Steven kaya 'to?
Nilagay ko sa tainga ang phone. Magsasalita na sana ako nang unahan ako ng nasa kabilang linya.
"That's your warning. Fix the nuisance that you caused, or they won't just use their fucking hands next time. You know me, Hero."
Madiin ang kapit ko sa cellphone. Nakakatakot ang boses sa kabilang linya. Kaunti lang ang sinabi niya pero parang babalatan ako nang buhay.
Wrong number ba siya o para talaga kay Ralph ang mensahe na 'yon? Pero bakit 'hero' ang tawag niya kay Ralph? Siya ba ang may kagagawan no'n kay Ralph?
Kailangan ko itong i-report sa pulisya. Pagbabanta sa buhay ang ginagawa niya.
Nang mapatingala ako ay nahagip ng mata ko ang isa sa mga nurse na naglinis ng sugat ni Ralph. Tinawag ko ito at agad na nilapitan sa nurse area.
"O-okay na po ba si Ralph?"
Napaisip pa ito bago ako sagutin. "Oh, si Real? Okay naman ang vitals niya, ma'am. Kailangan niya lang magpahinga ngayong gabi. Then, need i-xray to make sure na walang damage sa lungs niya and no bone fractures. Dinala na namin siya sa male's ward for now since tomorrow morning pa ang resume sa radiology."
Napatango lang ako sa sunod-sunod niyang sagot.
"By the way, ma'am, kaano-ano po kayo ng pasyente?"
"Classmates po kami."
Pansin kong may sinulat ito sa charts na hawak. Sunod niyang tinanong ang pangalan ko kaya't binigay ko. Mukhang kailangan 'yon para sa report.
"Alam niyo po ba kung anong nangyari?" Pagtatanong muli ng nurse.
"H-hindi niya po ba sinabi?"
"Sinabi naman, ma'am. Pero feel ni Doc nagsisinungaling siya. May mga detalye lang siyang hindi sinasabi. Gusto lang din po namin makasiguro na hindi natin kailangang tumawag ng pulis."
"P-pulis po?"
Nanganganib ang buhay ni Ralph. Kailangan ko siyang tulungan. Kailangan kong maki-cooperate sa ospital para masigurong hindi na ulit mangyayari 'to.
"Yes, ma'am. Kadalasan 'yung mga ganitong kaso namin sa ospital, hindi lang basta-bastang away-kalye. May puno't dulo ang lahat." Hindi ako nakakibo kaya't nagsalita muli siya, "Nasaan po ba kayo noong oras na 'yon?"
Umiling ako. "Naabutan ko lang siyang nakahandusay sa liblib na eskenita."
"Balitaan niyo po ako kung mapipilit niyo si patient na mag-report sa pulis. Pwede namin kayong tulungan."
Tumango lang ako bago umalis ang nurse.
Habang naglalakad patungong male ward ay naglalaro sa isip ko ang mga pwedeng sabihin kay Ralph. Iniisip ko kung paano ko sisimulan ang topic na 'yon, kung paano ko siya mapipilit na humingi ng tulong. Pero umurong ang dila ko nang makita ko siyang nakahiga sa pinakadulong kama ng kwarto. Walong kama ang mayroon sa loob at tatlo doon ay bakante. Dahil nasa dulo si Ralph, ramdam ko ang pagsunod ng mga mata sa akin.
Minamasdan lang ni Ralph ang bintana, nasa third floor kami kaya paniguradong sa langit o gusali siya nakatingin. Hindi siya humaharap sa'kin bagkus, sa repleksyon ko lang siya tumitingin.
Batid kong may mga band-aid ang sugat niya sa ilong at pisngi, samantalang puno ng gamot ang sugat niya sa labi. Hindi pa rin nawawala ang pamamaga ng ilalim ng mata niya.
"Where's Steven?" Pinilit niyang magmukhang malakas pero halata naman na nahihirapan siya.
"Hindi ko pa siya natatawagan." Nakayuko kong saad at hinanda ang sarili sa galit niyang boses.
"What? I gave you one fucking job!" Humarap siya sa'kin. Ang kamay ay hawak-hawak ang cold compress na dinadampi niya sa ilalim ng mata. Kahit punong-puno ng sugat ang mukha niya, nakakatakot pa rin ang boses niya.
"Hindi ko alam ang password mo." Marahan kong inabot sa kanya ang cellphone. Kinuha niya lang iyon sa akin at saka humarap muling bintana. "Kailangan mo pa raw magpa-xray."
"No. I need to go home."
"Pero---"
"I don't have enough cash to pay for extra bills, okay? That's why I needed you to call Steven!" Humarap muli siya sa'kin. "I told you, hindi mo na dapat ako dinala dito."
