Chapter 1 • The Heroine
NAGSISINUNGALING AKO kapag sinabi kong maayos akong nakatulog kagabi. Bukod sa unang araw ng klase ngayon, minalas pa ako sa isang customer kagabi. At hindi lang siya kung sinong customer, napag-alaman kong sikat siya sa mga katrabaho kong matagal nang empleyado ng Samael's. Hindi lang 'yon, mukhang kakilala pa siya ng bisor ko at ng may-ari.
"Ito na ba 'yung room?" Bumalik ako sa realidad nang magsalita si Claire, ang best friend ko simula pagkabata.
Pangalawang taon na namin sa kursong Business Management major in Financial Management. Pangalawang taon ngunit sa paningin ko ay iba pa rin ang lahat ng nakakasalamuha. Pakiramdam ko ay hindi pa rin ako tinuturing na kasapi ng mga kapwa mag-aaral dito sa University.
Naalala ko pa kung gaano kataas ang talon ko nang mabasang nakapasa ako bilang scholar sa isa sa malalaking unibersidad sa Pilipinas; kung paano ko pinangarap na maiangat sa kahirapan ang pamilya ko dahil magsasaka lang si Papa. 'Yung kinikita niya ay kulang pampaaral sa'ming dalawang magkapatid. Kaya anong ligaya ko nang malamang pumasa ako.
Naalala ko rin ang pagpilit ni Claire sa pamilya niya na pag-aralin siya rito upang magkasama kami. Ayaw kasi nitong mapalayo sa akin. Kilala ako ni Claire at alam niyang hindi ako magaling makihalubilo sa mga estranghero. Sabi pa nga niya, mga tipo ko ang target ng mga snatcher. Kaya sinamahan ko siyang magmakaawa sa mga magulang niya na pag-aralin kami sa Maynila, kahit pa alam kong hindi gano'n kalaki ang kinikita nila.
Dream come true ba? Para siguro sa iba. Kasi ngayon ay namumulat na ako kung gaano kahirap mag-isa sa Maynila. Nakatira kami ni Claire sa isang dormitoryo kasama ang isa pang estudyante ng university. Naghahati kami sa bayad at araw-araw na gastusin. Upang may maibigay ako kada buwan ay nagtatrabaho ako sa Samael's bilang waitress.
Nami-miss ko na ang Nueva Ecija kung saan ako lumaki at hinubog ang aking pagkatao, kahit pa kagagaling ko lang do'n nitong Sabado. Pumasok sa'king isip si Papa at ang bunso kong kapatid. Lagi kong pinagdarasal na nasa mabuti silang kalagayan lalo pa't apat na buwan pa ulit bago ko sila masilayan.
"Two, zero, four. 'Yan na nga!" Kabaligtaran ng reaksyon ko ang nararamdaman ngayon ni Claire. Bakas na excited siya para sa panibagong yugto ng aming buhay.
Para kasi sa kanya panibagong chance ito upang magkaroon kami ng kaibigan. Hanggang ngayon kasi ay ang isa't isa pa lang ang kaibigan namin.
Akmang hahawakan ni Claire ang busol ng front door subalit pinigilan ko siya.
"Sa likod na tayo dumaan," mahinang pakiusap ko sabay karipas ng tingin sa dulong pintuan.
Hindi ko kasi gusto ang pagiging tampulan ng tingin. Kapag maraming mata ang nakatingin sa akin pakiramdam ko'y hinuhusgahan na nila ako. Parang hinahanapan ako ng butas upang mapag-usapan. Sabi ni Claire nasa isip ko lang 'yon. Huwag ko raw masyadong damdamin ang iisipin ng iba tungkol sa akin. Ngunit, magkaiba kami ni Claire. Takot akong magkamali at mahusgahan lalo na't maraming nagmamatyag sa paligid. Kaya siguro pinipilit kong maging perpekto.
Bago ko pa mahila si Claire sa kabilang dulo ng hallway ay may nagbukas na ng pintuan. Wala kaming nagawa kundi pumasok.
