Chapter 11 • The Heroine
NAKABILOG KAMING TATLONG roommates sa sahig habang may bote ng apple-flavored beer sa gitna. Ikalawang linggo pa lang namin ni Claire dito sa Maynila pero pinakita na agad ng roommate namin ang wild side niya.
Nakatutok ang nguso ng bote kay Heidi habang tumatawa-tawa lang siya. Hindi magkamayaw ang kaba sa puso ko dahil baka marinig kami ng kabilang kwarto at biglang katukin, tapos mahuli pa kaming may beer sa loob. May house rule kasi na bawal magpasok ng kahit anong alcoholic beverage sa dorm. Pero itong katabi namin ay wala atang salitang takot sa bokabularyo. Nagulat na lang kami nang ilabas niya sa backpack ang anim na bote ng beer. Nang pagsabihan namin siya ay sinagot lang niya kami ng "lahat naman ginagawa 'to."
Pinilit kami ni Heidi na makipaglaro sa kanya ng paborito daw nilang larong magkakaibigan: spin the bottle. Simple lang naman ang rule, kapag hindi mo sinagot ang truth o ginawa ang dare, iinom ka sa bote ng beer.
"Fine. Aaminin ko na, hindi pa rin ako nakaka-move on sa ex ko four years ago. Ayan, happy?"
Tumango na lang ako bago niya ulit paikutin ang bote na sa akin naman tumapat. Malakas itong pumalakpak. Maging si Claire ay nasisiyahan sa laro namin.
"Truth!" sagot ko agad. Ayoko nga ang dare, paniguradong kakaiba ang ipapagawa ni Heidi sa akin. Kahit pa kasi kakakilala pa lang namin at hindi pa gaanong close ay komportable na siya sa amin.
"Ikaw ba? May naging ex ka na?" seryosong tanong niya.
Binalik ko ang tingin kay Claire, hindi ko kasi alam kung nakakahiya ba ang sagot sa tanong niya. Mukhang sa tatlong babaeng nasa kwartong ito, ako lang ang nananatiling walang kaalam-alam sa pag-ibig. Si Claire kasi ay may naging boyfriend na noong high school kami.
"Wala pa." Umiling ako.
"Tama 'yan, huwag ka masyado magpapaloko sa mga lalaki." May pagka-bitter ang boses niya.
"Wala namang naglakas-loob na magkagusto sa akin." Sinubukan kong ngumiti.
Nagulat ako nang hawakan ni Claire ang kamay ko. "Wala pa kasi 'yung taong para sayo."
"Ayon, oh! Love guru rin pala si Claire." Inasar ni Heidi ang kaibigan ko kaya parehas kaming natawa. "Gan'to, mag-isip tayo ng sign!" Masayang suhesyon ni Heidi. Bigla nitong kinuha ang notebook niya sa study table at mabilis na siniksik ang sarili sa gitna namin ni Claire.
"Hindi ka pa naman lasing, diba?" pag-aalala ko.
"'Nu ka ba? Walang nalalasing sa Sanmig apple!" Binalik nito ang tingin sa papel. "If ginawa ito ng isang lalaki para sayo, edi siya na ang dapat mong pakasalan."
Malakas ko itong pinalo. "Kasal agad?"
"Dali! Mag-isip kayo ng kakaibang signs!"
"Kapag pinagtanggol ka niya sa masamang tao." Si Claire ang unang nakaisip. Para bang matagal na niyang tinatago 'yon sa utak niya.
"Anong klaseng masamang tao? Dapat specific!" Silang dalawa na lang ang nagpapansinan.
Umupo ako sa kama ko at inalala ang trabaho ni Papa noon. Bago siya maging magsasaka ay magaling itong pulis na iniidolo ko. Halos lahat ng kaklase ko ay takot sa'kin kapag pinapaalam kong pulis siya. Walang gustong mambully sa'kin. Hindi tulad ngayon, kami na ang tampulan ng tukso.
"Holdaper, snatcher, kidnapper, rapist, adik?" Inisa-isa ni Heidi ang mga depenisyon niya ng masamang tao para sa kanya.
"Holdaper?" ani Claire na mabilis na sinang-ayunan ni Heidi. Kita kong sinulat niya iyon sa notebook.
"So, may manghoholdap sa'kin?" pagtataka ko.
Malaking ngiti ang binigay ni Heidi at hinimas pa ang likod ko. "In the near future."
Sinimangutan ko lang siya at binalik ang tingin kay Claire.