"Anong gusto mong gawin ko? Hayaan kang nakahiga sa kalye? Gusto mong kainin ako ng konsensya ko, e, halos mahimatay ka na nga kanina!" Hindi ko alam kung bakit nangingilid ang luha ko. Pati lalamunan ko ay nangangaralgal.
"Who told you to help me? I can handle myself, Erica."
Bumibigat ang dibdib ko. Pilit kong pinipigilan ang pagtulo ng luha ko subalit nanlalabo na ang paningin ko.
"Simpleng 'salamat' lang ang hinihingi ko. Kahit 'yun na lang sana, Ralph." Kinuyom ko ang kamao sa pagbabaka sakaling mapipigilan nito ang paggaralgal ng boses ko. "Kahit paalisin mo ako basta't narinig kong nagpasalamat ka, ayos lang. Alam mo bang mapapagalitan na naman ako ni Sir A dahil sayo? Mawawalan ako ng trabaho dahil sayo!"
Nawala sa isipan ko na hindi lang pala kami ang tao sa loob ng ward ngayon. Sa sobrang kahihiyan ay tumakbo ako papalabas. Ayoko ring makita ako ni Ralph na umiiyak. Ayoko na siyang makita pa.
Nakakagalit siya. Talagang wala siyang empatya sa nararamdaman ng iba. Puro sarili lang ang iniisip niya. Hindi ba siya sanay tulungan ng ibang tao kaya't hindi niya alam ang salitang salamat?
Pero mas naiinis ako sa sarili. Ang tanga-tanga ko dahil hinahayaan ko siyang sirain ang buhay ko. Bakit hindi ko man lang naisip ang trabaho ko nang tulungan ko siya? Bakit ko pa ba siya pinilit magpuntang ospital? Ni wala nga siyang pakialam sa kalagayan niya. Bakit pa ako manghihimasok sa mga desisyon niya sa buhay?
Hay, ano ba 'tong gulong pinasok ko?
Bakit ka ba pumasok sa buhay ko, Ralph Real?
♣♦♥♠
Sa kadahilanang halos dalawang oras akong nawala sa trabaho, pina-extend ni Sir A ang shift ko. Katulad ng dati, mainit na naman ang ulo niya sa'kin. Ramdam kong malapit niya na akong sisantehin kung hindi lang dahil sa pagmamakaawa ko. Pero may kapalit ang lahat ng 'yon. Magdo-double shift ako tuwing weekends nang walang bayad. Hindi ako nakareklamo pa dahil nakataya doon kung may trabaho pa ako bukas.
Pumasok ako kinabukasan na walang kain at halos isang oras lang ang tulog. Mas inuna ko kasi ang pagre-review para sa quiz namin ngayong araw. Di bale nang masakit ang ulo ko, may lunas naman 'yon. Puwede naman akong uminom ng gamot. Pero kapag hindi ko na-perfect ang quiz na 'to, maaaring mawalan ako ng scholarship. Paulit-ulit kong sinasabi sa sarili na hindi dapat ito mangyari. Ako lang ang inaasahan ng pamilya ko ngayon. I should not disappoint them.
Kailangan kong magsumikap sa buhay. Ito lang ang paraan para makaangat kami sa kahirapan. Kapag nakapagtapos ako ng pag-aaral na walang ginagastos si Papa, malaking achievement na 'yon. Tapos ay kailangan kong maghanap ng maayos na trabaho para mapagpaaral ko sa magandang eskwelahan ang nakababata kong kapatid. Kaya bawal akong pumalya ngayon.
Tanging biscuit lang ang kinain ko sa tanghalian dahil kinakailangan ko pang mag-aral para sa susunod na subject. Bukod pa do'n ay mag-isa lang akong kumain sa isa sa mga bench sa freedom park ng university. Hindi ako sinamahan ni Claire, napagdesisyunan niya atang huwag na rin akong kausapin. Tuwing nilalapitan ko naman siya ay kusa ring lumalayo. Para siyang pusa at ako ang kinakaayawan niyang tubig.
Dasal lang ang tangi kong sandata sa quizzes kanina. Alam kong wala sa tamang katayuan ang katawan ko. Kahit apat na beses akong uminom ng gamot ay hindi mawala ang sakit ng ulo ko. Alam kong sobra-sobra na ang nainom ko pero magdadalawang araw na akong gising. Gusto ko pa sanang matulog kaso nga lang ay kailangan ko na maghanda para sa shift ko sa trabaho. Siguro'y isisingit ko na lang ang pagtulog mamayang break time.
