Chapter 13 • The Heroine

SIMULA NANG SAGOT-SAGUTIN ko si Ralph sa Samael's nung Linggo ay hindi na niya ulit ako ginambala pa. Pwera na lang kung pangangambala bang maitatawag ang hindi niya pagpapapansin sa'kin. Hindi na kasi ako sanay na wala siyang ginagawang kawirduhan kapag nasa tabi ang presensya niya.

Sinauli ko na rin ang panyo at kwintas na pinahiram niya sa'kin. Kaya wala na akong atraso sa kanya. Sana lang ay iyon din ang nasa isip niya.

Eksaktong alas dos lumabas ang mga estudyante sa classroom para sa next class namin. Ngunit bago pa man ako makaupo sa pwesto ko ay may lumapit na sa'king pamilyar na babae. Malaki ang bilog nyang salamin sa mata na bumagay naman sa hugis ng mukha niya.

"Ikaw si Erica, diba?" paglilinaw nito. Tumango lang ako.

Katunayan, hindi ko rin alam ang pangalan niya. Ang alam ko lang ay blockmate namin siya last semester at kaklase sa ibang mga subjects ngayon.

"Nahulog mo 'to kahapon." Nanlaki ang mata ko nang iabot niya ang gold necklace na iniwan ko sa lamesa ni Ralph.

"Paano napunta sayo 'to?" pagtataka ko.

"Nakita ko lang kahapon sa sahig. I guess sayo since nasa tapat ng upuan mo."

Tumango ako kahit hindi pa rin kumbinsido sa kanya. "S-salamat," sagot ko.

Nginitian niya ako bago lumabas ng classroom.

Pansin kong nakatingin lang si Claire sa akin mula sa kinauupuan niya. Mabilis akong tumabi sa kaibigan ko nang marinig ang boses ng professor namin sa Ethics.

"Ano 'yun?"

"W-wala." Agad kong tinago sa bulsa ng pencil skirt ang mamahaling kwintas.

"May inabot siya sayo, eh?"

Sabi ko na nga ba't nakita niya. Hindi ko na naman alam ang ipapalusot ko.

"Wala. Akala niya lang daw sa'kin."

"Ang alin?"

"Okay, class. Kindly submit your C.O.R. in front." Hindi ko na nasagot pa si Claire dahil nagsalita na ang professor namin. Buti naman at napunta sa iba ang atensyon niya.

"I hope that you've already printed your own copy. Ayokong makarinig na naman ng rason na nakalimutan. I already gave you a week to complete this," pagpapatuloy ng professor namin.

Isa-isa namang umugong ang kaluskos sa mga bag ng kaklase ko. Paniguradong hinahanap na nila kung saan nila naisuksok ang isang piraso ng papel na nagpapatibay na enrolled kami sa subject niya. Ang certificate of registration ang binibigay ng registrar sa mga estudyante kapag naka-enroll ka na. At importante 'yon sa ibang professor.

Kaya't heto ako, todo halungkat sa loob ng bag ko dahil hindi ko pa rin mahanap kung saan nakasuksok 'yung akin.

"Claire, hindi ko ba pinatago sayo?" Nagsisimula na akong pagpawisan.

"Wala kang pinapatago sa'kin. Bakit?"

"Hindi ko mahanap 'yung C.O.R. ko." Inisa-isa ko na ang mga pahina sa filler notebooks ko.

Saan ko ba inipit 'yon?

Malalagot ako nito, fifty points pa naman sa class record ang assignment na 'to.

"Please pass in front." Nang magsalita si Sir ay doon na ako nagsimulang kabahan.

"Baka naman naiwan mo sa dorm?"

Naiwan ko ba? Hindi ko nga maalalang nilabas ko 'yon.

Natapos na ang klase nang wala akong naipasa sa harap. Inisa-isa pa ni Sir bago siya umalis ang mga pangalan ng hindi nakapagpasa. Pupwede pa naman kami magpasa sa susunod na meeting kaso may bawas na.

Malungkot akong naglalakad paakyat sa susunod naming klase. Hindi ako sanay na hindi nakakapagpasa on time. Nangangamba ako na magkaroon ng malaking impact 'to sa grade ko at matanggalan ako ng scholarship. Paniguradong araw-araw kong sisisihin ang sarili kung nagkataon.

Huling subject na namin para ngayong araw. Ito ang isa sa mga paborito kong subjects, ang business statistics.