"Since mahilig si Eka sa pusa, kapag binigyan ka ng pusa!" dagdag ulit ni Claire.
"Kulay itim para less chances winning!"
Umiling na lang ako. Gusto ba talaga nila ako makahanap ng magiging boyfriend? Mukhang imposible ang sinusulat nila.
"Isa na lang."
Hindi ko alam kung bakit pati ako ay napaisip.
"Aha!" Sabay kaming napatingin ni Claire kay Heidi na abot hanggang tainga ang ngisi. "Kapag binigyan ka ng isang milyon ng pamilya niya upang hiwalayan mo siya!" Malakas na tawa ang umikot sa loob ng kwarto.
Hinagisan ko ito ng unan. "Ano 'to? Drama sa hapon?"
Ilang minuto rin ang lumipas bago humupa ang mga hagikgik namin dahil sa malakas na katok sa pinto.
♣♦♥♠
Mahaba ang pila sa pangalawang counter ng grocery kung nasaan kami naghihintay ni Heidi. Samantalang si Claire ay hindi pa tapos mamili ng mga kailangan niya.
Kagagaling lang naming simbahan ng Quiapo kaya't dito sa Super8 ang diretso namin. Halos isang taon nang ganito ang ginagawa namin every other week. Para masiguradong hindi kami makukulangan ng supplies ng de-lata at pancit canton sa dorm.
"Wala kang balak na sabihin sa'kin ang nakita ko kahapon?" pagtatanong ni Heidi habang ngumangata ng chichirya.
Mabilis na pumasok sa kukote ko ang mga nangyari kahapon. Pahapyaw kong hinawakan ang labi ko. Hindi ako pinatulog kaiisip kung anong ibigsabihin no'n. Hindi rin ako makatulog sa pag-aalala dahil kahit sa pagpikit ay hindi mawala ang bilis ng tibok ng puso ko.
"Huwag kang magmaang-maangan sa'kin, Eka, please. I know what I saw." Nakangisi ito.
"Alam ni Claire?"
"Bakit? Dapat niya bang malaman ang secret affairs niyo ni Ralph?"
Hindi ko pinansin ang pang-aasar niya at yumuko na lang.
Ligtas akong nakabalik sa dorm kahapon dahil kay Tam. Kahit alas tres na ng madaling araw ay pinagmaneho niya pa rin ako pauwi. Hindi na rin kami gaano nakapag-usap ni Tam, parehas lang kaming tahimik no'n sa biyahe, parehong pagod.
"Gaano kayo ka-close ni Ralph para ihatid ka niya papasok sa trabaho mo?" Ayaw talagang magpaawat ni Heidi. Alam kong hindi siya titigil hangga't wala siyang nakukuhang bagong "tea."
Gaano nga ba kami kalapit ni Ralph kagabi para magtama ang mga labi namin?
"Sinong naghatid?"
Halos mabilaukan si Heidi nang makita ang anino ni Claire sa likod namin. May bitbit itong isang basket ng grocery. Pansin ko pang masama lang ang tingin sa amin ng Ale sa likod. Pumila na kasi kami agad habang hinayaan si Claire na mamili ng grocery para naman mabilis kaming makabayad. Sa ganito kahabang pila kasi ay baka abutin pa kami ng alas dos ng hapon.
"Wala, 'yung jowa ko, hinatid ako kagabi," pagpapalusot ni Heidi para sa'kin. Tinignan niya ako na nagsasabing may utang akong kwento sa kanya. Mukhang naniwala naman si Claire dahil hindi na siya nagtanong pa.
Nakaiinip maghintay sa napakahabang pila pero napunuan naman 'yon ng kadaldalan ni Heidi. Napakarami niyang kwento tungkol sa mga adventures nila magkakaibigan. Minsan nga'y naiinggit ako sa kanya, may kaibigan pa siya bukod sa aming dalawa ni Claire.
♣♦♥♠
"Una na kayo, ako na bibili ulam natin," pag-volunteer ni Claire nang tumigil kami sa tapat ng carinderia. Sikat ang carinderia na ito sa street namin dahil sa masasarap na luto sa murang halaga, pang-student budget talaga. Kaya nga't kahit alas onse y media pa lang ay abot na sa kalsada ang pila.
"Hindi na, hintayin ka na lang namin," suhesyon ko.
"Sure kayo? Ang init ng araw, oh?"
Totoo naman ang sinabi ni Claire, sobrang tirik ng araw akala mo'y babagyo kinabukasan. Ayoko lang talagang maiwan kasama si Heidi dahil ipapaalala niya na naman ang mga nangyari sa'kin kagabi.