Biyernes ngayon kaya't puno ang Restobar kahit pa alas sais pa lang ng gabi. Tuwing ganito ang laman ng Samael's ay madalas akong late na mag-break. Hindi kasi maubos ang mga customers, mga walang balak umuwi. Siguro ganito lang talaga mag-distress ang karamihan sa mga kaedaran ko ngayon. Samantalang ako'y walang panahon sa mga kasiyahan.
Hindi ko na maalala kung kalian ang huling beses akong nag-distress. Kung isasama sa bilang ang pagmu-movie marathon namin nina Claire at Heidi sa dorm, edi last semester pa ang huli.
Mukhang tama nga si Ralph sa sinabi niya sa'kin. I am "no fun;" boring at walang ibang alam gawin kundi mag-aral at magtrabaho. Hindi ko pa nararamdaman kung gaano kasarap magsaya tuwing Biyernes ng gabi kagaya ng mga kabataan na pinagse-servan ko ngayon.
"Enjoy the night!" Sinubukan kong ngumiti kahit pa gusto nang sumabog ng ulo ko. Hindi naman sinuklian ng mga customers ang ngiti ko sa kanila. Minsan tuloy iniisip ko na lang na huwag sabihin ang tagline. Wala naman kasing may pakialam.
Pagkatalikod ko sa kanila ay sakto ang pagdaan sa harap ko ng pamilyar na babae. Umupo siya sa table for two kaya't madali ko siyang nilapitan. Pormal ang suot nitong Amerikana ngunit pambabae ang estilo. Siguro ay galing siyang isang formal event. Hindi naman kasi siya magsusuot ng ganoon para lang magpunta rito sa Samael's.
Umiikot ang mga mata at ulo niya sa kabuuan ng restobar kaya siguro hindi niya ako napansin.
"May I take your order, Ma'am?" Nakangiting saad ko sa Ate ni Ralph.
Bahagya siyang napatingin sa akin tapos ay bumalik sa cellphone niya. Mukhang may hinihintay itong text message.
"Uhh, just warm water," sagot nito nang mapagtantong hinihintay ko siyang magsalita. Namumukhaan kaya niya ako? Siguro hindi niya rin ako maaalala, mukha siyang busy na tao.
Tumango ako bago pumuntang kitchen area para kumuha ng isang basong tubig.
"Kilala mo siya?" Napatingin ako sa katabi ko. Imprente lang na nakaupo si Meghan sa kitchen counter, akala mong walang mga customers sa labas.
"Sino?" Pagtataka ko. Gusto ko na sanang matapos ang usapan namin. Inaamin kong intimidated ako sa mga tingin niya.
"'Yung babaeng pagse-servan mo n'yan." Dinuro niya ang baso.
"Oo."
"Really?" Sarkastiko siyang tumawa. "So, talagang close kayo ni Ralph?"
"H-hindi." Iniwasan ko siya. Akmang tatalikuran ko siya nang mahigpit niyang pinigilan ang kamay kong hawak-hawak ang baso, dahilan ng pagtapon ng kaunting tubig sa baso at pagkabasa ng tiles na sahig.
"Ang putla mo, girl. Sure kang okay ka lang?"
Hindi ko alam kung taos-puso ba ang pag-aalala niya, hindi ganito ang Meghan na kilala ko.
"O-oo." Inalis ko na ang mga kamay niya sa'kin.
Ngayon at pinaalala niya, bigla na lamang umiikot ang paligid ko. Tumigil ako saglit upang sumandal sa pader. Masama ito, hindi pupwede. Kailangan kong magpokus. Siguro'y iinom na lang ulit ako ng gamot mamaya.
Binaba ko sa table ng Ate ni Ralph ang isang basong tubig. Hindi ko napansin na hindi na ako ngumiti sa kanya. Ang nasa isip ko lang ngayon ay ang pag-inom ng gamot upang mawala itong nararamdaman ko sa'king ulo. Wala akong pakialam kung may mabangga ako pabalik, katunayan nawawalan na nga rin ako ng katuturan sa paligid.
Lumalabo ang paningin ko, magkahalong tunog ang pumapasok sa tainga ko na hindi na kayang iproseso ng utak ko. Hindi ko na nga mawari kung ano bang sinasabi ng babae sa harap ko. Base sa ekspresyon ng mukha niya ay galit siya, ngunit hindi ko alam ang kinakagalit niya. Dinuduro niya pa ako subalit napapapikit na ang mata ko. Gusto ko siyang tanungin ukol sa nagawa ko pero gusto nang sumuko ng katawan ko.
Huli kong narinig ay malakas na sigawan bago ako tuluyan mapapikit.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top