"Any new comers?" Pagtatanong ni Ma'am Vista. Mabait ito at kwelang professor. Hindi ako nakaramdam ng matinding kaba sa kanya noong first day. Kaya sa palagay ko ay ma-e-enjoy ko ang subject na ito.

"Here." Napatingin ako sa nagsalita sa bandang likod. Sa unahan kami nakaupo ni Claire dahil wala namang seating arrangement.

Tumayo ang nagsalita kaya't nanlaki ang mata ko. Enrolled din siya rito?

"What's your surname?" Tinignan ni Ma'am Vista ang class list niya at lumapit kay Ralph.

Akala ko'y tuwing business law ko lang siya makikita. Pati ba naman ngayon ay sisirain niya ang araw ko?

"Real." Pansin kong ngumisi siya sa akin. Iniwasan ko siya ng tingin at humarap na lang sa glassboard.

May binabalak na naman ba siya? Akala ko tapos na niya akong pagtripan!

"Bakit kaklase ulit natin 'yan?" Rinig kong bulong ni Claire sa sarili. Maging siya ay inis na. Sino ba naman kasing hindi maiinis kapag may kasama kang dating kriminal sa klase?

"Mr. Real, bakit wala ka last week?"

Oo nga, bakit hindi pa siya nagpakita last week?

"I just enrolled yesterday."

Nirolyo ko ang mata. Pinagtitripan niya ba ulit ako? Pero ayoko namang mag-assume.

"I see. Please return to your seat."

"Actually, I prefer to sit in front."

"Go ahead. We have no sitting arrangement here. Kahit sa CR ka pa umupo, pwede." Hindi naalis ng joke ni Ms. Vista ang kaba ko. Ramdam kong papalapit na si Ralph sa pwesto namin. Kahit pa wala nang bakanteng upuan sa linya namin ay alam kong nasa malapit lang siya.

"Since you're already complete, let's assign you partners for your feasibility study for your finals."

Bunutan ang naging siste para malaman kung sino ang magiging partner namin. Ito ang naisip ng kuwela naming professor para daw fair, 'tsaka tadhana raw ang nagde-decide no'n at hindi siya. Wala naman kaming maireklamo pa sa argumento niya.

Kakaunti na lang ang papel na nasa loob ng malaking garapon. Tinawag na si Claire kaya nawawalan na ako ng pag-asa lalo pa't hindi pa natatawag si Ralph.

Kahit sino na talaga huwag lang si Ralph Real.

"Quisumbing..."

Napangiti ako nang tawagin ni Ma'am kaso hindi pa rin mawala ang pangangatog ng tuhod ko. Pinagdikit ko ang magkabilang palad ko at pumikit. Please Lord, ayoko talaga sa kaniya. Kahit sino please... huwag lang talaga do'n sa ex-convict na chainsmoker na si Ralph Real.

"And Real."

"Ano?!" Mas nauna pang nag-react sa akin si Claire pero parehas lang kami ng reaksyon.

Gusto kong lapitan si Ma'am at sabihing palitan niya ang partner ko kahit alam kong hindi siya papayag.

"Gusto mong magpalit tayo?" Pagtatanong ni Claire. Agad akong umiling.

Hindi niya na kailangang maranasan ang kagaguhan ni Ralph. Alam ko ring may hika siya kaya hindi siya pwedeng dumikit-dikit sa chainsmoker na 'yon.

"H-hindi na. Ayos lang." Kahit hindi talaga ayos.

"Write your name in ¼ sheet of paper," rinig kong utos ng prof namin. Napabuntong hininga ako.

"Hindi ayos. Iba ang pakiramdam ko sa Ralph na 'yan, eh," bulong nito. Tama ang pakiramdam ni Claire. Pero ayoko rin namang siya pa ang sumalo ng kademonyohan ni Ralph.

May kumalbit sa likod ko kaya agad akong napalingon. Halos lumayo ako sa sandalan ng upuan dahil nakapatong lang do'n ang baba ni Ralph.

"So, we're partners, Quisumbing." Hindi ko siya matitigan sa mata. Masyado siyang malapit sa'kin. Bumalik na naman sa isip ko ang pagdikit ng labi namin. Nag-alburoto muli ang aking tiyan.

"I'll be your partner." Nagulat ako dahil sa pagsingit ni Claire sa usapan.