"Tara na, Eka." Kinindatan pa ako ni Heidi bago niya ako hilahin palayo.
Pagkapasok namin sa kwarto ay agad niya akong tinulak paupo sa kama, ni hindi ko pa nga naibaba ang pinamili naming grocery.
"Now, spill the tea." Nakapamewang pa ito.
"Anong tea?" Sinubukan kong tumayo pero nauntog lang ako sa rehas ng kama sa itaas ko.
"Magkukwento ka o sasabihin ko kay Claire ang na-sight ko kahapon?"
Dahil sa blackmail niya ay wala akong nagawa kundi ikwento ang lahat ng pangyayari. Simula sa kung paano ko natapunan si Ralph ng sisig sa damit hanggang sa pagsagip niya sa'kin sa parehong holdaper at manyak. Ang resulta ng lahat ay kailangan ko siyang samahan sa kasal ng kapatid niya. Siyempre hindi ko na sinama pa ang mga pangyayari kagabi dahil alam kong mas lalong magigimbal ang isip ni Heidi.
Nagulat ako nang madali siyang kumaripas ng takbo at hinalungkat ang baul sa ilalim ng kama niya. "Naalala mo pa 'yung sinulat natin dati?" pagtatanong niya sa pagitan.
"Alin?" Pilit kong inaalala ang tinutukoy niya.
"'Yung signs, duh!"
Bago ko pa mabalik sa isipan ko ang lahat ay may nilabas na itong lukot na piraso ng notebook at nilagdaan ng check mark ang unang pangungusap. "Mukhang si Ralph na ang the one mo? Tinulungan ka niya sa holdaper, tapos sinagip pa sa manyak."
"Pwede ba? Coincidence lang ang lahat. At saka, isa pa lang ang nangyayari sa listahan."
"One week pa lang naman kayong magkakilala, e." Ngumisi ito. "Malay mo next week, mangyari na ang pangalawa."
"Neknek mo, Heidi. Hindi ba sa inyo na rin nanggaling na playboy siya? Baka pinaglalaruan niya lang ako."
Dahil sa pang-aasar niya baka tuluyan pa akong mahulog sa adik na 'yon. At kamumuhian ko ang sarili ko kapag nangyari 'yon.
"Not unless ikaw ang magpapabago sa kanya."
"Wala tayo sa fairytale, hindi mangyayari 'yan."
"Para saan pa ang rehabilitation kung hindi mo bibigyan ng chance magbago ang isang tao?"
Hindi ko na lang siya sinagot at inayos na ang pinamili namin. Ako lang ata ang nasa realidad sa aming dalawa.
♣♦♥♠
Nangangatog ang mga binti ko habang nakaupo sa loob ng opisina ni Sir A. Ito ang pangalawang beses na pumasok ako sa opisina niya na alam kong malalagot ako, dahil may ginawa akong kasalanan. Akala ko'y totoo na pinagpaalam ako ni Ralph. Pero ano nga bang aasahan ko sa lalaking 'yon? Adik na nga, sinungaling pa.
Kinakabahan ako dahil baka isumbong niya ako kay Mr S. Strike two na ako. Paniguradong ipapatawag na ako ni Mr. S sa main branch sa QC.
"Quisumbing."
Agad akong tumayo nang marinig ang boses niya. Pinanood ko lang siyang umupo sa swivel chair sa likod ng lamesa.
"Alam mo na siguro kung bakit kita pinatawag."
Tumango ako habang nakakapit lang sa laylayan ng half-apron na suot. Sa loob nito ay ang usual jeans at black polo-shirt na uniform namin.
"S-sorry, Sir."
"Hindi ba't nasa policy natin na bawal umabsent kung walang advance notice? Baguhan ka lang ba para umabsent on a Saturday night?!"
Hindi ko man tignan alam kong kita na ang ugat nito sa noo sa galit.
"P-pasensya na talaga, S-sir. Emergency lang." Nag-isip ako ng idadahilan ko. Humanda talaga sa'kin ang Ralph na 'yan.
"Double shift ka ngayong gabi."
Nanlaki ang mata ko at inangat ang ulo ko sa kanya. "P-pero may pasok po ako bukas."
"I don't care! Get back out there."
Umalis na ako bago pa niya ako masaktan. Napakademonyo niya talagang boss. Mas gusto ko pa si Mr. Samael dahil kahit papaano ay mahinahon niyang kinakausap ang mga empleyado niya. Hindi katulad ni Sir A na galit ata sa mundo.