Napatingala ako dahil hindi ko akalaing pa-angat pala ang estilo ng classroom, parang sa mga napapanood kong Korean novela. Patago akong napangiti. Nabawi kaagad iyon nang sa mismong front row umupo ang matalik kong kaibigan.
"Pwede naman sa gitna, bakit sa unahan pa?" agad kong tanong kay Claire pagkatapos kong ibaba ang gamit.
"Hindi ba't malabo ang mata mo?"
Inangat ko ang salamin na suot gamit ang hintuturo. Tama siya. Pangatlong taon ko na atang hindi napapalitan ang salamin na 'to. Wala pa kasi kaming sapat na pera pamalit. Kaya heto, kahit may salamin ay napakalabo pa rin ng tingin ko.
"Kita ko pa rin naman sa bandang gitna," pagdadahilan ko. Hindi ako inintindi ni Claire at pinagmasdan niya lang ang kabuuan ng kwarto na siya ring ginawa ko.
Pakurba ang estilo ng glass board sa harapan; may isang teacher's table sa gitna- tinitignan ko pa lang ay kinakabahan na ako. Hindi ko alam kung halimaw o anghel ang uupo roon mamaya. At iyon ang pinakanakakatakot sa lahat, ang walang kasiguraduhan sa nilalaman ng hinaharap.
Napalingon ako sa aking likuran dahil sa tawanan. Mukhang magkakakilala na ang mga kaklase namin. Subalit, karamihan pa rin sa kanila ay nakatutok sa kanilang cellphone. Gaya ni Claire, nanonood na naman ng Korean drama niya.
Makalipas ang limang minuto ay malapit nang mapuno ang classroom. Ngunit pati ata ang pantog ko ay mapupuno na. Tatlong minuto na lang bago tumunog ang bell. Hindi ko alam kung ilalabas ko na ba 'to o magtitiis ng isa't kalahating oras.
Malakas akong bumuntong hininga. Hindi ko na talaga kaya. Tumayo ako at nagpaalam kay Claire na kailangan kong magpunta sa CR.
Puno ng estudyante sa labas. Maraming mga nakaharang sa daraanan dahil nakikipagkwentuhan sa kaibigan nilang matagal na hindi nakita. May mga katulad ko na nagpapatintero, ang ilan ay mga freshmen na ang kukupad lumakad dahil kada classroom ay tinitignan.
"Dali, dali, dali," bulong ko sa sarili habang nag-iisip kung sisingit na ba ako sa taong nasa harap. Ang babagal kasi nila maglakad, gusto nang lumabas ng ihi sa pantog ko.
Nakahinga ako nang maluwag nang makarating ako sa tapat ng ladies' room. Ngunit nawala ang ngiti sa'king labi nang makitang ang haba ng pila sa loob. Para bang may enrollment ng alternative class.
Paulit-ulit kong pinapadyak ang aking paa. Nagdarasal na sana hindi ako mapaihi sa sariling sal'wal, habang pinagmamasdan ang oras sa relo. Alas siete na. Paniguradong nandoon na ang professor namin. Ayokong bumalik sa klase na ganito ang pakiramdam.
Napagdesisyunan kong lumabas muna ng CR upang makahinga-hinga. Masyadong kulob sa loob, bukod sa andaming nakapila, parang hindi naman pinagpapawisan ang mga nagre-retouch. Sakto ay tumunog ang bell, hudyat na simula na ng semester.
Aalis na sana ako nang mapunta ang atensyon ko sa kasunod na pintuan- men's restroom. Pupwede namang gumamit do'n hindi ba? Mayroon din namang cubicle sa loob.
Kumukontra ang utak ko sa gustong gawin ng pantog ko. Akmang iaangat ko na ang paa palayo sa CR nang may lumabas na babae mula roon.
Katulad ko rin kaya siya na hindi kinaya ang pila sa pambabae?