"What? No!" Inagaw ni Ralph ang papel ng katabi niya at sinimulang isulat ang pangalan niya.

"How do you spell your name?" Pagtatanong niya matapos.

Kinuha ko sa kanya 'yung hawak-hawak niyang papel at sinulat ang pangalan ko. Ako na rin ang nagpasa sa harap. Napabuntong hininga na lang ako. Kailangan ko na lang sigurong tanggapin na ito ang kapalaran ko.

"Don't worry, I won't disappoint you, Betty," wika niya muli bago tapikin ang balikat ko.

Inirapan ko na lang muli siya.

Nagulat ako nang patago niyang inilapag sa mesa ko ang piraso ng lukot-lukot na papel. Dahan-dahan kong binuklat upang makita kung ano 'yon. Agad ko siyang hinarap at sinamaan ng tingin. Paano napunta sa kanya ang C.O.R. ko? Ano na namang laro ang inumpisahan niya?

"Bakit masyadong feeling close sayo si Real?"

Nagkibit-balikat ako sa tanong ni Claire. Naglalakad na kami papunta sa susunod na klase.

"Madalas ba kayong nag-uusap tuwing Business Law?"

Hindi ko siya sinagot at tinaas-baba muli ang balikat ko. Wala akong gana lalo pa't alam kong may pinaplano na naman si Ralph. Ano ba talagang gusto niyang makamit?

"Meron ka bang hindi sinasabi sa'kin?"

Mabilis akong umiling. Hindi ko akalaing nagsisinungaling ako kay Claire. Dati ay bawat sikreto ko alam niya. Hindi ko alam kung bakit ngayon ay hindi ko masabi ang mga kamalasang nangyari sa'kin dahil kay Ralph. Sino ba ang ayaw kong ilaglag, si Ralph o sarili ko?

"Basta kung pinagtitripan ka ng Real na 'yan, sabihin mo sa'kin!" Naalala ko pa kung paano ako ipagtanggol dati ni Claire sa bawat kalaro namin na nambubully sa'kin. Napakaswerte ko talaga at kaibigan ko siya.

Kailangan ko na bang sabihin kay Claire ang lahat? Pero kaya niya ba akong ipagtanggol kay Ralph? Paano kung pati siya ay pagtripan?

♣♦♥♠

Nag-out na ako gamit ang biometrics sa gilid ng pinto ng employee's entrance/exit. Eleven o'clock pa lang, maaga ako pinag-out since wala naman daw masyadong customers. Kaya medyo masaya ako dahil maaga ako makakapahinga.

Nang makalabas ay nagulat ako sa nakita kong nakatayo sa tapat. Naninigarilyo si Ralph habang nakatingin lang sa sahig at nakasandal sa motor niya. Mahigpit kong hinawakan ang body bag ko at mabilisang naglakad habang hinihiling na sana hindi ako ang pakay niya. Sana hindi niya ako makita.

Pero huli na ang lahat nang marinig kong tinawag niya ako sa apelyido ko.

Kailan pa siya nagkaroon ng pakialam sa pangalan ko?

Hindi ko siya nilingon at pinagpatuloy ang paglalakad patungo sa customer's entrance. Naramdaman ko ang mahigpit niyang kapit sa braso ko kaya't winasiwas ko ito upang tanggalin ang umaaligid niyang kamay.

"Ano ba?" Bulyaw ko pa, nagbabaka sakaling may makakapansin na ilang papasok na customers sa loob. Kaso dire-diretso lang sila sa maingay na restobar. "Ano bang gusto mo Ralph, ha?!" Hindi ko mapigilan ang kanina pa gustong lumabas na galit sa dibdib ko. Ano bang kasalanang ginawa ko sa kanya?

"Why? If I told you what I really want, would you give it?" Heto na naman siya sa dahan-dahan na paglapit sa akin. At ako naman itong sinasabayan ang hakbang niya paatras.

Kung may lakas ng loob ako three seconds ago, nawala na lahat dahil sa matatalas na titig ni Ralph sa akin.

Paatras lang ako nang paatras hanggang sa pigilan ni Ralph ang kanang balikat ko. "Look where you're going, Quisumbing."

Nang tignan ko ay muntik ko na palang mabangga ang isa sa mga palabas na customer.

"Forte mo ba talaga ang mambangga ng customer?" Mapaglarong tanong niya bago ibuga muli sa mukha ko ang usok ng sigarilyo.