"Erica! Table three," sigaw ng co-waiter ko. Tinuro niya 'yung tray na naglalaman ng isang bote ng rum at tatlong baso na may mga yelo.
Sunod akong pumunta sa table three. Malayo pa lang ay tanaw ko na ang tatlong lalaking masayang nagtatawanan sa table na 'yon. Bumalik na naman ang mabilis na tibok ng puso ko nang makita ang pamilyar na bulto ni Ralph. Sa tabi niya ay si Steven at isang lalaki na hindi ko kakilala subalit pamilyar ang mukha.
Hinigpitan ko ang paghawak sa tray at humingang malalim bago lumapit sa kanila.
"Here's your order." Binigay ko ang pekeng ngiti.
"Oh, Erica, we were just talking about you," ani ng isang lalaki.
Bakit nila ako pinag-uusapan?
"We haven't officially met, I'm Adrian." Inilahad niya ang kamay sa'kin kasama ang palakaibigan na ngiti.
"Erica." Dahil customer siya at lagi siyang tama, nakipagkamay ako sa kanya. Baka magsumbong pa sila kay Sir A at tuluyan na akong mawalan ng trabaho. Mahirap pa naman maghanap ng part time job ngayon.
Nahagip ng mata ko si Ralph na nakangisi lang sa'kin kaya't agad kong binaling ang tingin sa ibaba. Naalala niya kaya ang nangyari kagabi?
"Why won't you stay with us for a while?" pag-alok ni Adrian na hindi pa rin tinatanggal ang kamay sa akin. Kakaiba na ang tingin sa mga mata niya.
"Hindi po pwede, Sir. Sorry," paumanhin ko rito.
Kung ibang waitress siguro ay pumapayag sa ganitong mga alok ng customers, pero hindi ako.
"Let him go, Adrian. May trabaho pa siya." Pagtatanggol sa akin ni Steven, banayad niya akong nginitian.
Akmang aalis na ako nang hilahin muli ni Adrian ang kamay ko at nagsalita. "How about this, you stay with us and I'll tell A to remove all your offenses?"
Paanong pati siya ay kilala si Sir A? Napag-isip-isip tuloy ako sa sinabi niya. Pero hindi ako ganoong klaseng tao, hindi ako bayaran.
Tinanggal ko muli ang kamay niya sa'kin. "Enjoy the ---"
Hindi ko natapos ang sasabihin dahil naramdaman ko ang paglapat ng kamay ni Adrian sa hita ko. Hindi ko alam kung bakit wala akong reaksyon. Hindi ako makagalaw at tinitignan lang ang mga daliri niya na gumuguhit sa maong pants ko.
"Stop it, Aid," pag-utos sa kanya ni Ralph. Nawala agad ang kamay ni Adrian sa akin. Papasalamatan ko sana si Ralph kung hindi lang dahil sa sunod niyang sinabi. "She's not your typical fun waitress. She'll just bore us out. Wala siyang ibang alam gawin sa buhay aside from completing her homework after waiting tables and preparing alcoholic beverages that's not even for her. I don't even think she has ever felt euphoria. It is absolutely saddening to see her die not experiencing pleasure, at all." Nakatitig lang si Ralph sa'kin, ni wala akong nakikitang emosyon sa mata niya. Kahit hinuha ng pagsisisi sa masasakit na salitang sinambit niya ay wala siyang maipakita.
Akala ko pinagtanggol niya ako. Ayaw niya lang palang maungusan ng kaibigan sa pambababoy sa'kin.
"Alam mo, Ralph, kung ang definition mo ng fun, pleasure, at euphoria ay ang itakwil ng sariling mong pamilya, mas gugustuhin ko na lang na walang maramdaman, at all."
Bago pa may tumulo na luha sa mata ko ay tinalikuran ko na sila. Hindi ako makapaniwalang nasagot ko siya pabalik na hindi man lang pumiyok ang boses ko. Hindi ako makapaniwalang nakaramdam ako ng pagkaawa sa kanya. Mukhang bagay lang talaga na maranasan niya ang kung ano mang problema ang kinakaharap niya.
Pagbabalat-kayo lang talaga ang pinakita niyang kabaitan sa'kin. Tunay ngang pinaglalaruan niya lang ako. Ngayon ay sisiguraduhin kong nakatatak sa'king isipan na lahat ng galaw niya ay kasama sa plano niyang pagtripan ako.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top