Nagtaka pa ako dahil masyadong magulo ang buhok at wala sa ayos ang pencil skirt niya. Isinawalang bahala ko ang ayos ng nakasalubong na babae at nagmadaling pumasok sa men's restroom.
"One minute lang," saad ko pa sa sarili habang hinihiling na walang makahuli sa akin.
Subalit huli na ang lahat. Pagkabukas ko ng pinto ay may isang lalaki ang nagsusuot ng kanyang polo. Nagtama ang mata namin, parehas na gulat at nalilito sa nangyari.
Madali niyang inalis ang tingin sa mata ko at pinagpatuloy ang pagbubutones ng uniporme. Bago pa siya matapos ay nakita ko ang pamilyar na tattoo sa kanyang dibdib. Pale red ang kulay ng ahas ngunit nakakatakot tignan, katulad nitong lalaking nasa harap ko.
Tumaas ang balahibo sa'king binti. Hindi naman siya 'yung customer kahapon, diba? Gaano kataas ba ang tyansa na may kapareho ang isang tao ng tattoo sa parehas na parte ng katawan?
Tinignan ko ang mukha niya; hindi nakalaylay ang buhok niya ngayon kaya't mas lumiwanag ang sugat niya sa labi at ilalim ng mata. Pamilyar din ang maninipis na facial hair sa kanyang baba papunta sa ilalim ng kanyang panga. Tumatak sa isip ko ang maliit na silver piercing sa kilay niya.
Siya nga ang lalaki kahapon. Ang lalaking sumira ng gabi ko.
Paanong estudyante pa rin siya dito samantalang mukhang ang tanda na niya?
Para namang hindi ako nakilala ng lalaki. Wala kasi itong imik at tahimik lang na binibihisan ang sarili na siyang pinagtataka ko. Bakit siya nakahubad samantalang may babaeng kalalabas lang?
Nang matauhan ako ay bigla namang may nagbukas ng pintuan. Isang janitor ang pumasok at masama lang ang tingin sa amin.
"K-kuya, mali ka ng iniisip!" Pagpapaliwanag ko sa kanya. Alam ko kung ano ang nasa isip niya. Isang lalaking inaayos ang polo at isang babae sa loob ng men's restroom, talagang kakaiba ang maiisip niya. Pero gusto kong ipaliwanag na mali siya, gusto kong ipaglaban.
Nakarinig ako ng mahinang tawa mula sa kaninang lalaki. Mapang-asar ang tawa nito, ramdam ko. Umiiling pa ito sa sariling repleksyon habang inaayos ang collar ng polo.
"Kung mali siya ng iniisip, then what are you doing here?" Nakangisi ang repleksyon niya sa akin.
Para bang umurong ang nararamdaman kong ihi sa katawan at napalitan ng inis sa lalaki. Wala akong nagawa kundi padabog na umalis. Kahit walang patotoo sa sinabi ay nakokonsensya ako.
Madali akong bumalik sa classroom. Sa likod na pintuan ako dumaan upang hindi magambala ang klase. Pansin ko naman ang lahat ay nakatingin lang sa harap, nagsasalita na ang professor namin. At mukhang galit ito.
"First day of classes and you are late."
Nangyari na ang kinakatakutan ko. Lahat ng kaklase ko ay lilingon sa'kin. Iisipin nila na batugan akong mag-aaral. Paniguradong wala nang gustong kumaibigan sa akin nito. Sabi pa naman ni Claire na mahalaga ang first impression. Pinaghandaan ko pa naman ang araw na 'to, ngunit hindi ko inaasahan ang paninira ng maliit kong pantog.
"What's your surname?" Ma-awtoridad ang pananalita ng professor namin. Kahit babae ito ay hindi ka magdadalawang-isip na hindi sundin ang utos niya. Maliit lang siya ngunit palaban ang boses. Kitang-kita sa repleksyon ng mata niya na napagdaanan niya lahat ng pagsubok sa mundo nang mag-isa.