"Uuwi na ako." Hindi ko alam kung bakit pa ako nagpapaalam sa kanya. Basta't ang ginawa ko lang ay tanggalin ang kamay niya sa balikat ko.

"Hatid na kita." Tinapakan nito ang upos ng kaninang sigarilyo.

Pagtataka naman ang paniguradong nangibabaw sa mukha ko.

"Kung hinahanap mo 'yung kwintas, naiwan ko sa dorm. Bukas ko na lang---"

"Anong kwintas?"

"'Yung pinahiram mo nung Sabado?" Hindi ba't wala pa sa kanya dahil nahulog noong dapat isasauli ko? Kaya naman nasa akin ulit.

"Oh, if you want, you can have it."

"Para ano? Magkautang na naman sayo? Para libre mo na naman akong pagtripan?" Diniretsa ko na siya. Hindi ko na kaya ang pambubully niya.

"And who said na pinagtitripan kita?"

"Eh, ano pala ang ginagawa mo? Talagang kinuha mo pa ang C.O.R. ko para lang sirain ang araw ko." Hindi ko alam bakit nagiging komportable ako sa pagsabi sa kanya ng hinaing ko. Kadalasan ay hindi ako sanay magpakatotoo sa taong kinaiinisan ko, ayoko kasing ako ang magmukhang masama. Pero kahit alam kong may tyansang saktan ako ni Ralph, tuloy-tuloy pa rin ang pagbuka ko ng bibig.

"You know what? Kaya ka maraming wrinkles dahil sa ka-o-overthink mo, eh." Nagulat ako nang mabilis niyang tapikin ang noo ko. Hinawakan ko iyon na para bang may dinikit siyang kung ano.

"Kaya ka rin vulnerable sa bullying because ang dali mong basahin," pagpapatuloy niya pa. "I just want to be friends. What's wrong with that?" Mabait ang tono niya. Nakaka-enganyo ang mata niya. "Isa pa, ang dami nang nangyari sa'tin last Saturday." Tinaas-baba nito ang dalawang kilay.

Naalala niya kaya?

Agad kong hinawakan ang ibabang-labi. Akala ko hindi niya alam dahil lasing at tulog siya. Nagpapanggap lang ba siya noong mga oras na 'yon? Nakakainis talaga siya!

"You're really naïve, Quisumbing." Tinulak nito ang noo ko gamit ang hintuturo. "Tara na." Sumampa na ito sa motorbike.

Tinitigan ko lang siya. Nakakunot pa rin ang noo ko kaiisip kung totoong may malay siya nang halikan niya ako.

"What? Ayaw mong umangkas?" Pansin kong inaayos na niya ang suot na helmet.

"Kaya kong umuwi mag-isa."

Hindi na ako magpapaloko pa sa kanya. Hindi ko hahayaan na pagtripan niya ulit ako.

"Come on, I even brought this." Kinuha nito ang helmet na kulay black at iniabot sa'kin. Iba na iyon sa suot niyang helmet na binibigay niya sa'kin dati. Pansin kong kulay pink ang kulay ng strap nito at makinis pa ang ibabaw. Bago kaya 'to?

Tinignan ko lang 'yon. Naghihintay siyang kuhanin ko. Lumaki ang ngisi niya nang unti-unti kong ilahad ang kamay sa helmet. "'Yung nangyari nu'ng Sabado. N-naalala mo?"

Tumawa lang siya at saka ako kinindatan. Pakiramdam ko ay gusto kong manginig sa pandidiri.

"Nakakainis ka talaga!" Malakas kong pinalo ang braso niya at naglakad paalis. Ngunit wala pang limang hakbang ay may humila na ng braso ko.

"Yes, naalala ko. I remembered how you stayed with me the whole night and deal with my douche-y attitude. And I want to return that favor by being your friend."

Seryoso siya. At hindi niya naalala 'yung halik. Dapat matuwa ako dahil maaalis na ang pangamba ko. Pero may kirot sa puso akong naramdaman na hindi ko dapat maramdaman. Ibigsabihin hindi niya intensyong halikan ako. Wala siyang intensyon sa'kin.

Ang anggulong dapat kong tignan ay bumaliktad. Mas lalong bumaba ang tingin ko sa sarili ko dahil kahit ang adik na si Ralph Real, ang taong hindi ko matitipuhan, ay hindi rin magkakagusto sa'kin.

Ang gulo ng nararamdaman ko.