Ibubuka ko pa lang ang bibig ko nang may nagsalita sa bandang dulo ng kwarto. "Real," umalingawngaw ang malamig niyang boses.
Nang makita ko kung sino ay agad kong minura ang tadhana, kahit pa hindi ako nagmumura.
"Siya na naman?" 'Yung customer kahapon na natapunan ko, 'yung lalaki sa men's restroom, at ngayo'y kaklase ko na rin.
"Sit at the third chair." Tinuro ni Ma'am ang bakanteng upuan sa pangatlong row.
"How about you, Miss..."
"Quisumbing po." Medyo nanginginig pa ang boses ko.
"Sit beside Mr. Real."
Tumango ako. Kahit hindi ko gusto ay kailangan kong umakyat ng baitang upang pumunta sa bakanteng upuan. Mukhang alphabetical ang seating arrangement. At mukhang wala akong kawala sa seatmate ko.
"This is a warning for you two. I don't tolerate late comers in my class."
Napalunok ako. Wala akong ibang matignan kundi ang sahig. Ayokong tignan ang professor namin dahil alam kong nagliliyab ang mata niya sa amin. Ang mga kaklase ko ay paniguradong hinuhusgahan na ako. At itong katabi ko ay hindi ko matignan dahil sa pangyayari kahapon at kanina.
Dumaan sa balat ko ang malamig na hanging binubuga ng aircon mula sa kisame. Eksaktong sa ibaba pa talaga ng inuupuan ko ito nakatapat. Talagang nananadya ang tadhana ngayon. Mas lalo tuloy akong hindi makapokus sa sinasabi ng professor namin.
Hindi ko maiwasang hindi tumingin sa tabi ko nang makalanghap ng amoy sigarilyo. Nakayuko lang siya sa armchair. Para siyang kumain ng isang kahang sigarilyo sa amoy niya. Para akong nasa RestoBar ulit. Sigurado ba siyang naligo siya?
Mukhang ang isang 'to ay isa sa mga antisocial na walang pakialam sa sasabihin ng iba. Walang empatya, hindi marunong makiramdam, at gagawin lang kung anong nakabubuti sa sarili niya.
At ang lalaking uri niya ang pinakakinaiinisan ko sa lahat.
♣♦♥♠
Hindi ko alam kung anong meron sa pangalang Ralph Real at inuuga na ako ni Heidi para bigyan siya ng detalye.
"Katabi ko lang siya," pang-anim na beses ko na atang saad.
Si Heidi ang isa pa naming kasama ni Claire sa dorm na tinitirahan. Dalawang taon ang tanda niya sa amin at graduating na siya ngayong taon ngunit ayaw niyang ina-ate siya, nagmumukha raw kasi siyang matanda.
"Kung bakit ba kasi walang ibang apelyido na pwedeng mamagitan sa'min!" Hindi ko namalayang napalakas ang bigkas ko.
"Bakit? Ayaw mo sa kanya?" Tila ba nang-aasar pa si Heidi. Samantalang si Claire ay dahan-dahang bumababa sa kama sa itaas ko. Double-decker ang tinutulugan namin dito sa dormitoryo. Si Heidi naman ay mag-isa lang sa single bed katapat namin.
"Amoy usok kaya siya," dahilan ko. Kahit pa hindi lang 'yon ang dahilan. "At saka ikaw na nagsabi, diba? Ex-convict siya," dagdag ko.
Ang chismis kasi sa amin ni Heidi ay dating nakakulong si Ralph. Mukhang nahuli daw itong nagda-drugs sa loob ng university. Pero wala namang patotoo sa balita ni Heidi, maging siya ay narinig lang 'yon.
"At repeater. Hindi ba dapat graduate na siya ngayon?" Pagtatanong naman ni Claire.
"'Yan ang ayon sa narinig ko."
"Bakit sikat na sikat 'yang Ralph Real?" Pagtataka ko. Hindi ko maunawaang maigi anong meron sa kanya upang pag-usapan nang gano'n.