"Salamat na lang. Hindi ko kailangan ng bagong kaibigan." Tatalikuran ko na sana ulit siya nang may naalala ko. "At hindi kita sinamahan buong gabi dahil naawa ako sayo na tinakwil ng sariling pamilya, okay? Hinila mo ako. Ni wala ka ngang pakialam kung masakit na ba ang paa ko sa haba ng nilakad natin. Sumama ako dahil gusto ko nang umuwi. At..."

Hindi ko napagpatuloy ang sasabihin nang mapagtanto kung gaano kataas ang boses ko at kung paano ko siya duruin. May iilang mga tambay na naninigarilyo ang nanonood sa amin.

Agad kong tinago ang daliri sa likod. Alam kong masama ang manuro. Kahit kailan ay hindi ko pa ito nagagawa kahit kanino. Hindi ko akalaing sa pinakamapanganib na taong kilala ko pa ito gagawin. Talagang pinuno na niya ang pasensiya ko.

"Wow! You're really something." Hindi siya galit bagkus ay masaya ang mukha niya. "Let's go. Sumabay ka na sa'kin dahil sayang 'tong extra helmet."

"Hindi ka galit?"

"I am, quite, but I understand where you're coming from, that's what friends do."

Pinagpipilitan niya talagang maging kaibigan ako.

"Sasakay ka o magagalit ako?" tanong niya nang hindi ko siya sinundan.

"Gagawin ko. Sa isang pabor."

"Kakaiba ka talaga, Quisumbing." Ngumisi siya sa akin kaya't kakaibang pitik ang naramdaman ng puso ko. "Fine. What is it?"

"Huwag na huwag na huwag mo akong kakausapin sa school." Dinuro ko ulit siya upang malaman niyang seryoso ako. Kapag mas madalas niya akong kausapin ay mas lalong magdududa si Claire.

Napakunot ang noo niya. "Why?"

"Basta!" Iniwas ko ang tingin.

"Paano if may brainstorming for our feasibility?"

"Exemption 'yon, of course!"

"Okay, deal." Nilahad niya ang kamay niya kaya nakipag-shake hands na ako, as a sign na we're both agreeing.

Sinuot ko na ang helmet upang makauwi na ako. Amoy bago iyon, 'yung amoy ng bagong biling eraser. Binili niya lang ba ito para sa akin? Siyempre, hindi. At malay ko ba, baka ninakaw niya lang pala 'to.

Napangiti ako nang bukas pa ang gate ng dorm nang makarating kami. Nagmadali akong bumaba at tanggalin ang helmet.

"Bakit lagi ka nagmamadali? May curfew ka ba?"

"Oo," seryoso kong sagot sa pilosopo niyang tanong.

Hindi naman siya sumagot pa at kinuha lang sa kamay ko ang helmet. "Then, see you tomorrow, Quisumbing?" Magsasalita pa sana ako nang siningit na naman niya ang sarili. "Wait, masyadong mahaba ang Quisumbing. I'll think of a nickname for you."

"Pwede namang Erica na lang," bulong ko.

"Nah, I can't call you Betty, that's your real name." This time, alam kong pinagtitripan niya na naman ako kaya't sinamaan ko siya ng tingin.

Isang malaking ngiti ang binigay niya bago ipasok ang helmet sa ulo. Hindi ko alam kung bakit hinintay ko pa siyang makaalis bago pumasok ng gate.

Anong nangyayari sa'kin? Bakit bumaligtad ng 180° ang impression ko sa kanya? Demonyo pa rin naman siya, diba?

"See you tomorrow pala, ha?" Muntik na akong mapatili nang bumulaga sa'kin si Heidi. Posturang-postura ito, mukhang kagagaling niya na naman sa date.

"Narinig mo 'yon?" Paakyat na kami sa room namin na nasa third floor habang ngising-ngisi lang siya.

"Parang nung isang araw lang diring-diri ka sa kanya, ah? Ano? Kayo na?" Ginitgit niya ako sa railings ng hagdan.

"Never."

"Asus! Don't worry, safe sa'kin ang sikreto mo." Kumindat ito bago patakbong umakyat sa floor namin.

Mukhang wala akong maitatago kay Heidi. Hindi ko alam kung bakit lagi niyang nasasaktuhan ang pang-aalaska sa'kin ni Ralph. Nadagdagan tuloy ang listahan ng pang-blackmail niya sa'kin.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top