"Ikaw kaya, mag-adik ka sa university tapos pinayagan kang maka-enroll, hindi ka ba sisikat?" ani Heidi habang pinagmamasdan ang kuko nito. Mukhang balak niya na namang pinturahan iyon ng nail polish.
"Sabagay." Napatango ako. "Edi binayaran niya ang university?"
"Ikaw ang nagsabi niyan, hindi ako," wais nitong sagot.
♣♦♥♠
Hanggang ngayong nasa trabaho ay hindi maalis ang sinabi ni Heidi sa amin ni Claire. Mas lalo tuloy akong natakot sa lalaking 'yon. Pinagkakautangan ko pa man din siya. Sana hindi niya maalala. Sana hindi na siya bumalik dito.
"Hoy, Erica, dalhin mo 'to sa table number three," utos sa'kin ng katrabaho kong nakatambay sa likod ng counter.
Kinuha ko ang pabilog na tray na may lamang sizzling sisig bago naglakad papunta sa table malapit sa madilim na stage. Pagsapit ng alas nuebe ng gabi ay nagliliwanag ito, may mga banda o soloista na nagpe-perform hanggang sumapit ang ala una.
Nasa table three lang ang tingin ko. Nakatalikod sa'kin ang mga customer na nakaupo sa pabilog na couch. Masasabing isa ito sa mga VIP area dahil bukod sa kaharap mo ang stage, komportable pa ang inuupuan mo.
Dahan-dahan kong binaba ang sizzling plate sa mababang table. Bawat hakbang ay binibilang ko upang masigurong hindi na mangyayari ulit ang nangyari kahapon. Ayokong mapagalitan ulit, baka tuluyan na akong bigyan ng complaint.
Oo, hindi ako binigyan ng complaint ni Ralph Real. Akala ko'y pagkalabas niya ng locker room ay dumiretso itong opisina ng manager ko. Laking gulat ko nang sinabihan ako ni Sir na walang pinirmahang papeles ang lalaki. Pero alam kong hindi ako basta-basta pakakawalan ni Ralph Real. Alam kong sa mga susunod na araw ay unti-unti niya akong babawian dahil lang nadumihan ko ang puting t-shirt niya.
"Enjoy the night!" Bati ko sa tatlong customer na mukhang iba naman ang pinagkaka-abalahan. Ang dalawang babae ay nakahawak lang sa dibdib ng lalaking nasa gitna.
Napapailing talaga ako sa mga rated SPG na nasasaksihan ko rito. Ibang-iba talaga sa probinsya. Iba ang "party" sa amin. Hindi tulad dito na dapat ang mga babae ay maiiksi ang suot at ang mga lalaki ay nakabihis dominante. Sa amin ay ayos na kahit nakapambahay ka lang. Simula bata hanggang sa matanda ay imbitado sa sayawan, 'yon nga lang ay may tiyak na oras para sa bawat edad.
Sabagay, hindi rin naman ako mahilig makihalubilo. Kahit pa may piyesta at sayawan sa amin ay hindi ko gustong lumahok. Napipilit lang ako ni Claire minsan.
Umalis na ako sa harap nila dahil pinanlilisikan na ako ng mata ng lalaki. Para bang hinihintay talaga nito ang pag-alis ko upang magawa na nila ang pinunta nila rito.
"Bakit hindi na lang sila mag-rent sa motel?" Bulong ko. Dahil sa inis ay wala na naman ang atensyon ko sa dinaraanan at may nabangga muli. This time, wala nang laman ang tray.
"S-sorry po," paumanhin ko. Napahawak ako sa aking balikat dahil masakit ang impact ng tray nang tumama iyon sa akin.
"If it isn't the absent-minded, Betty La Fea." Pamilyar ang boses niya. Bumalik sa utak ko ang mga nangyari simula kahapon hanggang kanina. Ang tinig niya ang naging hudyat ng kabang nararamdaman ko.
Agad ko siyang tiningala.
Si Ralph Real.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top